Nilagpasan ko si Queenie at hindi ko siya pinansin. Ano bang kailangan ng babaeng ‘to? Tungkol kay Iñigo na naman ba? Tss. Sira na nga araw ko, sisirain pa lalo ng bwisit na ‘to. “Chloe—” Bigla niyang hinawakan ang braso ko kaya napahinto ako at tinignan ko siya nang sobrang sama. Napabitaw agad siya sa akin at umatras. “Pwede ba, Queenie, wala akong pakialam sa inyo ni Iñigo kaya huwag mo sa aking itanong kung may kinalaman ba ako sa break-up niyo.” “Pero hindi ba talaga kayo nag-uusap—” “Ilang beses ko bang sasabihin na hindi nga kami nag-uusap? At kung kakausapin man niya ako, hayaan mo, para sa ikatatahimik ng kaluluwa mo, hindi ko siya papansinin. Masaya ka na?” Natahimik siya at parang maiiyak na. Ang nakakainis pa, ang daming estudyante ang nakatingin sa amin ngayon. Bwisit na ‘yan, paawa effect naman siya ngayon? Ako na naman ang lalabas na masama. Bago pa tuluyang lumabas ang sungay ko ay nagmadali na akong lumakad palayo sa kanya. Isa pa ‘yang Iñigo na ‘yan. Dahil sa kanya napagkakamalan akong third party nila. “Bakit gano’n ka magsalita sa kanya?” ‘Di ko naman napansin na kasabay ko palang maglakad ang isa pang perwisyo sa buhay ko. “Pakialam mo ba? At sa pagkakaalam ko, babysitter ka ng mga kapatid ko, hindi reporter para tanungin ako.” Inirapan ko siya at nagmadali akong pumunta sa unang class ko. Habang naglalakad ako ay huminga muna ako nang malalim dahil feeling ko ay konti na lang, sasabog na ako sa sobrang inis sa mga tao sa paligid ko. Pagdating ko sa room ay umupo agad ako sa gilid sa may tabi ng bintana at nilagay ko ang bag ko sa upuang katabi ko para walang umupo. Sobra naman ang seats kaya okay lang. Tsaka ayaw ko ng may katabi. Well, mukhang wala rin namang tatabi sa akin. Bigla namang tumingin sa direksyon ko ang mga babae sa kabilang side ng room kaya napakunot ang noo ko. Ano na namang problema ng mga ‘to sa—oh wait. Parang hindi sa akin nakatingin kundi sa bintana . . . “Chloe.” Boses niya pa lang ay alam ko kung sino na. Leche siya. Siya ang dahilan kung bakit ang daming galit sa akin ngayon. Ang kapal din ng mukha ng Iñigo na ‘to na iharap ang pagmumukha niya sa akin. Nasa corridor siya at nakahawak sa bintana na nasa tabi ko. Pero dahil sinabi ko kay Queenie na hindi ko kakausapin ang kumag na ‘to ay hindi ko siya pinansin. Bahala ka dyan. “Alam kong galit ka sa akin—” “Alis,” sabay tinignan ko siya nang masama. Mukhang nakuha niya naman ‘yon at wala na siyang sinabi ulit saka naglakad palayo. Tumingin ako sa mga babae na nakatingin pa rin sa akin ngayon. Sus. Alam ko namang fans sila ng kung tawagin ay Queeñigo couple. Yuck. Ang baduy pakinggan. “O ano? Masaya na kayo?” sigaw ko sa kanila at napatingin na lang sila sa magkakaibang direksyon. Mga takot din pala. Dumating ang prof namin at lalo akong nabadtrip dahil bigla siyang nagpa-quiz. Walanghiya naman, o. Kung kailan hindi ako nag-aral tsaka may ganito! Bwisit lang dahil Advanced Calculus ang subject na ‘to at kahit kailan ay hindi ko nagustuhan ang Math. Pagkatapos ng quiz at discussion ay dinismiss na kami. Buti nga at naka 10 out of 20 pa ako, at least nakakalahati. Nung iniscan kasi ni Ma’am ang papers no’ng pinasa na ay may nakita akong zero at nakita ko ‘yon dahil naglakad siya malapit sa pwesto ko. May one-hour vacant period ako kaya naglakad-lakad muna ako pero mukhang maling desisyon ‘yon dahil nakita kong nakatambay sa bench si Jazer at may hawak-hawak siyang papel. Liliko na sana ako pero bigla niyang inangat ang ulo niya at nakita niya ako. Dumiretso ako ng lakad at balak ko sanang umupo na lang sa ibang bakanteng bench pero occupied na lahat at siya na lang ang walang katabi. Nakita kong nakatingin siya sa akin at parang mapapahiya naman ako kung aalis ako rito kaya padabog akong umupo sa tabi niya. “Akala ko tatayo ka lang eh,” sabay tawa niya. “Gago ka ah. Nang-aasar ka ba?” Hindi ko alam kung bakit pero lalo siyang tumawa at nakita kong may dimple pala siya kaya lalo akong nainis. “Hindi,” sabi niya habang pinipigilan ang tawa niya. Abnormal ba ‘to? Saka ko lang narealize na umpisa pa lang ng araw ay pagod na ako—more like ang utak ko. Nakakastress ang mga tao sa paligid, lalo na sina Queenie at Iñigo pati ang fans nila. “Oo nga pala. Hindi na raw ako sa section na ‘to,” sabay turo niya doon sa papel na list pala ng schedule niya. “Nalipat ako kasi puno na doon. Sa Math 121 C1 na raw ako pero ‘di ko alam kung saang building ‘to kasi hindi na nasabi sa akin. Umalis kasi agad ako sa room kaya ‘di ko na natanong. Absent tuloy ako.” Natulala naman ako sa sinabi niya. Bukod sa first time ko siyang marinig na magsalita ng mahaba ay ‘yon din ang class ko kanina. “Patingin nga!” sabay agaw ko sa papel niya. Shit na ‘yan. Math 121 C1 nga. Binalik ko sa kanya ng padabog ang papel at kumunot ang noo niya. “Bakit?” “Bwisit na ‘yan. Hanggang sa subject ba naman, kasama pa rin kita?” bulong ko sa sarili ko. “Magkaklase tayo?” “Ay hindi. Kasasabi ko lang ‘di ba?” “Bakit ba ang init lagi ng ulo mo? Pinaglihi ka ba sa sama ng loob?” Pagkatapos niyang sabihin ‘yon ay dahan-dahan akong tumingin sa kanya at naningkit ang mga mata ko. Pauulanan ko na sana siya ng panlalait pero natigilan ako nang bigla na naman siyang tumawa. “Sorry. Sa sobrang galit mo ata nagdikit na ‘yong dalawang kilay mo kanina.” Huminahon na siya sa pagtawa pero nakangiti pa rin siya. “Masaya ka na niyan?” “Hindi naman.” “Ay bwisit ka. Bahala ka nga! Bakit ba kasi ako umupo rito?” sabay tayo ko at nagmartsa ako palayo sa kanya. Sisigawan ko pa sana siya pero paglingon ko, may dalawang babae nang kumakausap sa kanya. Aba, feeling gwapo naman ang loko. Sabagay, may itsura naman siya. Hindi nga lang katulad ng heartthrobs dito na chinito, maputi, slim, mayaman at classy. Well-built ang katawan niya pero hindi naman ‘yong parang naggygym everyday na halos parang bukol na sa katawan ang mga muscles. Messy hair, tanned skin, matangkad at may dimple din siya sa kaliwang pisngi na lumalabas lang kapag tumatawa. Tall, dark and handsome kumbaga. Mukhang first years ang nagtatanong sa kanya at mukhang tungkol sa directions. Ewan ko na lang kung may masagot siya dahil wala rin naman siyang alam sa campus. Umalis na lang ako doon at pumunta sa library. Dahil umaga pa lang ay wala masyadong tao rito. Pagdating ko roon, pumwesto agad ako sa pinakagilid at nakita ko ang pamilyar na likod ng loko. Padabog kong binaba ang backpack ko at umupo sa harapan niya. “Chloe,” sabay ngiti sa akin ni Iñigo. “Kung may sasabihin ka, dalian mo. Sayang ang oras ko.” Nang sinabi ko ‘yon ay ngumiti siya lalo at umiling. “Sungit mo talaga kahit noong high school pa. Mas lalo kang sumungit ngayong college.” Inirapan ko na lang siya. Oo, high school classmates kami. Sa katunayan, close kami dati. Siya lang ang nakakatagal sa pagsusungit at tantrums ko noong high school. Wala rin akong babaeng kaibigan dahil puro tsismosa at backstabbers ang mga kaklase kong babae. Ako pa ang kadalasang topic. Second year high school noong naging seatmate ko siya at simula no’n ay ‘di na niya ako tinantanan, hanggang sa nasanay na ako sa kakulitan niya at lagi na kaming magkasama. Pareho rin kaming nakapasa sa university na ‘to pero magkaiba kami ng course kaya madalang na lang kami magkita. Hanggang sa nalaman ko one day na may nililigawan na pala siya—si Queenie. Syempre nagulat ako no’n kasi hindi niya sinabi sa akin. Pero sabagay, bakit niya naman sasabihin sa akin, eh magkaibigan lang naman kami? One time, nag-usap kami rito sa library at tinanong ko sa kanya kung kumusta na siya. Ang una niyang sinabi? Sila na raw ni Queenie. Of course, I congratulated him. Tinanong ko kung anong nagustuhan niya kay Queenie dahil curious ako at ang sagot niya? “She’s pretty, kind and understanding, Chloe. And he knows my intention. Akala ko dati, alam mo nang may gusto ako sa’yo at sinasantabi mo lang. Hindi ko akalaing masyado kang dense.” Syempre nagulat ako no’n. Paano ba naman ay biglaang confession ang naganap. At ako dense? Excuse me. “Ako, dense? Oh c’mon, Iñigo. Sadyang hindi lang ako nag-aassume. At isa pa, kung sinabi mo directly eh di sana . . .” Pinigil ko ang sarili ko no’n dahil ayokong makigulo sa relationship nila. “You know what, I have to go.” After that ay hindi na ulit kami nag-usap hanggang sa mag-third year kami. Kapag nakakasalubong ko siya, hindi ko siya pinapansin. Kapag magkaklase naman kami sa ilang elective subjects ay acad-related lang ang pinag-uusapan namin. Tapos ngayong nagbreak sila ni Queenie, sa akin pa napunta ang sisi. “O ano na?” sabi ko dahil tahimik lang siyang nakatingin sa akin. “Nagseselos si Queenie sa’yo.” “Alam ko.” Nung sinabi ko ‘yon ay nagulat siya. “Alam mo?” “Tumawag pa nga eh. Pwede ba, Iñigo, huwag niyo akong idamay sa gulo n’yo? Nananahimik ako pero ako ang lumalabas na masama.” “I’m sorry,” sabay buntong-hininga niya. “Nalaman kasi ni Queenie na nagkagusto ako sa’yo noong high school at dahil doon ay lagi niyang tinatanong kung anong meron tayo. Lagi ko ring sinasabi na wala at magkaibigan lang tayo pero hindi siya naniniwala. Dahil naiinis na ako sa kakatanong niya araw-araw ay nagdecide ako na magbreak muna kami.” “Tanga rin pala ang Queenie na ‘yan eh. If she can’t trust you, there’s no way in hell that your relationship will last. Masyado siyang paranoid. As if naman aagawin kita.” Pagkasabi ko no’n ay bigla kaming nagkatinginan at natahimik kami pareho. God, this is so awkward. Bakit kasi sinabi ko ‘yon? “Anyway,” tapos tumingin ako sa relo ko. “May class pa ako, una na ako.” Tumayo agad ako at lumabas ng library. Pumasok ako sa lahat ng class ko at pagdating ng hapon ay tumambay ako malapit sa gate para abangan si Kuya Larry. Saka ko naman naalala na sa malayo ko nga pala siya pinagpark para hindi kami makita ni Jazer na magkasamang uuwi. Naglakad ako papunta sa parking lot at nakita ko ang sasakyan namin. Pagpasok ko sa back seat ay nandoon na si Jazer at may sinusulat siya sa isang notebook. Tinignan ko ‘yon at nakita kong nagsosolve siya ng differential equations. Ugh, Math! “Ah, Kuya Larry, anong oras pala ang uwian ni Czanelle?” bigla niyang tanong at napatigil siya sa pagsosolve. “Naku kanina pang tanghali. Umiyak nga siya kanina dahil akala niya walang susundo sa kanya. Nalate kasi ako dahil traffic.” Tanghali pala natatapos ang klase ng bubwit. Wait, ano namang paki ko? Nagdrive si Kuya Larry pauwi at pagdating namin ay nandoon sa front door si Czanelle habang nakapangalumbaba pang nakaupo sa harapan. “Ate Kowi! Kuya Jeysher! You’re here!” sabay takbo siya papunta sa amin at bigla niya akong niyakap pero hanggang legs ko lang siya. Buti at sandali lang tapos lumipat naman siya kay Jazer. “Hi Czanelle,” sabay buhat niya kay bubwit at nagtawanan sila. Bumulong pa siya kay Jazer ng kung ano tapos tumawa ulit silang dalawa. Wow. Close kaagad. Inirapan ko sila kahit hindi sila nakatingin at dire-diretso akong pumasok sa bahay. Pagdating ko sa kwarto ko ay nagshower kaagad ako at humilata sa kama. Nakatulog ako for a few hours dahil paggising ko ay 10 PM na. Ginawa ko kaagad ang homeworks ko at after that ay bumaba ako para kumain. Tahimik na sa buong bahay at patay na ang ilaw sa baba. Maaga kasing natutulog sina Kuya Larry at Nanay Meling kaya madalas ay ako na lang ang laging gising kapag ganitong oras. Pero pagdating ko sa dining area ay bukas ang ilaw at kumakain doon si Jazer. Napahinto siya nung nakita niya ako. “Gising ka na pala.” May nakalagay ng plato at utensils sa upuan ko kaya umupo na rin ako at nagsandok ng kanin pati ulam. Tahimik lang kaming kumakain pero napatayo ako no’ng bigla akong nauhaw. Bubuksan ko na sana ang ref pero napatigil ako no’ng may nakita akong nakadikit doon. “Pinagdrawing daw sila ng teacher nila at ‘yan ang ginawa niya,” rinig kong sabi niya habang nakatalikod ako sa kanya. Nakapost doon sa ref ang limang bilog na magkakadikit, and somehow, I know that it’s our family.
Comments
|
Prologue Chapter 1 Chapter 2 Chapter 3 Chapter 4 Chapter 5 Chapter 6 Chapter 7 Chapter 8 Chapter 9 Chapter 10 Chapter 11 Chapter 12 Chapter 13 Chapter 14 Chapter 15 Chapter 16 Chapter 17 Chapter 18 Chapter 19 Chapter 20 Chapter 21 Chapter 22 Chapter 23 Chapter 24 Chapter 25 Chapter 26 Chapter 27 Chapter 28 Chapter 29 Chapter 30 Chapter 31 Chapter 32 Chapter 33 Chapter 34 Chapter 35 Chapter 36 Chapter 37 Chapter 38 Chapter 39 Chapter 40 Chapter 41 Chapter 42 Chapter 43 Chapter 44 Chapter 45 Chapter 46 Chapter 47 Chapter 48 Chapter 49 Chapter 50 Chapter 51 Chapter 52 Chapter 53 Chapter 54 Chapter 55 Chapter 56 Chapter 57 Chapter 58 Chapter 59 Epilogue Bonus Chapter |