.

.

Chapter 1

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Sunday, July 19, 2015


***

Target found. Lock on!

“Para kang tanga dyan, Alice.”

“Hayaan mo siya, dyan siya masaya.”

“She’s been doing that for a year and a half.”

Minsan talaga hindi ko alam kung bakit ko naging kaibigan ‘tong tatlong ‘to eh. ‘Di na lang maging supportive! Aba ako nga, full support ako sa mga nakakalokang love life nila!

“Hoy excuse me sa isa dyang may jowa, for your information, naging tanga rin ka rin dati,” sabay tingin ko kay Steff. Tumingin naman ako kay Jess. “At ikaw babae, kasalukuyan ka kayang nagpapakatanga.”

Ewan ko ba rito kay Jess. Halata namang may gusto siya kay Patrick pero pinipilit niya pa ring si Dave ang gusto niya. Parehas lang sila ni Steff. Matalinong tanga. Mga may utak nga, ‘di naman ginagamit minsan.

Natahimik naman silang dalawa at tinawanan sila ni Yna. Isa pa ‘to. Feeling ko may kalandian na rin ‘to eh. Lately kasi nagiging blooming siya. O sadyang ako lang ang nagiging haggard sa aming apat?

Anyway, nandito kami ngayon sa garden, ang aming favorite tambayan, at nakatingin ako kay Kevin mula sa malayo. Oo si Kevin, ang aking Prince. Haha joke! Ang corny ko!

Nung first sem namin dito sa university na ‘to, sobrang nacurious na talaga ako sa kanya. Parang gusto ko siyang makilala. Naging habit ko na na hanapin at tignan siya mula sa malayo at dahil sadyang mabilis makaramdam ‘tong mga babaeng ‘to, nalaman nila ang kalanturan ko.

Kahit outspoken ako at walang hiya, hindi kaya ng katauhan ko na lumapit o kausapin man lang siya. Aba may natatago pa rin naman akong hiya kahit papaano. Pero nung Feb Fair namin nung first year, pinagtripan ako ni Steff at tinawag niya si Kevin at pinapunta sa akin kaya wala akong nagawa kundi kausapin siya. Syempre dahil kasali rin ako sa theater club nung high school, nagawa kong kausapin siya nang normal during that time kahit na feeling ko ay puputok na ‘yung pantog ko sa sobrang kaba. After that incident ay hindi ko na siya nakausap ulit.

Sa totoo lang, hindi ako ganito dati. I mean, oo mabilis akong magkacrush pero mabilis ring mawala. Minsan ilang oras lang ang nakalipas, nawawala na agad ‘yung paghanga ko sa isang tao. Kaya nga sabi ng mga loka-lokang babaeng ‘to, iba na raw ‘tong feelings ko para kay Kevin. Eh tsanggala, one and a half year na ‘to! Lakas ng kamandag niya! Tuklaw na tuklaw ako! Sabagay, sino ba namang hindi magkakagusto sa kanya, ‘di ba?

Si Kevin Fuentez, one of the four Campus Princes. Gwapo, matalino, ganda ng katawan, tapos bagay pa kami. Ay joke! ‘Di ba? Package na ‘yan! Pero kaya rin siguro pinag-iingat ako ng best friends ko sa kanya dahil kilala siya bilang playboy.

Hindi naman ‘yung playboy na nangongolekta ng girlfriends at dinaig pa si Pacquiao sa collection ng belts, kundi ‘yung sobra niyang close sa mga babae tapos kapag nainlove na sa kanya, aayaw na siya. In short, pafall at paasa. Ang alam ko, wala pa siya talagang nagiging official girlfriend dahil puro landi-landi lang ang ginagawa niya. Ito namang mga babaeng ‘to, nagpapalandi rin! Ayan! May dalawang babae siyang kasama ngayon! Mga gaga kayo, kasama na kayo ngayon sa Death List ko!

“Alice, second year second sem na. Tama na ‘yan. Maghanap ka na lang ng bago,” biglang sabi naman ni Steff at naging seryoso ‘yung expression niya.

Sa aming apat, siya talaga ang masyadong maingat pagdating sa mga ganito. Oo, lagi niya akong inaasar kay Kevin kasi nga crush ko siya pero alam ko namang medyo ayaw niya kay Kevin para sa akin kasi nga pafall ang mokong.

Dahil ayoko namang maging masyadong seryoso ‘tong usapan na ‘to ay niloko-loko ko na lang siya.

“Oh sige basta ibigay mo sa aking ‘yang
bebe boy mo. Palit tayo.”

“Nakikita mo ‘to?” sabay tutok niya sa akin ng tinidor niya kaya tinawanan namin siya. Akala talaga ng iba mahinhin ‘tong si Steff pero may tinatago rin siyang kabrutalan.

“Sus! Oo na! Kayo na ang strong! Ikaw tusukin ko dyan eh.” This time ako naman ang nagtutok ng tinidor sa kanya at tumawa lang kami nang tumawa doon hanggang sa sumakit ang mga tiyan namin.

Ilang minuto lang siguro ang nakalipas, si Jess naman ang pinagtawanan namin dahil kinidnap na naman siya ni Patrick mula sa table namin. Sa totoo lang, hindi ko talaga akalain na nagkakamabutihan ‘yung dalawang ‘yun dahil nga naging in love si Patrick kay Steff nung first year kami. Magkaibang-magkaiba rin sila ni Jess ng personality pero pareho silang stubborn at competitive. Buti nga at walang nang awkwardness na namamagitan kay Steff at Patrick dahil sa nangyari dati eh. Kakaiba rin talaga ‘tong si Steff. Friendzoned kung friendzoned.

After ng break namin ay pumunta na kami sa kanya-kanya naming klase. First week pa lang ng second sem kaya wala pang masyadong lesson at mabilis idismiss ang klase.

Pumunta muna ako sa gym dahil nagsign-up ako ngayong sem sa isang dance org. Nung first year kami, sabi namin hindi kami sasali sa orgs dahil baka kainin ‘yung time namin sa pag-aaral at mahirap sumali. Hindi pa ako talaga naaaccept dahil marami kaming sumali. Trainee pa lang daw kami hanggang matapos ang sem na ‘to pero kailangan naming tumambay sa org place namin dahil may number of hours kaming dapat mapuno kasi requirement din ‘yun.

Pagdating ko doon, may limang trainee rin na nakatambay kaya umupo ako doon sa pinakadulo at nilabas ko ‘yung phone ko. Bigla namang dumating si Jon, member ng org at siya ang buddy ko o ‘yung tutulong sa’yo sa mga bagay-bagay.

“Als!”

“Jon!”

Nag-appear kami at umupo siya sa tabi ko. Close na kami agad dahil naging seatmate ko siya sa isang subject namin nung first year kami. Sumali siya sa org nung freshie kami at magaling talaga siya sumayaw. Siya lang rin ang tumatawag sa akin ng Als dahil mahaba raw ‘yung Alice. Like ano namang kinahaba ng Alice eh ang iksi na nga? ‘Yun na nga palayaw ko dahil Alisson ang real name ko eh tapos lalo niya pang pinaiksi. Iba ata ikot ng turnilyo ng utak niya.

‘Yung dalawang babae namang trainee ay nakita kong nakatingin kay Jon. Sabagay, may itsura rin naman siya at maganda pa ang katawan. Dala na rin siguro ng pagsasayaw niya.

“Langya, nakabingwit ka na naman ng dalawa!” bulong ko sa kanya at nginuso ko ‘yung mga babae.

“Siraulo,” sabay batok niya sa akin.

Natawa naman ako sa kanya dahil inayos niya ‘yung pwesto niya para hindi niya makita ‘yung dalawang babae. Ang totoo kasi niyan, hindi siya masyadong malapit sa mga babae. Mala-Patrick Reyes lang ang style pero at least ito mild version at palangiti naman. Kaya lang siguro siya naging close sa akin dahil kilos-lalaki rin ako minsan.

“Nga pala, nakita ko labs mo kanina, may bingwit na namang babae.”

“Oo nakita ko rin. Landi talaga nun! Kainis!” pagkasabi ko nun ay tinawanan niya lang ako.

Bukod doon sa tatlong babaeng ‘yun ay sina Jon at Lalaine ay alam din na may crush ako kay Kevin. Pareho ko kasi silang naging seatmate at sadyang minsan ay walang preno ang bibig ko kaya ayun. Bisto. Buti na lang at pareho ko silang nabrainwash na ‘wag na ‘wag ipagkakalat ‘yun.

“Baka papunta na ‘yun dito ngayon. Naks. Magkikita sila,” tapos ngumiti siya sa aki nang nakakaloko.

Ako naman, nashock ako sa sinabi niya.
Member din kasi si Kevin ng dance org na ‘to at syempre isa siya sa mga sikat na members dahil una, campus prince siya at pangalawa, magaling talaga siyang sumayaw.

“Takte ka! Alis na pala ako!” sabay tayo ko pero pinigilan niya ako.

“Ayaw mo nun magkikita kayo? Dito ka lang.”

Oo madalas kong sinasabi na sana mapansin ako ni Kevin at nagiging matapang lang ako sa pag-aannounce na crush ko siya kapag kasama ko sina Steff. Alam niyo ‘yun, loko-lokohan kung anong gusto niyong gawin sa crush mo. Pero kapag harap-harapan na, syempre tiklop ako!

Habang nasa kalagitnaan ako ng pagtakas kay Jon ay biglang bumukas ‘yung pinto at pumasok si Kevin.
Natigil ako sa pinaggagawa ko at napaupo na lang ako. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko dahil nasa iisang room lang kami ng lalaking ‘to.

Perfect na sana ‘yung scene kaso...kaso may kasama siyang babae.


***