***

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Parang ilang oras lang ang nakakaraan, pauwi lang ako galing sa unibersidad pero ngayon ay bigla na lang akong naging punong babaylan sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ko na tuloy alam kung ano ang dapat kong gawin at paniwalaan.

Binigyan ako ni Urduja ng oras at panahon para makapag-isip at masanay sa lugar na ito. Dahil ayaw ko munang makita ang kahit sino sa kanila ay pumunta ako sa gubat kung saan ako nagkamalay. Mabuti na lang at hindi na masakit ang paa ko kahit hindi ko alam kung paano nangyari 'yon.

Naka-uniporme pa rin ako kaya naman komportable pa rin ang kasuotan ko kaso nga lang ay may mga punit na ang manggas at palda ko. Dinala ko rin ang bag ko dahil hindi ko pa pinagkakatiwalaan ang mga tao ro'n. Napabuntong-hininga ako nang makita ko ang mga libro at kwaderno ko sa loob. Gusto ko nang bumalik sa pagiging estudyante.

Napahinto naman ako nang makita ko ang punong tumumba kung saan ako nagising. Hindi ko alam kung bakit pa ako bumalik dito. Siguro dahil dito ako natagpuan? Napatingin ako sa langit at iniisip ko kung doon ba ako bumagsak. Mayroon bang pinto o lagusan para makabalik ako sa kasalukuyan? Hindi ko lubos-maisip na sa isang iglap ay mangyayari ang lahat ng ito. Na biglang mababago ang mundong ginagalawan ko.

Naalala ko naman ang nangyari bago ako mapadpad dito—iyong pagsasalita ni Lola nang mag-isa pati na rin ang pagtawag ni Mama dahil masama ang kutob niya. Hindi kaya may kinalaman 'yon dito? Kaya ba ayaw nila akong paakyatin sa attic ay dahil alam nilang mangyayari 'to?

Hindi pa rin ako makapaniwala na bumalik ako sa nakaraan. Noong iniisip ko 'yon kanina ay akala ko, mali ako ng hinala at baka napunta lang ako sa ibang lugar pero ngayong nakita ko kung paano sila magsalita, manamit at mamuhay, alam kong napunta ako sa panahon bago pa masakop ang Pilipinas ng mga banyaga.

Pakiramdam ko ay magkakasakit ako sa gulo ng isip ko ngayon.

"Punong babayalan . . ." sambit ko habang nakatingin sa marka sa magkabilang kamay ko.

"Hindi mo ba nais maging babaylan?"

Halos mapatalon ako nang may narinig akong boses sa paligid ko. Agad kong nilibot ang paningin ko pero wala akong nakita ni anino kaya kinabahan ako. Guni-guni ko lang ba 'yon?

"Hindi mo ba nais?"

Tuluyan na akong natumba at napasigaw dahil may mukhang tumambad sa harapan ko. Pigil ang hininga ko habang nakatitig sa babaeng nakatayo at nakangiti sa akin. Lalo pa akong nagulat nang bigla na lang siyang naglaho na parang bula.

"Nababaliw na yata ako," bulong ko sa sarili ko habang umiiling pero napatigil ako nang muli na namang nagpakita ang babae sa akin.

Ilang segundo kaming nagtitigan, lihim na sinusukat ang isa't isa. Hindi ko alam kung dala lang ba 'to ng pagod o nag-i-ilusyon na ako pero nagawa ko pa ring magtanong sa kanya kahit natatakot ako.

"S-sino ka?" Ngumiti siya sa akin.

"Ikapati ang aking ngalan," sambit niya at doon ko lang nakuhang pagmasdan ang kanyang kabuuan.

Itim at mahaba ang kanyang buhok at natatakpan nito ang dibdib hanggang baywang niya. Nakasuot siya ng kulay palay na saya na abot hanggang binti. May iba't ibang burda rin siya sa katawan na karamihan ay ang mga inaani sa bukid at bundok ngunit ang pinaka-kapansin-pansin ay ang tila halamang-baging na nakapulupot mula sa kanyang paa paakyat sa kanyang katawan hanggang ulo. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ako pero parang patuloy iyong gumagalaw o tumutubo habang naglalakad siya.

"M-mula ka ba sa lugar na ito? K-kasamahan mo ba sila?" tanong ko at ngumiti naman siya sa akin.

"Maaari, ngunit hindi ninyo ako maaaring angkinin."

Naguluhan naman ako sa sinabi niya at akmang magtatanong na pero biglang naging seryoso ang mukha niya. Kasabay no'n ay ang biglaang pagdaloy ng ilang imahe sa isip ko. Agad akong napapikit dahil doon at natakot ako sa mga kaisipang hindi naman sa akin.

Liham ay magiging daan
upang ika’y masilayan;
Ang dugo ng hinaharap
magbabalik sa isang kisap.

Napadilat ako nang maramdaman ko ang pag-init ng aking kalamnan at kamay. Halos mapasigaw ako nang makita ko ang saglit na pag-ilaw ng marka sa kamay ko at paglipas ng ilang segundo ay naging normal ang lahat. Pigil-hininga akong naghintay ng mangyayari at doon ko lang napagtanto na nawala na nang tuluyan ang babaeng kausap ko kanina.

Napahawak naman ako sa ulo ko dahil sa narinig ko kanina. Parang nakita ko rin ang nangyari sa akin bago ako mapunta rito—ang pagbabasa ko ng nakasulat sa kawayan at kung paano ako nagising sa gitna ng kagubatan na ito.

“Nababaliw na talaga ako,” bulong ko sa sarili ko at huminga muna ako nang malalim para kalmahin ang sarili ko.

Dahil natakot ako sa mga nangyari ay napagpasyahan kong bumalik na lamang sa kanayunan. Habang naglalakad ako ay napapatingin pa rin sa akin ang mga tao kahit na sinabi na sa kanila ni Urduja sa pamamagitan ng isang umalohokan ang nangyari. Sabagay, sino nga ba naman ang hindi mapapatingin kung ibang-iba ang kasuotan at anyo ko sa kanila.

Nilibot ko naman ang paningin ko sa kabuuan ng pook na ito. Hindi ako makapaniwala na nakikita ko ngayon ang mga pinag-aralan ko tungkol sa kasaysayan at ang laging kinukuwento nina Mama at Papa sa akin. Kitang-kita ang bahagdan ng katayuan ng mga tao.

Ang mga maharlika at timawa ay nakasuot ng mainam na kanggan at bahag. Ang kaibahan lamang ay may mga gintong palamuti at kalumbiga ang mga mahaharlika, pati na rin ang kulay ng kanilang kanggan. Ang mga alipin naman ay tanging pinaglumaang kasuotan lamang ang gayak. Kapansin-pansin din ang mga lalaking may iba’t ibang burda sa katawan at sabi ni Mama, tanda iyon ng kanilang “kalalakihan” o kung ihahambing sa kasalukuyan, iyon ang bilang ng kanilang medalya. Mas marami, mas mataas ang tingin sa’yo ng mga tao. Sa pagkakaalam ko, pintados ang tawag sa kanila sa kabisayaan. Mayroon din silang mga putong, ang telang sinusuot sa ulo, at nakakita na ako ng pula at ang ilan ay may burda pa. Ang pagkakaalala ko, ang pagkakaroon ng pulang putong ay nangangahulugang nakapatay ka na ng kaaway at kung may kasama na itong burda o disenyo, higit sa pito na ang kanyang napatay.

“Birbirukem ya ajay prinsesa?” (Hinahanap mo ba ang prinsesa?)

Nagulat naman ako nang marinig ko ‘yon at paglingon ko ay nakatingin sa akin si Bagim. Prinsesa lang ang naintindihan ko sa sinabi niya pero mukhang tinatanong niya ako kung may kailangan ba ako sa kanya.

“W-wen,” sagot ko naman.

Mukhang nahihirapan na rin siyang kausapin ako kaya naman pinasunod niya na lang ako sa kanya hanggang sa makarating kami sa liblib na parte ng barangay. Nakatayo sa gitna no’n si Urduja habang nag-eensayo sa paggamit ng espada.

“Prinsesa,” tawag niya habang nakaluhod at tumingin naman sa amin si Urduja. Nang makuha ni Bagim ang atensyon niya ay agad din siyang nagpaalam kaya naiwan kaming dalawa.

Lumapit sa akin si Urduja at ngayon ko lang napansin na mayroon din siyang mga burda sa kanyang katawan at imbes na putong ay mayroon siyang pula at gintong palamuti sa kanyang buhok.

“Punong babaylan,” bati niya.

Natatakot pa rin ako sa tindig niya dahil makikita mo kaagad kung gaano siya kalakas. Idagdag pa ang maganda niyang mukha ngunit wala man lang bakas ng pagngiti.

“Ano ang iyong kailangan?” tanong niya at naalala ko naman ang nangyari kanina.

Dahil kailangan ko ng katuwang sa mga bagay na ito ay sinabi ko sa kanya ang mga nangyari at tahimik naman siyang nakinig. Pagkatapos no’n ay bakas sa mukha niya ang pagkamangha kahit na hindi ko alam kung bakit.

“Nasilayan mo si Ikapati?”

“Kilala mo siya?” tanong ko naman dahil akala ko ay hindi niya paniniwalaan ang sinabi kong bigla na lamang siyang nawala.

“Marapat lamang dahil isa siyang diyosa,” sambit niya habang nakatingin sa paligid.

“D-dyosa?” Ako naman ang nagulat dahil hindi ko inaasahan ang narinig ko.

“Siya ang tagapangalaga ng mga ani at hayop. Nagdarasal kami sa kanya bilang pasasalamat sa magandang saka at ani at humihingi ng tulong tuwing tagtuyot. Ngunit sa mga nakaraang babaylan, ayon sa aking ama, ay walang sinumang diyos o diyosa ang nagtangkang magpakita.”

Pagkasabi niya no’n ay tumingin siya sa akin na para bang nagtataka sa nagawa ko. Hindi pa rin ako makapaniwala na ang nakita kong babae kanina ay isang diyosa pero maipapaliwanag no’n kung bakit bigla na lang siyang nawala at kung bakit kakaiba ang kanyang anyo.

“B-bakit siya nagpakita sa akin?” tanong ko at nagdilim naman ang mukha ni Urduja.

“Wala akong kasagutan ngunit nakababahala. Hindi ko tiyak kung ito ba’y maganda o masamang pangitain.”

“Ngunit ano bang—”

Napatigil naman kami sa pag-uusap dahil sa narinig naming kaguluhan sa barangay. Agad kaming tumakbo papunta ro’n at nagkakagulo na ang mga tao. Lumapit si Urduja at sumunod naman ako sa kanya hanggang sa makita namin kung ano ang pinagmumulan ng ingay.

“Tulong!”

Isang lalaki ang tumatakbo palapit sa gitnang-pook at sa likuran niya ay may nakasunod na malaking baboy-ramo. Nagsitakbuhan ang mga babae at bata papasok sa kanilang bahay habang ang mga lalaki ay kumuha ng maaring gamiting armas ngunit bago pa nila magawa iyon ay isang sibat ang lumipad papunta sa ulo ng baboy-ramo at sa isang iglap ay nawalan ito ng buhay.

Namangha ang mga lalaki sa nangyari at ang ilang bata at babae ay naghiyawan. Nakatingin silang lahat kay Bagim na siyang pumatay sa baboy-ramo. Lumapit siya sa lalaking napaupo na lamang sa lupa dahil sa nangyari habang ako ay nanigas sa kinatatayuan ko.

“Sin-nu ka?” (Sino ka?) tanong niya sa lalaki habang hawak ang kanyang kampil.

Nanatiling tahimik ang lalaki habang hinahabol ang kanyang hininga. Inilibot niya ang kanyang paningin at mukhang naguguluhan din siya sa mga pangyayari . . . hanggang sa nagtama ang aming mga mata.

“Cyrene?”

Liham ay magiging daan
upang ika’y masilayan;
Ang dugo ng hinaharap
magbabalik sa isang kisap.

Bumalik sa aking isip ang pangitain ko kanina at doon ko napagtanto na hindi ako ang nasa imahe kundi ibang tao . . . ang lalaking ‘yon. Naisip ko na rin kung bakit parang parang nakita ko na dati si Bagim nang masilayan ko silang magkasama. Hindi sila ganoong magkawangis ngunit kung pagmamasdan nang matagal ay makikita ang pagkakapareho ng itsura nila.

“Ridge,” sambit ko habang nakatingin sa kanya.

. . . sa lalaking nakauniporme tulad ko.

. . . sa taong galing din sa mundo ko.



***