.

.

Kabanata 4

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Sunday, October 15, 2017

***

Tahimik kaming apat sa balay ni Urduja. Ilang minuto na ang nakakaraan pero wala pa ring nagsasalita at lahat kami ay nagpapakiramdaman. Hindi ko magawang tingnan si Ridge kanina pero nang sumilip ako ngayon ay biglang nagtama ang aming mga mata. Hindi na ako nakaiwas at alam kong marami rin siyang tanong.

"Agam ammo kayo?” (Magkakilala ba kayo?) tanong ni Bagim at agad namang isinalin ni Urduja ang kanyang sinabi sa Tagalog.

"Ah. Oo," mahina kong sagot sabay tingin kay Ridge. "Nagmula kami sa parehong pook."

Sa hinaharap, sa isip ko. Mukhang nakuha ni Urduja ang ibig kong sabihin at siguro ay may ideya na rin si Bagim dahil sa kakaibang kasuotan namin.

"Mukhang kailangan ninyong mag-usap," sabi ni Urduja at bigla naman siyang tumayo kaya sumunod din si Bagim.

Pagkaalis nila ay bigla naman akong nakaramdam ng matinding hiya dahil sa pagtitig sa akin ni Ridge. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pag-uusap namin dahil sa gulo ng mga pangyayari pero bigla naman siyang lumapit at umupo sa harapan ko.

"May binasa ka rin ba bago ka mapunta rito?" tanong niya kaya agad akong napatingin sa kanya.

"I-ikaw rin?"

"Oo," tango niya. "Nakita ko sa mga lumang gamit ng mga magulang ko."

"Tapos bigla ka na lang napunta ro'n sa gubat?" dagdag ko at muli siyang tumango.

Pagkatapos no'n ay sandaling katahimikan ang bumalot sa amin at inisip ko kung ano ang maaaring dahilan ng lahat ng ito. Paniguradong naguguluhan din ang mga tao rito dahil sa pagdating namin, lalo na't mukha kaming dayuhan sa aming kasuotan, maging sa pananalita.

“Mukhang tama nga si Papa,” biglang sabi niya, dahilan para kumunot ang aking noo.

“Anong ibig mong sabihin?”

“Ang sabi niya, kapag nakita ko ang babaeng nasa litrato, ibig sabihin ay iyon na ang takdang panahon.”

Nakatitig siya sa akin kaya umiwas ako ng tingin. Bigla ko namang naalala ang sinabi ng mga kaibigan ko sa akin noong pauwi na kami. Sabi nila, nakatingin lang daw nang seryoso sa akin si Ridge.

“May kinalaman ba ‘to sa akin?” agad ko namang tanong at nagtamang muli ang mga mata namin.

“Oo,” seryoso niyang sabi. “Kamukha mo siya.”

“Ako?” sabay turo ko pa sa sarili ko.

“Ayaw mong maniwala? Heto, o—”

Napatigil naman siya nang makita niya ang phone niya. Hindi gaya ko ay dala niya ‘yon dito pero wala ring silbi dahil hindi ito mabuksan at hindi rin gumagana.

“Ikaw? Alam mo ba kung bakit ka napunta rito?” tanong niya at ako naman ang natigilan.

“Hindi,” sabi ko naman. “Bigla na lang akong naging babaylan nang wala man lang kahit anong ideya kung anuman itong napasok ko.”

Napatingin naman ako sa kamay ko at naroon pa rin ang “marka” ng pagiging babaylan ko. Hindi ko pa rin talaga lubos-maisip na bigla na lang akong napunta sa ganitong posisyon kahit na sa sarili ko ay hindi ko alam kung ano talaga ang nangyayari.

“Tadhana,” sabi niya.

“Ha?”

Tinignan niya ang paligid at pagkatapos no’n ay lalo pa siyang lumapit kaya inatras ko ang ulo ko.

“Naniniwala akong may dahilan ang lahat ng ‘to,” mahina niyang sabi at hindi ko na magawang umiwas sa mga mata niya.

Magtatanong sana ulit ako nang biglang may kung anong imahe ang gumuhit sa isip ko. Napapikit ako dahil nakaramdam ako ng hilo at para bang namanhid ang buong katawan ko.

Ilang bangka. Mga mandirigma. Pula at may burdang putong. Isang matipunong lalaki. Sina Bagim at Urduja.

Agad kong iminulat ang mga mata ko at doon ko napagtanto na hinahabol ko na ang hininga ko. Lumapit sa akin si Ridge at bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Napakapit ako sa braso niya dahil nanghina ako sa mga nakita ko.

“Ayos ka lang ba?”

“Si Urduja,” hingal kong sambit.

“Anong—”

“Tawagin mo siya. Ngayon na.”


***


“Anong ibig mong sabihin?” matalim na tanong ni Urduja nang sabihin ko sa kanya ang nangyari at natakot ako sa tono ng pananalita niya.

Narito ulit kaming apat at lalo lang akong kinabahan dahil tatlo silang nakatingin sa akin. Huminga ako nang malalim para kumalma at muli kong sinabi ang mga pangitain na nakita ko.

“Mayroong susugod sa lugar na ito,” sabi ko at kumunot ang noo ni Bagim dahil hindi niya ako naintindihan. Titingin na sana ako kay Urduja para isalin niya iyon pero napatigil kami nang magsalita si Ridge.

“Adda umay ditoy,” (Mayroong susugod dito.) sabi niya at nagulat kaming tatlo dahil hindi namin akalain na marunong siya ng wika nila.

“Apay ammom ti sao mi? Taga-toy ka?” (Bakit alam mo ang aming salita? Taga-rito ka ba?) tanong ni Bagim. Hindi ko naintindihan nang buo ang sinabi niya pero halata naman sa mukha niya ang tanong niya.

“Madi.” (Hindi.) sagot ni Ridge pero hindi niya masabi kung bakit. Hindi rin naman kasi madaling paniwalaan na galing kami sa hinaharap at kaya siya nakapagsasalita nang gano’n ay marahil doon ang probinsya niya.

“Marahil ay nakarating na sa kanilang napaslang sa laban sina Ama at Uriyan,” banggit ni Urduja habang nakatingin sa kawalan.

Naalala ko naman ang kwento ni Mama sa akin dati. Ayon sa kanya, isang binukot si Urduja ngunit dahil namatay ang kanyang Ama, na datu ng kanilang nayon, at ang kanyang nakatatandang kapatid na lalaki ay napilitan at kinailangan niyang pamunuan ang kanilang nasasakupan. Madalang gawing pinuno ang isang babae ngunit tinanggap si Urduja ng mga tao dahil sa ipinakita niyang lakas at tapang.

Bigla namang tumayo si Bagim kaya napatingin kaming tatlo sa kanya.

“Ummuna akon.” (Mauna na ako.) sabi niya at saka siya lumabas.

“Kailangan kong kausapin ang punong panday. Maiwan ko muna kayo,” dagdag naman ni Urduja at sumunod siya kay Bagim.

Tumayo rin kami ni Ridge at dumungaw sa bintana para sundan ng tingin ang dalawa. Mukhang wala pang ideya ang mga tao pero nakakatakot isipin na bigla na lang may susugod sa lugar na ‘to.

“Saka na tayo mag-usap tungkol sa kung anuman ang sitwasyon natin ngayon,” biglang sabi ni Ridge kaya napalingon ako sa direksyon niya. “Kailangan muna natin silang tulungan.”

“Paano?” tanong ko naman. ‘Di tulad nila, wala kaming alam sa pakikipaglaban. Namuhay sila sa panahon kung kailan parang normal ang pakikipaglaban sa iba’t ibang nayon.

“May naiisip akong paraan. Tara,” sabi niya at bigla niya akong hinatak palabas ng bahay.

Paglabas namin ay agad namang napatingin ang mga tao sa amin. Sino nga ba naman ang hindi mababahala kung bigla na lang may dalawang taong kakaiba ang sabay na dumating sa lugar nila? Hindi ko na lang sila tinignan sa mga mata at ibinalin ko ang aking pansin sa likod ni Ridge.

“Saan tayo pupunta?”

“Sa gubat,” sagot niya.

Hindi ko naman alam kung ano ang iniisip niya pero natatakot na akong pumunta sa gubat. Kung anu-ano ang nangyayari sa lugar na ‘yon at hindi na ako magtataka kung may kakaiba na naman kaming makita o makasalumuha.

Bigla ko tuloy naalala ang babaeng nakita ko kanina. Ang sabi ni Urduja, diyosa si Ikapati at ngayon na lamang ulit siya nagpakaramdam makalipas ang ilang taon. Makikita ko ulit siya ngayon?

“Anong gagawin natin dito?” tanong ko habang patuloy lang siyang naglalakad. Huminto naman siya sa paglalakad at lumingon sa akin.

“Kukuha ng lason,” sabi niya habang nakangiti.


***


“Ito ba ‘yon?” tanong ko habang nakaturo sa isang halamang may puting bulaklak at napatingin naman siya sa akin.

“Oo. Batano ang tawag namin dito,” sabi naman niya. “Mukhang alam mo rin ang halamang ‘to.”

Hindi nakapagtataka na may alam ako sa mga halamang-gamot at halamang-lason dahil botanist si Lola at gaya ng mga magulang ko ay tinuruan niya rin ako ng ilang kaalaman tungkol sa iba’t ibang halaman. Kaya nga’t mukha nang hardin ang buong lote namin dahil sa hilig niya sa mga bulaklak. Idagdag pa na may isinulat siyang libro tungkol sa ‘folkloric medicinal plants’ sa Pilipinas.

“May lason itong parteng ‘to,” sabay turo niya sa tila mga butil sa ilalim ng bulaklak. “Pwede nating gamitin sa dulo ng mga palaso. Kung galing sila sa mga bangka, maaari silang tumalon sa tubig para hugasan o subukang linisin ang lason mula sa sugat kaya’t magandang maglagay ng bitag malapit sa pampang. Sigurado akong ‘yon din ang nasa isip ni Bagim ngayon.”

Natulala ako sa mga sinabi niya at hindi ko alam kung dapat ba akong mamangha o matakot. Sa maikling panahon ay nakaisip siya ng taktika kung paano paghahandaan ang pangitaing nakita ko.

“Sabihin mo nga sa akin . . .” sabi ko pero napatigil ako nang biglang humangin nang malakas.

Tumayo siya at muling humarap sa akin. Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa aming dalawa habang nakatitig sa mga mata ng isa’t isa. Muli kong nakita ang pagkakahawig nila ni Bagim at lalo lang dumami ang tanong sa isip ko. Bakit tila kilala niya sina Urduja at Bagim? Bakit tila ang dami niyang alam tungkol sa panahon na ‘to? Ano ang sinasabi niyang tadhana?

“ . . . sino ka ba talaga?” pagpapatuloy ko.

Ngumiti siya sa akin na tila ba alam na niyang iyon ang itatanong ko.

“Ridge Estrella,” pakilala niya, “at mula ako sa angkan ni Bagim.”

Kasabay ng malakas na paghampas ng hangin at pagsayaw ng mga dahon ay ang pag-awang ng aking bibig. Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang iyon ay hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin o maramdaman hanggang sa muli siyang nagsalita.

“Ngayon, naniniwala ka na ba na ang lahat ng ito ay itinadhana?”



***