***

“Narigat ti kayat mo, Prinsesa,” (Mahirap ang iyong nais, Prinsesa,) ani ni Anam, ang Punong Kalakian.

“Kailangan tayo ti addo nga armas tapno kasdiay,” (Kailangan natin ng maraming armas kung gayon,) dagdag naman ni Ditan, ang Punong Panday.

“Agpayso, nga kailangak ti tulong,” (Tunay nga, ngunit kailangan ko ang inyong tulong,) sabi ni Urduja habang pabalik-balik ang tingin sa dalawa.

Sa isang nayon, tatlong tao ang may hawak ng kapangyarihan sa sistema: ang datu na siyang namamahala sa buong nayon at itinuturing na tagapagbatas, tagapagpaganap at tagahukom; ang punong panday na siyang abala sa paggawa at pag-aaral ng mga armas at sandata; at ang punong babaylan na kumakatawan sa espiritwal at medikal na mga aspeto. Ngunit sa Kaboloan, ibinigay ni Urduja ang pamamalakad sa mga mandirigma sa dalawang tao—kina Bagim, na siyang punong mandirigma, at Anam, ang punong Kalakian.

Simula noong naging datu si Urduja ay itinalaga niya ang Kalalakian, isang grupo ng mga natatanging kababaihan na nagtataglay ng talino at lakas halintulad sa mga mandirigma. Ayon sa kanya, hindi ito nagustuhan ng mga mamamayan at mandirigma noong una ngunit nang may nagtangkang dakipin ang mga babae ng nayon upang ipagbili bilang mga alipin ay sila ang tumalo at nagtaboy sa mga ito. Mula noon ay kinilala sila bilang bahagi ng hukbo ng mga mandirigma at nakarating din iyon sa mga karatig-nayon dahil taliwas ang kanilang ginagawa at kaanyuan sa karaniwang babae.

“Aggapo nasapa pay para ditoy, Prinsesa,” (Marahil ay masyado pang maaga para rito, Prinsesa,) sambit ni Ditan.

Nandito kami ngayon sa Balay Parsua, ang pook-hukuman kung saan isinasagawa ang mga desisyon para sa Kaboloan at dito rin nagpupulong ang mga punong-gabay ng datu.

Gaya ng Balay Sayi (ayon kay Urduja, isinusunod ang ngalan ng pook-dasalan sa kinikilalang punong babaylan), ang Balay Parsua ay gawa rin ito sa punongkahoy at pawid. Sa gitna ng silid ay may malaki at pabilog na lamesang-kahoy at nakapaligid doon ang anim na upuan. Sa bandang harapan naman ay may iba't ibang armas na nakasabit o di kaya'y nakasandal sa dingding na, ayon kay Anam, ay ginagamit sa mga sumusuway sa batas ng nayon. Pinili kong huwag nang muling tumingin doon dahil sa sinabi niya.

"May maimumungkahi ka ba, punong pantas?" tanong niya kay Ridge at napatigil kaming lahat dahil sa itinawag niya sa kanya.

"P-punong pantas?" tanong ni Ridge na tila hindi rin inaasahan ang narinig.

"Wen," (Oo) sagot niya. "Marapat lamang dahil sa iyong angking talino."

Inihayag niya ang ginawa ni Ridge noong sumugod ang mga taga-Namayan at pinuri niya ang kanyang dunong sa larangan ng taktika.

“Addo met ti ammo na dagiti samal nga inusar na dagiti palaso,” (Marami siyang nalalaman tungkol sa lason at ginamit niya iyon sa mga palaso,) dagdag ni Ditan at sumilay ang manipis na ngiti sa kanyang mga labi.

“Hindi ba nagapo met isuna ti sabali nga pook?” (Hindi ba mula rin siya sa ibang pook?)  tanong ni Ditan.

Panahon, pagtatama ko sa aking isipan. Tanging si Urduja lamang ang may alam nito ngunit malakas ang pakiramdam kong may ideya na rin si Bagim at sa paglipas ng mga araw ay tiyak na malalaman din ito nina Anam at Ditan.

“Isuna, ngem di ka mabuteng, Ditan, aggapo kada Magat ken Sayi ti agkakaduwa,” (Siya nga, ngunit huwag kang mangamba, Ditan, 'pagkat sina Magat at Sayi ay ating kakampi,) turan ni Urduja.

Sandaling katahimikan ang bumalot sa aming anim hanggang sa nagsalita si Ridge.

"Maraming salamat sa iyong mga salita, Prinsesa," sabi niya habang nakayuko sa direksyon ni Urduja.

"Ihayag mo ang iyong mungkahi, punong pantas," utos niya at gumuhit sa mukha ni Ridge ang isang malugod na ngiti.

"Kung inyong mamarapatin, Prinsesa," aniya at tumango naman si Urduja.

Agad namang sinabi ni Ridge ang mga maaari naming isagawa upang makamit ang nais ni Urduja, maging ang maaaring maging epekto nito sa Kaboloan. Habang tahimik ko siyang pinakikinggan ay napagtanto kong napakarami niyang alam tungkol sa panahong ito. Marahil nakatulong na roon ang pagiging mula sa lahi ni Bagim.Dagdag pa rito ay ang kaalaman niya tungkol sa labanan at aspetong-militar. Kung hindi dahil sa kanyang mga mungkahi noong nakaraang labanan ay paniguradong hindi nila mapaghahandaan ang hukbong Namayan.

Matapos no'n ay kinailangan munang dumalo ni Urduja sa pulong ng mga atubang, o ang mga matatandang tagapayo ng datu, patungkol sa mga nabihag na taga-Namayan.

Lumabas na rin kaming lima at agad na dumiretso sina Bagim, Anam at Ditan sa kanya-kanya nilang gawain habang naiwan naman kami roon ni Ridge.

"Alam mo na ang kahihinatnan nito, tama ba?" tanong ko habang nakatingin sa mga batang naghahabulan sa kabilang ibayo.

"Oo," sagot niya. "Ikaw rin."

Hindi naman ako nakasagot.

Kilala si Urduja bilang isang magiting na mandirigma. Siya ang prinsesang bumago sa sistema ng pamamahala na kadalasa'y pulos lalaki. Ngunit hindi siya kinikilala bilang tunay na tao. Isa lamang siyang haka-haka ayon sa mga istoryador dahil walang tiyak na katunayan patungkol sa kanyang pamumuno at buhay.

Marahil ay magkahalintulad kami ni Ridge ng iniisip.

Ilang tanong ang namuo sa aking isipan. Bakit siya nawala sa kasaysayan? Bakit walang kahit anumang patunay na siya ay nabuhay? Bakit naglaho ang kanyang balangay? Ang kanyang kaharian? Anong nangyari sa Kaboloan?

"Tingin ko ay magiging malaking bahagi tayo nito," sabi niya at kahit ayaw kong maniwala ay nararamdaman ko rin iyon. Para saan pa't napadpad kami sa panahong ito?

Naglakad kami patungo sa kakahuyan upang ipagpatuloy ang aming usapan. Mas mabuti nang malayo kami sa pandinig ng mga mamamayan lalo na't ito'y tungkol sa hinaharap.

"Wala pa silang kahit anong nasusulat na batas," sambit niya. "Sa panahong 'to, ipinapasa lang nila ang mga mensahe at impormasyon gamit ang kanilang mga bibig."

"Hindi pa nalilikha ang Baybayin sa panahong ito," dagdag ko. "Hindi ba't ilang daang taon pa ang lilipas bago ito matutunan ng mga Pilipino? Isa pa, hindi rin mula rito ang papel at panulat na ginagamit ng mga karatig-bansa."

"Oo pero . . ."

Parang may kung anong pumasok sa isip ko nang makita ko ang kakaibang kislap sa kanyang mga mata.

Ayon sa ilang kwento, maraming alam na wika at sistema ng pagsusulat si Urduja. Isa iyon sa mga pinagtatalunan ng mga dalubhasa dahil sa panahon niya, hindi pa ganoon kalawak ang kaalaman ng mga tao sa pagsusulat. Hindi rin ganoon kadaling matutunan ang iba't ibang wika mula sa iba't ibang rehiyon at bansa ngunit naiiba si Urduja.

At iyon ay dahil sa amin.

"Ako ang magtuturo sa kanya ng mga wika at pagsusulat . . ." sambit ko habang naglalaro sa isipan ko ang maaaring mangyari.

"Tutulungan ko naman ang mga punong-gabay para sa darating na mga labanan," sabi niya at saka ako napatingin sa kanya.

Napahinto naman kami sa paglalakad nang mapadpad kami sa altar kung saan ko unang nasilayan sina Apo Init at Apo Bulan—ang diyos at diyosa ng araw at buwan. Tanda pa ng aking isip at katawan ang kakaibang pakiramdam na dumaloy sa akin noong araw na iyon.

Bilang isang babaylan, tungkulin ko ang makausap ang mga anito, diyos at diyosa sa ngalan ng aming datu na si Urduja. Mula noong mapunta ako rito ay tatlo na ang nagpakita sa akin at halos mawalan ako ng malay sa tatlong pagkakatong iyon. Napaisip tuloy ako tungkol sa iba pang mga diyos at diyosa. Makikita ko rin kaya sila?

"Tiyak na makikita mo ang iba pa."

Halos mapasigaw ako nang may narinig akong boses sa likuran namin. Agad akong lumingon at gano'n din ang ginawa ni Ridge. Pagtingin namin sa altar ay mayroong babaeng nakatayo sa harapan no'n.

Isang diyosa, sa isip ko. Napangiti naman siya, na tila nabasa niya ang aking isipan.

Naalala ko si Ikapati sa kanyang mukha. Taglay niya ang maamong anyo at ang ngiting tila nanlalambing. Ngunit ang kapansin-pansin sa kanya ay ang kanyang kasuotang hindi makamundo. Sa pag-indak nito kasabay ng hangin ay tila ba nanonood ako ng iba't ibang pelikula nang sabay-sabay mula sa bawat hibla ng kanyang suot. Kakaiba rin ang kanyang mga mata. Habang tinititigan ko nang mas matagal ay nag-iiba ang kulay at hugis ng mga ito na tila isang ilusyon.

"Kilala mo ba ako, Babaylan?" tanong niya kaya't agad akong lumuhod sa kanyang harapan. Ginaya naman ako ni Ridge at lumuhod siya sa tabi ko.

"P-patawarin ninyo po ako," mahina kong sagot dahil hindi ko siya kilala lalo na't hindi naman ako pamilyar sa mga diyos at diyosa ng mga sinaunang Pilipino.

Narinig ko naman ang mahinhin niyang pagtawa kaya't saglit akong napatingin sa kanya.

"Marahil ay hindi 'pagkat mula ka sa ibang panahon," aniya. "Gayo'n din ang pantas," saka siya tumingin kay Ridge.

Nagtama ang mga mata namin ni Ridge, nagtataka sa tinuran ng diyosa. Naalala kong walang ideya sina Apo Init at Bulan noong nakita nila ako tungkol sa aking pinagmulan ngunit iba ang nasa harapan namin ngayon. Sa isang tingin, nalaman niya ang katotohanan.

"Ang ngalan ko'y Anagolay," pakilala niya. "Ang aking hilagyo ay nasa kabuuan ng mundo kaya't alam ko ang inyong pinagmulan."

Nanatiling nakaawang ang aking bibig sa aking narinig. Sa kanyang mga mata, nakikita niya ang lahat ng nangyayari sa mundo. Nakakamangha ang kakayahang iyon. At nakakatakot.

"Maaari mo ba muna kaming iwan, Pantas?" tanong niya habang nakatingin kay Ridge.

Muli kaming nagkatinginan at bakas sa aming mga mata ang pag-aagam-agam dahil sa presensiya ng diyosa ngunit makalipas ang ilang segundo ay tumango siya.

"Marapat lamang, Apo Anagolay."

Matapos niyang yumuko at magbigay-galang sa diyosa ay humakbang siya patalikod at nagsimulang lumayo mula sa aming kinatatayuan. Naiwan kami ni Apo Anagolay at muli akong tumingin sa mga mata niyang tila namumuong bagyo.

"Babaylan Sayi," tawag niya at napaudlot ako nang banggitin niya ang pangalang iyon. "Tila ikaw nga ang hinihintay ng mga diyos at diyosa, maging ng mga taong nais marating ang tuktok."

Napakunot ang noo ko sa kanyang sinabi ngunit sa loob ko'y alam kong iyon ang totoo . . . iyon ang dahilan kung bakit ako narito.

"Apo, ano ang inyong ibig iparating?"

Muling sumilay ang maamong ngiti. "Ilang kabilugan ng buwan na ang nagdaan noong huli kaming nasilayan ng sangkatauhan," simula niya. Nakatanaw siya sa langit, na tila ba inaalala ang nakaraan. "Ang aming kabuuan ay, bagaman hindi nakamamatay, ay may dulot na pinsala sa isipan ng mga tao. Tanging ang mga babaylan lamang ang may kakayahang sumanggalang sa panganib na iyon. Tulad mo."

Naalala ko naman ang sinabi sa akin ni Urduja ilang araw na ang nakakaraan. Ayon sa kanya, ilang babaylan na ang nagdaan ngunit wala ni isang diyos o diyosa ang nagpakita sa kanila. Muli akong napatingin kay Apo Anagolay at nangahas na magtanong.

"Kung gayon, Apo, bakit sa akin kayo nagpakita?"

Kumabog nang mabilis ang puso ko matapos kong bitiwan ang mga salitang iyon; nangangambang baka tunog-walang galang ang aking tanong ngunit nanatili siyang nakangiti.

“Pagkat nananalaytay sa iyong katauhan ang basbas ng isang diyosa. Hawak mo ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, Babaylan.” Humakbang siya palapit sa akin at unti-unting lumalim ang aking paghinga. “Kaya’t piliin mo ang nararapat na pinuno. Ang nararapat mong pagsilbihan.” Hinawakan niya ang magkabilang kamay ko at tumingin sa aking mga mata. “Dahil sa mga kamay na ito nakasalalay ang tadhana ng mundo.”

Matapos niyang sabihin ang mga katagang iyon na tila ba isang banta ay naglaho siyang parang bula, habang ako ay nanatiling nakatingin sa aking mga kamay kung saan naramdaman kong muli ang pag-init ng parehong marka—ang tanda na ako ang napiling sisidlan . . .

. . . ang tanda na ako ang natatanging babaylan.



***