"Ready na ba kayo team? Galingan n’yo okay? Fight!"

"Yes Coach!"

 

Hala hala hala! Kinakabahan na ako! Parang drums na yung puso ko sa sobrang lakas ng tibok!

 

Pumunta na kami doon sa may gitna at pumwesto. Kaming dalawa kasi ni Daniel ‘yung para sa Doubles. Then pagtingin ko sa crowd, parang gusto ko na lang himatayin. Ang daming tao! Nanlalambot ‘yung tuhod ko!

 

"Ayos ka lang?" tanong sa akin ni Daniel.

"H-ha? O-oo! K-kinakabahan lang." Ngumiti naman agad siya sa akin.

"Ayos lang yan. Isipin mo na lang pinapanood ka lang ng mga taong importante sa'yo."

"O-okay." Bigla ko namang naisip sina Aera, Yem, lola at...

 

"Ryde?!" Nagulat ako nung mabaling yung tingin ko doon sa isang part ng mga nanunuod. Shet. Akala ko si Ryde ‘yun. Kamukha lang pala. Kainis! Bakit parang lahat ng lalaking nakikita ko ay mukha niya ‘yung naiimagine ko? Leche umalis ka muna sa utak ko please! Kahit ngayon lang!

 

"Aeisha, tara na." Nabigla naman ako nung hinawakan nya yung balikat ko. Nakatulala na pala ako.

"O-okay!" Hinawakan ko ng mahigpit yung raketa ko at nagready position na.

  

And then nagsimula na ang game. Kalaban pala namin ngayon ‘yung school malapit sa school namin. Lagi namin ‘tong rival sa sports at acads. ‘Yung kalaban namin ay isang babae at lalaki rin. Siguro 4th year high school din sila.

 

Sila yung unang tumira. Nabalik ko naman agad sa kanila yung shuttlecock at tinira ulit ‘yun ng babae pabalik sa akin. Si Daniel naman ang tumira after at nagkaroon na nga ng rally. Then bigla kong tinira ulit pababa yung shuttlecock papunta sa kanila.

 

‘Di nila naibalik sa amin.

 

"Nice Aeisha!" sabay tap ni Daniel sa balikat ko. Kabadong-kabado pa ako nun na tipong nanginginig yung kamay ko dahil ‘di ko akalaing magkakapoint kami.

"Way to go Bernardino! Good!" sigaw sa amin ni Coach.

"Whooo go Aeisha! The best ka! Galingan mo!" sigaw naman ng teammates namin. Putek lalo lang akong napepressure eh! Alam ko namang tsamba lang yung kanina.

"WHOOO BEST FRIEND KO ‘YAN! GALINGAN MO POLENG! SASAPAKIN KITA PAG DI KAYO NANALO!"

 

Napatingin naman ako doon sa pinanggalingan ng napakalakas na boses. At sino pa nga bang eskandalosa ang ieexpect nyo? Ayun, si Yem, na may hawak pang cartolina na nakasulat:

 

Go Pauline Aeisha Bernardino and Chris Bellardo my loves!

 

 

 

 

Putek? Napakaganda ng sinulat niya ha! Ako ang nahihiya para sa kanya! Then tinignan ko si Chris doon sa may bench, aba, todo-ngiti pa sya kay Yem. Nakakainis ang landi nilang dalawa!

 

"Aeisha!" Napabalik ‘yung tingin ko sa court at nakita kong papunta na pala sa akin yung shuttlecock. "Pay attention!" Akala ko sasakto na sa mukha ko, buti nalang natira ni Daniel pabalik sa kalaban.

"S-sorry !" Nakakahiya tuloy. Kasi naman si Chris tsaka si Yem eh! Hayaan na nga muna sila. Focus Aeisha!

 

Matapos ang halos 1 hour na laban namin, nanalo rin kami dahil akala nung kalaban namin ay 'out' yung tinira ko pabalik sa kanila. Pero ayon sa umpire, 'in' daw ‘yun. Aba, kung sinuswerte ka nga naman oh!

 

"And the winner is, ******* High School!"

 

And then biglang nagsigawan ‘yung crowd. Oh gosh, totoo ba 'to? Nanalo kami? As in kami? Nanalo kami!

 

"Yes! We won!" bigla tumakbo papunta sa akin si Daniel at niyakap niya ako. Pati sina Coach nakitakbo na rin at napayakap sila sa akin. Totoo ba ‘to? Naiiyak ako! Ang saya sa pakiramdam!

"Coach!" Wala na naiyak na talaga ako. Masyado akong naoverwhelm!

"Good job, Bernardino! Ang galing nyo! Magcelebrate tayo mamaya!" tapos ginulo ni Coach yung buhok ko at pinaupo muna ako doon sa bench. Magsisimula na kasi ‘yung single player round. Si Chris nga pala ‘yung lalaban para doon. ‘Di ko nga alam kung bakit nagpalit sila ni Daniel eh. Dapat kasi si Daniel ‘yung lalaban para doon tapos kami ni Chris sa doubles. Hay, yaan na nga.

 

"GO CHRIS! GALINGAN MO! GO GO GO FIGHT FIGHT FIGHT! YEAH!" ‘Yung iyak ko kanina ay biglang napalitan ng ngiti kasi parang timang si Yem doon sa taas. Talagang nakatayo pa sya at winawagayway niya yung cartolina na hawak niya. ‘Pag talaga sinaktan siya ni Chris, ililibing ko sya ng buhay. Ngayon ko lang nakita na ganyan siya ka-hyper at kaingay pagdating sa isang lalaki.

 

Nagpaalam naman sa akin si Daniel na magbibihis daw muna siya at bibili na rin daw sila ng food. Kaya ang natira dito sa bench ay kaming dalawa lang ni Coach. Nagulat naman ako nung nasa harapan na pala namin yung nakalaban namin kanina na girl.

 

"Congrats!" sabay ngiti niya sa akin. Shet, ang ganda niya.

"Uhh, t-thank you," then napatingin ako kay Coach. Akala ko kasi dati, kapag kinocongrats ka ng kalaban, plastic lang siya. Pero nakikita ko sa kanya ay sobrang natural ng ngiti niya. Idagdag mo pa na ang ganda niya. Ngayon ko lang napansin kasi ‘di ko siya masyadong tinitignan kanina dahil sa shuttlecock lang ako nakafocus.

"Pwedeng umupo?" tanong niya.

"S-sure." Ang awkward naman nito.

"Bernardino, doon muna ako sa kabila, okay? Para marinig ni Bellardo ‘yung sasabihin ko," sabay tayo ni Coach. Nagnod naman ako at saka siya tuluyang umalis.

"Aeisha, right?" Napatingin ulit ako doon sa babae. Pano niya nalaman yung pangalan ko? Hala?

"Uhm, opo."

"Naku wag mo na akong i-opo, magkasing-edad lang naman tayo eh. Kamusta nga pala si Ryde?"

 

Muntik na akong matumba sa kinauupuan ko nung tinanong niya ‘yun. What? Kilala niya rin si Ryde? Sino ba 'tong babaeng 'to?

 

"Kilala mo sya?"

"Oo naman. Close kami nun! Mukha nga ‘yung timang nitong year na 'to. Bigla nalang nag-emo-emo. Parang tanga lang. ‘Di ko tuloy siya mapagtripan dahil baka kung anong gawin nun sa akin." Napanganga na lang ako sa sinabi niya. Seriously? Sino sya?

"Uhm, mawalang-galang na pero sino ka pala?"

"Ay sorry! Nakalimutan kong magpakilala! I'm Reya Montalbo, pinsan ko si Ryde. Nice to meet you!" then nakipagshake-hands siya sa akin.

 

 

Ano? Pinsan? Pinsan niya si Ryde?!

 

"Tsk. Andyan na si Daniel panget. Kainis. Sige Aeisha, usap nalang ulit tayo mamaya! Bye!" then bigla na siyang tumayo at pabalik na siya sa bench nila pero bigla siyang huminto at humarap sa akin. "Nga pala, sabi ni Ryde, congrats daw! Parang timang din ‘yun eh, ‘di nalang sabihin ng personal. Ayaw pa kasing bumaba rito. Tsk." Bigla namang lumakas yung tibok ng puso ko. Anong sabi niya? Andito si Ryde?

"Nanood siya?" Napatayo pa talaga ako at lumapit ako sa kanya.

"Oo, nandun siya sa taas kanina. Ewa—"

"Salamat!" then tumalikod ako sa kanya at tumakbo papunta doon sa hagdan. Andito sya? Nanood siya? Shet ka Ryde! ‘Di talaga kita magets!

 

Tumakbo ako at makakasalubong ko sila Daniel pati ‘yung teammates ko. Tinawag pa nila ako pero ‘di ko sila pinansin at tuluy-tuloy lang ako sa pagtakbo hanggang sa makaakyat ako sa taas. Kahit hinihingal na ako ay tumakbo pa rin ako para mahanap siya.

Ngayon, kaya ko na. Kakausapin ko na siya. Dahil sa ginawa niya kahapon sa room ay mas lalo ko na siyang gustong kausapin. Gulung-gulo na talaga ako sa kanya. Ganun ba talaga kakumplikado mag-isip ang mga lalaki? Hindi ko sila mabasa.

 

Nasaan ka na ba Ryde? Please, magpakita ka naman!

 

Tumakbo ako papunta sa hallway dahil baka paalis na siya. Lumiko ako sa kanan at nakita ko siya. Nandoon siya. Sisigawan ko na sana siya pero hindi ko naituloy dahil biglang may babaeng lumabas sa gilid.

 

Si Serene. Magkasama sila?

 

"Tara na," sabi ni Serene kay Ryde at tumalikod na sila.

 

Biglang bumigat ‘yung pakiramdam ko. Bwisit. Nasayang lang pala ‘yung pagtakbo ko. Siguro nga, wala lang ‘yung ginawa niya sa room. Bakit ko ba ipagpupumilit ‘yung sarili ko sa kanya kung meron naman siyang kasama?

 

Napayuko na lang ako doon. Para lang pala akong tanga dito. Hinabol ko pa sya, hindi rin naman pala kami makakapag-usap.

 

"Aeisha!" Nagulat naman ako nung may sumigaw ng pangalan ko sa likuran. Boses ni Daniel ‘yun. Pero ang mas ikinatakot ko ay ‘yung biglang lumingon si Ryde at si Serene sa direksyon namin. Pinunasan ko kaagad ‘yung luha ko at tumalikod ako para harapin si Daniel. Kaso pagtalikod ko, bigla na namang tumulo ‘yung luha ko.

 

Nagulat na lang ako nung niyakap ako ni Daniel. Pero thankful na rin ako. At least ‘di makikita ni Ryde ‘yung mukha ko. At least, may maiiyakan ako. Alam kong nakatingin sa amin si Ryde at Serene. Gusto ko nang umalis sa spot na 'to pero nakatayo lang doon si Daniel.

 

"If you're not willing to catch her, then I will," biglang sabi ni Daniel. Hindi ko alam kung anong ibig nyang sabihin pero ang alam ko, kausap niya si Ryde. "Tara na Aeisha. Hinahanap ka na ni Coach," tapos inalalayan niya ako pabalik doon sa loob.

 

‘Di nalang ako umimik habang naglalakad kami. Nangingibabaw kasi ‘yung pag-iyak ko at sakit ng pakiramdam ko. Para lang akong tangang naghahabol. Umasa pa akong magkakausap kami, pero ano? Makikita ko lang na magkasama sila ni Serene? Kahit na sinabi niya dating magkaibigan lang sila, alam ko namang hindi ganun ang tingin ni Serene sa kanya.

 

"I think you need this," tapos nakita kong inabutan ako ni Daniel ng panyo, kaya lalo lang akong naiyak. Kinuha ko naman agad ‘yun.

 

Buti pa sya, laging nandyan para sa akin. Lagi niya akong binabantayan. Bakit ba kasi hindi na lang si Daniel yung minahal ko? Bakit ba kasi kay Ryde pa?

 

"S-sorry Daniel," sabi ko na lang sa kanya habang naglalakad kami.

"Ako nga ang dapat mag-sorry. Kung naabutan kita kanina, sana ‘di mo sila nakita. Sana ‘di ka umiiyak ngayon. Sorry."

"Bakit? Bakit ba ang bait mo sa akin? Bakit lagi kang nandyan para sa akin?" bigla ko na lang natanong. Napahinto na rin ako sa paglalakad. Huminto rin siya at tumingin sa mga mata ko. Ewan ko lang pero parang ang lungkot ng mga mata niya. Mas malungkot pa ata sa akin.

"Hindi mo ba talaga alam kung bakit?" tapos nakatingin lang siya sa akin. "Aeisha, mahal kita."

 

Nakatingin lang ako sa kanya nung sinabi niya yun. M-mahal niya ako?

 

"Tsk. Tama nga sila Coach at ‘yung teammates natin, slow ka nga pagdating sa ganito." Ginulo niya naman bigla yung buhok ko. "Pero wag kang mag-alala, ‘di naman kita pipilitin na mahalin rin ako. Alam ko namang may iba ka ng mahal. Ang gusto ko lang ay makita kang masaya. Kaya please, wag ka nang umiyak. Tara na nga. Baka kanina pa tayo hinahanap doon," saka niya ako inakay pababa doon sa pwesto namin kanina.

 

Mahal niya ako? Siguro hindi ko lang ‘yun pansin dati dahil puro si Ryde yung iniisip ko. Laging na sa kanya ‘yung atensyon ko. Hindi ko na napapansin yung ibang taong nagmamahal sa akin. Tulad nalang ni Daniel. Alam kong masakit kapag ‘di ka mahal ng mahal mo. Nararamdaman ko yung sakit na nararamdaman niya. Pero ‘di ko naman kasi pwedeng pilitin yung sarili ko na mahalin siya. Hindi naman madaling turuan ang puso na magmahal na lang bigla. Mahirap ‘yun. 

 

"S-sorry talaga," sabi ko na lang sa kanya tsaka ako napayuko.

"Ano ka ba, ayos lang ako. Sanay na ako sa ganito. Wag mo akong intindihin," tapos ngumiti sya sa akin. Bakit ba siya ganyan? Lalo lang akong naguguilty.

 

Nung makabalik na kami doon, nalaman kong nanalo na pala si Chris kaya naghihiyawan ‘yung crowd. Pinakamalakas yatang tili na naririnig ko ay galing kay Yem. Nakisama naman kami sa team namin. Pinilit ko na lang ngumiti at tumawa sa harap nila. Pero sa totoo lang, gusto ko na namang umiyak.

 

Ganito ba talaga kapag nagmahal ka? Kailangan mong masaktan nang paulit-ulit hanggang sa sumuko ka na lang?