***

"Dahil sa mga kamay na ito nakasalalay ang tadhana ng mundo."

Agad akong napabangon habang hinahabol ang aking hininga, nangangambang nasa paligid ang diyosa. Ilang segundo pa ang lumipas bago ko napagtantong panaginip lamang ang imaheng iyon.

Napatingin ako sa bintana at sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang makita ko ang buwan mula rito. Tuluyan akong bumangon at naglakad patungo roon at saka dumungaw.

Halos dalawang linggo na ang nagdaan mula noong mapadpad ako sa lugar na ito. Noong una'y natatakot pa akong mag-isa sa aking balay ngunit kalauna'y nakasanayan ko na rin. Nakakubli ito sa nayon ngunit mas maganda na rin ang ganito upang makapag-isip ako.

Muli na namang sumagi sa isip ko sina Lola, Mama at Papa. Kumusta na kaya sila? Hinahanap kaya nila ako? Alam kaya nila na napunta ako sa lugar na ito? Paniguradong nag-aalala sila kaya tila lumubog ang puso ko nang maisip ko ang kalagayan nila.

"Malalim yata ang iniisip mo ngayon?"

Napasigaw ako nang marinig ko ang boses na iyon at pagtingin ko sa labas ay nakasandal sa katawan ng punong malapit sa bintana si Ridge. Tumingin siya sa akin at naglakad patungo sa direksyon ko.

"Ridge? Anong ginagawa mo rito? Tumakas ka na naman ba?" tanong ko at sinagot niya ako ng isang nakakalokong ngiti.

"Ganitong oras lang naman kita maaaring puntahan," sambit niya at saka siya tumalon patungo sa bintana ko. Sa isang iglap, nasa harapan ko na siya. Nasa loob na siya ng aking silid.

Sumandal siya sa dingding na gawa lamang sa pawid at umupo naman ako sa harapan niya. Ilang beses na rin niyang ginagawa ito kaya't natatakot ako dahil baka mayroong makakita sa amin. Sagradong lugar ang balay ng babaylan kaya't tanging ako at ang mga Gabay lamang ang maaaring pumunta rito.

"Nais ko sanang malaman ang opinyon mo," sabi niya at saka niya inilatag ang tila isang mapa.

"Ano ito?"

"Mapa ng Luzon sa panahong ito," turan niya.

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko iyon. Sa loob lamang ng ilang araw ay nagawa niyang iguhit ang buong isla ng Luzon? Paano?

"Mas napadali ang pagbuo ko nito dahil sa tulong ng mga mandirigma at Kalakian na nakapunta na sa iba't ibang pook," sabi niya at muli akong napatingin sa mapa na nasa harapan namin.

Ginamit niya ang pinagdikit-dikit na piraso ng papel na galing sa dala kong kwaderno. Dahil hindi pa natutuklasan ng mga Pilipino ang paggamit ng papel sa panahong ito ay minabuti naming huwag munang sabihin sa kanila. Isa pa, may pagkakataon silang makakita nito kapag nakipagkalakal sila sa mga taga-Silangang Asya na kilala sa paggamit ng scrolls sa pagpapadala ng mensahe at pagsusulat ng kanilang kasaysayan.

Sa halip na pangalan ng mga lugar o probinsya ay inilagay niya kung anong mga kaharian ang namumuno sa bawat teritoryo. Isa ang nayon ng Kaboloan sa may pinakamaliit na nasasakupan. Namangha naman ako sa taglay na lupain ng Kaharian ng Tundun na halos umabot na sa timog na bahagi ng Luzon.


"Ano ang ibig sabihin ng mga ito?" tanong ko habang nakaturo sa mga lupaing walang anumang nakalagay.

"Mga lupaing wala pang nagmamay-ari at hindi pa nasasakop," sabi niya habang nakangiti.

"Saglit lamang. Huwag mong sabihing . . ."

"Ganoon na nga," pagtutuloy niya kahit na hindi ko pa natatapos ang nais kong ihayag ngunit nakatitiyak ako na magkatulad kami ng ideya. "Ito ang magiging simula ng paglawak ng Kaharian ng Kaboloan—ng kaharian ni Urduja."


***

Pagsapit ng umaga ay agad akong umalis mula sa aking balay habang dala ang mahiwagang kahoy. Naglakad ako patungo sa Balay Parsua nang makita ko ang ilang batang naglalaro. Napahinto ako at sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang tumingin sila sa akin.

"Punong babaylan!" tawag nila at kumaway naman ako.

Nagtataguan silang apat at nakakatuwang panoorin kung paano sila maglaro. Bigla ko tuloy naalala ang mga kaibigan ko sa eskwelahan. Gusto ko na silang makita ngunit hindi ko naman alam kung paano makakabalik at hindi ko rin alam kung dapat. Nagkaroon ako ng tungkulin sa nayon na ito at ayaw ko namang talikuran ang pagiging babaylan lalo na't isa na ako sa mga inaasahan ni Urduja.

"Sayi."

Agad naman akong napalingon at nakita ko si Urduja. Ngumiti siya sa akin at sinuklian ko naman ito.

"Prinsesa Urduja," bati ko. "Ayos na ba ang iyong natamong sugat?"

"Unti-unti nang naghihilom kaya't huwag ka nang mag-alala," sagot naman niya.

Sabay kaming naglakad at doon ko napagtanto na handa na siya para sa aralin namin ngayon. Nakasalubong din namin sina Bagim at Anam kaya't sabay-sabay na kaming tumungo sa Balay Parsua.

Pagkarating namin doon ay nakahanda na ang ilang piraso ng malalaking dahon pati na ang matalim na kahoy.

Noong mga nakaraang araw ay itinuro ko sa kanila ang wikang Tagalog upang mas mabilis nila kaming maintindihan ni Ridge. Kapalit niyon, tinuruan naman nila ako ng Ilocano ngunit nahihirapan pa rin ako, samantalang sila ay halos nakakapag-usap na gamit ang Tagalog. Nakamamangha ang kanilang kagustuhan na matutunan ang aming wika at upang magkaintindihan kami. Ngayon ay nakapagsasalita na sila sa Tagalog at nais nilang iyon ang gamitin kapag kasama ako upang mas mahasa pa raw nila iyon ngunit paminsa'y kinakausap din nila ako sa Ilocano upang ako naman ang masanay sa paggamit niyon.

"Isurom ba ulit kanyami dagijay insurat idi?" (Ituturo mo na bang muli sa amin ang mga isinulat mo noon?) tanong ni Anam at bakas sa kanyang mukha ang pagkagalak.

"Wen," sagot ko naman.

Umupo ako at isinulat ang alpabeto gamit ang Baybayin. Iniukit nila ang mga iyon sa mga dahon habang sinusuri ko kung tama ang kanilang pagsulat.


"Kamangha-mangha," sambit ni Urduja. "Hindi ko inakala na may ganitong sistema ng pagsusulat."

Ngumiti naman ako sa kanya. "Malaki ang maitutulong nito sa aspeto ng komunikasyon at pahayagan," sabi ko.

"Tunay nga, lalo na sa isinasagawa nating plano, Prinsesa."

Napatingin naman kaming lahat kay Ridge na kapapasok lang. Nagtama ang aming mga mata at muli kong naalala ang sinabi niya sa akin kanina.

"Magandang umaga," bati niya at naupo siya sa tabi ni Bagim.

"Awan sa inanam, punong pantas," (Tila wala kang pahinga, punong pantas,) pansin ni Bagim habang patuloy na nagsusulat sa dahon na nasa kanyang harapan.

Habang tinitingnan ko sila nang matagal ay lalo kong nakikita ang pagkakahawig nila. Hindi pa rin ako makapaniwala na galing siya sa angkan ni Bagim, na ngayon ay nasa tabi niya. Ano kaya ang nararamdaman niya na nakikita niya ang kanyang ninuno? Ang kanyang pinagmulan?

Nag-usap sina Bagim, Anam at Ridge tungkol sa heograpiya ng Kaboloan. Halos magkakasing-edad lamang kami ngunit nagagawa na nilang mag-isip nang ganito. Nakamamangha ngunit may pangamba rin akong nararamdaman lalo na't kumpara sa ibang kaharian ay masyado pang maliit at bata ang Kaboloan.

"Sayi," tawag ni Urduja kaya napatingin ako sa kanya. Iniharap niya sa akin ang malaking dahon kung saan nakaukit nang pababa ang pangalan naming lima.



"Mahusay, Prinsesa," sabi ko naman dahil nagawa niyang makabisa ang buong alpabeto sa maiksing panahon. "Ituturo ko rin ito sa mga kabataan at kababaihan upang kanila ring maintindihan ang mga nais nating sabihin sa pamamagitan ng pagsusulat at pagbabasa."

Tumingin naman siya sa akin at ngumiti na tila may nasabi akong ikinagalak niya ngunit napakunot ang aking noo nang bigla kong masilayan ang sandaling pagbabago sa kanyang itsura. Gaya ng imaheng nasilayan ko noong isang araw ay may kung anu-anong palamuting nakalagay sa kanyang katawan at iba rin ang kanyang kasuotan. Tila isa na siyang ganap na pinuno ng isang kaharian. Muli akong pumikit at pagdilat ko ay bumalik na sa dati ang itsura niya.

Matapos ang ilang minuto ay dumating si Ditan, ang punong panday, kaya't inihinto na nina Urduja ang pag-aaral ng Baybayin upang pormal na simulan ang pulong.

"Prinsesa, mayroon tayong dalawampu't tatlong bihag na mga mandirigma ng Namayan," ani Ditan.

"Hindi natin sila maaaring ikubli rito," dagdag ni Bagim.

"Bakit hindi?" tanong ko kaya napatingin silang lahat sa akin.

"Sapat lamang ang aming ani sa mga mamamayan dito," tugon ni Anam. "Isa pa, sila ay mga mandirigma. Hindi malabong makatakas ang isa o higit pa lalo na't ngayon lamang nagtagal nang ganito ang aming mga nabihag."

"Ano ang ibig mong sabihin?" karagdagang tanong ni Ridge.

"Ang nakaraang datu, ang aking ama, ay mahigpit sa ganitong aspeto." Napansin ko naman ang pagdilim ng kanyang mukha. "Walang natitirang bihag tuwing nananalo kami sa laban dahil pinapaslang niya ang mga ito."

Tumindig ang mga balahibo ko nang marinig ko iyon ngunit parang wala lang ang sinabi niya kina Bagim at Anam.

"Naniniwala si Ama na isang karangalan sa mga mandirigma na mamatay habang lumalaban, ngunit sa oras na natalo ang inyong hukbo at ikaw ay naging bihag, isa ka nang talunan." Tumingin siya sa akin na may lungkot sa mga mata. "Kamatayan lamang ang naghihintay sa isang talunan. Iyan ang kanyang paniniwala."

Nanahimik kaming lahat matapos niyang sabihin iyon. Marahas ang kanyang ama, ngunit itinuturing siyang isang epektibo at magaling na pinuno ng Kaboloan. Muli kong tiningnan si Urduja at alam kong may pag-aagam sa kanyang kalooban ukol sa kung ano ang gagawin sa mga bihag niyang mandirigma.

"Mayroon akong nais imungkahi, Prinsesa, ngunit may panganib itong dala," sabi ni Ditan na siyang bumasag sa aming katahimikan.

"Ano iyon, Ditan? Ihayag mo ang iyong mungkahi."

Tumango naman si Ditan. Bilang pinakamatanda at may alam sa aming anim ay nirerespeto namin siya. Bilang punong panday ay marami siyang alam sa pakikidigma at sa iba't ibang aspeto nito.

"Maaari natin silang ipagbili sa mga Sambal," mungkahi niya.

Napansin ko naman ang pagbigat ng hangin sa paligid at ang kanilang biglaang pagtahimik. Tinikom nina Bagim at Anam ang kanilang mga kamao na tila may hindi magandang alaala ang pumukaw sa kanilang damdamin.

Naalala ko naman ang ngalan na iyon mula sa mapang ipinakita sa akin ni Ridge kaninang madaling araw. Sa pagkakatanda ko, iyon ang nasa timog ng Kaboloan. Sa kasalukuyan, ito ang probinsya ng Zambales.

"Ngunit mapanganib ang mga barbarong iyon," ani Anam. "Hindi ko pa rin sila mapapatawad sa ginawa nila sa ilang Kalakian."

"Prinsesa, kung hindi mo kayang paslangin ang mga mandirigmang ito ay ito lamang ang natitirang paraan," pagpipilit ni Ditan.

"Punong panday," tawag ni Bagim at tila may pagbabanta ang tono ng kanyang boses.

"Hindi natin sila maaaring kupkupin at gawing alipin," dagdag ni Ditan. "Hindi rin natin sila maaaring pakawalan na lamang. Ano pa ba ang naiisip ninyong paraan?"

Muling dumalaw ang nakabibinging katahimikan habang ang mga mata nami'y pabalik-balik na tumitingin kay Urduja. Tikom ang kanyang bibig ngunit bakas sa kanyang mga mata ang pagdududa.

Nais ko siyang tulungang magdesisyon. Nais kong alisin ang pag-aagam-agam sa isipan nilang lahat. Nais kong maging karapat-dapat bilang kanyang gabay ngunit wala akong alam.

"Ngunit ikaw ang nakakaalam."

Halos mapatalon ako nang makita ko ang imahe ng isang babae sa dulo ng silid at agad akong yumuko nang mapagtanto kong pamilyar ang kanyang wangis.

"Apo Bulan," bulalas ko na siyang ikinagulat ng aking mga kasama.

Napatingin sila sa direksyon kung saan ako nakayuko ngunit napansin kong nakakunot ang kanilang mga noo habang pabalik-balik ang tingin sa akin at sa lugar kung nasaan si Apo Bulan.

"Nandito siya?" tanong ni Ridge.

"Hindi n'yo siya nakikita?" balik ko at umiling siya. Muli akong tumingin kay Apo Bulan at nanatiling seryoso ang kanyang mukha.

"Ikaw lamang, Babaylan dahil ikaw ang aming sisidlan," sambit niya. Naglakad naman siya palapit sa amin at tumayo siya sa likuran ni Urduja. "Siya ba ang iyong napiling pagsilbihan?"

Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Anagolay ilang araw na ang nakakaraan at kahit hindi sabihin ni Apo Bulan ay alam kong iyon ang tinutukoy niya.

"Siya nga, Apo Bulan," sambit ko at agad nagbago ang aking pakiramdam. Tila nagsama ang init at lamig sa loob ng aking katawan.

"Kung gayon, Sayi," aniya habang nakaturo ang hawak niyang tagdan sa aking direksyon, "dinggin mo ang aking mga salita."

Sa ngalan ni Bulan,
saksi ang marka ng buwan,
Itinatatag kita bilang babaylan,
ng Kaharian ng Kaboloan.

Tila may init na dumaloy sa aking dugo patungo sa buo kong katawan pagkatapos niyang bigkasin ang mga katagang iyon. Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto ang lumipas bago lumipas ang kakaibang pakiramdam na iyon at nang napagtanto ko ang nangyari ay nakatingin na sa akin sina Urduja at mga punong gabay.

"Cyrene . . ." tawag ni Ridge habang nakaawang ang mga labi.

"Bakit? Anong nangyari? Anong mayroon—!"

Agad akong napatigil sa pagsasalita nang makita ko ang likod ng aking mga palad. Ang dating hugis na nakamarka roon ay nagbago.


"Ayon sa aking ama, may ilang natatanging babaylan na dumarating upang baguhin ang kasaysayan," paglalahad ni Urduja kaya nabaling ang aming tingin sa kanya.

"A-ano ang ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Tuwing may umuusbong at nagtatagal na kaharian sa isang pook, ang hari o kung sino man ang namumuno ang itinuturing na dahilan nito. Ngunit ang hindi alam ng karamihan, ang mga kilalang hari na nagtaguyod ng kani-kanilang sibilisasyon at kaharian ay pinili ng mga natatanging babaylan."

"Natatangi?" muling tanong ni Ridge.

Tumango naman si Urduja. "Siya nga," aniya sabay tingin sa akin. "Sila ang mga babaylan na may taglay na kapangyarihan upang pumili ng kanilang pagsisilbihan. Sila ang may kakayahang pumili ng mga pinunong maghuhubog ng kasaysayan."

At sa pagtatapos ng kanyang paglalahad ay nakita ko ang simbolo na nagliliwanag sa itaas ng kanyang ulo—ang marka ng araw.

Dumako ang aking paningin sa markang nasa aking kamay, pabalik kay Urduja, at bigla akong kinilabutan sa aking naisip. Kung tunay man ang sinabi niya kanina . . . kung isa nga ako sa mga natatanging babaylan at siya ang pinili kong pagsisilbihan . . .

"Kung gayon," sambit ko at nagtama ang aming paningin. "Prinsesa Urduja, mayroon kang kakayahan upang hubugin ang kasaysayan."

"Sayi . . . anong . . ."

"Prinsesa, ikaw ang napili kong pagsilbihan. Ikaw ang magiging pinuno ng isang dakilang kaharian. At ako ang iyong natatanging babaylan."



***