***

"Lola ano po palang pangalan niyo?" nakikinig lang ako sa usapan ni Yem tsaka ni lola habang nagtitimpla ako ng gatas. Pinaghahanda ko si lola, mukha kasing di pa siya kumakain.

"Roma. Kayo mga hija anong pangalan ninyo?"

"Ako po si Alyssa Mae pero Yem nalang po. Yun pong mukhang eklat na nagtitimpla dun sa kusina eh si PAULINE. Hahahaha!" pagkarinig na pagkarinig ko nun ay sinamaan ko siya ng tingin. As in masamang masama talaga na halos maningkit na yung mata ko. Walang hiyang Yem yan! "Ay joke lang pala lola, Aeisha pala pangalan nun."

"Ala ay ano? Arisa?" napabuntung-hininga naman ako. Tapos tsaka ako lumapit sa kanila dala-dala yung tray na may laman na gatas tsaka tinapay.

"Lola, Aeisha po." sabi ko sa kanya tapos nilapag ko yung tray sa harapan naming tatlo.

"Galisya? Alisya?" napahawak ako sa mukha ko. Mahirap bang banggitin yung Aeisha?

"HAHAHA! Galisya! Parang pag narinig ko yun naiimagine ko ang dami mong galis!"

Isang malakas na batok ang binigay ko kay Yem. Asar 'to eh kanina pa ako pinagtitripan.

"Aray ha! Lola oh! Walang manners yang si Galisya! Sakit nun ha! PAULINE nalang kasi. Dami mo pang arte eh. Nahihirapan na nga si lola Roma na banggitin yang pangalan mo, pinipilit mo pa rin. Yan ang hirap sa’yo eh. Yung gusto mo lang lagi ang pinipilit mo. Hindi mo iniisip yung mga taong nahihirapan dahil sa kagustuhan mo.” Napa-what-the-eff face na lang ako sa kanya. Saan niya hinugot yung pinagsasabi niya?

“Hugot lang, Yem?”

“Nakuha ko  lang yan doon sa teleserye kagabi.” Saka siya tumawa at tumingin kay lola. “Kaya lola, Pauline na lang ang itawag mo sa kanya. Period, no erase, pakikain po ng susi.”

"Aba ay oo nga. Yuong Pauline na lang. Kahirap naman bigkasin nung isa." kinuha ni lola yung tinapay at saka yung gatas tsaka siya kumain.

Sumabay na rin kami ni Yem sa kanyang kumain. At ayun, ang bigat sa damdamin dahil Pauline ang tawag nila sa akin. Bakit ba kasi hindi mabanggit ni lola yung Aeisha? Madali lang naman eh! Ayoko talaga ng Pauline.

"Lola, ilang araw na po kayong lumayas?" napatingin ako kay Yem nung bigla siyang nagtanong kay lola. At nakita ko naman na biglang naging malungkot yung ekspresyon ni lola Roma.

"Magtatatlong araw na. Buti nga at may mga mababait na nagbibigay sa akin ng pagkain noong namalimos ako. Hindi ko kinaya ang gutom." parang gusto kong umiyak nung sinabi yun ni lola. Kawawa naman siya. Tatlong araw sa lansangan? Kakaunting pagkain? Walang tirahan? Maag-isa lang? Nakakalungkot na ang isang matanda ay nakakaranas ng ganun. Gustung-gusto kong tanungin kung sino yung hampaslupa niyang anak para mareport namin kaso natatakot naman ako kasi baka masaktan ko yung feelings niya. Kasi anak niya pa rin yun eh.

Dinaldal lang namin ng dinaldal si lola hanggang sa makatulog siya. Dun na namin siya pinahiga sa kama namin. Alam kong namiss niyang humiga sa komportableng higaan. Kaya kaming dalawa ni Yem ay naglatag nalang sa lapag. Pero ang sarap lang talagang bugbugin ni Yem eh.

"Walang hiya ka bakit naman Pauline?! Ang choga choga nun!"

"Hindi niya mabigkas yung Aeisha, bakit ba? Anong gusto mo Galisya ang itawag sa’yo?" sabay kamot niya sa buong katawan niya at may kasama pang pagtawa.

Nagbugbugan, naggulungan, nagkilitian at naghampasan kami doon sa lapag. Wrestling kumbaga. Kaya balewala yung paglalatag namin dahil parang dinaanan ng 17 na bagyo yung higaan. Pero nung napagod na kami ay nagawa rin naman naming ayusin agad yung higaan. May pasok pa kami bukas pero kung makapagpuyat kami, wagas. Jusko sana magising kami ng maaga bukas, kung hindi, second week pa lang ng klase ay puro late na ang nakarecord sa aming dalawa. 


*** 


"Yem. Pauline. Mga apo, gising na."

Bakit parang may lindol?

"Malelate na kayo sa klase ninyo."

Nung narinig ko yung salitang 'MALELATE', automatic na napabangon ako.

"OH MY GOD. LOLA ANONG ORAS NA PO? LATE NA BA KAMI?" OMG hindi pwede ngayon ang first day sa club! Tapos may assignment pa kaming ipapasa! Tapos may recitation pa kami! Tapos---

"APO! Alas sais pa lang. Binibiro lang kita sa mahuhuli na kayo sa klase para nama'y magising na kayo. Pasensya na ha? Sige na naghain na ako, kumain na kayo."

Napabuntung-hininga ako. Jusko akala ko late na naman kami! Nagpanic ang buong pagkatao ko. Pero in fairness sa method ni lola, effective! Nagising ako agad! Pero nawindang ako nung nakita ko si Yem na tulog pa rin. Take note, nakanganga pa. Hindi ba siya nagising sa panic mode ko? Ako nga ay naingayan sa sarili ko eh. Tindi neto!

Pumwesto ako sa may bandang tenga niya tsaka ako huminga nang malalim.

"HOY ALYSSA MAE ALVAREZ, GUMISING KA NA AT MAY PASOK PA TAYO! AT ALAM MO BANG ANDYAN SA LABAS YUNG POGI MONG KATABI KAHAPON? DALIAN MO KANINA PA YUN NAG-IINTAY! ANO BA HINDI KA BA GIGIS--"

"TAKTE ANG INGAY MO NAMAN OH!"

Buti na lang talaga at mabilis akong nakaiwas dahil muntik na akong ma-headbutt sa pagbangon niya. Aba, ako pa ang pinagalitan? Nagmamagandang-loob na nga akong gisingin siya in a civilized way eh!

After nung madugong gisingan ay nagprepare na kami ni Yem tapos dumiretso na kami sa lamesa. At wow lang. Ang daming pagkain. First time ito! Tapos napatingin ako kay lola na nasa gilid lang at nakangiti sa amin.

"Lo-lola ikaw may gawa lahat niyan? Hala dapat di ka na nagluto baka mapagod ka lang." nasabi ko nalang bigla. Na-amaze talaga ako sa dami.

"Okay lang 'to apo. Ito na nga lang ang matutulong ko kapalit ng pagpapatuloy ninyo sa akin dito. Hayaan niyong ipagluto ko kayo. Hala sige na kumain na kayo at baka mahuli kayo sa klase."

"Hala lola Roma ang sarap naman neto. I love you na!" nagulat ako nung nakita kong kumakain na si Yem at talagang sarap na sarap siya sa pagkain. Ayos ah? Di kami hinintay. Gutom?

Halos naubos namin yung hinain ni lola. Grabe talaga ang sarap! Namiss kong kumain ng marami. Kapag kasi kaming dalawa ni Yem ang nagluluto, it’s either walang lasa o kaya sobrang alat.

Nagpaalam na rin kami kay lola at tumakbo na papunta doon sa sakayan ng jeep dahil mukhang malelate nga ata kami. Di kasi namin namalayan yung oras nung kumakain kami eh.

"Ayun na yung jeep! Dali Aeisha!" tumakbo kami papunta doon sa humintong jeep. Buti nalang at nakasakay agad kami.

"Malelate kaya tayo?" tanong niya sa akin tapos inabot niya sa akin yung bayad niya.

Tumingin naman ako sa relo ko. "Di yan. May 20 minutes pa. Bayad po, dalawang estudyante." inabot ko doon sa nasa unahan ko yung bayad ko.

"AY PAKINGTEYP!" nabitawan ko yung bayad namin dahil sa nakita ko. Tae naman! Bakit andito yan?! Bakit siya andito sa jeep?!

"Tsk." narinig kong sabi niya tapos pinulot niya yung nalaglag na mga barya. Syempre tumulong na rin ako dahil bayad namin yun.

Bakit ba kasi sa dinami-dami ng jeep eh dito pa sumakay 'tong Ryde na 'to?! Anak ng barya naman oh! Kinakabahan talaga ako sa kanya eh! Tapos nakakahiya pa dahil dun sa nangyari sa hagdan kahapon.

"Eto pa oh. So-sorry." inabot ko sa kanya yung eight pesos na napulot ko. Tapos umurong ako ng konti palayo sa kanya. Tapos saka niya inabot yung bayad namin sa driver.

Pagtingin ko kay Yem, walang hiya ang loko lang nung tingin niya sa akin. Di ko alam kung nang-aasar o namomonggoloid lang siya eh. Sa buong biyahe ay pinagdadasal ko na sana ay nasa school na kami. Nakakainis naman kasi. Bakit ba sa jeep na 'to siya sumakay? Pwede naman dun sa susunod!

"Para po!" talagang sumigaw na ako sa driver dahil gustung-gusto ko nang bumaba. After nun ay hinatak ko kaagad si Yem dahil baka kung ano na namang gawin neto.

"Dalian mo late na tayo! Jusme lang Yem, ayoko ng sumakay ng jeep! Nagulat talaga ako kanina! Kasabay natin yung manyak na yun!" hawak-hawak ko siya sa wrist niya at di na ako tumingin sa kanya dahil tuluy-tuloy lang ako sa paglalakad. Aba in fairness di siya umaangal. Teka, hindi siya umangal? Si Yem? Di aangal?

"Hoy Yem bakit di ka nagsasalita? Aba bago yan ha!" ayos ha di talaga siya umiimik.

"HOY AEISHA! HOY ANO YAN!" ayun nagsalita rin. Pero bakit ganun? Parang ang layo ata ng boses niya?

"Grabe ka ha! Katabi lang kita kung makasigaw ka wagas!" tapos tsaka ko siya nilingon.

Pagkalingon ko, napanganga na lang ako at napabitaw ako sa kamay niya. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanya at kay Yem na halos 10 meters ang layo sa amin.

"Te-teka. Panong.. anong.. bakit.. ikaw.. tapos.. si Yem.. hindi.. eh.. andun--"

"Hinatak mo ako. Tsk." halos manigas ako dun sa pwesto ko habang siya ay nakita kong pumasok na sa gate. Napatingin na lang ako sa back figure ng manyak na si Ryde na nahatak ko pagbaba ng jeep. At narealize ko na narinig niya yung mga pinagsasabi ko. Oh my gosh, lupa, lamunin mo na ako please! 

"Hoy bruha ka!” sabay batok sa akin. “Bakit mo ako iniwan?! Tae ka hinatak mo pa si Ryde!"

"EWAN KO SA’YO! BWISIT KA AKALA KO IKAW YUNG KAUSAP KO!"

Halos maiyak na ako sa kahihiyan. Shet talaga. Kaya pala hindi siya nagsasalita. Kaya pala parang ang taba nung wrist niya. Kaya pala ganun kasi si Ryde yung nahatak ko.

Grabe ayoko na talaga! Paano kung gantihan niya ako? Paano kung ipabugbog niya ako dahil sa sinabi kong manyak siya kahit totoo naman? Bakit kasi si Ryde yung nahatak ko? Bakit hindi na lang si Yem o kaya yung gulong ng sasakyan? Bakit siya?!


***