***

"Mag-ingat kayo, Prinsesa," bilin ko habang inihahanda namin ang paglalakbay nina Urduja, Bagim at Anam tungo sa hilaga.

Sa katunayan ay nais naming sumama ni Ridge ngunit ayon kay Ditan, maraming mababangis na hayop ang lumilibot sa kabundukan ng hilaga at mailap sa mga dayuhan ang mga Agta. Sa mapang ipinakita ni Ridge noon ay walang kahit anong kaharian ang namumuno sa buong hilagang bahagi ng Luzon maliban sa dalawang tribo: ang Agta at ang Ivatan.

Habang naglalakad pabalik sa aking balay ay sumabay naman sa akin si Ridge kaya napatingin ako sa kanya. Bakas ang agam-agam sa kanyang mukha.

"Ano ang iniisip mo?" tanong ko.

"Ikaw," sagot niya at kapwa kaming napatigil sa paglalakad.

Napakunot ang aking noo. "Dahil ba sa nangyari noong nakaraan?" karagdagan kong tanong.

"Oo," tugon niya at saka siya nagpakawala ng buntong-hininga.

Naalala ko ang nangyari sa Sambal at kung paano nila ako tingnan bilang isang kasangkapan para sa kanilang pamumuno. Hindi ko pa rin ganoong naiintindihan ang tungkulin at kakayahan ng isang natatanging babaylan ngunit batid kong hindi sila ang karapat-dapat sa kanyang kapangyarihan.

Isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako isinama ni Urduja sa kanilang paglalakbay ay ang kalagayan ko. Hindi tulad nila, wala akong alam sa paggamit ng armas at pakikipaglaban. Kung sakaling may mangyaring pagsalakay sa kanilang pangkat ay tiyak na wala akong maitutulong at mapipilitan silang protektahan ako.

Sa panahong ito, isang pangangailangan ang husay sa pakikipaglaban.

Naghiwalay naman kami ng daan ni Ridge: siya, patungo sa Balay Parsua, habang ako ay dumiretso sa altar sa gitna ng kagubatan. Pagdating ko roon ay naabutan ko sina Handiran at Iliway na nakatanaw sa direksyon ko habang nag-aapoy ang gitna ng altar.

“Punong babaylan,” bati nila at saka bahagyang yumuko sa akin.

“Handiran, Iliway, ano ang ginagawa ninyo rito?”

“Kami ay nagdasal at nag-alay upang maging ligtas ang paglalakbay ng Prinsesa at ng kanyang mga gabay,” tugon ni Iliway.

“Nalimutan mo rin ito sa iyong balay, punong babaylan,” dagdag naman ni Handiran at saka niya inabot sa akin ang mahiwagang kahoy.

Sumilay naman ang ngiti sa aking mga labi. Mapalad akong may kaagapay akong tulad nila na nagtuturo at nagpapaalala sa akin ng aking mga tungkulin at kakulangan bilang pagiging babaylan.

Lumapit ako sa malaking punongkahoy kung saan nakaukit ang altar.

“Maaari ninyo ba muna akong samahan?” tanong ko habang nakatingin pa rin sa puno at naramdaman ko naman ang paggalaw nina Handiran at Iliway sa aking likuran.

“Marapat lamang, punong babaylan,” sambit nila.

Nabalot ng katahimikan ang kagubatan at taimtim din akong nagdasal para sa kanilang kaligtasan. Iyon na lamang ang aking magagawa.

“Ano pa ba ang tungkulin ng isang babaylan?” bulalas ko. “Ito lamang ba ang ating magagawa para sa Kaboloan?”

“Punong babaylan . . .”

“Tanging pagdarasal at paghihintay lamang ba ang ating kayang gawin? Handiran? Iliway?” sabay lingon ko sa kanilang dalawa at bakas sa kanilang mukha ang pagkalito.

Tumindig naman si Handiran. “Siya nga, punong babaylan,” sagot niya. “Tayo ang nangangasiwa sa kapayapaan sa pagitan ng mga tao at mga diyos at diyosa. Tayo ang tagahayag ng kanilang mga mensahe at panata.”

“Kaya ba kailangan nila tayong protektahan?” dagdag ko.

“Siya nga,” tugon naman ni Iliway. “Kapalit ng ating kakayahang makipag-ugnayan sa mga anito, diyos at diyosa ay ang mahina nating pangangatawan. Ito rin ang dahilan kaya’t pinoprotektahan ng isang nayon ang kanilang mga babaylan tulad ng ginagawa nila sa kanilang mga pinuno.”

“Ito ang ating paraan upang pangalagaan at protektahan ang ating nayon, punong babaylan,” sambit ni Handiran. “Hindi man tayo kasinlakas ng mga mandirigma at Kalakian ay kaya rin nating iligtas at ipagtanggol ang ating nayon sa sarili nating pamamaraan.”

Hindi na ako nakapagsalita ukol sa kanilang mga pahayag. Batid ko ang taglay na kapangyarihan ng isang babaylan, maging ang kanilang kahinaan. Nababagabag lamang ako ‘pagkat sa maraming pagkakataon ay lagi na lamang ako ang inililigtas. Ni wala akong magawa upang ipagtanggol kahit ang aking sarili, maging ang iba pang mga babaylan. Magtunog sakim man ang aking mga salita, nais kong magkaroon ng sapat na lakas upang magawa iyon.

“Ngunit naiiba ka, punong babaylan.”

Napatigil naman ako sa pagmumuni-muni nang marinig ko iyon. Muli akong tumingin kina Handiran at Iliway at nag-iba ang expresyon sa kanilang mga mukha.

“Bukod sa ikaw ang punong babaylan, batid din naming isa ka sa mga natatangi,” ani Iliway.

“Ayon na rin kay Apo Sambilay, ang huling punong babaylan, ang susunod sa kanyang yapak ay higit na makapangyarihan at may dakilang tungkuling kailangang gampanan,” dagdag ni Handiran.

“Ano ang ibig ninyong . . .”

Hindi ko na nagawang matapos ang aking nais itanong pagkat may hawak na silang mga armas. Nawala ang kaamuhan ng kanilang mga mukha at napalitan ito ng mabalasik na expresyon na maaaring ihalintulad sa mga Kalakian.

“M-marunong kayong gumamit ng pana at . . . ?” Napakunot na lamang ang aking noo sa isang sandatang kawangis ng kutsilyo.

“Kambantuli, punong babaylan,” pagtutuloy ni Iliway habang iniikot sa kanyang kamay ang matalim na bagay na iyon.

“Marapat lamang, punong babaylan, pagkat kami ang naging gabay ni Apo Sambilay,” dugtong ni Handiran. “Kung hindi man magawang protektahan ng mga mandirigma ang punong babaylan ay kami ang nagsisilbing huling salangga, bilang kami rin ang laging kasama ng punong babaylan.”

“Bukod sa pagiging dalubhasa sa pagiging tagapamagitan ay nararapat lamang na may taglay rin kaming husay sa pakikipaglaban.”

“Panahon na rin upang ito ay iyong matutunan.”

Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakatitig lamang sa kanila ngunit agad na nagising ang aking diwa nang bigla silang bumulusok sa aking direksyon.

“S-saglit lamang—!”

Napaupo na lamang ako sa lupa nang iwasiwas ni Handiran ang kanyang kambantuli sa aking ulunan ngunit wala na akong oras upang maisip pa ang aking kalagayan ‘pagkat ilang yapak mula sa akin ay nakahanda na ang pana at palaso ni Iliway.

“Hindi maghihintay ang kamatayan para sa atin, punong babaylan,” turan ni Handiran at saka niya muling iwinasiwas ang kanyang sandata.

Halos gumulong na ako upang makalayo sa kanila. Ilang segundo pa lamang ang nakakalipas ngunit pagal na ang aking paghinga. Hindi ko inakalang ganito sila kabilis at kalakas. Sa pagkakataong ito, mas nararapat na ituring silang mga Kalakian kaysa bilang mga babaylan.

“Mabilis ang iyong pag-iisip, Apo Sayi,” puna ni Handiran.

“Siya nga,” sang-ayon naman ni Iliway. “Nagawa mong iwasan ang aming pagsalakay nang walang natatamong pinsala ngunit higit na mabagal pa rin kung ikukumpara sa huling punong babaylan.”

Hindi ko alam kung kanila ba akong pinupuri o dinudusta. Agad naman akong tumayo at muli silang hinarap ngunit sa pagkakataong ito ay mas handa na ako.

“Kung gayon ay tinatanggap ko ang pagsasanay na ito,” sabay yukod ko at saka ngumiti nang banayad. “Kung kaya’t Handiran at Iliway, nais kong hubugin ninyo ako bilang isang karapat-dapat na babaylan.”

Pareho naman silang ngumiti sa akin. “Masusunod, punong babaylan.”

At matapos nilang sabihin iyon ay mabilis silang sumugod sa aking direksyon.


***

Mag-a-apat na araw na simula nang naglakbay ang pangkat ni Urduja patungo sa kabundukan ng hilaga. Wala pa silang ipinapadalang kahit anong mensahe kaya’t napuno ng pag-aalala ang aking isipan. Nais kong malaman ang kanilang kalagayan ngunit hindi ko alam kung paano iyon malalaman.

Narito akong muli sa kagubatan at katatapos lamang ng aking pagsasanay. Hindi ko pa rin magamit nang tama ang kambantuli ngunit may ayon kay Iliway ay may pagbuti ang aking pagsasanay sa pana.

Napatingin ako sa kahoy na aking hawak. Sa loob ng ilang oras ay isang beses ko lamang nagawang ihayag ang tunay nitong kaanyuan. Kung sakali mang maging dalubhasa ako sa kapangyarihan nito ay may maitutulong din ako sa pagtatanggol sa pook na ito.

Bumalik ang isip ko sa kasalukuyan nang may marinig akong kaluskos sa paligid. Hinawakan ko nang mahigpit ang aking kahoy at kambantuli, nag-aabang sa maaaring pagsalakay. Dahan-dahan akong tumayo at umatras papunta sa banal na puno habang nagmamasid sa kapaligiran.

Nakarinig ako ng pagsigaw sa pusod ng gubat, hudyat na may mga nahuli sa mga patibong na inilagay roon. Tatakbo na sana ako patungo sa nayon nang bigla kong makita si Ridge na patungo rito.

“Ano ang nangyayari—!”

Hindi na ako nakapagsalita dahil tumalon siya sa aking direksyon. Nagpagulong-gulong ang aming katawan sa lupa hanggang sa naramdaman ko ang pagtama ng kanyang likod sa puno, kasabay ng pagtagos ng isang palaso sa kalapit na puno. Pagtingin ko sa aming kanan ay papunta rito ang mga pamilyar na mandirigma ng Sambal.

“Sambal?” hangos ko matapos ang nangyari. “Ang nayon!”

“Naroon ang mga mandirigma at Kalakian,” tugon ni Ridge habang inaalalayan niya ako sa pagtayo. Bakas naman sa kanyang mukha ang pagkainis at pagkabalisa. “Batid kong susugod sila sa Kaboloan ngunit hindi ko inaasahang matapos lamang ng ilang araw,” bulong niya.

Maging ako ay nabahala sa aming sitwasyon. Wala ngayon ang tatlo sa pinakamalalakas naming mandirigma—sina Urduja, Anam at Bagim. Kung buong hukbo ng Sambal ang narito ngayon ay maaari kaming malupig.

“Ano ang maaari nating gawin?” tanong ko habang ramdam ko ang pagkabog ng aking dibdib.

Agad naman siyang lumingon sa akin. “Isa ka sa mga pakay nila kaya’t kung maaari ay manatili ka sa aking tabi.”

Inilabas naman niya ang kanyang arnis at gaya dati ay binantayan namin ang likuran ng isa’t isa. Ngunit nang makita ko kung ilan ang nakapalibot sa amin ngayon ay tila nanlambot ang aking mga tuhod. Isa . . . dalawa . . . tatlo . . . tatlong dosenang mandirigma.

“Ridge . . .” tawag ko ngunit mukhang hindi niya rin inakala ang dami ng aming mga kalaban.

“Dakipin ang babaylan!” sigaw ng isang madirigma at sabay-sabay silang sumalakay sa amin.

“Hindi maghihintay ang kamatayan para sa atin, punong babaylan.”

Sa gitna ng takot ay naalala ko ang mga salitang binitiwan ni Handiran. Nangako ako, hindi ba? Sa pagkakataong ito, hindi na ako ang poprotektahan. Ako ang magtatanggol sa kanila. Bilang mamamayan. Bilang kaibigan. At bilang babaylan.

“Mahusay, babaylan.”

Akmang itataas ko na ang kahoy nang bigla kong narinig ang isang pamilyar na boses sa paligid. Tila huminto ang oras at naglaho ang ingay. Naramdaman ko ang kakaibang init at lamig na bumabalot sa aking katawan.

“Taglay mo ang tapang ng isang natatanging babaylan. Hangad mong pangalagaan ang kapayapaan at kaligtasan ng iyong nasasakupan.”

Saka ko lamang napagtanto kung sino ang nagsasalita nang makita kong naging kulay pilak ang aking kahoy.

“Apo Bulan?”

“Siya nga, babaylan.”

“Anong . . .”

May kung anong mas malakas na pwersa ang bumalot sa aking katawan at naramdaman ko ang pagdaloy ng kakaibang kapangyarihan sa aking daluyan.


“Kasabay ng pagsilip ng buwan,
Dinggin ang panata ni Bulan,
bilang iyong pintakasi, babaylan”


Muling bumalik ang aking isip sa kasalukuyan at ramdam ng buong kagubatan ang pagdaluhong ng mga mandirigma ng Sambal. Hindi ko alam kung paano ngunit batid ko na ang dapat kong gawin. Itinutok ko sa kalangitan ang aking pana’t palaso sa halip na sa aming mga kalaban.

Kasabay ng pagkawala ng palaso mula sa aking pana ay ang pagbalot ng pilak na liwanag sa buong kagubatan . . .

. . . at sa isang iglap, naging abo ang mga mandirigma ng Sambal.



***