.

Chapter 24

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Thursday, July 16, 2015

***

Dylan’s POV
 
Binabaan ako? Ayos, ah. Pero ano raw? I better ask myself why? Dahil ba sa ginawa kong pananakot kanina? Masyado ba siyang nainis kaya ayaw na niyang umuwi? At talagang si James pa ang sumagot sa tawag. Bahala sila, tutal mag-best friend naman daw sila.
 
Tsk. Kung kailan naman kailangan ko ng kausap.

Dapat ay uuwi ako ngayon pero hindi ko na itinuloy dahil sa message ni Mei. She said that she couldn’t do it, after all. She couldn’t forget about James and she’d feel bad if she ended up hurting me. Alam ko. Tanggap ko na ‘yon, matagal na pero sinubukan ko pa rin. Sumugal ako dahil ayaw kong sayangin ang pagkakataon. Gusto ko siyang pasayahin pero mukhang hindi ako ang makapagbibigay no’n sa kanya. 
 
Hindi ako umuwi dahil ayaw kong makita ako ni Ate. Malakas pa man ding makaramdam ‘yon kaya madali niyang malalaman kung ano ang problema ko. Bumalik ako rito at dahil ayaw kong magmukhang malungkot ay naisipan kong pag-tripan si Lyka. Ilang beses ko na siyang tinakot pero hindi ko naman akalaing kakagat pa rin siya sa mga pananakot ko. Hindi ko alam na iiyak siya.

Hindi ko rin inaasahan na ibabato niya ako sa sahig. My back throbbed in pain but I deserved that. Mas gusto ko pang masaktan nang pisikal kaysa ganito. Kaysa hindi ko alam kung saan o bakit masakit.

Pumunta rin sa unit si James at inilabas niya si Lyka. Bigla ko tuloy naisip kung may gusto ba siya sa kanya at hindi lang kaibigan ang turing niya kaya hindi niya pinili si Mei. May gusto rin ba si Lyka sa kanya? Pero paano naman si Mei? Gusto kong magalit sa kanya pero hindi ko magawa dahil ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin.

Hay, ang gulo ng buhay! Makatulog na nga lang. Bukas, babalik din sa dati ang lahat.

***
 
Lyka’s POV
 
Napabalikwas ako nang bangon dahil sa panaginip ko pero nagulat ako nang makita kong wala ako sa unit ko. Teka, ang huling alala ko . . . OH MY GOD. Nakatulog ako pagkatapos no’n?

Lumabas ako sa kwarto at napasigaw naman ako nang makasalubong ko si James.

“Gising ka na pala,” bati niya. “Gusto mong kumain?”

“Dito ako natulog?” sabay turo ko sa kwarto niya. “Saan ka natulog?”

“Oo. Alangan namang patulugin kita sa sofa?”

Naalala ko naman ang nangyari kagabi at bigla akong nahiya nang makita ko ang benda sa tuhod ko. Ang tanga ko naman kasi. Hindi ko nakita ‘yong huling step kaya dumiretso ako sa lapag at nagasgas ang tuhod ko. Buti nga at ‘di ako pinagtawanan ni James. Kung siguro si Dylan ang nakakita ay namatay na ‘yon kakatawa.

Inaya naman niya akong kumain kaya sabay na kaming bumaba. Tinulungan ko na rin siyang magluto at ako ang nagsangag ng kanin, habang siya ang nagprito ng itlog at ham. Hinain naman sa lamesa ang mga pagkain at tahimik na kumain. Noong patapos na kami ay bigla naman siyang nagtanong.

“Nga pala, nag-review ka na ba? Finals na next week, which is, bukas na.”

Nabulunan ako nang marinig ko ‘yon at inabot naman niya sa akin agad ang baso ng tubig. Doon ko narealize na ang lakas ng loob kong mag-drama kahapon pero hindi pa ako gaanong nakakapag-aral. Buti na lang at isang subject lang ang ite-take ko dahil exempted ako sa iba.

“Hindi pa ako nag-aaral,” sabi ko naman at tinawanan niya lang ako.

“Huwag kang mag-alala, ako rin. Sabay na tayong mag-review?”

“Sige. Babalik muna ako sa unit para kunin ang notes ko.”

“Kaya mo ba?” tanong niya habang nakatingin sa tuhod ko.

“Sus, kayang-kaya.”

“Sure? Ang lakas kaya ng iyak mo kaga—”

“Sige, ituloy mo ‘yan, ibabato ko sa’yo ‘tong tinidor!” sigaw ko dahil bini-bring up niya pa ang kahihiyan na ginawa ko kagabi. Buti na lang at tumahimik siya.

Tumulong ako sa paghuhugas ng pinagkainan namin at pagkatapos no’n ay umalis na ako. Medyo binagalan ko ang paglalakad dahil masakit pa rin ang tuhod ko at hindi ko masyadong ma-bend. Siguro ay kalahating oras ang lumipas bago ako nakauwi.

“Bakit ngayon ka lang?!”

Napasigaw naman ako dahil pagbukas ko ng pinto ay nakatayo sa harapan ko si Dylan habang nakatingin sa akin nang masama. Nakakainis talaga ang lalaking ‘to!

“Ano bang problema mo sa buhay, ha?!”

“Bakit ngayon ka nga lang? Sagot!”

Tss. Kung maka-asta naman ‘to, akala mo unit niya talaga ‘to. Ang sarap ipaalala sa kanya na ako pa rin ang totoong nagre-rent dito pero panigurado ay isusumbat niya ang utang ko na hanggang ngayon ay ‘di ko pa rin nababayaran.

“Bakit ba? Tss. Kukunin ko lang notes ko at aalis ulit ako. Tabi nga!” sabay tulak ko sa kanya.

“Aba. At saan ka pupunta? Kina James ulit?”

“Oo. Bakit, may problema?”

Hindi naman agad siya nakasagot kaya iniwan ko siya ro’n pero bigla naman siyang sumigaw ulit.

“H-hindi pwede!” sabay harang niya sa pintuan sa kwarto.

“At bakit?”

“Duty mo ngayon,” sabi niya pagkatapos ay tumingin siya sa kusina. Kung hindi lang ako injured ay baka nasa sahig na naman siya ngayon.

“Hindi naman ako kakain dito so ikaw na bahala sa sarili mo,” sagot ko at lumusot ako sa ilalim ng braso niya pero binaba niya ‘yon at gumalaw siya kaya natamaan ng binti niya ang tuhod ko.

Napasigaw ako at tinignan ko siya nang masama. Nabaling naman sa tuhod ko ang tingin niya at bigla siyang umupo kaya nagulat ako. Aatras na sana ako pero hinawakan niya ang binti ko at nanigas naman ako sa pwesto ko.

“Anong nangyari sa’yo?” sabay tingala niya at umiwas naman ako ng tingin.

“W-wala.”

“Nadulas? Nadapa? Nalaglag?”

“B-basta!”

“Si James ang naglagay nito, ‘no?” saka niya tinuro ang benda. “Halatang-halata. Hindi talaga siya marunong.”

Tumayo naman siya at hinila niya ako papunta sa kwarto. Para namang nalunok ko ang dila ko dahil hindi ako makapagsalita. Ang alam ko lang, sobrang lakas ng tibok ng puso ko at nakatingin lang ako sa kamay niya na hawak ang kamay ko. 

Pinaupo niya ako sa kama ko at kinuha niya ang first-aid kit sa supplies niya. Tinanggal niya ang benda at nilinis niya ulit ang sugat ko. Sana nga lang ay hindi siya tumingin dahil pakiramdam ko ay sobrang pula na ng mukha ko sa hiya at kaba.

Habang nilalagay niya ang benda ay tumingin siya sa mukha ko kaya napayuko ako.

“Quits na tayo,” sabi niya at naalala ko naman ang paggamot ko sa nahiwa niyang daliri noong pinagluto niya si Mei. Bigla tuloy akong nainis.

Tumayo naman na ako at kinuha ko ang notebook at reviewer ko. Nilagay ko ang mga ‘yon sa maliit kong backpack.

“Teka, seryoso kang aalis ka ulit?” tanong niya.

“Obvious ba? Magre-review nga kami.”

“Sama ako!”

“Do’n ka kay Mei sumama.”

Pagkasabi ko no’n ay natahimik naman siya kaya napatingin ako sa kanya pero agad na bumalik ang expression niya sa pagiging mapilit.

“Baka mamaya doon ka na naman matulog.” Tss. If I know, gusto niyang wala siyang kasama rito. Panigurado nag-enjoy ‘to na solo niya ang bahay kagabi.

“Bakit? Gusto mo ba na matulog ako ulit doon?”

“Ayoko.”

Napatigil ako sa paglalagay ng ballpens sa bag at hindi ko na alam kung anong gagawin ko—titignan siya nang masama, hindi magre-react, tatakbo o patuloy na maninigas. Tinignan ko siya pero hindi ko nabago ang expression ko at humarap ako sa kanya na para bang hindi makapaniwala sa sinabi niya. I was surprised that he had the same look.

“S-sino na lang manggigising sa akin bukas?!” sabay tayo niya at talikod sa akin.

Sabi na nga ba hindi dapat ako nagpapadala sa mga sinasabi niya. Inirapan ko na lang siya kahit hindi niya ako nakikita at pagkatapos kong kunin ang mga kailangan ko ay nilagpasan ko siya pero nagulat ako nang bigla niyang hinawakan ang magkabilang balikat ko.

Mabuti na lang at nakatalikod ako sa kanya at hindi niya nakikita ang mukha ko pero ramdam ko ang paghinga niya sa likuran ko. Hindi na ako makahinga nang maayos at pakiramdam ko ay lalabas na ang puso ko sa sobrang bilis ng pagtibok. Ano bang problema niya at pinapahirapan niya ako nang ganito?!

“Pwede bang dito ka muna?” bulong niya at para akong kinuryente sa bawat salitang binitiwan niya. “Stay here. Stay with me. Please.”



***