Ang tahimik dito. Nakakagaan ng pakiramdam. Though nakakatakot. Pero at least, komportable ako sa kung nasaan ako ngayon.

 

"Mama. Papa. I miss you po," saka ko hinawakan ‘yung puntod nila. Syempre, ako naman 'tong si iyakin, tuluy-tuloy na naman ang bagsak ng luha. Madedehydrate ako nito eh.

 

Tahimik lang ako doon. Wala naman kasi akong magagawa eh. Hindi ko dala ‘yung bag ko. Hindi ko rin dala yung phone ko. Ang tanging laman lang ng bulsa ko ay ‘yung bimpo na binigay sa akin kanina ni Manong. Pero mas mabuti na rin ‘yun, at least may peace of mind ako.

 

"Mama. Ang hirap pala magmahal ‘no? Ang sakit." Ang manhid na rin ng mata ko. Hindi ko na ramdam ‘yung pag-iyak ko.

 

"Naaalala mo pa ba ‘yung kinuwento ko sa'yo dati? ‘Yung taong gusto ko? Mahal ko na po siya ngayon. Kaso...malas talaga ata ang anak mo. First time magmahal, sablay. Kayo po ba? First love mo ba si Papa? O hindi? Nasaktan ka rin ba? Sayang no?" Nagsisimula na namang mag-crack yung boses ko. "Sayang wala na kayo. Sana...sana nandito ka Ma. Sana may kasama ako sa ganitong sitwasyon. Sana nakakahingi ako ng payo sa Mama ko. Sorry po. Humihiling na naman ako ng imposible. Pero Mama, nalulungkot talaga ako ngayon." Inub-ob ko yung mukha ko sa tuhod ko.

 

"Papa...sana lahat ng lalaki, katulad mo. Alam ko naman…alam ko…na mahal na mahal mo si Mama. Kahit nung bata pa kami ni Aera, alam ko at nakikita ko ‘yun. Ang protective mo pa nga sa amin eh. Sabi mo kasi…puro kami babae...kaya as a guy, a husband and a father, responsibilidad mong protektahan kami ‘di ba? Sana nandito ka po ngayon. Please...I need your protection right now. P-papa..."

 

Tuluy-tuloy lang ‘yung pag-iyak ko. Sabi nila, kapag daw umiyak ka, mababawasan ‘yung sakit. Kapag daw sinabi mo ‘yung problema mo, mababawasan yung sakit. Pero bakit ganun? Umiyak na ako, sinabi ko na rin yung nasa loob ko, pero bakit masakit pa rin?

 

"Mama, Papa...ang tanga-tanga ko. Umasa ako. Sabi kasi niya...hintayin ko raw siya. Akala ko...‘yun na ‘yung sign na kahit papaano...may feelings din siya para sa akin. Pero ayun. Ang tanga ko. Naghihintay ako sa taong may mahal na iba."

 

Naalala ko ulit ‘yung nangyari sa Ferris Wheel. Kahit ayokong maalala, nag-stick talaga sa utak ko lahat ng sinabi niya.

 

"...I love her the most."

 

Ano ba namang laban ko dun? Pero part of me, parang nagsasabing, "Okay lang ‘yan. Wag kang sumuko." At lalong naging dominant ‘yun nung tinawag niya ako for the first time.

 

Hindi ko na talaga alam. Manhid ba siya? O sadyang paasa lang? O baka naman hindi talaga ngayon ang time para magmahal ako.

 

Ewan. Basta ang alam ko ngayon, talo ako. Ang nararamdaman ko ngayon, mag-isa ako. Gusto ko na lang lamunin ng lupa o kaya ng lamang-lupa o kahit anong engkanto.

 

Bigla namang may nagflashback sa utak ko.

 

"Wag mo akong upuan..."

"Bawal...tumakas..."

"Pffft..."

“Walanghiya ka! Akala ko may engkanto na talaga akong naupuan, ‘yun pala ikaw lang! Bumaba ka nga dito para masapak kita ng kaliwa’t kanan!”

 

Bwisit naman na lamanlupa at engkantong yan oh. Maski ba naman sa kanila, si Ryde pa rin ang maaalala ko?

 

Bago pa ma-invade ni Ryde ang utak ko, inisip ko nalang ulit sina Mama at Papa. Tapos nagkwento na lang ulit ako sa kanila ng kung anu-ano. Basta ang alam ko lang, halos umaga na nung huling kwento ko sa kanila. After that, nakatulog ako sa tabi nila.

 

***

 

"Poleng! Poleng! Huy! Gising! Poleng!"

"Mmm..." Dinilat ko naman ‘yung mata ko, pero hindi ko masyadong maidilat. Takte. Wala akong masyadong makita! Anong nangyari?!

"Para ka tuloy Intsik! Tignan mo nga yang mata mo oh! Mugtung-mugto! At dito ka pa talaga natulog?"

"Yem?" Anong ginagawa niya rito?

"Oh yeah. Your one and only pretty best friend. At ikaw, ampanget mo. ‘Yung mata mo palang, pang Ms. Ugly award na."

 

Pinakiramdaman ko naman yung mata ko at medyo mahapdi. Plus wala nga akong masyadong makita. Saka ko naalala. Ohh. Umiyak nga pala ako buong araw. Kaya pala wala ako masyadong makita at ang hapdi ng mata ko. Shet. Nakatulog rin pala ako dito? Kaya pala ang kati-kati! Kapiling ko pala yung mga damo kagabi—I mean, kanina pala.

 

"Tara na! Umuwi na tayo!" tapos hinatak niya ako para makatayo.

 

Tumayo rin naman ako kaagad at nagpagpag ng buong katawan. Pati pala yung kaloob-looban ng damit ko merong mga damo. Kadiri! Baka pati bra at panty ko meron din. Shet. Kelangan kong maligo!

 

After kong magpagpag, naglakad na kami ni Yem pauwi ng bahay. Pero wala kaming imikan. Syempre. Ang awkward pa rin dahil sa nangyari kagabi. 

 

"Nga pala. Wag ka na pumasok." Then naalala ko, may incentive nga pala ang mga papasok after ng field trip namin sa Economics. Sakto, mababa ang grade ko dun. Kelangan ko ng panghatak.

"Papasok ako," sabi ko sa kanya. Napatingin lang sa akin si Yem at parang nag-gesture na "Okay. Suko na ako."

"Poleng naman. Ano ba. Masokista ka ba? O sadyang tanga ka lang?"

"Oo alam kong tanga ako. Di na kailangang sabihin. Pinamukha ko na sa sarili ko yan kagabi," sabi ko na lang. Buti na lang at walang lumabas na luha ngayon. Akala ko magpupumilit na naman sila eh. Siguro napagod na rin yung mata ko kakapalabas sa kanila.

"Tsk. Eh kasi naman! Malay mo nandun siya. Oh tapos ano? Iiyak ka sa harap niya?"

 

Bigla akong napahinto. Oo nga ‘no? Paano ‘pag nandun siya? Paano ‘pag nakita niya ako? ‘Di ko ata kakayanin ‘yun. Baka magbreakdown ako ng di-oras. Pero sayang yung incentives.

 

"P-papasok pa rin ako."

"Poleng nama—"

"Pero magpapakita lang ako kay Sir. T-tapos sasabihin ko masama ‘yung pakiramdam ko kaya uuwi rin agad ako. Okay na ba ‘yun?"

 

Imbes na ma-frustrate siya ay napabuntung-hininga na lang si Yem. Tapos pumayag siya sa sinabi ko. Well, wala rin naman kasi akong balak na harapin si Ryde. Hindi naman ako ganun kasukdulang tanga para pahirapan pa yung sarili ko.

 

Pagkauwi namin sa bahay, naligo agad ako. Tinanggal ko lahat ng damong may crush sa akin dahil hanggang ngayon ay nakadikit pa rin sila sa balat ko. Then after nun, sinuot ko ‘yung uniform namin at kinuha ko na lang ‘yung bag ko kahit hindi ko pa natatanggal ‘yung mga kalat doon. Tapos pumunta na kaming school. Akala ko nga si Manong ‘yung nasakyan namin pero ibang jeep pala. Medyo na-weirdohan ako kasi nasanay na ako sa jeep ni Manong. Ang tagal ko na rin kasing hindi nakakasakay sa jeep ng iba dahil lagi kami kay Manong sumasakay.

 

Pagbaba namin, dumiretso agad kami sa school. Sabi ni Budoy, ‘yung guard namin, lahat daw ng magpapa-incentive, sa room na lang daw ni Sir dumiretso. So kami naman ni Yem, dumiretso sa Faculty Room. Nakita namin na ang dami pang tao dahil sobrang crowded doon sa cubicle ni Sir. Sabi ni Yem, akyat daw muna kami sa room so ayun ang ginawa namin. Buti na lang at walang tao sa room.

 

"Hay. Akala ko konti lang ang papasok. Akalain mong andami rin palang nag-aasam ng plus points?" sabay tawa niya then umupo siya sa isang upuan malapit sa pinto, tapos sumulyap siya sa akin.

 

Napangiti nalang ako. Alam ko naman na kaya siya hindi umuupo doon sa totoo naming upuan ay dahil baka maisip ko lang si Ryde, na nasa likod ko lang ang upuan. 

 

Nagpalipas lang kami ng oras doon. Then after fifteen minutes, nagprepare na kaming bumaba. Pero palabas pa lang kami ng room, biglang may sumalubong sa aking sampal. Halos nagulantang ako sa nangyari at biglang nagising ‘yung diwa ko.

 

“Ang kapal talaga ng mukha mo! Ang kapal kapal mo! Ano bang problema mo ha?! Hanggang kelan ka magiging ganyan?! Ano bang gusto mong mangyari?!” 

  

Pagtingin ko, si Serene pala. Parang lahat ng galit na inipon ko sa katawan ko ay nagpupumilit lumabas ngayon. Susugod na sana ako pero nagulat ako nung bigla siyang umiyak.

 

“Hinayaan ko na nga siya sa’yo pero anong ginawa mo?! Ha?! You fuckin’ bastard! Ganyan ka ba pinalaki ng magulang mo ha?! Ang manakit ng taong mahal ka?!” tapos bigla siyang suumugod papunta sa akin.

  

"Wait, Serene!" Bago pa niya ako masugod ay biglang humarang si Yem sa harap ko at may tao namang pumigil kay Serene. Pagtingin ko kung sino, si Daniel.

“What are you doing, Daniel?! Pwede ba bitiwan mo ako! Sabi ko naman sa’yo ‘di ba?! Kapag nakita ko ‘yang babaeng ‘yan, hindi ako mag-aatubiling sampalin siya?! Kaya pwede ba bitiwan m—”  

 

Napatigil ako sa nangyari. Ni hindi ko napansin na nawala siya sa harapan ko. Bigla na lang sinampal ni Yem si Serene. At pakiramdam ko, mas masakit ‘yun sa sampal na binigay niya sa akin.

 

"Pagsalitaan mo pa ulit ang best friend ko, makakatikim ka ulit ng sampal."

"Hah! Ang kapal—"

"Sino ka ba ha? Sino ka ba sa akala mo? Ha?!" bigla na lang hinigit ni Yem ;yung kwelyo ng uniform ni Serene habang si Daniel ay hawak-hawak pa rin yung braso ni Serene. "Wala kang alam sa kanya kaya wala kang karapatan para sabihan siya ng ganyan! Hindi mo alam kung gaano siya nasasaktan ng—" 

"Yem! Tama na!" napasigaw nalang ako sa sobrang frustration ko sa mga nangyayari. Pinuntahan ko siya doon at hinatak ko siya pabalik. Pero after nun, pumunta ulit ako sa harap ni Serene at saka ako yumuko.

 

"Sorry." Pagkasabing-pagkasabi ko nun, natahimik silang tatlo. "Sorry kung may nagawa man ako sa'yong hindi mo nagustuhan," then after nun, tumayo ako nang maayos at lumapit pa sa kanya ng maiigi. Tinignan ko siya sa mga mata at saka ko siya sinampal nang malakas. Natahimik naman silang tatlo nung ginawa ko ‘yun.

  

"Pero payo ko lang sa'yo. Ayos lang na pagsalitaan mo ako. Pero kapag dinamay mo pati magulang ko, ibang usapan na ‘yan. Subukan mo pang pagsalitaan sila, baka mapatay na kita," saka ako tumalikod. After nun, hinatak ko si Yem palabas ng room at dumiretso kami sa Faculty Room kahit namamaga ‘yung mata at pisngi ko.