.

.

Kabanata 1

Posted by purpleyhan on Tuesday, July 21, 2015

***

Nagising ako nang may narinig akong ingay. Pagdilat ko, muntik na akong mapasigaw dahil sa nakikita ko.

Wala na ako sa attic namin.

Tinignan ko ang paligid. Nakaupo ako ngayon sa isang bumagsak na puno na hindi ko alam kung paano nangyari. Marami ring puno sa paligid kaya ang tingin ko ay nasa gubat ako. Pero paano ako napadpad dito? Ang huling naaalala ko, binasa ko ang nakasulat sa kawayan . . .

Pagtingin ko, wala na ang kawayan sa tabi ko pero sa pagkakaalala ko, hawak-hawak ko iyon nang mahigpit nang . . . nang . . . napunta ako sa baul. Tama. Parang may kung anong pwersa ang humatak sa akin galing sa baul at paggising ko, ito na ang naabutan ko.

Hala. Nananaginip ba ako? Hindi kaya nakatulog ako sa attic at panaginip lang ‘to? Pero parang totoo lahat. Ang sakit ng katawan ko at hindi ko alam kung bakit. Nasira rin iyong palda ko at nawala ang isang sapatos ko. Noong tinignan ko ang bag ko, nandito pa ang notebooks at books ko. Napahawak ako sa ulo ko dahil hindi ko alam kung nababaliw na ba ako at imahinasyon ko lang lahat ng ‘to.

Tumayo ako at pinunit ko iyong nakalaylay na parte ng palda ko kaya naging hanggang tuhod na lang ang haba. Hinanap ko rin ang isa ko pang sapatos pero hindi ko makita sa paligid ko. Ang weird tuloy sa pakiramdam dahil isa lang ang suot ko kaya hinubad ko na lang at naglakad ako nang nakamedyas. Ang hirap din maglakad at iika-ika ako dahil masakit ang kaliwang paa ko.

Pero nasaan ba ako? Bakit nasa gitna ako ng gubat? At saka talaga bang hinigop ako ng lumang baul na iyon? Totoo ba ‘to o panaginip lang?

Umupo ulit ako roon sa punong natumba at binuksan ko ang bag ko. Hinanap ko ang phone ko at naalala kong nilapag ko pala iyon sa tabi ng baul habang binabasa ko ang nakasulat sa kawayan.

Bigla naman akong nakarinig ng paglalakad kaya agad akong nagtago sa likod ng isang malaking puno. Kinabahan ako dahil baka mabangis na hayop iyon. Kung kaya ko lang umakyat sa puno ay kanina ko pa ginawa pero hindi ko kaya ngayon dahil sa kalagayan ng paa ko. Hindi ako sumilip doon sa pwesto ko kanina dahil naririnig ko na malapit na rito ang ingay kaya naman niyakap ko na lang nang mahigpit ang bag ko habang nararamdaman ko ang sobrang bilis na pagtibok ng puso ko.

“Anya ay toy?” (Ano ito?)

Nagulat ako nang makarinig ako ng boses kaya kahit mapanganib ay sumilip ako nang kaunti at may nakita akong lalaking nakatayo roon habang hawak-hawak ang kapares ng sapatos ko. Paano niya iyon nakita? Kanina ko pa iyon hinahanap ah? Buti na lang at nilagay ko sa loob ng bag ko iyong isa pa.

Mas lalo akong nagulat nang inamoy niya iyon at hindi ko maiwasang hindi mamula dahil baka kung anong isipin niya. Tinignan ko ang expresyon ng mukha niya pero hindi ko mabasa.

Napatingin ako sa kabuuan ng lalaki at ngayon ko lang napagtanto na naka-bahag lang siya at putong, o iyong telang nakalagay sa ulo, at may nakasabit na espada sa bewang niya. Maganda rin ang pangangatawan niya at kayumanggi ang kutis. Mukhang parte siya ng isang tribo at mukhang nasa liblib na lugar ako. Napasulyap naman ako sa mukha at ewan ko pero parang may kakaiba . . . hindi ko matukoy nang maayos. Basta may kakaiba akong naramdaman sa kanya.

Bigla naman siyang napatingin sa direksyon ko kaya nagtago ulit ako sa likod ng puno pero nagtama ang mga mata namin at alam kong nakita niya ako. Narinig ko ang yapak niya at alam kong naglalakad siya papalapit dito.

Cyrene, mukhang ito na ang katapusan mo!

“Sin-nu ka?” (Sino ka?)

Nagulat ako nang may nakatutok na sa leeg ko na talim at hindi na ako makatingin sa likuran dahil natatakot akong gumalaw.

“Ti kunak sin-nu ka?” (Ang sabi ko, sino ka?)

“H-Ha?”

“Tuləng ka?” (Ikaw ba’y bingi?)

Napalunok ako dahil nanunuyo na ang lalamunan ko sa sobrang kaba pero mabilis kong inisip kung anong wika ang sinasalita niya dahil parang pamilyar. Matapos ang ilang segundo ay napag-isip-isip kong ganoon ang pagsasalita ng mga nasa Hilagang Luzon dahil nakikinig ako kina Mama at Papa tungkol sa pag-uusap nila sa iba’t ibang wika at dayalekto sa Pilipinas noong bata pa ako. Ang kaso nga lang ay hindi ako nakakaintindi kaya hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Siguro naman ay marunong siyang mag-Filipino.

“Uhm . . . a-ano, s-sa totoo niyan, h-hindi ko alam kung bakit ako nandito. Promise. Wala naman akong gagawing masama o kung ano . . . k-kaya pwede bang i-ibaba mo ‘yang espada mo?”

“Anya ti bagbagam?” (Anong ang iyong sinasabi?) tapos napansin kong kumunot ang noo niya.

“H-hindi kita maintindihan at mukhang ganoon ka rin sa akin.” Napabuntong-hininga ako dahil hindi ko na alam ang gagawin ko at nasa bingit pa ako ng kamatayan. “Paano ba ‘to?” bulong ko sa sarili ko.

Bigla naman niyang binaba ang espada niya kaya agad akong nakahinga nang maluwag. Nilingon ko siya at nakita kong nakatingin siya sa bag ko na bukas kung saan unang-unang makikita ang sapatos ko. Saka ko lang napansin na hawak-hawak niya pala ang isa ko pang sapatos.

“Bagim ay toy? Inya ay toy?” (Ito ba’y sa iyo? Ano ito?) sabay taas niya sa sapatos ko at tingin doon na parang hindi niya alam kung ano. Mukhang tinatanong niya kung sa akin ba iyon dahil sa galaw at expresyon niya. Inisip ko kung ano ang oo sa mga taga-rehiyon I at II at ewan ko kung tama ba pero bahala na.

“W-Wən.” (Oo.)

Nakita kong nabigla siya at parang nagtaka.

“Amom agsao ti sao mi?” (Alam mong salitain ang salita namin?)

“H-Ha?”

“Anya ti kayat mo nga saw-әn?” (Anong salita ang kaya mong isalita?)

Parang sasakit ang ulo ko sa usapan namin dahil hindi kami magkaintindihan pero natatakot naman akong gumalaw o magtanong dahil sa sandata na meron siya.

“Apay ta sabali ti badom? Naggapwam nga lugar?” (Bakit kakaiba ang iyong kasuotan? Saang pook ka nanggaling?) tapos ay bigla siyang lumuhod sa tabi ko at tinignan nang masama ang hawak kong bag. Nagulat ako nang bigla niya akong inamoy kaya nag-init ang mukha ko. Pero mas nagulat ako nang hinawakan niya ang palda ko at itinaas iyon kaya nahampas ko ang kamay niya.

“B-bastos ka ba?!” sigaw ko at hinawakan ko nang mahigpit ang palda ko.

“Anya ti kayat mo nga saw-әn? Ta tak lang nakita ta badom.”  (Ano ang ibig mong sabihin? Ngayon ko lamang nakita ang iyong kasuotan.)

Bigla naman siyang lumipat ng pwesto at napatingin siya sa paa ko. Hinawakan niya iyon at muntik na akong sumigaw dahil ang hinawakan niya ay iyong masakit na parte. Gusto kong hilahin ang paa ko pero ang higpit ng hawak niya.

“Kasla napigsul ti sakam.” (Mukhang nabali ang iyong paa.)

Tumayo siya at tahimik lang siyang nakatayo sa loob ng ilang minuto. Pagkatapos no’n ay tumingin siya sa akin nang seryoso kaya kinabahan ako.

“Diak ammo ti aramidək kanyam, iso nga iyapan ka laungən kinni prinsesa.” (Hindi ko mawari kung ano ang gagawin ko sa iyo kaya dadalhin na lamang kita sa prinsesa.)

Umupo ulit siya at bigla niya akong binuhat kaya nagpanic ako sa loob ko. Hindi ko alam ang gagawin at hindi naman ako makapiglas dahil sa sakit ng katawan ko at baka magkamali ako ng bagsak sa lupa kaya naman napakapit na lang ako sa bag ko.

Hindi ako umimik habang buhat-buhat niya ako at ganoon din siya. Sa sobrang tahimik ay huni ng mga ibon at hampas ng hangin sa mga puno lang ang naririnig ko. Ilang minuto pa ang lumipas at unti-unting numinipis ang dami ng mga puno kaya alam kong palapit na kami sa bukana. Hanggang sa makakita ako ng maliliit na kubo sa isang patag na parte ng gubat at may mga taong nakadamit na katulad sa kanya. Pati mga babae ay walang damit na pantaas at mahabang tela lang sa ibaba. Napatingin ang ilan sa amin at napayuko ako habang nakatago ang mukha ko sa likod ng bag dahil tinamaan ako ng hiya.

“Sin-nu ti awit ni Bagim nga babae?” (Sino ang dalang babae ni Bagim?)

“Sabali bado na?” (Kakaiba ang kasuotan niya?)

“Ay toy ngata ti ibagbaga diay natay nga babaylan?” (Ito kaya ang tinuran ng namatay na babaylan?)

Narinig ko ang mga usapan nila pero hindi ko naman maintindihan. Noong hindi ko na sila masyadong naririnig ay sumilip ako at nasa loob na kami ng isang kubo. Binaba niya ako at tumayo ako habang nakasuporta ang bigat ko sa kanang paa ko.

Sa harapan namin ay may nakaharang na tabing at nakita kong lumuhod ang lalaking bumuhat sa akin.

“Prinsesa.”

“Sin-nu kadwam?” (Sino ang iyong kasama?)

Napatingin ako sa mga butas sa tabing at nakita ko ang isang babae sa likod no’n pero hindi ko siya makita nang buo. Lalo akong kinabahan dahil ang lakas ng presensya niya.

“Nakitak idiay gubat isunga inawit ko ditoy ta kasla sabali ti paggungunayna.” (Nakita ko siya sa kagubatan, bagkus, akin siyang dinala rito dahil kakaiba ang kanyang ikinikilos.)

“Ibati na kamin. Mabalin ka nga pumanaw.” (Iwan mo na kami. Maaari ka nang umalis.) Nakita kong tumayo siya at mukhang lalabas na siya doon sa harang.

“Wən, Prinsesa Urduja.” (Masusunod, Prinsesa Urduja.)

Napatigil ako nang marinig ko iyon at sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makalabas siya. Napatingin ako sa babaeng kaharap ko ngayon at napanganga ako sa ganda ng mukha, katawan at tindig niya. Naramdaman ko kaagad ang posisyon niya sa tribong ‘to dahil may presensya siya ng pagiging lider.

Pero ang mas ikinagulat ko ay ang tinawag sa kanya ng lalaki. Tinawag siyang Prinsesa Urduja at isa lang ang kilala kong ganoon ang pangalan na ikinwento nina Mama at pinag-aralan ko sa Kasaysayan ng Pilipinas.

Hindi ko alam kung tama ang hinala ko pero sobrang sumakit ang ulo ko sa naiisip kong nangyari sa akin noong hinigop ako ng baul. Alam kong imposible pero sa tingin ko ay bumalik ako sa nakaraan . . .

. . . sa nakaraan kung kailan namuno si Urduja, isa sa mga pinakamalalakas na pinuno ng sinaunang lipunan.



***