Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

kabanata 6

1/7/2024

Comments

 

ang mandirigma mula sa timog
​

Hindi na ako muling nakatulog matapos ang mga nangyari. Pinagmasdan ko na lang ang pagsikat ng araw mula sa bintana habang hinihintay ang anumang mangyayari.
 
Bigla ko namang naalala ang pag-uusap namin kanina ni Ridge.
 
“Cyrene, sino ka ba talaga?” tanong niya at nabalot lamang kami ng katahimikan dahil wala rin akong maisasagot. 
 
Pagkatapos no’n ay may narinig kaming kaluskos sa labas kaya naman agad siyang tumakas gamit ang bintana. Sa panahong iyon ay pumasok naman ang ilang Gabay at agad silang yumuko sa harapan ko. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil hindi sila nagpang-abot ni Ridge dahil isang malaking kasalanan ang pagpapatuloy ng sinuman, liban sa mga babaylan, sa lugar na ito. Pakiramdam ko tuloy ay nagkasala na rin ako.
 
“Handiran,” tawag ko dahil siya lang ang may pamilyar na mukha sa mga Gabay na narito. “Bakit kayo narito?”
 
Saka ko lang napagtanto na Tagalog ang binigkas kong mga salita kaya hindi nila ako naintindihan. Nagpakawala ako ng buntong-hininga dahil hindi pa rin kami magkaintindihan at itinuro ko na lang sila at saka ang sarili ko. Noong una ay kumunot ang noo nila ngunit mukhang kahit papaano ay nakuha ni Handiran ang ibig kong sabihin.
 
“Adda toy kami adda ti ited kanyam,” (Narito kami para ibigay ito sa’yo.) turan niya sabay lapag ng isang baluktot na kahoy sa harapan ko.

“Para saan ito?”


“Ni Prinsesa Urduja laengen ti mangibaga kinka, punong babaylan.” (Si Prinsesa Urduja na ang magpapaliwanag sa’yo, punong babaylan.)

 
Pagkasabi niya no’n ay muli silang yumuko at saka tumayo. Lumakad sila nang patalikod hanggang sa makarating sila sa pinto at tuluyan na silang umalis. Sinilip ko naman sila sa bintana at pabalik na sila sa kanayunan. Pinagmasdan ko naman ang buwan mula sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung anong oras na ngunit dahil tumatagos na ang lamig sa aking katawan at lubos na tahimik ang paligid, marahil ay maghahating-gabi na.
 
Isinara ko ang mga tabing sa bintana pati na rin ang pinto at umupo sa kinahihigaan ko kanina. Tiningnan ko ang piraso ng kahoy sa harapan ko. Mukha itong pana ngunit walang pising nakakabit dito.
 
“Bakit kaya nila ‘to ibinigay sa akin?” bulong ko sa sarili ko. Kinuha ko iyon ngunit agad ko iyong nabitiwan dahil may kakaiba akong naramdaman nang dumampi ito sa aking balat.
 
Napaatras ako habang hinahabol ang hininga matapos ang nangyari. Ramdam ko ang pag-init ng aking palad at pagtingin ko ay muling nagliwanag ang marka sa aking mga kamay.
 
Mag-iisang araw pa lang ako sa lugar na ito pero pakiramdam ko ay ang dami nang nangyari. May mga kakaiba ring naganap sa akin at hindi ko alam kung paano ko iyon gagamitin. Una, nakikita ko ang mga mangyayari pa lamang. Bigla ko tuloy naalala si Lola dahil tulad niya, nakikita ko rin ang ilang piraso ng hinaharap simula nang itinakda ako bilang punong babaylan. Pangalawa, nakikita ko ang mga sinasamba nilang anito, diyos at diyosa. Alam kong isa sa mga tungkulin ng babaylan ang makipag-usap at makiugnay sa kanila ngunit hindi ko naman inakala na magpapakita sila sa akin. Isa pa, sobrang lakas ng presensiya nila at sa parehong pagkakataon, nang makita ko si Ikapati at sina Apo Init at Apo Bulan, ay nanghina ang aking katawan.
 
Sinubok kong muling matulog ngunit ang daming tanong na bumabagabag sa akin kaya naman nanatili akong gising hanggang sa sumikat na ang araw. Narinig ko ang tunog ng ilang tambuli mula sa kanayunan, hudyat na may nasilayang dayuhang bangka ang mga Tagamasid.
 
Palabas na sana ako sa balay ngunit napatigil ako nang nakita kong muli ang kahoy na iyon sa sahig. Huminga ako nang malalim at saka iyon kinuha. Naghintay ako ng maaaring mangyari at sa kabutihang-palad ay wala na akong naramdamang kakaiba mula roon. Agad akong lumabas at tumakbo papunta sa kanayunan at habang papalapit ako ay naririnig ko ang pagkilos ng mga tao.
 
“Punong babaylan!” sigaw ng isa sa mga Gabay kaya’t napatingin ako sa direksyon niya. Ngumiti naman ako sa kanya at akmang itatanong ko pa lang kung nasaan si Urduja nang bigla niya akong hatakin.

“T-teka—!”

 
Hindi na ako nakapagsalita dahil sa bilis niyang maglakad at doon ko lang napagtanto na papunta kami sa balay kung saan nagtitipon ang mga babaylan. Pagdating namin doon ay nakahanda na ang mga Gabay na para bang may ritwal na mangyayari.
 
Adda tan dagadyay kaapa. Kailangan tay ti agluwalo mangabak tayo,” (Parating na ang mga kalaban. Kailangan nating magdasal upang tayo’y manalo.) ani ni Handiran at kahit hindi ko naintindihan ang sinabi niya ay nakuha ko naman ang nais niyang iparating dahil sa pag-aalalang nakabakas sa mga mukha nila.
 
Ako ang tulay ng mga tao sa diyos at diyosa at isa sa mga tungkulin ko ay hingin ang kanilang gabay para sa labang parating. Nagpakita na sa akin sina Apo Init at Apo Bulan at ayon sa kanila, nanghingi rin ng basbas mula sa kanila ang parating na kalaban. Maaaring wala nang saysay kung muli akong magdarasal sa kanila ngunit kung iyon ang paraan upang manalo sina Urduja at Bagim ay gagawin ko pa rin.
 
Tumingin ako sa malaking kahoy kung saan nakapinta ang imahe ng mga anito, diyos at diyosang kanilang sinasamba. Pumikit ako at kinalma ang sarili saka yumuko sa direksyon na iyon. Naramdaman ko naman ang pagsunod ng mga Gabay sa aking kilos, maging ang pag-init ng mga marka sa kamay ko.
 
Nagdasal ako sa kanila nang taimtim, humiling ng tagumpay sa papalapit na labanan at ang kaligtasan ng mga mamamayan. Paulit-ulit ko iyong binigkas at ang bawat salita ay tila may kakaibang bigat na dala sa aking kalooban. Naramdaman ko rin ang lalong pag-init ng aking kamay ngunit hindi ko iyon inalintana at kalaunan ay kumalat na ang init sa aking buong katawan. Malapit na akong sumuko nang biglang may mga imahe na namang pumasok sa isip ko.
 
Isang mandirigma. Lumilipad na mga palaso. Si Urduja . . . at ang duguan niyang katawan.
 
Agad akong napadilat, hinahabol ang hininga at nanghihina ang katawan. Nilapitan ako ng mga Gabay at kasabay no’n ay rinig ko ang sigaw ng mga mandirigma.
 
“Apay nan ano ka, punong babaylan?” (Anong nangyari sa’yo, punong babaylan?) tanong ni Iliway.

“Kailangan ko siyang balaan,” mahina kong sabi. “Si Urduja, kailangan niya ako ngayon.”

 
Pinilit kong tumayo at naglakad papunta sa pinto ngunit hinarangan nila ako.
 
“Di ka mabalin na pumanaw ditoy, punong babaylan,” (Hindi ka maaaring umalis dito, punong babaylan.) turan ni Amidal.

“Itarayam ti tungkulin?” (Tatakbuhan mo ba ang iyong tungkulin?) dagdag pa ni Pin’nan.

 
Hindi ko sila pinansin at nagtuluy-tuloy ako ngunit pinigilan ako ng ilan, ang iba’y nakahawak sa mga braso’t binti ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa pangitaing nakita ko o ano kaya tila nagkaroon ako ng lakas.
 
“Bitiwan n’yo ako!” sigaw ko at hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari. Wala akong ginawang pisikal pero tumalsik lahat ng may hawak sa akin at napaatras naman ang mga nanonood lamang. Pare-pareho kaming hindi makapaniwala sa nangyari pero agad kong ginising ang sarili ko at tumakbo palabas.
 
Pagdating ko sa puso ng nayon ay sarado na ang mga bahay habang may iilang mandirigmang nagbabantay roon. Mabilis akong tumakbo papunta sa dalampasigan kung saan ko nakitang susugod ang mga kalaban at hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ng ilan.
 
Hindi ko alam kung ilang minuto na ang lumipas nang makarating ako roon. Natanaw ko ang tatlong malalaking bangka na malapit na sa dalampasigan at agad naman akong nagtago sa likod ng isang malaking puno. Mula rito ay nakita ko ang mga tauhan ni Urduja sa iba’t ibang lokasyon: ang mga mamamana sa itaas at likod ng mga puno, ang mga mandirigmang naghihintay sa pampang, at ang mga Kalakian na nakaabang sa tagong parte ng dalampasigan.
 
Nakita ko ang pagtaas ng kamay ng isang lalaking nakaupo sa malaking sanga ng puno at inihanda naman ng mga mamamana ang kanilang pana at palaso. Pagtingin ko sa mga kalaban ay mukhang hindi nila inaasahang nakapaghanda ang nayong ito dahil sa mga mandirigmang nakaabang sa kanila. Gaya namin ay inihanda rin nila ang kanilang mga armas ngunit bago pa nila iyon magamit ay agad nang nagpaulan ng mga palaso ang aming mga mamamana.
 
Isa-isang nagbagsakan ang mga tinamaan at narinig ko ang pagsigaw ng ilan ng salitang lason. Saka ko naalala na kumuha kami ni Ridge ng nakalalasong-halaman at mukhang ginamit nga nila iyon sa dulo ng mga palaso.
 
“Linisin ninyo gamit ang tubig!” sigaw ng isang mandirigma nila at nagsitalunan naman ang mga natamaan sa tubig ngunit napasigaw sila at nakita ko ang pagkalat ng dugo roon.
 
Hindi naman iyon ininda ng ilan hanggang sa makarating sila sa pampang kasabay ng tatlong bangka nila. Naglakad ang mandirigmang nakita ko sa pangitain at itinaas naman ni Urduja ang kanyang kamay kaya’t tumigil ang mga mamamana. Gaya ng mandirigma ay naglakad din siya upang ipakitang siya ang namumuno sa lugar na ito.
 
“Magpakilala ka,” turan ni Urduja at nagulat ang lalaki dahil alam niya ang salita nila. Agad naman iyong napalitan ng ngiti na tila namamangha sa babaeng nasa harapan niya.

“Tunay nga ang sinabi ni Lakan Tagkan. Patay na ang Datung namumuno sa nayong ito,” aniya.


“Lakan Tagkan?” sabay kunot ng noo ni Urduja. “Kung ganoon ay galing ka sa Kaharian ng Namayan. Ano ang iyong pakay, mandirigma?”


“Siya nga,” sagot naman niya. “Ang ngalan ko’y Palab-an, isa sa mga punong mandirigma ng Namayan at nandito ako upang sakupin ang lugar na ito sa ngalan ng aming Lakan.”

 
Ramdam ko ang tensyon sa hangin at sa pagitan nila. Ilang segundong katahimikan ang namagitan hanggang sa naputol iyon nang sumigaw nang malakas ang mandirigma, hudyat ng kanilang pagsugod.
 
“Sa ngalan ni Lakan Tagkan, supilin ang nayon na ito!” utos niya at nagsibabaan ang mga mandirigma sa bangka dala ang kanilang mga sandata.

​“Iyan naman ang hindi ko papayagan,” sagot ni Urduja. “Sugod!” sigaw niya at sumugod din siya kasama ng kanyang mga mandirigma.

 
Nanginig ang buong katawan ko nang masilayan ko ang pagsisimula ng pagdanak ng dugo sa lugar na ito. Mula ako sa panahong hindi na nakikita ang ganitong pakikipaglaban kaya naman halos mawalan ako ng lakas sa nangyayari ngayon ngunit pinilit kong tatagan ang loob ko dahil may kailangan akong gawin. Huminga ako nang malalim at sinundan ng tingin si Urduja.
 
“Kailangan ko siyang iligtas,” bulong ko habang hinihintay ang pagkakataong baguhin ang pangitaing aking nakita.


<< Kabanata 5
Kabanata 7 >>
Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board