.

.

Chapter 28

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Wednesday, July 15, 2015


***

"Oy babaita, wag mo na akong hintayin mamaya ha. May practice ulit kami."

"Eh! Hihintayin kita! Wala na naman akong kasabay! Basta, itext mo ako pagkatapos ng practice nyo para sabay tayo," nung nakita kong pabuka na yung bibig ni Yem ay inunahan ko na siya. "Hep! Bawal umangal! Period! No erase! Padlock! Okay? Hihintayin kita sa may gate ha, Yem?"

At dahil nga magaling akong mangumbinsi, pumayag na rin siya. Eh kasi naman. Lagi na lang akong walang kasabay dahil puro siya practice. Samantalang yung sa badminton ay twice a week lang ang practice namin at naging araw-araw lang last week. At saka, laging  si Ryde yung kasabay ko! Nakakasawa yung mukha niya kahit di naman kami madalas nagpapansinan.

Dahil lunch break na at kanina pa ako kumain, naggala-gala muna ako sa corridor. Excused kasi lahat ng sports club tsaka music club dahil sa Sports and Music Fest na gaganapin three weeks from now. Pero grabe sila ha! Next week na kaya ang first periodical exam namin! Jusko, kung puro practice ang gagawin namin eh baka mabokya ako sa mga exams.

Pero syempre, tinatamad pa akong mag-aral. At isa pa, ayokong mag-aral dito sa school ‘no. Mas gusto kong nag-aaral sa bahay. Tapos hindi naman kami makapag-practice ngayon ng badminton dahil may gumagamit ng court. At dahil nga excused ako pero wala kaming practice (at ayoko pang mag-aral), naglibot na lang ako sa school.

"Tsk. Kakatamad naman! Saan ba ako pupunta?"

Nalakad ko na ata mula third floor hanggang first floor pero five minutes pa lang yung nakakalipas. Jusme, mamamatay ako neto sa sobrang boredom eh!

Dahil wala na akong magawa, pumunta na lang ako sa gym. Pagkapasok ko dun, parang may perya sa dami ng tao at sa dami ng nage-exhibition. Meron kasing gwapong basketball player na nagpapaikot ng bola sa daliri tapos nililipat-lipat niya ‘yun sa kabilang kamay niya. Shemay! Crush ko na siya! Ang galing niya!

Meron ding mga nagvo-volleyball na tinatangay-tangay yung buhok nila habang kinukuha yung bola. Bakit ganun? Ang popogi nila kahit pawis na pawis na sila? Bakit?!

Hindi ko na kinaya yung mga nakikita ko kaya lumabas rin agad ako ng gym. Shet lang talaga! Pag nagtagal pa ako dun baka bukas makulong ako sa salang rape. Hahaha, joke lang. 

Naglakad-lakad na lang ulit ako papalayo dun sa makalaglag-panty na gym. Di ko alam kung saan na ako napadpad, pero pagtingin ko...

Teka, bakit nandito na ako?

Nandito na naman ako sa harap ng mga barb wires. Parang nakasanayan na ng paa kong pumunta sa lugar na ‘to. Tsk. Sige na nga! Wala naman kasi akong ginagawa eh. For the third time around, nag ala-gymnast na naman ako. Promise talaga, pag college na ako kukuha ako ng gymnastics.

Naglakad ako papunta dun sa malaking puno sa gitna. Grabe, ang hangin talaga dito. Yung palda ko umaabot na sa mukha ko. Buti na lang walang tao. Umupo na lang ako at sumandal doon sa trunk ng puno. Matutulog na lang ako. At least dito walang istorbo.

Papikit na sana ako, kaso biglang...

"Wag mo akong upuan."

"Shet!"

Napatayo ako bigla nung may nagsalita. Promise kinilabutan talaga ako! Nakakatakot kasi yung boses eh, parang... parang... hindi ko alam!

"S-sorry po!"

Sobrang kinakabahan talaga ako.
Feeling ko lamang-lupa ‘yun eh. Kaya todo bow ako dun sa inupuan kong lupa. Hala, baka maano ako neto. Ayoko na rito! May engkanto rito! Tatakbo na sana ulit ako pabalik ng school pero nagsalita ulit yung engkanto.

"
Bawal tumakas.”

Parang hindi naman galing sa lupa yung boses. Tapos naalala ko yung nangyari rito last time. Napatingin tuloy ako sa may taas ng puno at nakita kong may nakalaylay na polo shirt doon at may nakikita rin akong sapatos.

"HOY!" sinipa ko ng malakas yung katawan nung puno.

“Shit!"

Sabi ko na nga ba eh!
Yung Ryde na naman na ‘yun ang nasa likod nito! Kainis, di pa nahulog!

“Alam mo, bwisit ka talaga eh no? Akala ko may engkanto na talaga akong naupuan! Yun pala ikaw lang ‘yan? Bumaba ka rito para masapak kita! Ano? Suntukan tayo!”

At alam niyo ang ginawa niya? Imagine? Tinawanan ako? Tinawanan niya lang ako! Samantalang halos maubos na ang oxygen ko kanina sa katawan sa sobrang kaba? Hayup talaga 'tong Ryde na 'to. Pasalamat siya nasa taas siya ng puno!

Sisipain ko sana ulit yung puno pero natigilan ako nung bigla siyang tumalon mula doon sa itaas. Napasigaw pa nga ako dahil akala ko masusubsob siya. Sayang, di natuloy. Tapos nagulat ako nung lumapit siya sa akin. At, take note, ayan na naman yung bwisit na ngiti niya. Alam kong may masama na naman 'tong binabalak eh!

“Hoy! Sabi ko wag kang... wag kang lalapit eh. Gusto mo talagang masapak?” napaatras ako kasi patuloy lang siya sa paglapit. Saka ko naisip na bakit ako makikipagsapakan sa kanya? Eh sigurado namang talo ako. Action star kaya siya.

"Ano ba? Lumayo ka sakin! Napaka mo talaga eh no?" di pa rin natatanggal yung mala-demonyo niyang ngiti. Oo na, nakita ko na siyang ngumiti at tumawa. Pero hindi naman sana sa ganitong paraan!

"Ano bang problema mo ha? Ilang beses ka bang inire ng nanay mo at di mo maintindihan yung salitang—" Naputol bigla yung sasabihin ko nung bigla niyang inangat yung kamay niya at humawak siya sa katawan nung puno. Ngayon ko lang rin na-realize na cornered na pala ako. "—layo." Nagulat naman ako sa sarili ko nung bigla kong itinuloy yung naputol na reklamo ko kanina.

Napatingin lang ako sa mata niya dahil nakatingin rin siya sa akin. At halos maduling naman ako nung mga panahong ‘yun dahil sobrang lapit pala ng pagmumukha niya sa mukha ko.
Pero nagulat ako nung lalo niya pang nilapit yung mukha niya.

Shet! Anong gagawin niya? Bakit di ako makapagsalita? Napipi na rin ba ako? Mas lalo niya pang inilapit yung mukha niya na mukha ko at sobrang kinilabutan ako nung hinawakan niya yung batok ko. Napapikit na lang ako sa sobrang kaba. Nararamdaman ko yung paghinga niya. Pero ilang segundo na ata yung nakalipas ay wala namang nangyayari, kaya dumilat ako.

Halos mapapikit ulit ako sa gulat nung napansin kong magkadikit pala yung ilong namin. Sisipain ko na sana yung tuhod niya para makalayo ako sa kanya, at para mag-inhale ng oxygen, pero natigilan ako nung nagsalita siya.

"Paturo sa Math."

Ewan ko pero bigla akong nabadtrip at ang sumunod na lang na alam ko eh sinipa ko siya sa tuhod. God! Am I expecting him to kiss me?


***