Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

Kabanata 18

1/17/2024

Comments

 

tungkulin
​

Sa nagdaang mga araw ay nasaksikan ko ang paggalaw ng tadhana ayon sa kagustuhan ng mga natatanging nilalang. Sa pag-aanib ng Kaboloan at Agta ay nadagdagan ang lakas-tao ng kadayangan at nakatutuwang makita ang mga bata mula sa magkaibang nayon na naglilibang.
 
Ipinadala ni Urduja ang ilang panday upang turuan at hasain ang mga Agta sa paggawa ng matitibay na pana at palaso pati na rin ng ibang armas. Sa kabilang banda, nagpadala rin si Atubang Kayo ng ilang mahuhusay na mamamana upang sanayin ang aming mga mandirigma.
 
Napatingin ako sa kalangitan at tanaw ko ang nagbabadyang masamang panahon mula sa anyo ng mga ulap. Hindi mawala sa aking isipan ang mga pangitaing alabo pa rin hanggang ngayon sa aking unawa at lalo lamang akong nababalisa dahil sa lagay ng panahon. Nawa’y hindi ito isang masamang pangitain.
 
“Katalonan.”
 
Sandaling naglaho ang aking mga agam-agam nang marinig ko ang tinig ni Atubang Kayo. Lumingon ako at nakita ko siyang naglalakad palapit sa akin kaya nama’y ako na ang sumalubong sa kanya.
 
“Atubang Kayo,” pagbati ko.
 
Nagsasalitan sila ni Urduja na pumunta sa kani-kanilang mga nayon upang mag-usap tungkol sa iba’t ibang bagay tulad ng pamamahala, pagiging kaanib ng isa’t isa, at higit sa lahat, ang dakilang adhikain ni Datu Uran.
 
“Kasalukuyan pang nagsasanay si Prinsesa Urduja kaya kung nais ninyo ay maaari kayong magpa—”
“Ikaw ang aking pakay, katalonan,” aniya, dahilan upang mapahinto ako sa pagsasalita.
 
Ngumiti siya sa akin at inihampas ang dulo ng kanyang tungkod sa lupa. Umangat at nagtipon ang ilang butil ng lupa habang unti-unting bumabalot ang mga iyon sa kanyang tungkod at sa kanyang likuran ay aking nakita ang anyo ng diyos na siyang kanyang pintakasi—si Pawi, ang diyos ng kagubatan.
 
“Batid kong marami kang katanungan,” saad ni Atubang Kayo habang nakatingin pa rin ako kay Pawi na tila sinusuri ang aking katauhan. “At nais kong sagutin ang mga iyon kung iyong mamarapatin.”
 
Nang marinig ko ang kanyang pahayag ay agad nabaling sa kanya ang aking paningin. Sa nagdaang panahon na ako’y narito ay tinanggap ako ni Urduja at ng mga mamamayan bilang isa sa kanila. Lubos kong ikinalulugod ang kanilang ipinakitang kabutihan sa akin lalo na ang pagtanggap sa akin ng mga kapwa kong punong gabay. Ngunit sa kaibuturan ng aking puso ay batid kong bilang isang babaylan ay wala akong malalim na kaugnayan sa sinuman sa pook na ito. Tinitingala at naniniwala sa aking kakayahan ang aking mga gabay na babaylan, maging ang mga punong-gabay ng Kaboloan.
 
Bilang isang natatanging babaylan ay wala akong kaalaman sa anuman. Walang sagot sa aking mga katanungan. Walang gabay sa aking mga kapasyahan.
 
Marahil ang mga salitang binitiwan ni Atubang Kayo ang matagal ko nang nais marinig. Ang ugnayan na matagal ko nang nais maramdaman. Isang tulad kong natatanging sisidlan.
 
Sumunod ako kay Atubang Kayo patungo sa kagubatan kung nasaan ang aming pook-dasalan at huminto siya sa aking harapan.
 
“Sa iyong palagay,” panimula niya, “bakit ikaw ang nahirang na punong babaylan ng pook na ito?”
 
Agad kong naalala ang ugat ng lahat ng ito. Dahil sa pagbigkas sa mga salitang nakaukit sa kawayan na nakalagay sa isang baul ay nagbago ang takbo ng aking buhay. Napadpad ako sa panahong hindi ako nabibilang. Sa pagkamatay ng kanilang punong babaylan ay isinalaysay ni Urduja ang huling pangitain ng pumanaw, na ayon sa kanya ay ako ang tinutukoy.
 
“Sapagkat ako ang nagtataglay ng kapangyarihang ipinagkaloob sa huling punong babaylan?” patanong kong tugon sa kanya. “Sa hindi malamang kadahilanan ay walang sinuman sa kanyang mga gabay na babaylan ang biniyayaan ng taglay niyang kapangyarihan noon.”
“At ang marka sa iyong mga kamay ang tanda ng natatangi mong katungkulan,” dagdag niya.
 
Umihip ang hangin sa aming pagitan at agad akong napatingin kalahating-bilugang hugis na nakaukit sa magkabila kong mga kamay.
 
“Katalonan man o babaylan, lahat ng namumuno sa kani-kanilang kaharian o nayon ay mayroong marka ng mga diyos at diyosa,” saad niya at ipinakita niya ang kanyang kaliwang kamay na mayroong markang kawangis sa akin. “Ngunit hindi lahat ay nagtataglay ng dalawa.”
 
Nang itinaas niya ang kanyang kanang kamay ay tumambad sa akin ang malinis niyang balat. Magkahalong gulat at pagtataka ang gumuhit sa aking mukha nang napagtanto kong kakaiba ang pagkakaroon ng dalawang marka.
 
“K-kung ganoon ay ano ang ibig sabihin nito?” mahina kong tanong at sinuklian niya ako ng ngiti.
“Maraming kabilugan ng buwan na ang lumipas nang huling magpakita ang mga anito, diyos at diyosa sa mga tao kaya’t nababahala ang mga nayon. Batid ng mga katalonan at babaylan na may kakaibang mangyayari kaya’t ganito ang pakikitungo ng mga diyos at diyosa.”
 
Muli kong naalala ang mga salitang binitiwan noon ni Urduja. Ayon sa kanya ay hindi na muling nagpakita sa mga babaylan ang mga anito, diyos at diyosa kaya’t nababahala siya. Ngunit . . .
 
“Ngunit muli silang nagparamdam,” saad niya na tila nababasa ang pagkabalisa sa aking mukha. “Batid mo ba ang dulot ng pagkilos nilang iyon?”
 
Umiling ako at tila unti-unting kumukupas ang ingay sa paligid. Tanging ang lakas at bilis ng pagtibok ng aking puso ang aking naririnig.
 
Muling bumungad sa akin ang talamik niyang mukha. Kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang mga salitang tila tinangay nito palayo. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa amin ‘pagkat ang mga katagang ikinatatakot ko ang aking huling narinig, at tuluyan nang nanaig ang takot sa aking isipan.
 
***
 
“Tila malalim ang iyong iniisip.”
 
Halos napalundag ako nang may marinig akong tinig mula sa aking likuran. Umupo sa tabi ko si Ridge at sabay naming tinanaw ang dagat. Tumungo ako sa dalampasigan upang makahinga nang maayos matapos ang pag-uusap namin ni Atubang Kayo.
 
“Tila abala ka ngayong araw,” puna ko upang iwasan ang maaari niyang mga katanungan.
“Siya nga,” sagot niya at pumulot siya ng isang pirasong bato. “Iminungkahi ko sa Prinsesa at sa mga gabay na bigyang-pansin ang halaga ng pakikipagkalakalan sa mga karatig-nayon at karatig-bansa.”
 
Sumagi sa aking gunita ang napag-usapan namin noong sandaling tumungo rito ang sugo ng bansang Tsina. Maaari nga naming pakinabangan ang dagat na namamagitan sa kapuluan ng Luzon at ang kalakhang Silangan at Timog-Silangang Asya.
 
“Sila ba ay pumayag?” usisa ko.
Agad naman siyang tumango. “Ngunit nangangailangan ito ng mabusising pagbabanghay. Hanggang sa maaari ay nais kong magkaroon ng ugnayan sa malalaking bansang may kakaibang likas na yaman.”
“Tulad ng?”
“Bukod sa Tsina, nasa isip ko rin ang Hapon, Indiya, Singapura, Malaysia at Indonesia.”
 
Tila nagningning ang kanyang mga mata matapos banggitin ang mga bansang iyon. Batid ko rin na magtatagumpay ang kanyang binabalak ‘pagkat kilala si Urduja bilang bihasa hindi lamang sa mga wikang sinasalita sa Pilipinas kundi maging ang mga banyagang wika.
 
Napabuntong-hininga na lamang ako nang makita ko ang ngiti sa kanyang mukha. Hindi man magandang pakinggan ay nakaramdam ako ng pagkainggit sapagkat batid niya kung ano ang mga kailangang gawin na naaayon sa kanyang katungkulan.
 
“Sabihin mo sa akin,” saad niya sabay tayo at inihagis ang hawak niyang bato sa tubig. “Ano ang gumugulo sa isipan mo? Baka sakaling may maitulong ako.”
 
Ilang sandali akong natahimik, nagdadalawang-isip kung maaari bang idulog sa kanya ang aking suliranin. Sa huli ay nagtagumpay siya.
 
Muli akong napabuntong-hininga. “Hindi ko lang inaasahan na ganito kabigat ang tungkuling kailangan kong gampanan. Hindi ko tiyak kung tama ba ang mga hakbang na aking ginagawa o kung ako ba ang tamang tao para rito.”
“Marahil ay mayroong sinabi sa iyo si Atubang Kayo,” aniya at napakunot ang aking noo nang marinig ko iyon. Paano niya nalaman? “Buo na ang iyong loob at pasya noong mga nakaraang araw kaya’t nakapagtatakang nagkaroon ka ulit ng pag-aalinlangan.”
 
Isinalaysay ko sa kanya ang inihayag sa akin ni Atubang Kayo at tahimik siyang nakinig. Nang matapos ako ay sumilay ang mabilis na ngiti sa kanyang mga labi.
 
“Ikaw ang nakakita ng baybayin sa kawayan. Ang itinakdang punong babaylan. Ang napili bilang isang natatanging babaylan. At ilang ulit mo nang nailigtas ang buhay ni Urduja at ng mga taga-Kaboloan. Ikaw ang nararapat at ang nakatadhana sa tungkuling ito. Bilang isang pantas at bilang kagaya kong galing sa kasalukuyan, natitiyak kong wasto ang aking mga pahayag.”
 
Matapos niyang bigkasin ang mga salitang iyon ay sumagi sa aking isip ang lahat ng mga pagkakataong kanyang binaggit. Unti-unting naglaho ang pag-a-agam-agam sa aking isipan kasabay ng paghampas ng alon ng dagat sa dalampasigan.
 
Marahil ay dahil galing kami sa iisang panahon at alam namin ang magiging dulo ng lahat ng ito kaya’t mas naiintindihan niya ang aking nararamdaman.
 
Tumayo ako at tinanaw ang magandang tanawin sa aming harapan. Sa isang bangka ay pabalik na naglalayag ang ilang mandirigma at Kalakian na tumingin sa maaaring maging daan ng mga barkong pangkalakal. Sinalubong sila ni Ridge upang idulog sa kanya ang kanilang bunga ng kanilang pagsusuri.
 
Nakaramdam naman ako ng kakaibang lalang sa paligid ngunit ang init na bumalot sa aking katawan ay tila pamilyar.
 
“Pagpupugay, Apo,” bulong ko sa aking sarili.
“Tila batid mo na ang aking pakay.”
 
 Sa aking harapan ay sumilang ang anyo ni Apo Bulan. Napatingin ako sa kanyang mga matang kasindilim ng gabi at sa kanyang mukha at buhok na kulay pilak. Muli kong naalala ang mga salitang binitiwan niya noong sumugod ang mga Sambal.
 
“Kasabay ng pagsilip ng buwan,
Dinggin ang panata ni Bulan,
bilang iyong pintakasi, babaylan”
 
Ayon kay Atubang Kayo, maaaring ipahiram ng mga diyos at diyosa ang kanilang kapangyarihan nang panandalian sa mga sisidlan at mandirigma kung nais nila silang tulungan o hindi kaya’y masidhi ang kanilang pagnanais para rito. Ngunit bilang pintakasi, ang sisidlan at ang diyos o diyosa ay mayroon nang malalim na ugnayang hindi mapapantayan ng sinuman.
 
“Kung gayon, babaylan Sayi,” pahayag niya at bigla na lamang dumilim ang kalangitan. “Tanggapin ang buwan bilang iyong pintakasi. At sa nakatakdang panahon, masasaksihan mo ang iyong nilalayon.”
 
Uminit ang marka sa aking mga kamay, kasabay ng paglaho ng anyo ni Apo Bulan.
 
Sumagi sa aking isipan ang mga huling salitang sinambit ni Atubang Kayo. Darating ang panahon na magkaroon ng pintakasi ang mga natatanging babaylan at pinuno at iyon ang hudyat na nagsisimula nang pumili ng panig ang mga diyos at diyosa.
 
Sa oras na magharap ang mga taong ito ay magsisimula ang digmaan kung saan nakamasid ang mga diyos, diyosa at mamamayan kung sino ang huhubog at babago sa kasaysayan.
 
Isa lamang ang aking layunin—ang makita sa pinakatuktok si Urduja. Ang natatanging prinsesa.

<< Kabanata 17
Kabanata 19 >>

Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board