***

Napasilip agad ako sa bintana para i-check kung totoo nga yung sinasabi niya. At may nakita nga akong tao sa tapat ng pinto namin. Naman eh! Bakit ba siya nandito? Paano niya nalaman yung bahay namin?

Lumabas ako sa kwarto at dahan-dahang lumapit sa pintuan.
Kahit sobrang lakas ng tibok ng puso ko ay nagawa ko pa ring buksan yung pinto at tumambad sa akin ang pagmumukha ni Daniel. Nasa tenga niya pa rin yung cellphone niya pero nakatingin siya sa akin at nakangiti.

“A-anong ginagawa m-mo dito?” na-realize ko na para pala akong tanga dahil ulo lang yung nakalitaw sa akin, tapos yung katawan ko ay nakatago sa likod ng pinto.

Bigla siyang yumuko tapos napahawak siya sa batok niya. “Sorry ha? Sinundan kasi kita dito. Ayaw mo kasing magpahatid. Gusto ko lang namang makasiguro na makakauwi ka ng safe.”

Napatitig na lang ako sa kanya.
Mas lalo pang kumabog yung dibdib ko. Totoo ba 'tong naririnig ko? As in? Sinundan niya ako para lang malaman kung ligtas akong nakarating sa bahay?

Tumingin muna ako sa likod ko dahil baka mamaya ay nakikinig na naman yung dalawang ‘yun. Aasarin na naman nila ako panigurado. Kaya lumabas na lang ako at sinarado ko yung pinto. “Lakad tayo?” sabi ko sa kanya. Tumango naman agad siya, tapos nilagay niya lang yung dalawang kamay niya sa bulsa ng pantalon niya.

Habang naglalakad kami palayo sa boarding house, hindi talaga ako mapakali. Para kasing, ang awkward. Tapos ang lamig pa. Nakalimutan kong dalhin yung jacket ko. Tsk.

Walang nagsasalita kahit isa sa amin. Nahihiya naman akong magsalita at saka feeling ko ay nalunok ko na yata yung dila ko. Ni hindi ko nga maibuka yung bibig ko eh!

“Sorry talaga,” napatingin ako sa kanya nung nagsalita siya.

“Para saan?” nagcross-arms na lang ako para kahit papano eh hindi ako lamigin.

“Kasi sinabi ko pang nandun ako sa labas ng bahay niyo,” bigla siyang tumingala kaya tumingala rin ako. At sobrang na-amaze ako sa nakikita ko ngayon. Ang liwanag ng buwan tapos ang daming stars.

“Okay lang ‘yun,” then napangiti ako bigla.

Silence ulit. Hanggang sa makarating kami sa sakayan ng jeep. Ang pangit nga lang isipin dahil parang hinatid ko lang siya.

“Hatid na kita pabalik sa inyo,” bigla niyang sinabi sa akin.

“Ah, hindi na! Ahm, dadaan pa kasi ako sa tindahan. Pinabibili ako ni lola ng pagkain eh. Tsaka ano, susunduin ako ni Yem,” nginitian ko na lang siya. Ayaw ko na talagang magpahatid pabalik. Bukod sa nakakahiya ay ang awkward lang kasi ng feeling pag ganun. Kaya eto na naman ako, gumawa na lang ng palusot.

“Sigurado ka ba? Hindi ba delikado dito sa inyo?” bigla naman akong kinabahan nung mga panahong ‘yun.
Pagtingin ko kasi sa relo ko ay 9:17 PM na pala. Kapag ganung oras pa naman ay wala ng masyadong tao sa kalsada. At isa pa, mahilig akong mag-imagine ng kung anu-ano pag mag-isa akong naglalakad tapos madilim. Shet lang, sana wala akong makitang multo pagbalik ko!

“Hindi ah! Mababait ang mga tao dito.” Nginitian ko na lang siya. Sana maniwala siya sa mga sinasabi ko. Ayoko talagang magpahatid.

“Mukhang di naman na kita mapipilit,” tapos tumingin ulit siya sa akin.
“Salamat nga pala,” napakunot-noo naman ako sa sinabi niya.

“Para saan?” bakit siya nagpapasalamat?
May ginawa ba akong karapat-dapat na ipagpasalamat ? At kamusta naman ang sagot niya sa akin? Isang mala-toothpaste commercial na ngiti. Bigla namang may dumaan na jeep kaya ginamit ko na yung pagkakataong ‘yun para itulak siya papasok sa jeep. Nagba-bye ako sa kanya bago umandar yung jeep.

Nang makaalis na yung jeep, huminga muna ako ng malalim tapos tumalikod na ako. Kaya ko ‘to. Makakauwi ako ng maayos. Peste ka utak, umaayos ka. Wag kang mag-imagine ng kahit ano!

“Psst.” Napahinto ako nung may narinig akong sumitsit. Lakad lang Aeisha, wag pansinin.

Nagpatuloy ako sa paglalakad pero nararamdaman kong may sumusunod sa akin. Binilisan ko yung paglalakad pero parang bumibilis rin yung paglalakad nung nasa likod ko. Shet naman! Tatakbo na sana ako dahil natatakot na ako pero biglang may humatak sa akin mula sa likod kaya napasigaw na ako.

“AHHH! Ano ba bitiwan mo ako! Ano ba—” bigla niyang tinakpan yung bibig ko kaya lalo akong nag-panic. Naiiyak na talaga ako sa sobrang kaba. Ito na ba ang katapusan ko?

“Wag ka ngang sumigaw.” Nung marinig ko yung boses ng humatak sa akin, napatigil ako sa pagpalag. Lumingon ako para makita ko yung mukha niya at bumungad sa akin si Ryde. “Bibitawan kita pero wag kang sisigaw.” Napatango na lang ako sa kanya.

After that, tinanggal niya yung kamay niya sa bibig ko at binitawan niya na rin yug braso ko. Napaupo agad ako dahil sobrang nanghina yung tuhod ko sa takot. Sino ba kasing hindi matatakot kung nararamdaman mong may sumusunod sa’yo tapos hinatak ka at tinakpan pa ang bibig mo, hindi ba? Nakakainis siya!

“Ang lakas mo ring mantrip eh no? Ano bang problema mo sa akin?
Ha?!” pinunasan ko yung luhang nagbabadyang tumulo sa mga mata ko dahil sa sobrang frustration.

“Sorry, okay? Nagkataon lang na nasa likod mo ako. Hinatak kita dahil alam kong nagpa-panic ka na kasi nga akala mo may sumusunod sa’yo. Mas mabuti nang malaman mong ako lang ‘to.” Napabuntung-hininga naman ako sa sagot niya. So ako pa ang may kasalanan kasi nag-assume akong baka masamang tao ang sumusunod sa akin? Ganun ba ang pinapalabas niya? Grabe ha!

“Tumayo ka na dyan.” Tiningnan ko siya ng masama. At talagang inutusan niya pa ako ha? Ang kapal lang talaga. “Ayaw mo? Bahala ka. Uuwi na ako,” bigla siyang tumalikod kaya nag-panic ako. Dahil sa ginawa niya kanina, mas lalo lang akong natakot umuwing mag-isa. Kaya inabot ko yung laylayan ng damit niya para pigilan siyang maglakad.

Lumingon siya sa akin habang nakaupo pa rin ako at nakahawak sa laylayan ng damit niya. Kaya tumayo na rin ako pero di ko binitiwan yung damit niya. Nakita ko namang napabuntung-hininga siya at nagsimula na siyang maglakad kaya lumakad na rin ako.
Walang nagsasalita sa amin. Hangin lang ang maririnig mo sa paligid, pati yung mga nalalaglag na dahon sa mga puno. Nagulat nga ako nung huminto siya dahil nasa tapat na pala kami ng boarding house. Parang ang bilis naman yata naming maglakad? O wala lang talaga ako sa sarili ko?

Bumitaw agad ako sa damit niya at saka ko lang napansin na ang higpit pala ng hawak ko sa damit niya dahil sobrang gusot nung part na hinawakan ko. Pero bago pa ako makapagsalita ay nakalayo na pala siya. Ni hindi man lang ako nakapagpasalamat. Pero bakit nga pala ako magpapasalamat eh kasalanan niya naman kung bakit ako natakot? Tumayo lang ako dun sa harap ng bahay namin habang nakatingin ako sa likod niya. Nung wala na akong makita ay pumasok na rin agad ako sa loob. At ano pa nga ba, nakaabang na naman yung dalawa sa may kwarto.

“At saan ka naman galing, aber? Gabi na tapos nasa labas ka pa?” sabi ni Yem habang nakasandal sa may cabinet namin at nakataas yung kilay.

“At sino yung kasama mo? Pasalamat ka at hindi namin nakita yung naghatid sa iyo dito.” Biglang sabi naman ni lola na nakaupo lang  sa kama habang may hawak siyang binilot na dyaryo at pinapalo-palo niya iyon sa palad niya.

“Yem, lola, pagod na ako. Pwede bukas na lang tayo magbiruan? Please?” lumapit agad ako sa kama at bumagsak doon. Grabe, pakiramdam ko ang daming nangyari nung lumabas ako sa bahay na 'to. Leche lang talaga.

Habang iniisip ko yung mga nangyari, bigla akong napadilat at napabangon.

“PAANO NIYA NALAMAN KUNG SAAN AKO NAKATIRA?!” tsaka ko lang na-realize na sobrang lakas pala ng pagkakasigaw ko at nakita kong magkayakap si lola at Yem habang nakatingin sila sa akin. Uh-oh. Nagulat ko ata sila.


***