.

.

Chapter 1 | Alden

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Monday, August 31, 2015


***

"Bakit ang lawak ng ngiti mo dyan? Para kang ewan," tatawa-tawang sabi ni Kuya Paolo habang nasa dressing room kami. May meeting kasi ngayin lahat ng host at cast sa executives at masyado pang maaga kaya nandito muna ako sa dressing room.

"May nakakatawa lang na nangyari kanina," sabi ko naman habang nakatingin sa phone ko.

"Nakakatawa o nakakatuwa? Kasi 'yung ngiti mo, applicable doon sa pangalawa." Napangiti naman ako sa sinabi niya. "O, lalabas pa 'yung dimple. Baka nakakatuwa talaga at hindi nakakatawa?"

Nagkibit-balikat na lang ako at hindi ko mapigilan ang ngiti ko kaya lalo niya lang akong inasar. Matapos ang ilang minuto ay lumabas na rin si Kuya Paolo sa dressing room kaya ako na lang ang naiwan dito.

Napatingin ulit ako sa cellphone ko at naalala ko ang nangyari kanina. Bigla na lang may tumawag na unknown number at hindi ko alam kung sasagutin ko o hindi. Pero dahil wala akong magawa kanina, at baka kasi importanteng tawag din, sinagot ko na.

"Hel—"

"Hellohin mo mukha mo! Ang kapal ng mukha mong lokohin ang best friend ko! Ikinagwapo mo ba 'yang pantu-two time mo, ha? Shiela loves you so much but you cheated on her! Huwag na huwag ka nang magpapakita sa kanya o sa akin because I swear, pagsasampalin ko talaga 'yang kinakalyo mong mukha!"

Natahimik ako pagkatapos ng pagsigaw nung nasa kabilang linya. Rinig ko pa nga ang paghingal niya. Napaisip tuloy ako bigla. Wala naman akong girlfriend at lalong wala akong kilalang Shiela. Baliw ba 'to?

"O, ano? Ngayon wala kang masabi? Bakit hindi mo depensahan 'yang sarili mo, ha Glenn?" Pagkarinig ko sa pangalang Glenn ay napabuntung-hininga ako. Alam ko na kaagad ang nangyari. Tatawag na nga lang, wrong number pa. "Dahil ba tama ako? Dapat—"

"Uhm miss, sa tingin ko maling number ang natawagan mo."

"Hoy Glenn tumigil-tigil ka dyan sa palus—" Hala.
Ayaw pang maniwala. Hindi ba siya magpapapigil?

"But I'm not Glenn, Miss," sabi ko.

"Sus! O, eh sino ka?" 

Buti na lang at napigilan ko ang pagtawa ko. Napangiti na lang ako dahil parang ang warfreak ng babaeng 'to. Ayaw talaga paawat. Medyo mataray rin.


Kapag may tumatawag sa akin nang hindi sinasadya, gaya nito, kadalasan ay nag-iimbento lang ako ng pangalan kapag tinatanong ako. Minsan kasi naghahanap lang ng love life 'yung iba at minsan naman, nang-aalok ng trabaho. Pero nung tinanong niya kung sino ako, sinabi ko ang totoo. Well, sort of.

"I'm Alden." Pagkasabi ko nun ay natahimik ang kabilang linya at lalo akong napangiti. Panigurado chineck na niya ang number na nakadisplay sa screen niya at marerealize niyang maling tao talaga ang tinawagan niya. Matapos ang ilang segundo ay narinig ko ulit ang boses niya.

"Uhm...sorry po. Sige, bye—"

"Wait—!"

Bigla namang nawala ang call at pagtingin ko, tapos na ang tawag.
Doon na lang ako natawa dahil sa reaksyon nung babae sa kabilang linya. Iniisip ko tuloy kung nahiya lang ba siya sa mga pinagsasabi niya o nahalata niyang ako si Alden. Sana 'yung una lang.

Pero nakakacurious 'yung tumawag. Mukhang may galit siya doon sa Glenn na sinasabi niya dahil yata niloko ang best friend niya, kung tama ang pagkakaintindi ko. Lakas kasi ng sigaw niya kanina, buti nalayo ko sa tenga ko 'yung phone ko.

Pagkalipas ng ilang minuto ay pinatawag na kami sa meeting. Wala naman masyadong mahalagang pinag-usapan kaya agad ding natapos. Pumunta ako sa kotse ko pagkatapos nun para sana bumili sa mall ng regalo kay Megan, closest cousin ko, dahil birthday na niya sa isang linggo.

Naglalakad ako sa parking lot nung biglang nagvibrate ang phone ko. Kinuha ko naman agad sa bulsa ko 'yun at napatigil ako nung nakita kong unknown number and nakadisplay sa screen. Naisip ko kaagad 'yung babaeng tumawag kanina. Siya kaya ulit 'to?

"Hello?"

"Pfft. Ano 'yang boses na 'yan pre? Pabebe!" sabay halakhak nang malakas ng nasa kabilang linya. Boses pa lang, alam ko na kung sino kaya sumimangot ako.

"Siraulo ka. Akala ko kung sino."

"Bakit? Akala mo ha chicks na nagkamali lang ng tinawagan?"

Napatingin agad ako sa phone ko dahil sa sinabi niya.
Langya. Galing maka-tsamba ng taong 'to ah?

"O, ba't 'di ka na nagsalita? Huwag mong sabihing tama ako?"

"Sira. Hindi."

Ang galing talaga makaramdam nitong si Drei kaya nakakatakot kasama minsan. Naging classmate ko siya noong college at dahil sa iisang village lang kami nakatira ay naging barkada na kami.

"Teka, bakit ibang number gamit mo?" tanong ko.

"Nawala kasi phone ko kahapon. Fuckshit lang."

"Pang-apat mo na 'yan ngayong taon, ah?"

"Gago ka, pinaalala mo pa."

Natawa naman ako sa kanya at pagkatapos nun ay nagpasundo siya sa office na pinapasukan niya para sumabay sa akin papuntang mall. Ginawa pa akong driver ng loko.

"Ano pa lang bibilhin mong regalo kay Meg?" bungad niya nung makapasok sa kotse.

"Di ko pa alam."

"Kotse na lang."

"Kabibili niya nga lang last month ng bago, eh."

"Joke lang. Masyado mo namang sineryoso."

Hanggang sa makarating kami sa mall ay wala kaming naisip na pwedeng ipanregalo. Bago ako lumabas ay nagsuot ako ng cap at hoodie dahil ayaw kong may makilala sa akin doon. Hindi naman sa ayaw kong makipag-usap o makita ng tao, gusto ko lang na makapaglibot nang maayos at parang normal na tao.

"Tae ka, kapag may nakakilala sa'yo, iiwan talaga kita.
Ayokong maipit sa fangirls mo," bulong ni Drei habang nakatingin sa paligid.

"Di 'yan. Ayos naman ang disguise ko, eh."

"Pre, kahit sa malayo, kitang-kita na ikaw si Alden Rich--ay shit. Bawal pala sabihin baka may makarinig!" Muntik na akong matawa nung naging paranoid siya sa mga taong tumitingin sa amin. Samantalang ako, chill lang. Hindi rin naman kasi ako ganung kilala sa industriya para makilala agad sa unang tingin.

Pumunta kami sa 3rd floor para bumili ng gadgets na gusto ni Drei. Naglakad kami papunta sa isang store nung bigla akong siniko ni Drei.

"Chicks, o." Sinundan ko naman ang tingin niya at nakita kong may dalawang babae kaming makakasalubong.

Tumingin ako doon sa babaeng mas matangkad at nagtama ang mga mata namin. Nagulat ako nung bigla siyang napahinto sa paglalakad at nakatingin pa rin siya sa akin pero may bahid ng pagkagulat ang expression niya.

"Shit. Shit talaga," bulong ni Drei habang patuloy pa rin kaming naglalakad at malapit na kami sa kanila. "Nakilala ka yata!"

Saka ko narealize na baka nga 'yun ang dahilan ng pagkagulat niya.

"A-Alden Rich—" Bago niya pa matapos bigkasin ang pangalan ko ay agad akong tumakbo papunta sa kanya at tinakpan ko ang bibig niya. Naramdaman ko ang init ng pisngi niya. Lumapit ako sa tenga niya at bumulong.

"Wag kang maingay, Miss, please." Agad naman siyang tumango at pagkatapos nun ay binitiwan ko siya at sabay-sabay na kaming apat na naglakad para hindi halata ang ginawa namin.

At habang naglalakad kami, naririnig ko ang mahinang pagbigkas niya ng "OMG" at "Shocks" at kung anu-ano pang expressions.

Hindi ko namalayan, pinapanood ko na pala ang reactions niya at nakangiti na ako sa kanya.


***