.

.

Chapter 37

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Monday, January 5, 2015


***

Dinala ako ni Dave sa isang restaurant. Walang nagsasalita sa amin. Ang alam ko lang, umorder na siya ng pagkain para sa aming dalawa. Siguro dahil nakita niyang hindi ko naubos yung kinakain ko kanina.
Medyo pinagtitinginan nga rin ako ng mga kumakain dahil naka-shades and cap pa rin ako. Tinanggal ko yung cap ko pero di ko tinanggal yung shades ko. Alam ko kasing maga pa rin yung mata ko at ayoko namang makita yun ni Dave. Isipin niya pa na siya yung iniiyakan ko, kahit totoo naman.

 

“Jess, sorry ulit. Alam kong nakakailang sorry na ako pero gusto ko ulit magsorry dahil sa laki ng kasalanan ko sa’yo.” Nakayuko siya habang sinasabi ang mga yun. Buti na lang ganun ang posisyon niya dahil nagawa kong punasan yung pisngi at mga mata ko. Tinanggal ko na rin yung shades ko.

 

“Yun naman talaga ang purpose ng sorry di ba? Sabihin ‘to kapag may mali kang nagawa at may nasaktan kang tao? O kaya kung may hiya ka pang natitira dahil sa mga pinaggagawa mo?” punung-puno ng sarcasm yung sinabi ko at gumaan ang kalooban ko dahil doon.

 

“Hah. Kaya maraming nagkakagusto sa’yo. Your personality is too strong.” Tumingin siya sa akin at nakita ko yung lungkot sa mga mata niya. Gusto ko nang bumigay at patawarin siya pero hindi naman ganun kadali yun. Hindi ako katulad ng ibang babae na pa-easy to get.

 

“Oo nga eh. Gusto mong makita kung gaano ka-strong?” tsaka ko tinaas yung kamao ko sa kanya. Kahit may gusto ako sa kanya, naiinis pa rin ako sa ginawa niya. Sinong matinong lalaki ang pagpupustahan ang isang babae? Di ba? O baka naman wala na talagang matinong lalaki ngayon? Nakita ko naman siyang napabuntung-hininga.

 

“Lahat ng naging girlfriend ko, napasagot ko sila agad.” Sasabihin ko sana sa kanya na wala akong pakialam pero narealize ko na nagsisimula na pala siyang magkwento, at alam kong ang dulo nito ay yung rason kung bakit niya ginawa yun sa akin.

 

“Ilan na ba naging girlfriend mo?” tinanong ko yun na parang wala lang. Ayoko naman kasing malaman niya na curious ako.

 

“Tatlo. At nasanay ako na kapag niligawan ko ang isang babae, sandaling panahon lang ay sasagutin na agad ako.”

 

“Hangin. Whew.” Yun na lang ang nasabi ko at nakita ko namang natawa siya. Inayos ko pa kasi yung buhok ko na kunwari ay nagulo dahil nga sa sobrang hangin. Ibang klase rin pala talaga ang confidence ng mga gwapo, ano? Mala-habagat. May isa akong kilala, hayup sa confidence eh. Teka nga, bakit ko ba naaalala yung bwisit na unknown particle na yun? Magsama sila ng Keisha niya.

 

“My last girlfriend broke up with me last September.” Nagbilang pa ako kung ilang months na ang nakakalipas at ang resulta ay seven months. “Syempre, depressed ako nun. Panahon pa naman ng finals. Tapos bago magtapos ang first sem, ikaw ang nakita ko. Nasa garden ako nun at nakita ko kung paano mo sinapak si Patrick Reyes. Napaisip pa ako nun kung ikaw nga ba talaga yung Campur Princess na si Jessica Morales o baka may naligaw lang na amasona sa school.” This time, ako naman ang napayuko. Shet! Nandoon pala siya nung panahong yun?! At nakita niya yung Phone Murder Incident?! Nakakahiya!

 

“Dun ako nagkaroon ng interes sa’yo. Lagi na rin akong tumatambay sa may garden area nung nagsimula ang second sem pero hindi ako nagpapahalata at pumupwesto ako sa malayo sa inyo. I know I sounded like a creepy stalker but yeah, I really have a crush on you that time. Hindi ka kasi nahihiyang ipakita kung sino ka, unlike other girls. In fact, kayo ng mga kaibigan mo, hindi kayo nahihiya sa personalities ninyo. Kahit pinagtitinginan na kayo ng mga tao sa garden dahil sa lakas ng mga tawa niyo, wala kayong pakialam.”

 

Okay, noted. Sabi na nga ba pag magkakasama kaming apat, daig pa namin ang bulldozer sa pag-iingay eh. Mga hayok kasi yung mga babaeng yun! Siguro pinagkakamalan na kaming baliw ng mga nakakarinig sa amin.

 

“Nakikita rin kita minsan na nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung nakatingin ka nga talaga sa akin o nadaanan lang ako ng tingin mo pero nagkaroon ako ng confidence na baka kilala mo ako.” Oh shet! Ibig sabihin nakikita niya yung mga nakakamanyak kong mga tingin sa kanya dati?! Nakakahiya na talaga ‘to ha!

 

“Kapag nakikita kita sa campus, tinitignan ko kung titingin ka rin sa akin. At napansin ko ngang lagi kang tumitingin sa direksyon ko. Lagi ko pang chinecheck yung paligid nun kung may iba ka bang tinitignan pero mukhang wala naman. At sakto pa na magkaklase tayo sa PE. Sobrang tuwa ko nung naging partner pa tayo, pero syempre sa loob ko lang yun. Kinakabahan pa ako nun dahil nga amasona ang first impression ko sa’yo at baka bigla ka na lang magalit sa akin kapag gumawa ako ng move. Kaya nagtanong muna ako kay Kesiha kung paano ko ba malalaman kung may gusto ang isang babae sa isang lalaki.” Hindi ko alam kung matutuwa o maiinis ba ako sa sinabi niyang amasona ang first impression niya sa akin. Pero naalala ko yung time na nagpractice kami ng dance routine namin sa condo niya.

 

“Sabi niya, common signs na daw yung lagi siyang sumusulyap sa’yo ng palihim pero kapag nakatingin ka na sa kanya, hindi niya magawang tumingin pabalik. Pati yung parang kinakabahan siya kapag lumalapit ka at minsan, nagsstutter pa kapag kausap ka. Ang isa niya pang sinabi ay kapag nagblush siya kapag nginitian mo o di kaya tinitigan mo.” After niyang sabihin yun, automatic na nagblush ako. Leche! Lahat ng sinabi niya, ginagawa ko sa kanya. Kaya pala nalaman niyang may gusto ako sa kanya.

 

“Doon ko narealize na mukhang may gusto ka rin sa akin. Kaya nung feb fair, nagdecide ako na bigyan ka ng flowers para malaman mong may gusto rin ako sa’yo. Tuwang-tuwa pa ako sa reaction mo dahil sobrang gulat na gulat ka at the same time ay sobrang cute. Pagkatapos nun, kinausap ako ng barkada ko at sinabing mukhang magkakaroon na ako ng bagong girlfriend. Pero nga dahil kilala ka sa campus bilang strong-willed campus princess, naisip nilang baka mahirapan daw ako sa panliligaw sa’yo. Sabi ko, okay lang basta in the end, sa akin ka. Doon na nagsimula yung isipan ng pustahan. Kung mapapasagot kita within this summer, panalo ako. At mukha namang narinig mo na rin yung usapan namin, so ayun.” Napabuntung-hininga ulit siya at hinagod niya yung buhok at mukha niya.

 

“So kasama sa pustahan niyo na liligawan mo dapat ako nung gabing yun?” nagsisimula nang tumaas yung boses ko dahil naaalala ko na naman yung mga narinig ko mula sa kanya at sa barkada niya.

 

“No! Di ba tinanong kita nung hapon kung may gagawin ka ba kinagabihan? Sa katunayan, gusto ko sanang manligaw na nun at nagpreprare ako. Tapos nung napag-usapan namin ng barkada ko yung tungkol sa ligawan, tinanong ko kung gusto nila na sa gabing yun dahil nga liligawan naman na talaga kita pero mukhang mali yung ginawa ko.”

 

“Kelan mo narealize na mali? Ha? Nung nagtext ako sa’yo? Nun lang?” mas lalo pang napalakas yung boses ko sa sobrang frustration sa kanya.

 

“Y-yeah. Nagulat ako sa text mo kaya alam kong alam mo na yung nangyari. At alam kong narinig mo kami kaya hinanap agad kita. Doon ko narealize kung gaano ako kagago para isama ka sa pustahan. Doon ko narealize kung gaano ka nasaktan kung narinig mo man yung mga pinagsasabi namin.”

 

Hindi ko na napigilang hindi umiyak. Naalala ko kung paano ako nagpigil para hindi ko sila sugurin doon at sampalin isa-isa. First time kong umiyak dahil sa isang lalaki. At first time ko ring umiyak sa harap ng isang lalaki. Hindi ko alam kung anong gagawin ko nun. Buti na lang at kasama ko si Patrick. Buti na lang at hindi niya ako iniwan nung time na yun. Naappreciate ko bigla yung kalokohan niyang master-slave relationship. At least, he is there for me.

 

“Sorry Jess. Sorry. I’m really sorry.” Narinig kong nagcrack yung boses niya at pagtingin ko sa kanya, umiiyak na rin siya.

 

“Alam mo Dave, ayos na sana eh. Oo aaminin ko, may gusto rin ako sa’yo. Gustung-gusto kita. Secret admirer mo ako simula pa nung first sem. Alam mo yung nafeel ko nung pinansin mo ako the first time? Sobrang sa’ya! Pero ngayon? Sobrang saya ko na hindi ka nanligaw agad sa akin.” Pagkasabi ko nun, bumigat agad yung loob ko. Alam ko sa sarili ko na hindi yun totoo. Sobrang panghihinayang ang nararamdaman ko ngayon para sa aming dalawa. Imagine? May gusto rin siya sa akin. We like each other. We can be a great couple. Pero nawala lahat dahil sa ginawa niya.

 

“Wala na ba talagang pag-asang mabalik pa yung dati?”

 

“Sorry din Dave.” Saka ako umiling. Alam kong sobrang taas ng pride na ipinapakita ko ngayon pero mas mabuti nang ganito kaysa naman maulit pa. Kung nagawa niya ngayon, hindi imposible na magawa niya ulit sa susunod. Pinunasan ko yung luha ko at saka ako tumayo mula sa kinauupuan ko.

 

“Wait Jess. P-pwede bang mapagbigyan mo ‘tong huling hiling ko sa’yo?” palakad na sana ako palayo sa lamesa namin pero huminto ako at tumingin pabalik sa kanya. Nakita kong naglalakad na rin siya palapit sa akin at bigla niyang hinatak yung braso ko kaya napaharap ako sa kanya. The next thing I knew, nakayakap na siya sa akin. Yung isang kamay niya ay nasa ulo ko habang yung isa ay nasa likuran ko.

 

“Thank you dahil nagustuhan mo ako.” Bulong niya sa mga tenga ko at alam kong sa tono niyang yun, umiiyak siya. Kapupunas ko pa lang ng mga luha ko pero tumulo na naman sila. After a moment of silence, humiwalay na ako sa kanya. Hindi na ako tumingin pabalik dahil ayokong makita yung umiiyak niyang mukha.

 

Tumakbo ako palayo doon sa restaurant at iniwan ko siya doon. Balak ko sanang pumunta sa CR pero peste, hindi ko na makita yung dinadaanan ko dahil sa mga luhang ‘to. Gusto ko na lang umupo at umiyak nang umiyak dahil sa katangahan ko. Nagulat ako nung biglang may nanghatak sa akin sa kung saan. Kahit hindi ko siya tignan, alam kong isang tao lang ang gagawa nito.

 

“Umiiyak ka na naman?” yan agad ang bungad niya nung huminto siya sa pagkaladkad sa akin. Pero imbes na sumagot ako, napayakap na lang ako sa kanya. Hindi ko na kayang makipagtalo sa kanya at sobrang sakit pa ng nararamdaman ko. I just need somene to hug.

 

And I hugged him. I hugged this unknown particle in front of me.