***

“Lola, bakit hindi ako pwedeng umakyat sa attic?” tanong ko at ngumiti naman siya sa akin.

“Dahil hindi pa ito ang takdang panahon, apo,” sagot niya.

“Takdang panahon? Kailan ‘yon, Lola?”

“Kapag kailangan ka na nila.”

Bumukas ang mga mata ko at ilang pamilyar na mukha ang bumungad sa akin.

“Punong babaylan!” sigaw ni Handiran at bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. “Apura un nyo! Ipa-ammo yo ti Prinsesa.” (Magmadali kayo! Ibalita ninyo ito sa Prinsesa.)

Dalawa sa mga Gabay ang nagmadaling lumabas mula sa balay para sundin kung anuman ang sinabi ni Handiran.

Nilibot ko ang paningin ko at napagtanto kong nasa balay ako ng dating babaylan kung saan ako dapat manahan ayon kay Urduja. Narito rin ang ilang Gabay na tila nakahinga nang maluwag nang makita nilang nagkaroon na ako ng malay.

Sinubukan kong tumayo ngunit walang lakas ang katawan ko. Inalala ko ang huling nangyari at nanindig ang mga balahibo ko nang sumagi sa isipan ko ang paggulong ng pugot na ulo ni Palab-an matapos siyang gilitan ni Urduja. Natapos ang labanan at kami ang nagwagi ngunit hindi ko maramdaman ang pagkalugod sa nangyari. Napatingin ako sa kamay ko. Kahit hindi ako ang kumitil sa buhay niya ay ako naman ang dahilan kung bakit siya napaslang.

“Punong babaylan,” tawag ni Handiran kaya napatingin ako sa kanya. Umupo siya sa gawing kanan ko at binigyan niya ako ng isang ngiti. “Mabuti na ba ang iyong pakiramdam?”

Nagulat naman ako nang marinig ko ang sinabi niya. Tama ba ang dinig ko o wala pa ako sa sarili dahil kagagaling ko lang sa isang mahimbing na tulog? Nagsalita siya ng Tagalog.

Muli siyang ngumiti sa akin. “Ikaw ba’y nagulat?”

“Tama nga ako ng dinig,” sabi ko naman. “Paano?”

“Tinuruan prinsesa ‘pagkat nais ikaw maunawaan,” tugon niya.

Hindi pa ganoon kahasa ang kanyang Tagalog ngunit namangha ako dahil sa loob ng tatlong araw ay kaya na niyang makipag-usap sa akin.

Ikinuwento niya sa akin ang mga nanganap habang wala akong malay. Hindi ko akalaing tatlong araw pala akong nahimlay dahil sa kakaibang nangyari sa akin noong tinulungan ko si Urduja. Ayon sa kanya, agad na dinala si Urduja sa mga Gabay upang gamutin at ganoon din ang mga sugatang mamamana, mandirigma at Kalakian.

Tinulungan niya akong umupo at nakita ko naman ang kahoy sa gilid ko. Kinuha ko iyon at muling inalala ang mahiwagang nangyari noong ginamit ko iyon gamit sa mga mandirigma ng Namayan. Wala na ang pilak na pisi at palaso ngunit nararamdaman ko pa rin ang taglay nitong hiwaga.

Makalipas ang ilang sandali ay unti-unti ko nang dumadaloy ang lakas sa katawan ko kaya naman tuluyan na akong bumangon. Agad naman akong binihisan ng mga Gabay kahit na hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay na ibang tao ang nagpapalit ng kasuotan ko.

Naglakad kami papunta sa nayon at inihatid nila ako sa balay ni Urduja. Napatingin naman sa amin ang ilang mamamayan at kumunot ang aking noo dahil ang ilan sa kanila ay biglang lumuhod habang nakatingin sa akin. Nagpatuloy na lang kami sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa aming paroroonan.

“Punong babaylan,” tawag niya mula sa kabilang panig ng tabing.

“Prinsesa Urduja,” tugon ko.

Iniwan ako ng aking mga Gabay at tumungo ako sa direksyon ni Urduja. Hinawi ko ang tabing at napaawang ang bibig ko ang kasalukuyan niyang kalagayan. Binigyan niya ako ng isang mabilis na ngiti.

“Tila mabigat ang natamo kong pinsala mula sa labanan,” aniya habang nakatingin sa kanyang kanang braso.

Mayroon lang nakataling dahon at kahoy sa kanyang braso ngunit namamaga pa rin ito at tila wala pa rin sa tamang posisyon. Sa panahong ito, walang pang kahit anong gamot o aparato para sa mga kasong tulad nito. Kadalasan ay pulos halamang-gamot ang kanilang gamit kaya naman walang kasiguraduhan sa pangkalahatang epekto nito sa sakit o sugat ng isang tao.

“Maaari ko bang makita ang braso mo?” tanong ko at nakita ko ang pag-aalangan sa kanyang mukha ngunit ilang sandali pa ay nagpakawala siya ng buntong-hininga at ipinakita sa akin ang kalagayan ng kanyang braso.

“Sina Bagim at Magat pa lamang ang nakakakita,” sabi niya.

“Magat?” Sino si Magat?

“Iyong lalaking galing din mula sa hinaharap.”

Si Ridge? Iyon ba ang palayaw niya rito? O binigyan lamang siya ni Urduja ng pangalan dahil mahirap itong banggitin?

“Sayi,” tawag niya. “Iyon ang magiging ngalan mo sa nayong ito, punong babaylan.”

Ilang segundo akong nakatingin lamang sa kanya ngunit napatango na rin ako dahil mahirap at kakaiba nga naman ang pangalan namin ni Ridge. Mas mainam na rin ang mga iyon kaysa sa tunay naming mga pangalan.

Ayon sa kanya, sinuri na ni Ridge ang lagay ng braso niya at kasalukuyan siyang naghahanap ng mga halamang gamot na maaaring ilagay rito. May ilang mga halamang gamot na nakalagay sa gilid at ito ang mga tinipon ni Ridge mula sa kagubatan. Sigurado akong mas may alam si Ridge sa paggagamot kaysa sa mga babaylan na narito ngunit hindi raw siya nito mapagtuunan ng pansin dahil abala sila sa paglalagay ng mga patibong sa ligid ng nayon.

“Maaari ba?” tanong ko at tumango naman siya.

Kahit papaano ay may alam naman ako sa paggagamot dahil kay Lola. Dinikdik ko ang tila luyang halamang-ugat ngunit mas madilaw ang kulay ng loob nito. Naalala kong ginamit ito dati ni Lola noong nalaglag ako sa puno at namaga ang binti ko. Hinaluan ko iyon ng asin at saka ipinahid sa kanyang braso. Tinalian ko rin ang braso niya upang mapigilan ang paggalaw nito.

Habang ginagawa ko iyon ay tinanong ko siya kung bakit ayaw niyang ipaalam sa mga mamamayan ang tunay niyang kalagayan.

“Ako ang datu,” simula niya. “Sa akin nakasalalay ang kanilang kaligtasan at hindi ako maaaring magpakita ng kahit anong kahinaan lalo na’t sa una ay hindi ako tanggap ng ilan ‘pagkat isa akong babae. Isa akong binukot.”

Napaisip naman ako sa sinabi niya. Kung isa rin siguro ako sa mga nasasakupan niya ay mag-aalinlangan akong ipagkatiwala ang nayon sa kanya noong namatay ang ama’t kapatid niya. Ang babaeng anak ng datu ay kadalasang naitatalagang binukot o iyong itinatago sa buong nayon dahil mataas ang kanyang halaga. Sila ang kadalasang ginagamit upang ipakasal sa ibang datu kaya’t sila rin ang pinakamaganda sa lahat ng kababaihan. Dahil doon ay hindi sila maaaring makita ng kahit sinong lalaki maliban na lamang sa kanilang pakakasalan.

Buong buhay nila ay nasa loob lamang sila ng isang bahay na nakahiwalay mula sa nayon kaya naman tinuturuan din sila ng mga orasyon at ang kasaysayan ng sibilisasyon kaya’t kadalasan ay sila rin ang pinakamahusay umawit at sumayaw.

“Ngunit kailanman ay hindi ako kumilos tulad ng isang binukot,” pag-amin niya nang may ngiti sa labi na tila inaalala ang nakaraan. “Palihim kong pinapanood magsanay ng kampilan ang aking kapatid na si Uriyan at hindi ko hinayaang maging mahina ang aking katawan. Kaya naman noong tinangka kaming sakupin ng Kaharian ng Tundun ay nailigtas ko ang aking sarili.”

Bumakas naman sa mukha niya ang lungkot, marahil ay dahil naalala niya ang kanyang ama at kapatid na parehong pumanaw dahil sa pananakop.

Nahinto naman ang aming pag-uusap dahil sa narinig naming ingay mula sa labas. Tumayo kami at pumunta sa kabilang gilid upang tingnan ang kaganapan. Nasilayan ko ang mga Kalakian habang nakasakay sa kanya-kanya nilang kabayo at nakalagay rin doon ang mga bangkay ng napaslang na mandirigma ng Namayan at ng nayon na ito—ang Kaboloan. Umikot ang sikmura ko dahil doon kaya agad akong napatalikod.

“Tiyak na ito ang magiging hudyat ng parating na unos,” bulong ni Urduja sa kanyang sarili at tumindig ang balahibo ko dahil sa seryoso niyang mukha.

“Anong ibig mong sabihin?” usisa ko.

“Pinaslang ko ang isa sa pinakamagiting na mandirigma ni Lakan Tagkan, ang pinuno ng Kaharian ng Namayan,” sagot niya. “Tiyak akong susugod sila rito upang maghiganti at makita kung sinuman ang pumatay sa kanya. Dadanak muli ang dugo sa pook na ito.”

“At hindi lamang ang Namayan ang maaaring sumugod dito.” Napalingon naman ako sa likuran ko at nakita ko si Ridge kasama si Bagim. “Marahil ay nagkaroon na ng sabi-sabi sa ilang kalapit-nayon at kaharian ang nangyari lalo na’t isa lamang itong maliit na nayon.”

“Sila gusto makita,” sabay tingin ni Bagim kay Urduja. “Pumatay.”

Natulala ako nang marinig ko iyon. Tila hindi lamang si Handiran ang nais matuto ng Tagalog kundi maging si Bagim. Malamang ay ayaw niyang mapag-iwanan lalo na’t sa simula ay si Urduja lamang ang nakakaintindi sa amin.

“Palalawakin ko ang pook na ito,” matigas na saad ni Urduja kaya’t napatingin kaming tatlo sa kanya. Maging si Bagim na matagal na niyang kasama ay nagulat sa mga salitang binitiwan niya.

“Prinsesa . . .”

“Buo na ang pasya ko,” dagdag niya. “Hindi natin makakaya ang hukbo ng ilang kaharian sa bilang ng ating mga mandirigma.”

“Tama ka, Prinsesa,” pagsang-ayon ni Ridge. “May tatlong paraan akong naiisip upang maisagawa ang plano mo. Nais mo bang marinig?”

Hindi ko alam kung bakit ngunit bigla na lamang napangiti si Urduja habang nakatingin sa aming tatlo. Itatanong ko pa lang sana kung may dinaramdam siya nang bigla naman siyang nagsalita.

“Mula nang mawala si Ama at Uriyan ay parati kong hinihiling na sana’y maging tahimik lang ang pook na ito. Batid kong hindi pa ako handa sa tungkuling ito ngunit dahil nag-iba na ang ihip ng hangin. Walang kasiguraduhan ang kapayapaan, lalo na sa isang maliit na nayong tulad nito.” Muli siyang tumingin sa aming mga mata. “Bilang pinuno, bilang datu, nais kong hingin ang inyong tulong upang maisagawa ang aking hangarin. Maaari ba?”

Umalingawngaw ang boses niya sa isip ko at nangilabot ako nang mapagtanto ko ang ibig niyang sabihin. Hindi ako makapaniwala na hinihingi niya ang tulong ng isang tulad ko na wala namang kahit anong alam sa pakikidigma ngunit kahit ganoon ay nais ko pa rin siyang tulungan dahil alam kong maisakatutuparan niya ang lahat ng iyon.

Napunta ako sa panahon kung kailan katatalaga pa lamang sa kanya bilang pinuno ng isang maliit na nayon. Ito ang magiging simula ng kanyang pag-angat. Nais kong makita ang maitataguyod niyang kaharian ayon sa kasaysayan. Nais kong makita kung paano siya magiging isa sa pinakamagigiting na mandirigma sa Hilaga.

“Prinsesa,” sabay yuko ko sa direksyon niya.

“Prinsesa,” sambit nina Bagim at Ridge habang nakatukod ang kanilang tuhod sa lupa.

“Tinatanggap n’yo ba ang aking hiling?”

“Wen, Prinsesa Urduja,” (Oo, Prinsesa Urduja,) sabay-sabay naming sagot.

Bigla akong nakaramdam ng init sa aking katawan, tulad nang nangyari sa akin noong nakaraan. Muling bumakas ang liwanag sa magkabilang marka sa aking kamay at agad akong tumayo upang sambitin ang mga katagang nasa isip ko.

“Sayi, sisidlan ng mga diyos at diyosa;

Bagim, ang magiting na mandirigma;

at Magat, ang pantas na nakauunawa;

Ay nangangako sa araw, buwan at mga tala,

Na magiging patnubay ng natatanging prinsesa.”


Matapos kong bigkasin ang mga salitang iyon ay muli kaming tumingin kay Urduja at nakita ko ang bahagyang liwanag na bumabalot sa kanyang katawan. Hindi ko alam kung bakit ngunit sa isip ko ay alam kong isa iyong kaloob o biyaya mula sa mga diyos at diyosa—isang tanda na may kakayahan siyang mamuno ng isang kaharian.

“Bagim,” tawag ni Urduja at tumingin naman si Bagim sa kanya. “Isagana ti Balay Parsua ta ipaayab yo ni punong Panday kun punong Kalakian. Oras na ti pulong.” (Ihanda ang Balay Parsua at ipatawag ang punong Panday at punong Kalakian. Oras na para sa pulong.)

Agad namang sumunod si Bagim at isinama niya si Ridge. Naiwan ako sa tabi ni Urduja habang nakatitig lang ako sa kanya. Napatingin naman siya sa akin at nangilabot ako nang saglit kong nakita ang pagbabago ng kanyang imahe. Iba’t ibang palamuti ang nakalagay sa kanyang ulunan at nakasuot siya ng kakaibang damit na tila gayak ng isang mandirigma ngunit makikita agad ang pagiging maharlika. Agad namang nawala ang imahe na iyon at nang makita ko ulit ang anyo niya ngayon ay napangiti ako.

Mananatili ako sa kanyang tabi dahil higit sa lahat, nais kong makita kung paano niya huhubugin ang kanyang tadhana bilang isang natatanging indibidwal.

At dito nagsimula ng alamat ni Urduja, ang prinsesa ng mga mandirigma ng Hilaga.



***