.

.

Prologue

Posted by PURPLEYHAN STORIES on Friday, February 20, 2015


***

Bata pa lang ako, alam kong kakaiba na ako. Lagi akong nilalayuan ng mga tao. Lagi akong mag-isa. Ang tanging kasama ko lang ay ang Mama at Lola ko. Sila lang ang mga taong nakakaintindi sa akin—ang sarili kong pamilya.

Wala akong kaibigan—normal friends, at least. Lagi akong nasa pinakadulong upuan o di kaya naman ay katabi ng bintana kapag nasa school. Lagi rin akong mag-isa kapag gumagawa ng assignments o projects na dapat ay by group. Okay lang naman sa akin dahil ayaw ko ring makihalubilo sa kanila.

“Wag mo silang pansinin. Hindi ka lang nila naiintindihan.”
“Oo nga. Wala silang alam. Hindi nila alam ang mundong ginagalawan mo.”

Napatingin ako kina Cypress at Eevee na kasama ko ngayong naglalakad sa hallway dahil tapos na ang klase. Sila lang ang mga kaibigang kinikilala ko at mayroon ako.

“Alam ko. Pero kasi...”

Napahinto ako sa pagsasalita nung nakita kong makakasalubong ko na pala si Eura at ang grupo niya. Tsk. Sa lahat naman ng pwedeng makasalubong, bakit sila pa?

“O Amber, kausap mo na naman ba ang imaginary friends mo?” tanong niya sabay tawa ng mga babae sa likuran niya.

“May saltik na ata sa utak ‘yan.”
“Gumawa ng sariling friends kasi walang gustong makipagkaibigan sa kanya.”
“Kawawa naman.”

Lalo lang silang nagtawanan at pinagtitinginan na kami ng ibang estudyante rito. Napayuko na lang ako dahil nahihiya na ako.

“Alam mo Amber, sorry pero hindi na ako makakatupad sa usapan natin. Sumosobra na sila,” biglang sabi ni Cypress kaya napatungo ako.

“Me too!” sigaw rin ni Eevee.

“Wait—”

The next thing I knew, biglang sinabunutan nung babae sa likuran niya si Eura at nakisabunot na rin ‘yung iba. In no time ay nagsasabunutan na sila doon at sinabihan ako nina Cypress at Eevee na mauna na. Dahil ayokong masali sa gulong ‘yun ay lumayo agad ako sa kanila at tumakbo ako papunta sa gate. After ng ilang minuto ay nakita ko sina Cypress at Eevee sa harapan ko at agad-agad kaming naglakad palayo sa school.

“Bakit niyo ‘yun ginawa?”

“Ano ka ba naman, Amber? Papayag ka na lang bang lagi kang binubully ng mga ‘yun?” sabi sa akin ni Cypress habang nakapamewang pa siya.

“Naku, kung may katawang-lupa lang ako ngayon ay sinampal-sampal ko pa siya hanggang sa hindi na niya makilala ang mukha niya!” sabi naman ni Eevee at dinemonstrate niya pa talaga kung paano siya sumampal.

Hanggang sa pag-uwi namin ay nilelecture-an pa rin nila ako at tinuruan pa nila ako ng ilang moves ng karate at kung anu-anong martial arts.

After that ay ako naman ang nagsabi sa kanila na huwag na nilang uulitin ‘yun. Sinabi kong huwag na silang sasanib sa katawan ng ibang tao para tulungan ako. Yeah. They are ghosts, but they are not that scary. Nasanay na rin kasi ako sa kanila dahil kasama ko na sila simula nung bata pa ako. Pero siguro kung ibang tao ang makakakita sa kanila ay magffreak out sila o di kaya mahihimatay na lang.

This is the reason why I’m different.
I can see them.
I can see everything between different worlds.
I can see them vividly.


***