Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

Kabanata 19

1/17/2024

Comments

 

hara
​

​Ilang araw na ang nakalipas mula noong huling dumalaw si Atubang Kayo. Sa pakikipagpalitan ng kaalaman ng mga panday ng Kaboloan at ng mga mamamana ng Agta ay nagkaroon ng magandang ugnayan ang dalawang nayon.
 
Habang nakadungaw sa bintana ng aking balay ay hindi ko maiwasang hindi mapangiti lalo na’t aking nakikita ang paghalakhak ng mga bata habang sila ay naghahabulan sa labas. Nais kong maging ganito kapayapa ang Kaboloan sa loob ng matagal na panahon ngunit batid kong hindi iyon ang magiging daloy ng tadhana.
 
Abala sina Urduja, Bagim at Anam sa pakikipagsanay sa mga mamamana mula sa Agta habang si Ditan naman ay naroon pa rin sa kanilang nayon upang hasain ang kanilang paggawa ng mga palaso at pana. Samantala, si Ridge ang namumuno sa pagsasaliksik tungkol sa maaaring maging daan ng kalakalan. Siya ay sumasama sa mga manlalayag upang matukoy ang lagay ng karagatan, maging ang mga karatig isla.
 
‘Pagkat wala akong makausap sa aking balay ay nagtungo ako sa pook-dasalan sa gitna ng kagubatan. Sa tuwing may agam-agam sa aking isipan ay pumupunta ako rito. Kahit papaano ay bumubuti ang aking pakiramdam sa tuwing aking nakikita ang kakaibang punong nagtataglay ng basbas ng mga diyos at diyosa.
 
Hindi ako tiyak kung ilang oras akong nakaupo lamang dito at nagmumuni-muni. Bumalik lamang ang aking isipan sa kasalukuyan nang may marinig akong kaluskos mula sa paligid. Sa aking paglingon ay aking nasilayan si Ridge at saglit siyang napatigil nang magtama ang aming mga mata.
 
“Narito ka pala,” sambit niya habang palapit sa akin.

“Kararating lamang ba ninyo?” tanong ko at agad naman siyang tumango.
 
Umupo siya sa aking tabi at bakas sa kanyang mukha ang pagod. Simula noong itinalaga siya bilang punong pantas ay halos hindi na siya nakakatulog nang maayos. Marahil ay sagana sa ideya ang kanyang isip kaya’t nais niyang gawin ang mga ito, lalo na at ang kapakanan ng kanyang ninuno ang nakasalalay rito.
 
“Kumusta?” tanong ko at nakita ko ang kanyang pagngiti.

“Tila napakatagal na simula nang marinig ko ang salitang iyan,” sambit niya.
 
Maging ako ay napatigil nang mapagtanto ko iyon. Hango nga pala sa Kastila ang salitang ‘kumusta’ kaya hindi naming iyon naririnig sa kahit saang pook o pulo sa Pilipinas.
 
“Sa kinalulugaran ng Pilipinas, tiyak na mapakikinabangan natin ang pakikipagkalakalan,” aniya at umayos siya ng pagkakaupo. “Maaari tayong makipagpalitan sa iba’t ibang bansa sa Silangan at Timog-Silangang Asya at makakuha ng mga kagamitang mayroon sila.”

“Ngunit sa tingin mo ba ay papayag sila na makipagkalakalan sa atin?”

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga. “Iyan ang hindi ko pa masasabi.”

“Bakit?”

​“Sa kasalukuyan, ang kadayangan ni Prinsesa Urduja ay mayroong dalawang nasasakupan—ang Kaboloan at ang Agta. Tanging ang Samtoy lamang ang may kaalaman sa pakikipagkalakan kaya’t kinakailangan naming matuto mula sa kanila.”
 
Sa aking pagkakatanda, ang nayon ng Samtoy ay kinikilalang Ilocos Sur ngayon. Kung titingnan ang kanilang posisyon, sila ang may kakayahang makipagkalakalan sa mga karatig-bansa. Ngunit ayon kay Urduja, nang pumanaw ang kanyang ama, ang nakaraang Datu, ay hindi siya binigyan ng basbas ng babacnang o ang namumuno sa Samtoy na katumbas ni Datu Urang, sapagkat hindi niya nakikita si Urduja bilang karapat-dapat na pinuno. Datapwa’t magkasundo ang dalawang nayon ay hindi na muling nagkaharap ang mga pinuno nito.
 
Marahil ay kaya rin nais ni Urduja na hingin ang tulong ng mga Agta sapagkat batid niyang mahihirapan siya sa pakikipag-usap sa babacnang dala ng kanilang kaugnayan.
 
“Batid na ba ni Urduja ang iyong balak?” muli kong tanong.

“Hindi pa,” sagot naman niya. “Hindi ko alam kung paano ito sasabihin sa kanya, lalo na at abala pa sila sa pagpapabuti ng ugnayan ng Kaboloan at Agta.”


“Ngayon ay batid ko na.”

 
Halos sabay kaming napalingon nan gaming marinig ang boses na iyon. Ilang hakbang mula sa amin ay nakatayo sina Urduja, Bagim at Anam na tila katatapos lang sa kanilang pagsasanay. Agad kaming napatayo ni Ridge at nagbigay-galang sa kanya.
 
“Ang mga Samtoy . . .” bulong ni Anam.

“Tila kailangan mo nang magtungo roon,” sambit naman ni Bagim habang nakatingin kay Urduja.

 
Nanatiling tahimik ang lahat habang pinakikiramdaman ang disposisyon ng isa’t isa, hanggang sa marahang naglakad si Urduja patungo sa amin.
 
“Iyon ba ang susi upang maging mainam ang kalakalan?” tanong niya kay Ridge. “Sagutin mo ang aking katanungan, punong pantas.”
 
Hindi man para sa akin ang kanyang katanungan ay nakaramdam pa rin ako ng takot. Muli kong naalala ang una naming paghaharap. Tunay ngang sapat na ang kanyang tindig at presensiya upang maudyok ang takot ng sinumang kausap niya.
 
Huminga nang malalim si Ridge at saka tumingin sa mga mat ani Urduja.
 
“Siya nga, Prinsesa. Maaari mo ba itong magawan ng paraan?” matapang niyang sagot.
 
Ilang sandali pa ay bumuntong-hininga si Urduja at tumango. Bakas sa kanyang mukha ang pagod at alinlangan ngunit pinilit niyang itago ang mga iyon sa likod ng kanyang pagngiti.
 
“Marapat lamang, Punong Pantas. Kung iyon ang paraan upang maging matagumpay ang ating pakikipagkalakalan,” tugon niya. “Siya nga pala, nais ni Ditan na magkaroon ng pagpupulong ang mga punong gabay. Kung kayo ay handa na, tayo nang pumunta sa Balay Parsua.”
 
***
 
Halos isang kabilugan na ng buwan ang nagdaan noong huling nagsama-sama ang mga punong gabay sa Balay Parsua. Abala ang lahat sa pagpapabuti ng lagay ng kadayangan at sa kani-kanilang mga tungkulin kaya’t hindi na rin gaanong nabibigyang-pansin ang pagpupulong.
 
Umupo kaming anim sa takda naming mga upuan at nabalot ng kakaibang katahimikan sa aming pagitan.
 
“Ditan,” tawag ni Urduja. “Narito na ang lahat. Maaari mon ang simulan ang pulong.”
 
Tumango si Ditan at ibinigay namin ang aming atensyon sa kanya.
 
“Sa nakalipas na panahon ay maraming pagbabago ang naganap,” kanyang panimula. “Tayo ay nagkaroon ng ugnayan sa tribo ng Agta. Ngunit upang mapalawak ang iyong nasasakupan, nararapat lamang na maging katuwang din natin ang nayon ng Samtoy.”

“Ako’y sang-ayon sa tinuran ng punong panday,” dagdag ni Ridge at nalipat ang aming pansin sa kanya. “Makatutulong sila sa adhikain natin ukol sa kalakalan.”


“Paano?” tanong ni Anam.

 
Tumayo si Ridge at nagsimulang gumuhit sa malaking papel na ginawa ng mga bata noong mga nakalipas na araw. Nakapako ang aming tingin doon at napagtanto kong iginuguhit niya ang hilagang bahagi ng Luzon.
 
“Sa silangang bahagi ng Samtoy ay ang bulubundukin ng Cor—” Napatigil siya sa pagsasalita nang mapagtanto niyang hindi pa napangangalanan ang Cordillera sa panahong ito. “Ang bulubundukin. Sa kanluran naman ay ang malawak na lupang pulos buhangin. Sa kanilang kinalulugaran ay mayroon lamang silang maliit na kalupaan upang pagtaniman kaya’t malaking bahagi ng kanilang kabuhayan ang pakikipagkalakalan sa mga karatig-bansa.”

“Mas magiging mainam din ang banghay ng iyong nasasakupan ‘pagkat magkakaratig ang Kaboloan, Samtoy at Agta,” dagdag ni Ditan.

 
Sandaling katahimikan nang bumalot sa mga punong gabay at lahat ay naghihintay sa mga salita ni Urduja.
 
“Kung iyon ang tingin ninyong makabubuti para sa aking adhikain, nararapat lamang na iyon ay aking sundin,” sambit niya. “Sa paglubog ng araw ay tutungo ako sa Samtoy upang hingin ang basbas ni Babacnang Darata at talakayin ang nais kong makamit. Anam, ikaw ang aking gabay.”

“Masusunod, Pr—”


“Hara.”

 
Napatingin silang lahat sa akin nang putulin ko ang pagsasalita ni Anam. Maging ako ay nagulat sa aking ginawa sapagkat tila may sariling isip ang aking bibig.
 
“Ipagpaumanhin ninyo ang aking—”

“Nararapat lamang, Apo Sayi,” pagputol ni Ridge sa aking paumanhin. “Ikaw ay hindi na lamang isang prinsesa,” sabay tingin niya kay Urduja. “Makabubuti kung dayang o hara na ang iyong pagkakakilanlan.”


“Kung gayon, susundin ko ang mungkahi ng punong babaylan at pantas.”

 
Naramdaman ko ang muling pag-init ng aking mga kamay, hudyat na dumadaloy sa akin ang kapangyarihan at tinig ng isang diyos o diyosa. At sa pagtingin ko sa aming prinsesa ay nasilayan kong muli ang marka ni Apo Init sa itaas ng kanyang ulo.
 
“Sisidlan, dinggin mo ang aking ngalan,” utos niya.
 
Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo at muli kong naramdaman ang kanyang diwa sa aking isipan—tanda ng aking tungkulin bilang sisidlan sa mga diyos at diyosa.
 
“Kung gayon, ikaw, Prinsesa Urduja ng Kaboloan, ay itinatalaga ni Apo Init, ang iyong pintakasi, bilang Hara Urduja ng Kahilagaan. Nawa’y ikaw ay magbigay liwanag sa mga kanayunan na iyong pagsisilbihan, tulad ng araw na nagbibigay buhay sa katauhan.”
 
Matapos kong ihayag ang mga salitang iyon ay mayroong bumalot na liwanag na kakulay ng araw kay Urduja. At sa pagtatapos ng basbas ni Apo Init, isang marka ang umukit sa kanyang bisig, ang marka ni Apo Init.
 
Hindi iyon napansin ni Urduja, maging ang mga punong gabay, kaya’t napakunot ang aking noo.
 
“Ikaw lamang ang may kakayahang makakita ng aming sagisag, sisidlan,” tugon ni Apo Init na bigla na lamang nagpakita sa aking harapan kaya’t napatalon ako nang bahagya.

“A-ako lamang?”


“Siya nga. ‘Pagkat ikaw ay isa sa mga natatanging babaylan.”

 
Tumalikod siya sa akin at matapos iyon ay nawala siya na parang bula. Nasa akin pa rin ang paningin ng mga punong gabay at tiyak na batid nila na mayroong diyos sa paligid dahil sa aking kilos.
 
“Ikinalulugod at tinatanggap ko ang iyong basbas, Apo Init,” turan ni Urduja at lumuhod silang lahat sa aking harapan.
 
Matapos iyon ay agad siyang tumayo at kinuha ang kanyang kampilan.
 
“Ngayon din ay maglalakbay ako patungo sa Samtoy. Sina Anam at Sayi ang aking mga gabay. Ditan, Bagim at Magat, nasa inyong mga kamay ang kalagayan ng Kaboloan at Agta.”

“Masusunod, Hara,” sabay-sabay naming tugon at kami ay naghanda para sa aming paglalakbay sa nayon ng Samtoy.

 
***
 
Kinagabihan ay sinundo ako ni Anam sa aking balay. Sumakay ako sa kanyang kabayo sapagkat hindi pa rin ako natututo kung paano sumakay roon nang mag-isa. Nakasunod naman sa kanya si Urduja na nakagayak pang-Hara at hindi pangmandirigma.
 
“Tayo na, Hara,” sambit ni Anam at agad akong napahawak sa kanyang baywang nang patakbuhin niya ang kanyang kabayo.
 
Napakapit ako nang mahigpit kay Anam dahil sa bilis ng kanyang pagpapatakbo at sa dilim ng paligid. Mas nakakatakot ang aming dinadaanan sapagkat walang kahit anong liwanag sa paligid kundi ang liwanag na nanggagaling sa buwan.
 
Nanatili lamang akong nakamasid sa kapaligiran nang ilang oras at mas nadagdagan ang aking pangamba sa paglalim ng gabi.
 
Nang may marinig akong kakaiba ay humigpit ang aking hawak kay Anam at narinig ko ang kanyang mahinang pagtawa.
 
“Agos lamang iyon ng tubig, Apo Sayi,” pagpapaliwanag niya. “Tila may malapit na ilog sa pook na ito.”

“Anam, mukhang kailangan muna nating huminto,” ani ni Urduja kaya’t agad na ipinahinto ni Anam ang kanyang kabayo.

 
Mabilis na nakababa si Urduja mula sa kanyang kabayo habang ako ay kinailangan pang alalayan ni Anam. Nasa gitna pa rin kami ng kagubatan at iba’t ibang huni at tunog ng mga hayop ang aking naririnig kaya’t bumilis ang tibok ng aking puso. Nagsimula kaming maglakad habang nasa pagitan nila akong dalawa at unti-unti na ring lumalakas ang tunog ng agos ng ilog.
 
Ilang sandali pa ang lumipas ay nakarating kami sa isang ilog sa gitna ng kagubatan at agad na kumuha roon ng tubig si Urduja habang pinaiinom ni Anam doon ang mga kabayo.
 
Umupo ako sa tabi ng ilog upang maghugas ng kamay ngunit napatigil ako nang may makita akong kakaiba. Hindi ako nakagalaw at tila umurong ang aking dila.
 
Sa aking harapan ay may dalawang dilaw na matang nanlilisik habang nakatingin sa akin at doon ko napagtantong sa ganitong lugar sila namumuhay.
 
Isang impit na sigaw ang lumabas sa aking bibig nang bigla na lamang lumitaw ang nilalang sa aking harapan—isang napakalaking buwaya.
 
Kahit nanlalambot na ang aking mga binti ay pinilit kong tumayo at tumakbo palayo roon ngunit tila mas mabilis ang galaw at isip ng buwaya. Ilang hakbang na lamang ang layo nito sa akin at bigla na lamang bumuka ang kanyang bibig.
 
Iniharang ko ang aking kamay sa pagitan naming dalawa kahit batid kong wala iyong magagawa at pumikit ngunit bigla na lamang umingil ang buwaya. Saglit akong dumilat at mayroong liwanag na pumagitna sa aming dalawa.
 
“Apo Sayi!”
 
Napatingin ako sa aking likuran at agad akong hinawakan ni Anam sa aking baywang habang nakasakay siya sa tumatakbong kabayo. Madali niya akong naiangat at agad akong napakapit sa kanya. Mabilis nilang pinatakbo ang kanya-kanya nilang mga kabayo hanggang sa makalayo kami sa ilog.
 
At simula noong gabing iyon ay hindi na ako nakatulog nang maayos habang kami ay naglalakbay.
 
***
 
“Mabuti na lamang at nangyari iyon,” sambit ni Urduja patungkol sa liwanag na bumalot sa akin nang sumugod ang buwaya.

“Bakit?”


“Isang sagradong hayop ang buwaya,” sagot ni Anam. “Ang pagpatay sa isa ay katumbas ng pagpatay sa isang anito, diyos o diyosa.”

 
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ko iyon sa kanya.
 
“Siya nga,” dagdag ni Urduja. “Kamatayan din ang hatol sa kung sinuman ang magtatangka sa buhay ng isang buwaya.”

“Bakit sila itinuturing na sagrado?” tanong ko.


​“Sila ang gabay ng mga namatay patungo sa Maka o Kasanaan kaya’t ang pagpaslang sa isa ay katumbas ng pagsilang ng mga kaluluwang-ligaw ‘pagkat hindi sila nagabayan sa kanilang nararapat na kalagyan.”

 
Matapos kong malaman iyon ay nag-iba ang tingin ko sa mga hayop. Ibang-iba ang pagturing sa kanila sa panahong ito. Sa kasalukuyang panahon ay hindi na ganoon pinahahalagahan ang buhay nila samantalang sila ay sinasamba at inaalagaan noong unang panahon.
 
Ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay at ilang pag-iwas sa mga mababangis na hayop at patibong ang aming naranasan. Sa itaas din kami ng mga puno nagpapahinga upang makaiwas sa panganib at makalipas ang tatlo’t kalahating araw ay aming nasilayan ang malawak na lupaing napaliligiran ng buhangin.
 
Narito na kami sa nayon ng mga Yloko, ang Samtoy.

<< Kabanata 18
Kabanata 20 >>

Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board