.

.

Chapter 23

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Wednesday, July 15, 2015


***

“Hatchu!” Ugh! Kanina pa ‘to ha! Kainis ang sakit na ng ilong ko! Umagang-umaga, bahing ako nang bahing.

“Grabe, Poleng ha! Isang rolyo na ng tissue yang nasasayang mo! Mahal-mahal nyan eh!” tiningnan ko lang ng masama si Yem. Kainis. Kasalanan ko bang laging tumutulo yung sipon ko?!

“Ay apo naman kasi. Bakit ka ba umuwi ng basang-basa kahapon? Aba, malamang ay magkakasakit ka talaga niyan.”

“Wala naman po akong sakit eh, si—ha-ha-HATCHING! Ugh. Sipon lang po,” sabay kuha ko ulit ng tissue. Walanghiyang ilong ‘to, ayaw makisama!

“Weh? Init mo kaya ate! Para kang yung ulam nating sabaw ngayon!” nagulat naman ako sa kapatid ko na nasa likod ko na pala ngayon at nakalagay yung kamay niya sa noo ko.

Okay. Seriously? Anong problema ng tatlong ‘to?
Lahat sila ay sobrang lapit sa mukha ko. Nakaupo kasi ako ngayon sa upuan at nakataas yung paa ko tapos nakabalot ako ng kumot.

“Hatching! Ugh!” kinusot ko ulit yung ilong ko.

“Oh heto, apo. Humigop ka muna ng sabaw,” inabot sakin ni lola Roma yung sabaw ng nilaga. Ako naman ay humigop ng kaunti. Ang init!

“Pero in fairness Poleng, ha. Ang ganda ng kulay ng bra mo kahapon. Hahaha! Bakit kasi fuschia pink yung sinuot mo?” Ayan na naman siya! Bwisit na Yem ‘yan! Akala ko pa naman nag-aalala siya sakin tapos yung bra ko lang pala kahapon ‘yung napansin niya.

“Ewan ko sayo! Kasalanan ko bang nabasa ako?!” sabay tingin ko sa kanya ng masama.

“Eh kasi naman po, bakat na bakat! Hahaha!” hahabulin ko sana siya kaso nakalimutan kong nakapulupot pala ako sa kumot. Kaya eto…

“HAHAHA! AMPANGET MO ATE!” Nasubsob ako.

Bakat.
Bakat. Bakat.

Leche naman oh! Bwisit na salita ‘yan! Ugh! Kasalanan ‘to ng ungas na ‘yun eh! Bakit kasi tiningnan niya pa?! Ang pervert talaga nung lalaking ‘yun! Lahat na lang hinawakan o kaya tiningnan! Grabe lang talaga.
Wala na akong dangal dahil sa kanya.

Natapos agad kami nun sa paglilinis ng CR. Pero syempre joke lang ‘yun.
Six na ng gabi  ata kami nakauwi kahapon. Parang may Water War dun sa CR nung naglilinis kami. Sobrang baha kaya mahirap. Nanahimik lang kaming apat nun kaya medyo awkward. Buti nga di kami pinagalitan ni Ma’am Quezon eh.

Umuwi ako na basang-basa mula ulo hanggang paa. Pero isinuot ko yung polo ni Daniel na pinahiram niya sakin para naman di makita yung undergarments ko. Epal kasing Ryde ‘yun eh, lahat na lang pinapansin sakin.

Sabay kaming umuwi ni Ryde—err, hindi naman as in sabay na, ah basta! Parehas kasi kami ng sinakyan na jeep. Tapos parehas rin kaming naglakad lang sa street namin pero syempre hindi namin pinapansin ang isa’t isa. Di naman kami friends ‘no, at hindi naman kami close to begin with. Minsan lang.

“Ate, pahiram cellphone mo. Palaro ako.” Napatingin naman ako kay Aera na nakaluhod sa harapan ko. Nakaupo pa rin kasi ako dito sa upuan habang nakataas yung dalawa kong paa at nakabalot ng kumot. Pinapahiga kasi nila ako eh ayaw ko ngang humiga.

“Andun sa kama, kunin mo na lang.” Tsaka ko kinusot ulit yung ilong ko at siya naman ay tumakbo papunta sa kama.

Hindi talaga ako sanay na meron akong sakit. I mean, hindi naman kasi ako sakitin talaga. Once in a blue moon lang ako magkasakit. Pero blue moon ata ngayon kaya ganito.

“Poleng, wag ka nang pumasok bukas ha?” akmang sisinga na ako sa tissue nung bigla akong kinausap ni Yem. Ay badtrip, wrong timing talaga ‘tong babaeng to eh!

“Papasok ako no! Wala nga kasi akong sakit! Ang lakas-lakas ko eh.”

“Alam mo, gusto na kitang upakan sa kakasabi mong wala kang sakit.”

“Eh wala nga kasi. Sipon lang naman ito!” Lumapit siya sa akin tsaka tinulak niya yung noo  ko gamit yung hintuturo niya.

“Ayan ang hirap sa’yo, Aeisha eh.” Uh-oh. Aeisha na ang tawag niya sa akin, mukhang seryoso ata si Yem. “Ang tigas ng ulo mo. Bugbugin kaya kita para matauhan ka?”

Eh dahil hindi ako sanay na seryoso si Yem, dinaan ko na lang siya sa biro. “Asus! Nagsalita ang hindi matigas ang ulo.”

“Tsk. Poleng naman kasi. Alam mo naman yung nangyari nung last time na nagkasakit ka di ba?” Napaiwas naman ako ng tingin. Psh. Pinaalala pa.

“Wag mo na kasing pilitin. Alam mo namang para kang eng-eng pag may sakit ka eh.” Tsaka siya umalis sa harapan ko at pinuntahan si Aera.

Tsk. Kasalanan ko bang nahimatay ako that time? Err, oo nga, kasalanan ko nga. Last time na nagkasakit kasi ako ay grade 6 pa. Kaklase ko si Yem nun. Nung bandang September ay nagkasakit ako kasi naligo kami sa ulan. Actually, di na ako pinapapasok nila tita nun pero makulit ako kaya pumasok pa rin ako. Nung first subject namin, medyo okay pa ako. Pero nung Math na, dun na nandilim yung paningin ko. Pagkagising ko eh nasa clinic na ako. Nahimatay raw kasi ako bigla at tumama yung ulo ko sa sahig kaya sinugod daw ako sa ospital. Tsaka ko lang nalaman na five hours na pala akong walang malay pero wala naman raw nangyari sa ulo ko kaya tinransfer ulit ako sa school clinic. Pero medyo natawa rin ako nun dahil saktong sa Math class pa ako nahimatay. Ayoko kasi sa Math. And that’s the end of my story. Bow. I thank you.

Kaya ganyan yang si Yem ngayon. Alam ko namang nag-aalala lang siya sa akin at syempre kinikilig ako. Pero hindi yung romantic na kilig ha! Yung kilig na pangkaibigan, kung meron man nun. Seatmate ko kasi siya nun at di niya raw alam kung anu-anong pinaggagawa niya nung nakita niyang nahimatay ako. Ang alam ko lang ay siya yung nagbantay sa akin hanggang sa magising ako. Okay tama na ang kwento, baka maiyak ako.

Dahil Sunday ngayon, asahan niyo na na boring day rin ngayon. At di ko rin alam kung may side effects ba ‘tong lagnat dahil ang weird ko ngayon. Bigla ko kasing naisipang buklatin yung notebook ko sa Math. Imagine?! Math notebook  ‘yun. M-A-T-H! Jusko, Linear Algebra ang pinakahuling subject na pag-aaralan ko, swear! Pero dahil nga abnormal ako ngayon, heto at inaaral ko siya.

“Apo, eto oh. Inumin mo muna ‘tong gamot mo at para bumaba naman yang lagnat mo.” Nginitian ko naman si lola Roma habang ibinibigay niya sa akin yung capsule tsaka yung baso ng tubig. Tapos umupo siya sa tabi ko.

“Ay nakakatuwa talagang mag-alaga ng mga bata.” Napatingin ako kay lola at napansin ko na ngumiti siya. Pero nakaramdam ako ng lungkot sa ngiti niyang ‘yun.

Tsaka ko lang na-realize, ang tagal na palang nakatira ni lola sa amin. Di kaya hinahanap na siya ng pamilya niya? Di kaya nag-aalala na sila sa kanya? And then napaisip ulit ako kung bakit ba namin pinatira dito si lola.

Pinalayas nga pala siya ng anak niya.

Ewan ko pero nakaramdam ako ng galit kung sino man ‘yung anak niyang ‘yun.
Imagine? Sarili mong magulang pinaalis mo sa bahay nyo? At isa pa, matanda na si lola, tapos papalayasin niya lang?

Ako nga, gusto ko ulit magkaroon ng magulang. Gusto ko ulit mabuo yung pamilya namin. Pero wala akong magawa. At wala akong magagawa kasi wala na sila. Hinding-hindi na ulit kami mabubuo. Ako at si Aera na lang talaga ang magkaramay.

Pero yung anak ni lola? Ewan ko ba, may sayad ata ‘yun sa utak. Buti nga siya, buhay pa yung nanay niya. Makakasama pa niya ng matagal. Although matanda na si lola, alam kong tatagal pa siya. Pero pinalayas lang niya. Gusto ko siyang sapakin, murahin at sampalin, kung sino man ang tao ‘yun. Hindi niya naisip na may mga taong naghahangad na sana kasama pa nila yung mga mahal nila sa buhay, pero siya, pilit niyang inaalis ‘yun. Naiinggit ako sa kanya. At the same time, naiinis.

“Apo, ayos ka lang ba? May masakit ba sa’yo? Bakit ka umiiyak?”

Napatingin ulit ako kay lola.
Pinupunasan niya yung luha sa pisngi ko. Umiiyak na pala ako. At lalo lang akong naiyak sa ginagawa niya. Naiinggit ako sa pamilya ni lola. Nagkaroon sila ng ganito kabait at kaalagang tao. Samantalang ako... kami ni Aera…

“Bakit ka umiiyak, apo?
Anong nangyari?” di ko napigilan yung sarili ko na yumakap kay lola. Niyakap ko siya at umiyak ako sa balikat niya. Naaawa ako sa kanya. Sobrang naaawa ako sa kanya. Gusto kong ibigay sa kanya yung dapat na binibigay kong pagmamahal ngayon sa mga magulang ko. Gusto kong ibigay sa kanya yung pagmamahal na dapat nararamdaman niya galing sa totoo niyang pamilya.

“Wala po lola.” Pinigilan ko yung luha ko pero wala rin palang kwenta. “Natutuwa lang po talaga ako at nakita namin kayo ni Yem.”
Di ko man nakikita pero alam kong nakangiti si lola sa likuran ko.

“Ako rin, apo. Di ko man kayo kadugo, natutuwa ako at itinuturing niyo akong pamilya.” Naramdaman ko ring umiiyak na si lola.

Pagtingin ko sa gilid, nakatayo rin pala dun si Yem habang hawak-hawak niya si Aera sa kamay. Umiiyak din si Yem pero nakangiti siya. Kaya ngumiti rin ako sa kanya. Si Aera naman, siguro hindi niya pa naiintindihan sa ngayon, pero alam ko namang napalapit na rin siya kay lola.

“ATE! PASALI RIN SA YAKAP!” tsaka tumakbo si Aera papalapit samin ni lola.

“Ako nga rin,” sabi naman ni Yem.

Para kaming mga abnoy na nag-iiyakan dun. Pero ayos lang. Ngayon na lang ulit kasi ako nakaramdam ng ganito. Yung feeling na may pamilya ka. Yung feeling na buo kayo.


***