"Ate, pakiss!"

"Ako rin Poleng! Mwah!" tapos sabay pa silang tumawa at tumakbo palabas ng kwarto. Mga pesteng ‘yun! Ugh!

 

Isang linggo na rin ang nakakalipas nung mangyari ‘yun. At simula nun ay hindi na ako tinantanan ng mga babaeng 'to. Grabe, habang tumatagal ay lumalala ang pang-aasar nila sa akin.

 

Pero hindi ko pa rin talaga makalimutan ‘yung nangyari nung gabing ‘yun. Hindi ko talaga maintindihan ang utak niya.  

 

"Wait for me."

 


Putek ayan na naman yung boses niya. Gabi-gabing nagrereplay sa utak ko ‘yung sinabi niya kahit hindi ko alam kung bakit ko kailangang maghintay. At worth it ba kung maghihintay ako? Pero...ugh! Nakakainis talaga siya!

 

"Tignan mo Aera, nababaliw na ate mo! Gumugulong sa kama."

"Baka kinikilig yan ate!"

 

Napatayo ako sa kama dahil nang-aasar na naman 'tong dalawang 'to. Kaso di pa ako nakakahakbang ay kumaripas na sila ng takbo palabas ng bahay.

 

"Buti naman at nakakapagharutan na ulit kayo." Pagtingin ko sa gilid, si Lola pala. Umupo siya sa may kama tapos ngumiti siya sa akin at ngumiti rin ako sa kanya.

"Medyo nabuhayan na po ako. Thank you po sa mga advice niyo," then niyakap ko si Lola. Nakakatuwa pala pag ganito ‘no? Para na rin akong may nanay. Sana laging ganito. Feeling ko kumpleto ‘yung pamilya ko.

"Sabi ko naman sa'yo, maghintay ka lang at may magandang mangyayari," tapos niyakap niya ako nang mahigpit. Pero bigla akong may naalala.

"Pero hindi naman po laging may magandang mangyayari kung lagi ka lang maghihintay." Nalungkot ako bigla dahil naalala ko ‘yung kwento ni Manong.

"Ay nako, ikaw talagang bata ka. Masyado ka nang malalim mag-isip. Sige na, kumain ka na doon. Naghain na ako ng pagkain."

 

Lumabas naman si lola Roma at sumunod ako para kumain. Sabay-sabay kaming kumaing apat. Namiss ko 'to. Yung masaya kami at walang inaalala. Parang ang tagal kong nakalimutan yung feeling na 'to eh.

 

Sa school naman, ‘di ko na muna pinapansin si Ryde. Gusto ko munang maayos niya ‘yung problema nya. Ayoko namang maging epal ‘di ba? Siguro marami lang talaga siyang iniisip sa ngayon. Kaya nagfocus muna ako sa acads pati sa sports club. Kahit papaano, gusto kong makagraduate ng may mataas na grade.

 

At dahil sabado ngayon, enjoy enjoy muna. Lumabas kaming lahat ng bahay at syempre nanghiram na naman ako ng bike doon sa kapitbahay namin. 

 

"Ano ba ‘yan Poleng, ‘di ka naman marunong eh!" sigaw sa akin ni Yem.

"Kaya nga nagpapractice ‘di ba? Utak, Yem."

"Asus, if I know eh dahil lang yan kay prince charming mo!"

 

Buti nalang talaga at naibaba ko yung paa ko kung hindi masesemplang ako. Walanghiyang Yem 'to!

 

Buong weekend ay kung anu-ano lang ‘yung pinaggagawa namin. Pero ang nakakatawa talaga ay nung pumunta dito sina Daniel at yung kapatid niya. Magkapartner pala kasi si Aera at Damon sa project nila sa school. Actually nagulat ako dahil hindi ko alam na kapatid niya si Damon. Sa huling encounter ko kasi sa Damon na ‘yun ay kasama niya si Serene kaya akala ko ay sila ang magkapatid. Then kanina ay nalaman kong super close lang pala talaga ‘yung malditang Serene na ‘yun pati ‘yung kapatid niya. May pinuntahan din daw kasi siya at ‘yung parents niya nung kuhaan ng card ni Damon kaya si Serene ang sumama sa kanya.

 

"Ano ba yan di ka naman marunong eh!" sigaw ni Aera sa may sala.

"Ikaw nga ‘yung ‘di marunong dyan eh! Ampanget ng gawa mo!" narinig ko namang sigaw nung kapatid ni Daniel.

 

Natatawa nga kami ni Yem at Daniel dito sa kwarto eh. Si Lola naman ay may pinuntahan pero ‘di ko lang alam kung saan. In fairness ha, nagiging gala na si Lola.

 

‘Yung project kasi nila is origami. Yung 1000 cranes na origami. Ang deadline nun ay one month from now. At dahil marami masyado ay pinagpartner-partner sila. At sa kamalas-malasan daw na pagkakataon (Ayon kay Aera), ay nakapartner niya si Damon.

 

"Itupi mo kasi ng maayos! Ano ba ‘yan!"

"Ikaw nga ‘yung panget ang gawa eh! Tignan mo nga yung pakpak oh! Hindi pantay!"

 

Actually, kanina pa talaga kami tawa nang tawa dito pero ‘di lang namin pinapahalata dahil baka madamay kami sa init ng ulo nilang dalawa. Ang cute lang nilang mag-away! Nagsisisihan pa sila kung sinong may panget na gawa. Parang mga adik lang eh.

 

"Buti naman at tumatawa ka na," biglang sabi sa akin ni Daniel.

"Ahh. O-oo nga eh. Thank you!" sabi ko sa kanya sabay ngiti. Feeling ko kasi isa siya sa mga dahilan kung bakit sumasaya ako ngayon.

"Ohh ohh wag kayong cheesy masyado," biglang sabat naman ni Yem. Gaga talaga 'to. Ewan ko ba dyan bakit parang ang laki ng galit kay Daniel. ‘Di kaya may nagawa sya sa kanya? Ay ewan.

"Hah! Loser! Hahaha!" nagulat naman ako nung bigla na namang nagsalita si Yem. Ano bang nangyayari sa babaeng 'to?

"Pinagsasabi mo?"

"Hah? Eh kasi textmate ko 'tong si bruhildang Serene. Pikon lang. Inaasar ko siya sa text eh. Buti ‘di niya ako kilala."

 

Napanganga na lang ako sa sinabi niya. Ayos 'to ah? ‘Di talaga tinantanan si Serene? At talagang inaasar niya pa sa text ha? Kahit na ikinatutuwa ko ‘yun ay medyo nakaramdam ako ng awa sa kanya. Si Yem ba naman ang nang-aasar sa kanya eh. Maski ako minsan ay natatalo sa asaran kapag si Yem ang kalaban ko.

 

"Bakit ba kayo galit kay Serene?" napatingin naman kami ni Yem kay Daniel.

"Duh? Obvious ba? Ang sama niya kasi kay Poleng! Naku! Kung marunong lang talaga akong mangkulam eh matagal ko nang ginawa yun sa kanya!" ‘Di ko alam kung matotouch o matatawa ako sa sinabi ni Yem. Pero napaisip ako sa kinikilos ni Daniel. Mukhang nagkausap na sila ni Serene at magkaayos na sila.

"Siguro dahil mahal niya lang si Ryde kaya nagiging ganun siya."

"Hindi naman ‘yun enough na reason para awayin si Poleng ‘no. Ano naman kung mahal niya? Siya lang ang may karapatang magmahal dun sa taong ‘yun? Ano siya pinagpala?"

"Huy Yem tama na. Baka mahighblood ka," patawang sabi ko na lang sa kanya.

 

Pero sa totoo lang, ‘yan ang dahilan kung bakit mahal na mahal ko ‘yang best friend ko na ‘yan. Masyado siyang protective pagdating sa mga mahahalagang tao sa buhay niya. Pero ‘di ko ‘yun sinasabi sa kanya dahil ang baduy. Sanay na kaming inaasar ang isa't isa bilang pagpapakita ng friendship namin.

 

"Ayoko na nga! Ampanget naman kasi ng mga gawa mo eh! Lalaki ka ba talaga?! Magtupi lang di mo pa kaya!"

"Anong kinalaman nun?! Ikaw? Babae ka ba talaga?! Para kang lalaki magsalita eh!"

 

Napatingin na naman kami sa isa't isa at nagpigil na lang ng tawa. Lumabas na rin kami para awatin sila. Baka mamaya eh magbatuhan na sila ng papel sa sobrang asar sa isa't isa. Inawat ko si Aera at inawat naman ni Daniel si Damon. Tinulungan na rin namin sila sa project nila. At in fairness, sa pagsisigawan nila kanina ay nakagawa sila ng sampung cranes. Ewan ko kung bakit nila nilalait yung gawa ng isa't isa eh parang okay lang naman sa paningin ko? Ang gulo talaga ng mga bata minsan.

 

Nung bandang hapon na ay nagpaalam na rin sina Daniel at Damon.

 

"Wag ka nang babalik dito! Bleh!"

"Huy! Ang bad mo Aera!" saway ko sa kanya. Para kasing baliw. Ang lakas mang-asar eh. Kaya siguro ang daming kaaway nito sa school. Ang hilig mang-asar at mambara ng mga tao eh.

 

Nung dumating ang Monday, maaga kaming pumasok ni Yem. Naabutan nga namin si Ryde doon sa may upuan niya. Pero as usual, wala munang pansinan. Nasasanay na nga ako eh. Hanggang tingin-tingin muna ako. Pagdating ng adviser namin ay may hawak siyang papel. Ano kaya ‘yun?

 

"Good morning class. So lumabas na ‘yung announcement regarding sa field trip ninyo." Bigla namang naghiyawan yung classmates namin. Halatang excited sila sa field trip. "Sa Tagaytay tayo guys. Pakipasa na lang 'tong form at andyan ‘yung destination natin. Andyan na rin ‘yung price. Kindly return it to me tomorrow with your parents' signature," tapos pinapasa na niya ‘yung form.

 

Kumuha naman kami ni Yem. Haaay, gusto ko sanang sumama kaso wala naman kaming pera. Sumama na kasi kami ni Yem last year. Every other year lang kasi kami sumasama, so baka ‘di kami makasama ngayon. Pero gusto ko talaga kasi last na 'to eh.

 

"Sama tayo Poleng," sabi sa akin ni Yem.

"Sama ka na. Alam mo namang ‘di ko yan afford ‘no. Tsaka ayaw ko namang humingi kina Tita. Nakakahiya." Si Yem kasi, pinapadalhan siya ng parents niya buwan-buwan. And pwede naman siyang humingi ng pambayad. Dati gusto niya pa akong ilibre pero di ko ‘yun tinanggap. Kahit best friend ko yan eh ayaw ko namang maging ganun ‘no. And besides, ‘yung naipon kong pera ngayon ay para sana sa field trip ni Aera. Gusto ko namang makaranas siya ng field trip. 

"Ehh dali na kasi. Ako na muna magbabayad—"

"Yem, ayoko nga kasing ikaw ang magbayad ‘di ba? Okay lang ako ‘no. Sumama ka na lang. ‘Di naman ako excited sa field trip na ‘yan eh," sabi ko nalang sa kanya. Pero ang totoo gusto ko talagang sumama.

"Nubayan!"

 

Hanggang sa matapos ‘yung klase namin ay puro tungkol sa field trip ‘yung usapan ng buong school. Lalo lang tuloy akong naiinggit. Pero wala naman akong magagawa eh. Magliliwaliw nalang ako sa bahay.

 

Hinintay ko naman si Yem sa may gate. May pupuntahan lang daw kasi siya saglit kaya hintayin ko na lang daw siya. Sus, if I know ay si Chris lang naman pinuntahan niya. Tsk. Saan na ba ‘yun? Tagal niya ha.

 

"Oy Poleng! Sorry natagalan!" sigaw niya habang tumatakbo papalapit sa akin.

"Ano bang ginawa mo?"

"Hmm wala lang!" sabay ngiti niya pa nang malawak. Anong problema nito? Siguro dahil na naman kay Chris.

"Tara na nga, uwi na tayo."

 

Pag-uwi namin ay pinapirmahan agad ni Yem ‘yung form niya kay Lola. Ako naman ay natulog kaagad. Kakadepress lang kasi eh.

 

***

 

One week na ang nakalipas at bukas na ‘yung field trip. Ayos nga si Yem eh, ayos na ayos na ang bagahe. Para lang siyang maglalayas dahil sa dami ng dala niya. At 9 PM palang ay tulog na siya. Dahil wala na akong magawa ay natulog na lang din ako. Sana lang ‘di ako mabore dito bukas. Buti pa si Yem makakasama sa field trip!

 

***

 

"Pst, Poleng gising! Hoy! Idilat mo ‘yang mata mo!"

"Hmmm..." Tsk. Ano ba ‘yan. Istorbo naman sa pagtulog oh. Gumulong na lang ako sa kama.

"HOY PAULINE AEISHA GUMISING KA NA!" Napamulagat naman ako nung bigla akong tinayo ni Yem.

"Tsk! Ano ba ‘yan Yem! Anong problema mo?! Ang aga-aga pa oh!" sigaw ko sa kanya. Kasi naman eh! Inaantok pa nga ako tapos bigla akong gigisingin?

"Anong maaga eh 3 AM na! Dalian mong kumilos malelate na tayo!"

"Oh eh ‘di dalian mo na baka di ka pa makasama! Tsaka—wait. Anong sabi mo?" parang may mali sa sinabi niya eh. Oh sadyang nabingi lang ako?

"Sabi ko, malelate na TAYO! Kaya tayo na dyan!"

"Anong tayo?! Teka...don't tell me binayaran mo yung field trip fee ko?!" Gaga talaga 'tong babaeng 'to! Ang tigas ng ulo!

"Duh? Hindi ako no!"

"Utot mo ‘wag kang magsinungaling!"

"Hindi nga ako! Si kisser mo ‘yung nagbayad! Kaya tara na! Dali! Kanina pa nakaprepare yang gamit mo! Maligo ka na nga! Para magising na yang diwa mo! Tsaka ambantot mo na! Dali!" sabay tulak niya sa akin papuntang banyo.

 

Pero ano raw? Kisser? Field trip? W-wait...

 

"HUH?!"

"Ano ‘yan Poleng? Pabagalan ng pick up? Maligo ka na!" then tinulak na niya talaga ako sa loob ng banyo.

 

 Si Ryde ang nagbayad ng fee ko sa field trip?!