.

.

Panimula

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Thursday, April 21, 2016

***

Magandang gabi.

Kagagaling ko lang sa trabaho at bugbog na naman ang aking katawan dahil sa dami ng tao sa pampasaherong bus na aking nasakyan. 
Lagi naman. Pagdating ko ng bahay ay agad akong kumain at humiga sa kama para magpahinga dahil sa pagod ngunit habang nakatingin ako sa kisame ay napaisip ako sa nangyari sa aking buhay.

Ang hirap palang maging matanda
, sa isip ko. Kailangan mong kumita ng pera para sa iyong pamilya. Kailangan mong magbanat ng buto para sa kinabukasan mo. Ngayon ko lang naintindihan ang madalas sinasabi ng mga matatanda dati noong ako'y bata pa: Habang bata ka ay magsaya ka na dahil hindi mo na iyan mararanasan kapag ika'y tumanda. Parang ang sarap tuloy balikan ang nakaraan.

Subalit tila nag-iba na nga ang panahon ngayon. Kapag tinitignan ko ang mga bata ngayon ay hindi na 
teks, jolen, at chinese garter ang hawak nila kundi cellphone, laptop at tablet. Kaunti na lang din ang batang naglalaro sa kalsada sapagkat karamihan ay nasa loob na lang ng bahay at gumagamit ng computer at internet. Nakakalungkot isipin na ang henerasyon namin ang huling nakapaglaro sa kalye at wala pang masyadong impluwensya ng teknolohiya.

Gusto kong balikan ang aking kabataan. Kung kasama kayo sa henerasyong kinabibilangan ko, samahan ninyo ako at muli nating sariwain ang masasayang alaala ng isang batang 90's.

Tara?



***