Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

Kabanata 39

1/17/2024

Comments

 

hilagyo ng kalikasan
​

Tila isang rumaragasang agos ang bilis ng mga pangyayari. Sa isang iglap, naging marahas ang kalikasan—isang napakalaking alon, ang pagyanig ng lupa, ang malakas na paghampas ng hangin, haliging yari sa apoy, at ang pulang kalangitan.
 
Halos magliwanag ang paligid dahil sa hilagyo ni Urduja. Nagngingitngit ang ningas ng kanyang kampilang tila sinag ng araw. Sa bawat indayon ng mga ito ay ang nagiging alabok na lamang ang sinumang mangahas na humadlang sa kanyang daraanan.
 
Bago pa ako makalapit kay Handiran ay nauna na roon si Anam. Niyapos niya ang wala nang buhay na katawan ni Handiran at tahimik na luha ang tumulo sa magkabila niyang pisngi.
 
Sa kanyang ulunan ay sumilang din ang marka ni Apo Init ngunit mas mapanglaw ito kay Urduja. Isang mabalasik na tingin mula sa kanya ang tumanaw kay Lakan Silang mula sa kalayuan.
 
“Apo Sayi,” tawag ni Anam.
 
Bagama’t nanghihina ang aking mga binti ay pilit kong binaybay ang mababaw na katubigan upang makarating sa kanilang kinaroroonan. Dahan-dahan niyang inilapag ang ulo ni Handiran sa aking kandungan habang pinapahid ang luha sa kanyang mga mata.
 
“Apo, ipauubaya ko sa iyo si Handiran,” halos pabulong niyang ani ngunit ramdam ko ang poot sa kanyang tinig. “Buhay ang kanilang kinuha. Buhay rin ang aking hihinging kapalit.”
 
Isang nakakakilabot na sigaw ang kanyang pinakawalan habang nakataas ang kanyang sibat. Tumungo siya sa kinaroroonan ni Urduja habang nanatili naman sa aking tabi si Bagim upang pigilin ang mga mandirigmang patungo sa aking kinalalagyan. Samantala, nawala sa aking paningin sina Ridge at Ditan ngunit tiyak na sila ay nakikipaglaban din sa mga mandirigma.
 
Dumapo sa ngayo’y maamong mukha ni Handiran ang aking paningin at nagtuluy-tuloy na ang pagtulo ng luha sa aking mga pisngi.
 
“Handiran,” tawag ko habang marahang hinahaplos ang kanyang mukha.
 
Kung hindi dahil sa akin ay hindi siya mawawalan ng buhay. Kung naging maagap at mas malakas lamang ako ay hindi ito mangyayari.
 
“Patawarin mo ako,” isang impit na hikbi ang aking binitiwan. “Patawad sapagkat hindi kita nailigtas.”
 
Unti-unting Nawala ang ingay sa paligid at tanging ang pag-iyak ko lamang ang aking naririnig habang mahigpit na nakayakap sa katawan ni Handiran. Ang aming mga alaala ay dumaluhong sa aking isipan.
 
Siya ang nagbigay-lakas sa akin upang magsanay. Siya ang laging nariyan upang matunghayan ang aking pag-usad sa pakikipaglaban at bilang isang nararapat na punong babaylan.
 
Muli kong naalala ang mga salitang binitiwan ng diyos na si Mapulon noong nagpakita siya sa akin habang aking binabantayan si Handiran.
 
“Ngunit sisidlan, ang lahat ng bagay ay mayroong kapalit. Nawa’y ikaw ay handa sa habi ng iyong tadhana.”
 
Bumalik ang aking gunita sa kasalukuyan at doon ko lamang napagtanto na kami ay unti-unti nang napaliligiran. Halos mabalot na si Bagim ng dugo ng kanyang mga nakitil habang nakatingin sa akin si Ilati mula sa kabilang panig ng ilog.
 
“Apo Bulan, dinggin ang aking kahilingan,” marahan kong bulong. “Bilang isang gabay, nais kong manatili si Handiran sa aming tabi. Nais kong masaksihan niya ang tagumpay ng Hara.”
 
Lumitaw si Apo Bulan sa aking harapan at sa kanyang tabi ay mayroon pang isang diyosa—si Apo Tala.
 
“Nararapat lamang,” sambit ni Apo Bulan at agad bumaling ang kanyang tingin kay Apo Tala.
 
Isang napakagandang tinig ang lumabas mula sa kanyang bibig at unti-unting nagliwanag ang katawan ni Handiran . . . hanggang sa maging alabok na kulay pilak ang kanyang anyo. Sa bawat pag-awit ng himig ni Apo Tala ay unti-unting tinatangay ng hangin ang mga ito. At sa loob ng ilang sandali ay natanaw ko ang anyo ni Handiran bilang isang talampad ng mga bituin sa kalangitan.
 
Marahan akong tumayo at naglakad pabalik sa dalampasigan. Mula sa magkabilang panig ng ilog ay nakatayo kami ni Ilati habang pinakikiramdaman ang isa’t isa.
 
Isang matamis na ngiti ang kanyang binitiwan, kasabay ng pagkumpas ng kanyang kamay. Agad na bumuhos ang ulan at humagupit ang hangin. Natanaw ko mula rito ang mark ani Anitun Tabu sa kanyang ulunan at maging ang hilagyo nito.
 
Ito na ang panahon, sambit ko sa aking isipan.
 
Muling lumitaw ang pulang buwan sa kalangitan at hatid nito ay ang sukdulang galit sa mga taga-Namayan at Seludong. Maging ang aming mga mandirigma ay tila nababalot ng poot na siyang sanhi upang sumugod sila nang walang pag-aalinlangan.
 
“Sisidlan,” pagbati ni Ilati habang nababalot siya ng hangin at ulan. “Iisa lamang ang maaaring maupo sa luklukan. Sa sandalling mawala ng iyong pinuno, tanging ang lakan na lamang sa Tundun ang aming suliranin.
 
Naramdaman ko ang pagdaloy ng kapangyarihan ni Apo Bulan sa aking katawan. Maging ang ilog ay tila tumutugon sa pulang buwan.
 
Mula sa kalayuan ay natanaw ko sina Urduja at Lakan Silang na naglalaban—ang anyo ng kanilang mga pintakasi ay nasa kanilang likuran. Sa bawat pag-indayon ng kampilan ni Urduja ay sinusuklian ito ng lakan ng pagyanig ng kalupaan. Tumindig ang aking mga balahibo nang masilayan kong tila naglalaban din ang mga hilagyo nina Apo Init at Dumakulem.
 
Ito na nga ang paghaharap ng dalawang pinunong nakatadhanang maghabi ng kasaysayan. At sa aming mga kamay nakasalalay ang kanilang kaligtasan.
 
Sabay naming ikinumpas ang aming mga kamay at agad na sumunod ang kalikasan. Isang malaking alon ang sumira sa lahat ng karakowa sa ilog habang tila ipu-ipong natangay ang aming mga mandirigma palayo sa kalupaan.
 
Isang sigaw ang aking nadinig mula sa likuran ngunit agad din itong nawala. Saglit akong lumingon at nakita ko ang pagbagsak ng katawan ng mandirigma ng Namayan. Sa kanyang likuran ay naroon si Ridge habang hawak ang kanyang sitbatan o arnis.
 
Agad niya akong isinakay sa kanyang kabayo at sa pagkakataong iyon ay ginamit ko ang aking pana. Ngunit sa halip na kulay pilak ay may tinta ng pula ang namuong palaso mula roon. Itinutok ko iyon sa kinatatayuan ni Ilati ngunit agad siyang tumungo sa direksyon ng dalawang pinuno.
 
“Ridge!”
 
Mabilis niyang pinatakbo ang kabayo tungo sa ilog at ginamit ang sirang piraso ng karakowa bilang tulay. 
 
“Masama ang aking kutob,” sambit niya habang sinusuri ang mga nangyayari sa paligid. “Nawala sa paningin ko si Ditan. Sina Anam, Bagim at Hara Urduja ay nababalot ng poot. Wala rin tayo sa ating kalupaan. Tila lahat ng ito ay ibinanghay at patuloy nangyayari ang nais nilang matunghayan.”
 
Saglit na humupa ang halu-halong pakiramdam sa aking dibdib nang marinig ko ang kanyang isinalaysay. Napalingon ako sa kanya at bakas ang agam-agam sa kanyang mukha. Bilang pantas at taktiko, batid kong mas mayroon siyang kaalaman patungkol dito ngunit mukhang huli na ang lahat.
 
Sabay kaming nagitla nang umingit ang kabayong aming sinasakyan nang malapit na ito sa dalampasigan. Mayroong dalawang palasong bumaon sa kanyang katawan, dahilan upang tumilapon kami sa katubigan. Agad akong hinatak ni Ridge patungo sa lupa ngunit napalibutan kami ng mga kalabang mandirigma.
 
Bumungad ang tinig ni Apo Bulan sa aking isipan.
 
Ang buwan ay mananatili lamang sa kalangitan.
Ang buwan ay hindi kailanman lumaban.
Ngunit ang buwan ay may natatanging kakayahan.
Humila ng katubigan.
Pumukaw ng isipan.
Magbigay liwanag sa kadiliman.
Ang buwan ay hindi tahasang makapangyarihan.
Ngunit ito ay may kakayahang lumipol ng sangkatauhan.
 
Isang malakas na pagsigaw ang aking binitiwan at sa isang iglap ay nilamon ng ilog ang mga mandirigmang nakapaligid sa amin. Kasabay nito ay ang panghihina ng aking katawan at kinailangan akong alalayan ni Ridge upang tuluyang makatayo.
 
Nang idinilat ko ay aking mga mata ay napaawang ang aking bibig sapagkat doon ko lamang nasaksihan ang lawak ng pinsala nito. Tila may sariling buhay ang ilog at nagbabadya ito sa muling pagsalakay. Napatingin ako sa buwan at tila unti-unti itong lumalaki at lumalapit.
 
Agad namang naputol ang takbo ng aking isip nang madinig ko ang pagsigaw ni Urduja. Mula sa kalayuan ay natanaw ko ang pagtutulungan nina Lakan Silang at Ilati laban sa kanya, habang kaharap naman nina Bagim at Anam sina Lakan Tagkan at ang babae’t lalaking nagdala sa katawan ni Handiran sa pook na ito.
 
Bagama’t hapong-hapo na ang aking katawan ay pinilit kong maglakad tungo sa kanilang kinaroroonan habang nakaalalay si Ridge sa aking gilid. Ngunit agad din kaming napatigil nang may matanaw kaming kakaiba sa bandang kanan.
 
“Ridge,” mahina kong tawag. “A-anong . . .”
 
Nadatnan namin si Ditan na naglalakad at mayroong kasamang hindi kilalang babae. Nagkasalubong ang aming tingin at isang nakasusulasok na katahimikan ang pumagitan sa aming apat.
 
“Ditan . . .”
 
Isang malungkot na tingin ang kanyang binitiwan at agad niyang iniharang ang kanyang katawan upang itago ang babae mula sa amin.
 
“Ano ang ibig sabihin nito?” marahan kong tanong.
 
Bago pa man siya makapagsalita ay muli kaming napalibutan kaya’t agad na sumalakay si Ditan. Bagama’t higit na matanda kaysa sa amin ay mas bihasa siya sa paggamit ng anumang sandata at agad na bumagsak ang mga kalaban.
 
“Ipaliliwanag ko ang lahat pagkatapos nito,” halos malumbay niyang saad. “Pakiusap, tiyakin ninyong ligtas ang Hara. Tiyakin ninyong siya ang uupo sa luklukan.”
 
Sa kabila ng mga tanong sa aking isipan ay tahimik akong umayon sa kanyang winika. Sabay-sabay kaming tumungo sa direksyon nina Urduja ngunit hindi ko maiwasang sumulyap kay Ditan.
 
Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng babae na nakatulala lamang at tila walang buhay ang mga mata. Nanatili kami ni Ridge sa kanilang likuran at nang magtama ang aming paningin ay tiyak na magkatulad ang aming naiisip.
 
Ang mga balak ng Kaboloan na tila nababatid ng Katimugan.

Ang mga kaalaman at balita na tila nakakarating din sa Seludong at Namayan.


Ang kanyang pagtuligsa sa ilang nais ni Urduja sa kapulungan.


At ang pamalagiang kalungkutan sa kanyang mga mata tuwing napag-uusapan ang Katimugan.

 
Sa sandaling iyon ay aking napagtanto ang lihim ni Ditan.

Ang kanyang kataksilan sa Kaboloan.


​At ang kanyang nakalulumbay na dahilan.

 
At kasunod ng pagpanaw ni Handiran ay tila hindi pa matatapos ang kadiliman. ​

<< Kabanata 38
Kabanata 40 >>

Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board