.

.

Bonus Chapter

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Wednesday, July 15, 2015

"Kamusta ka na?"

 

Hindi ko alam kung bakit pero bumigat ang pakiramdam ko noong nakita ko siya. At ito ako ngayon, kaharap ang lalaking sobra kong minahal dati, at tinatanong ako kung kamusta na ba ako.

 

"Ayos naman ako, Paulo. Ikaw?"

"Ayos lang rin naman."

 

Ito ba yung sinasabi sa akin ni Pauline lagi? Yung.. ano nga iyon? Ahh.. awkward ata. Yun nga. Bakit nga ba kasi ako pumunta rito?

 

***

 

Nandito kasi kami ngayon sa sementeryo. Dinalaw namin ng apo kong si Ryde si Dessa, yung mommy niya. Pero hindi ko naman akalain na makikita rin namin dito si Pauline.. at si Paulo. Nung makarating nga kami sa puntod ni Dessa ay napaluhod nalang ako bigla.

 

"Lola, ayos ka lang?" nakita ko naman ang pag-aalala sa mukha ng apo ko.

 

"Oo, Ryde. Ayos lang naman. Ikaw ba? Hindi mo ba pupuntahan si Pauline?" naikwento niya na rin kasi sa akin lahat. Noong una nga ay nanibago talaga ako sa apo ko. Bigla nalang siyang naging parang bato. Ang lamig niya sa mga tao. Pero naintindihan ko naman yun. Kasalanan ko 'to. Kung hindi dahil sa akin, hindi naman siya magiging ganyan. Kaya gagawin ko ang lahat, maibalik lang siya sa dati.

 

"Mamaya na lang po." tapos ay umupo siya sa tabi ko. "Kayo ba? Hindi niyo po ba pupuntahan si manong?"

"Manong? Sinong manong, apo?"

"Ahh. Yung nakasalubong po natin kanina. Lagi ko kasing nasasakyan yung jeep niya kaya pamilyar na sa akin yung mukha niya."

 

Nabigla naman ako sa sinabi niya. Iyon ba yung jeep na lagi ring ikinukuwento sa akin ni Pauline? Tignan mo nga naman ang pagkakataon.

 

"Paulo ang pangalan niya, apo. Siya yung kinukwento ko sa'yo dati. Naaalala mo pa ba? Bago pa man dumating ang lolo mo sa buhay ko, may isang lalaki akong minahal ng husto ng unang beses. At siya yun." pagkasabi ko noon ay tumango si Ryde. Mukhang may naaalala naman siya kahit papaano.

 

"Pero bakit kasama niya si Pauline?"

 

"Hindi ko rin alam, apo." nagulat lang rin ako kanina nung makita ko silang magkasama. Hindi ko nga siya namukhaan kanina, pero noong tinawag niya yung pangalan ko, naramdaman ko kaagad.. na siya iyon.

 

"Pwede po bang malaman ko ulit yung nangyari sa inyo nun? Hindi ko na matandaan yung sinabi niyo dati." sabay pagpag niya pa sa pantalon niya. Ngumiti nalang ako sa apo ko. Malamang sa malamang nga ay hindi na niya maaalala iyon. Sampung taon pa lamang ata siya noong ikinuwento ko sa kanya iyon.

 

"O sige, apo. Tutal mukhang halos pareho tayo ng kapalaran." naalala ko kasi yung mga ikinuwento sa akin ni Pauline tungkol sa apo kong si Ryde. Kapag naaalala ko iyon, hindi ko mapigilang kiligin kahit matanda na ako. Diyos ko po, naimpluwensyahan na talaga ako ni Yem apo.

 

"Po?"

 

"Wala apo. O sige, sisimulan ko na ang pagkukwento. Noong high school pa lamang ako, may lagi rin akong nakakasabay sa jeep. Hindi ko siya kilala, pero natatandaan ko yung mukha niya dahil nga lagi ko siyang nakakasabay. Tapos nagulat na lamang ako noong bigla siyang pumasok sa silid namin noong walang titser. Tapos nagpakilala siya sa akin. Ganun rin naman ang ginawa ko. Hindi nga matanggal sa labi ko ang ngiti ko noon eh. Hanggang sa dumating kami sa puntong nililigawan niya na ako. Lagi niya akong hinahatid at sinusundo, lagi niya akong sinasamahan, masaya ako kapag kasama siya, mga ganun. Oh di ba apo, ang ganda ng lola mo." nakita ko naman siya na tumawa. Namiss ko ang ngiti at pagtawa niyang iyon.

 

"At hindi nagtagal, sinagot ko na rin siya. Syempre, naging maayos naman ang relasyon namin. Mahal niya ako at mahal na mahal ko siya. Pero hindi ko akalain na sa isang iglap, maglalaho ang lahat." hindi ko alam pero naaalala ko na naman yung panahon na yun. Kung hindi sana ako sumama, sana..

 

"Nadiskubre naming may tumor na pala sa utak ang tatay ko, kaya agad-agad kaming sumugod sa mga ospital. Pero wala raw pasilidad dito sa Pilipinas ang kayang gumamot sa sakit na iyon. Kaya si mama, hindi nag-atubiling lumuwas ng bansa para mapagamot si papa. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko noon. Ayokong iwan dito si Paulo, pero gusto ko rin namang sumama kay mama dahil gusto kong suportahan si papa. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Pero nagulat nalang ako noong kinabukasan, ay mayroon na kaming passport. Ni hindi man lang ako nakapagpaalam ng maayos kay Paulo. Ni hindi ko man lang nasabi sa kanya yung dahilan ko. Nawala nalang ako bigla. Iniwan ko nalang siya bigla." hanggang sa naramdaman kong umiiyak na rin pala ako. Kapag naaalala ko iyon, hindi ko maiwasan ang hindi magsisi.

 

"Sampung taon. Sampung taon ang inabot bago tuluyang makapagpagaling si papa at makapagtayo kami ng negosyo sa ibang bansa. Pero wala akong pakialam doon. Pinilit kong magkaroon ng pera para makauwi sa Pilipinas. Kaya makalipas ang sampung taon kong paghihintay, umuwi ako agad-agad. Namimiss ko na kasi siya. Sa loob ng sampung taon, siya lagi ang iniisip ko. Siya yung dahilan kung bakit nagpursigi akong bumalik sa Pilipinas.--"

 

"Lola." napatingin naman ako sa apo ko na pinigilan ako sa pagkukwento. "I think dapat sa kanya mo yan sinasabi. Mas maganda na rin siguro na makapag-usap kayo. And I think.." tapos ay bigla na lamang siyang tumayo.

 

"... I think I need to kidnap her. Sige po, una na muna ako. Sasabihin ko na rin kay manong na pupunta ka dun." saka siya ngumiti sa akin. Tapos ay iniwan niya na ako doon. Siguro nga, tama ang apo ko.

 

***

 

At heto ako ngayon, kaharap siya, at "awkward" nga raw kuno, ayon sa mga kabataan ngayon.

Umupo ako sa tabi niya.

 

"Patawarin mo sana ako, Paulo." yan na lamang ang nasabi ko noong pagkaupo ko. Marami akong gustong sabihin, pero hindi ko alam kung saan sisimulan. Hindi naman siya umiimik, kaya sinamantala ko na ang pagkakataon para magsalita.

 

"Naalala mo pa ba nung tayo pa? Hindi ba ang saya-saya pa natin noon? Pero sino ba namang mag-aakala, na hindi pala lahat ng kasiyahan, ay walang hanggan. Iniwan kita. Ni hindi man lang ako nakapagsabi. Ni hindi man lamang ako nakapagpaalam ng maayos." heto na naman ako. Mukhang nahahawa na ako sa kadramahan ng mga kabataan ngayon. Naiiyak na naman ako.

 

"Pasensya ka na kung bigla nalang kitang iniwan. Hindi ko naman kasi akalain na.. na luluwas kami ng bansa para lang ipagamot ang tatay ko. Pero alam mo, kahit na magkalayo tayo, ikaw pa rin ang iniisip ko palagi noon. Ikaw pa rin yung mahal ko. Kaya kahit gaano kahirap kumita ng pera sa ibang bansa, ginawa ko. Para lang makauwi dito. Gusto kitang makita. Gusto kitang makasama." bumibigat na ang pakiramdam ko. Bakit ba ganito?

 

"Pagkauwing-pagkauwi ko, dumaan agad ako sa bahay ninyo, pero hindi ka na raw doon nakatira. Hinanap kita sa mga kaibigan mo. Sa mga alam kong lugar kung saan ka pwedeng makita. Pero wala. Hindi kita nakita. Hanggang sa nakita ko yung jeep na lagi nating nasasakyan dati. Agad-agad akong sumakay noon. Itatanong ko sana sa drayber kung nakikita ka pa ba niya, pero laking gulat ko.. nung nakita kita na ikaw ang nagmamaneho. Tatawagin na sana kita mula sa kinauupuan ko, pero nakita ko yung babae sa unahan. Nagtatawanan kayo at mukhang masaya kayong magkasama. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko noon. Pero ang alam ko, sobra akong nasaktan. Pero ano nga namang magagawa ko, hindi ba? Ako ang nang-iwan. Ako ang nawala. Anong karapatan ko para masaktan?" halos manghina ako sa mga binitawan kong salita. Pero laking gulat ko nalang nung inabutan niya ako ng panyo. Pagkatingin ko sa kanya, umiiyak rin siya at nakatingala lang siya sa langit.

 

"Bakit hindi mo ako nilapitan nung mga panahong yun? Halos sampung taon rin kitang hinintay, Romaria. Yung babaeng nakita mo noon, magkaibigan pa lang kami noon. Ikaw pa rin kasi ang mahal ko. Hinintay kita. Hinihintay kita araw-araw. Walang araw na hindi ako umasang makikita ulit kita. Bakit? Bakit hindi ka nagpakita noon?"

Hindi ko rin alam ang sagot. Siguro dala na rin ng naramdaman kong sakit. Naunahan ako ng takot sa paglapit sa kanya. Baka makagulo lang ulit ako sa buhay niya. At hindi ko rin naman akalain na hinintay niya rin ako.

 

"Pero siguro ito na rin ang ibinigay na sagot sa atin ng tadhana. Hindi nga siguro tayo para sa isa't isa." sabi niya. Iyon rin ang nasa isipan ko. Siguro nga, sadyang pinaglayo kami ng tadhana para mahanap ang taong talagang nakatadhana para sa amin.

 

At doon ko nakilala ang asawa ko. Siya ang tumulong sa akin para makalimutan si Paulo.  Lagi siyang nasa tabi ko. Kahit na hindi ko naman siya minahal talaga. Pinilit ko, pero.. hindi ko talaga kaya.

 

"Pero alam mo Romaria, masaya ako na nagkita ulit tayo ngayon. Masaya akong malaman na hindi mo ako iniwan dahil hindi mo na ako mahal." saka siya ngumiti sa akin.

"Bakit ko naman gagawin iyon? Ikaw ang una kong minahal. Pero wala na tayong magagawa. Nangyari na ang mga dapat mangyari. May sari-sarili na tayong pamilya." nasabi ko nalang sa kanya.

 

"May maganda rin palang naidulot ang hindi natin pagkikita, ano? Kita mo ngayon, nagkaroon ako ng magagandang apo." teka.. hindi kaya..

 

"Apo mo ba si Pauline?"

 

"Ah oo. Naikwento ka rin niya sa akin. Nakituloy ka pala sa kanila. Pumunta ako dati doon noong kaarawan mo. Hindi ko rin alam kung bakit. Hindi kaya ngayon tayo pinagtatagpo ng tadhana?" natawa naman ako sa kanya.

 

"Siguro nga. Siguro para iayos ang tama. Siguro para tulungan ang mga apo natin."

 

"Apo? Apo mo ba yung lalaking kasama mo kanina? Si Ryde?" hindi niya pala alam?

 

"Oo. Siya ang apo ko."

 

"Kita mo nga naman ang tadhana. Sadyang mapaglaro. Napagtripan naman ang mga apo natin. Ayokong matulad sila sa nangyari sa atin. Gusto kong sumaya ang apo ko. Ayokong danasin niya ang masaktan nang dahil sa pag-ibig na yan." napakabait niya pa rin hanggang ngayon. Hindi pa rin siya nagbabago.

 

"Ito na rin siguro ang dapat nating gawin. Ang tulungan sila. Naudlot man ang kwento natin, alam kong maitutuloy iyon sa pamamagitan nila. Nauulit nga ang mga nangyari noon, pero hindi ko hahayaang maulit rin ang sakit na dinanas natin."

 

Nagkangitian nalang kami. Alam ko, nagkakaintindihan kami. At natutuwa ako, dahil malinaw na ang lahat. Nahuli man ng ilang dekada ang paghingi ko ng tawad sa kanya, alam kong napatawad niya na rin ako. Siya kasi yung tipo ng tao  na hindi nag-iiwan ng sama ng loob. At sa wakas ay gumaan na rin ang kalooban ko.

 

"Salamat ulit, Paulo. Salamat sa pakikinig sa akin. Salamat sa pagtanggap ng patawad ko. Salamat sa--"

 

"Hindi ka naman kailangang humingi ng tawad eh. Kahit kailan, hindi ako nagtampo o nagalit sa'yo."

 

"Pero--"

 

"Tara na. Ayos na ang istorya natin. Kaya ayusin naman natin ang sa mga apo natin. Tara?" saka niya inilahad yung kamay niya sa harap ko. Ngumiti nalang ako sa kanya at saka ko inabot ang kamay niya para makatayo. Noong nakatayo na ako, hindi niya binitawan ang kamay ko.

 

Parang dati lang.

 

Na lagi niyang hawak yung kamay ko.

Na hindi niya ako binibitawan.

Na hindi niya ako iiwanan.

 

"Tumatanda ka na ata talaga Romaria, ang bagal mo na maglakad." sabay tingin niya sa akin at ngumiti habang hatak-hatak niya ako.

 

"Ang kapal pa rin talaga ng mukha mo, Paulo. Hindi tumatanda ang mga tunay na magaganda!" saka ko siya hinampas-hampas hanggang sa makarating kami sa jeep niya.

 

Oo. Sa jeep kung saan nagsimula ang lahat sa amin. At kung saan rin nagsimula ang sa mga apo namin.

Siguro ito ang kupido ng mga buhay namin.

 

Ang dahilan ng pagkakakilala, pag-iibigan at paghihiwalay ng mga tao.

 

Pero masaya ako, na ngayong sasakay ulit ako sa jeep na 'to, ay puro kasiyahan ang laman ng puso ko.

Hindi man si Paulo ang nakatuluyan ko, masaya ako sa muli naming pagkikita.

 

Salamat Paulo.

 

Hanggang ngayon, ikaw pa rin talaga.

Mahal pa rin kita.