.

.

Chapter 7

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Friday, November 21, 2014


***

“Teka bakit ba tayo nandito?!” tinakpan ko naman kaagad yung bibig ni Francine.

“Shh! Wag kang maingay, mamaya marinig nila tayo.”

“Eh bakit nga kasi natin sila sinusundan?” reklamo naman sa akin ni Alleine.

Napabuntung-hininga na lang ako dahil ang ingay nilang dalawa. Nandito kasi kami ngayon sa may parking lot ng Math Building. Sinundan namin sina Andrew pero syempre hindi kami nagpahalata. Doon kami nagtago sa medyo malayo sa kanila.

“Hoy Andrew, ‘di may girlfriend ka?” narinig kong tanong nung isang lalaki kaya kinabahan ako bigla.

“Wala. Break na kami.” Bigla namang bumigat yung pakiramdam ko. Hindi ko alam kung sa akin lang o ano, pero parang ang casual ng pagkakasabi niyang break na kami. Parang wala siyang panghihinayang.

Ang sakit.

“Kaya pala pumoporma ka kay Aiza ha! Nice Aiza!” sabay hiyawan at tawanan ng mga lalaki doon.

“Hoy mga kumag kayo! Tigil-tigilan niyo ako ha! Andrew, baba mo na ako!”

“Fine,” tapos ibinaba ni Andrew si Aiza doon sa loob ng kotse. Pero nung palabas na siya ay bigla naman siyang tinulak nung isang lalaki kaya natumba siya sa loob ng kotse. Natumba siya doon kay Aiza. Tapos naghiyawan na naman yung mga kasama nilang lalaki.

“Sabi kasing huwag na nating sundan eh. Ayan tuloy!” tapos biglang tumayo si Francine at hinila ako patayo.

“Hay naku Lei, kelan ka ba magpapakatanga sa kanya?
Hanggang sa maubos yang luha mo?” tumayo na rin si Alleine at tinulungan niya si Francine sa paghatak sa akin.

Nagpahatak na lang ako sa kanila. Nakayuko na lang ako habang naglalakad kami dahil tuluy-tuloy lang yung pagpatak ng mga luha ko. Ganun lang ba talaga kadali sa kanya na kalimutan ang lahat?
Ganun lang ba kadaling maghanap ng kapalit? Ako lang ba ang nasasaktan sa aming dalawa?

Bakit, Andrew?

Hindi ko naramdaman na nakauwi na pala kami sa apartment.
Parang wala ako sa katinuan. Parang nakalutang lang yung utak ko. Hindi ko matanggal sa isip ko yung mga nakita at narinig ko kanina.

Dumiretso agad ako sa kwarto at naupo na lang sa kama habang tuluy-tuloy pa rin yung pagpatak ng luha ko. Ni walang sound na yung pag-iyak ko. Siguro nga, nasanay na ako masyado sa pag-iyak at kusa na lang lumalabas yung mga luha ko.

Kinuha ko kaagad yung diary ko at nagsimulang magsulat.

Akala ko ba may three-month rule? Akala ko kapag nagmahal ka ng isang tao, hindi mo kaagad siya makakalimutan pati na yung feelings mo sa kanya. Pero bakit ganun? Bakit ganito yung nangyayari sa amin ngayon ni Andrew?  Ibig sabihin ba, hindi niya talaga ako minahal ng totoo? Ako lang ba talaga ang dapat masaktan? Ako lang ba ang dapat na nagkakaganito? Bakit ang unfair?! Bakit?!

I hate you Andrew! Bakit pinapamukha mo sa aking wala lang ako sa buhay mo? Di ba ikaw ang nanligaw at unang nagpakita ng feelings? Akala ko ba mahal mo ako? Pero bakit ganito? Nakakainis ka! I hate you!

Pagkasulat ko nun, naiyak lang ako lalo to the point na humihikbi na ako. Narinig ko yung pagbukas ng pinto kaya napatingi ako doon.
Pumasok si Alleine at Francine sa kwarto. Alam ko namang nandito sila para icomfort—

Natulala na lang ako sa nangyari at napahawak ako bigla sa pisngi ko. Bigla na lang akong sinampal ni Francine.

“Ano Lei? Hindi ka pa rin ba natatauhan?” hindi ako makapaniwala sa nangyari. Alam kong minsan ay nag-aaway kami ni Francine pero hindi naman umaabot sa point na nagkakapisikalan kami.

“Hindi na ikaw yung Lei na kilala namin,” this time kay Alleine naman ako napatingin. “Sa pagkakatanda ko, hindi iyakin si Lei at hinding-hindi rin siya nagpapatalo kahit kanino.”

Lalong umagos yung luha sa mga mata ko. Pati mga best friends ko, ayaw na rin sa akin. Dahil ba nakita nila akong ganito? Dahil lagi akong umiiyak dahil kay Andrew?
Hindi na ba ako pwedeng maging mahina kahit ngayon lang? Akala ko, sila yung makakaintindi sa akin.

“Ano? Iiwan niyo rin ba ako tulad ni Andrew?” saka ako tumayo para maharap ko sila.

“Kung ipagpapatuloy mo yang katangahan mo sa kanya, malamang oo.” Seryosong-seryoso yung mukha ni Francine habang nakatingin siya sa akin.

“Tanga na kung tanga, pero—”

“For God’s sake, Lei!
Usong magmove on!” sigaw sa akin ni Alleine.

“Hindi naman kasi ganun kadali yun! Palibahasa hindi niyo nararanasan kaya ganyan kayo makapagsalita!” pinigilan ko yung pagcrack ng boses ko dahil feeling ko ay anytime, bibigay na ako.

“Alam naming mahirap! Pero lalo mo lang pinapahirapan yang sarili mo eh! At paano ka magmomove on kung hindi mo naman sinusubukan? Paano ka magmomove on kung yang utak mo ay puro Andrew ang laman?!” halos mamula na si Alleine sa galit.

“Kung siya nga nagawang kalimutan ka kaagad, bakit ikaw hindi mo kaya? Please naman Lei. Kaibigan mo kami. Best friends. Kung mali na yang ginagawa mo, syempre pipigilan ka namin. Hindi kami babysitters na laging nandyan para patahanin ka kapag umiiyak ka at kukunsintihin sa mga maling desisyon mo sa buhay. Malaki ka na,” dagdag pa ni Francine.

Pagkatapos nilang sabihin yun sa akin ay sabay silang lumabas ng kwarto habang ako ay naiwang nakatanga dito.

Bigla ko na lang naalala yung mga masasayang moments namin nung high school. Nung hindi pa ganito kakumplikado ang lahat. Lagi silang nandyan para sa akin. Pero ngayon ko lang sila nakitang ganito.
Ngayon ko lang sila nakitang pinapagalitan ako dahil sa pag-iyak ko.

‘Usong magmove on!’
‘Hindi ka pa rin ba natatauhan?’

Pinunasan ko naman agad yung luha sa mga mata ko. Tumakbo ako palabas ng kwarto at nakita ko silang nakaupo sa may sala. Nagulat pa sila nung bigla akong tumayo doon sa harapan nila.

“P-please, tulungan niyo naman ako. I can’t do this on my own.” Pinunasan ko ulit yung mga kumakawalang luha sa mga mata ko.

“What do you mean?” tanong ni Francine sa akin.

“Kung ipipilit mo pa rin yang sarili mo kay Andrew, wag mo na kaming asahan,” sabi naman ni Alleine.

“Alam kong naiinis na kayo sa akin.
Alam kong mukha na akong tanga. Gusto ko nang ibalik yung dating ako. Kaya please, tulungan niyo ako. Tulungan niyo akong magmove on.”

Siguro nga panahon na para matauhan ako.
Siguro panahon na para sundin ko ang mga kaibigan ko.

I should start moving on.


***