Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

Kabanata 23

1/17/2024

Comments

 

dayuhan mula sa silangan
​

“Nagwagi ka sa iyong balak.”
 
Napalingon sa aking direksyon si Ridge at sumilay sa kanyang mga labi ang matagumpay na ngiti kahit bakas sa kanyang mukha ang pagkahapo at kawalan ng pahinga.
 
Narito kami ngayon sa kagubatan at naging takbuhan niya na rin ang pook-dasalan sa tuwing nais niyang makapag-isip nang tahimik. Lumapit ako sa kanyang kinatatayuan at tahimik na tumingin sa puno sa aming harapan.
 
“Hindi ko inakalang ihahain mo ang konsepto ng rehiyon sa kanila,” saad ko. “Tingin mo ba ay handa na sila sa ganoong sistema?”

Ngumisi siya. “Hindi pa, ngunit iyon lamang ang naiisip kong paraan upang maging maayos ang turingan ng mga nayon.”


“Sasang-ayon kaya ang babacnang sa iyong mungkahi?”


“Sa tingin ko,” tugon niya. “Isa pa, mas makabubuti sa kanila kung tatanggapin nila ang ating imumungkahi.”

 
Tahimik naman akong sumang-ayon. Mas makikinabang sila kung masusunod ang nais na sistema ni Ridge ngunit may pag-aagam-agam pa rin sa aking dibdib sapagkat hindi ito ang kanilang nakasanayan.
 
“Mabuti na ba ang iyong pakiramdam?” tanong niya pabalik kaya’t muli kong naalala ang mga nangyari noong nakaraang gabi.

“Hindi ko pa maintindihan nang lubos ang aking mga pangitain ngunit natatakot ako sa maaaring mangyari.”

 
Muling dumaloy sa aking isipan ang mga nakapaninindig-balahibong pangitain at naramdaman ko ang pag-init ng marka sa aking mga kamay. Ayon sa mga salitang iyon, mayroong tatlong natatanging babaylan sa buong kapuluan ng Pilipinas. Iyon din ang tinuran ni Apo Angalo. Ngunit ano ang tungkulin ng mga sisidlan? Ano ang aming gagampanan sa panahong ito?
 
“Cyrene?”
 
Hindi ko napansin ang pagtawag ni Ridge sa aking ngalan kaya’t bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. Bahagya akong ngumiti upang ipanatag ang kanyang kalooban.
 
“Ayos ka lang ba?” tanong niya.

Agad akong tumango. “Oo. Ngunit tila kailangan na nating magpahinga. Ayon kay Hara, tayo ay lilisan paglubog ng araw.”


“Siya nga.”

 
Matapos ng aming pag-uusap ay bumalik kami sa kani-kaniya naming balay ngunit hindi ko magawang magpahinga. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay muli kong naaalala ang aking mga pangitain kaya’t natatakot akong matulog.
 
“Apo Bulan, alam kong narito ka,” sambit ko.
 
Nitong mga nakaraang araw ay tila mas nararamdaman ko ang presensiya ni Apo Bulan. Batid ko kung malapit ang kanyang anyo sa akin kahit hindi niya ihayag ang kanyang sarili. Sa palagay ko ay may kinalaman iyon sa kanyang pagiging pintakasi.
 
“Ano ang bumabagabag sa iyo, sisidlan?”
 
Mayroong liwayway ng liwanag ang sumilang sa aking harapan at matapos ang ilang sandali ay inihayag ng aking pintakasi ang kanyang sarili.
 
“Apo, mayroon akong mga katanungan.”

“Tiyak akong binalaan ka na ni Anagolay ukol dito,” talamik niyang saad.


​“Ngunit ang sabi niya ay tanging ang aking pintakasi lamang ang makakapagpaunawa sa akin ng mga nais kong malaman.”

 
Naging malagim ang kanyang itsura ngunit nais kong maging malinaw ang lahat. Nais kong malaman kung ano ang tungkuling nararapat kong gampanan.
 
“Ayon kay Apo Angalo at sa aking pangitain, mayroong tatlong sisidlan sa kapuluang ito. Bakit?”
“Naaalala mo ba ang mga salita sa iyong pangitain?”
 
Tumango ako at isinalaysay ito.
 
“Tatlong sisidlan,
Isang dakilang digmaan;
Tatlong pintakasi,
Sino ang magwawagi?
At sa paglitaw ng pulang buwan,
Ang itinakda ay uupo sa luklukan.”
 
“Ang mga natatanging sisidlan ay dumarating lamang sa sandaling magbabago ang hibla ng tadhana, hindi lamang sa kapuluang ito, kundi sa kabuuan ng mundo.”
 
Nagsitaasan ang aking balahibo nang marinig ko iyon sa kanya. Buong mundo? Tila napakalaki ng tungkuling iyon at batid kong hindi ako ang uri ng taong kayang gampanan ang pananagutang tulad niyon.
 
“Ikaw ang aking pinili, Sayi, sapagkat batid kong ikaw ang natatangi sa lahat,” sambit niya. “Nawa ay mapatunayan mo ang iyong kabuluhan.”
 
Matapos niyang sabihin iyon ay bigla na lamang siyang lumisan at nakaramdam din ako ng biglaang pagkaantok, hanggang sa tuluyan nang bumigay ang aking katawan.
 
***
 
“Apo Sayi, kailangan mon ang maghanda.”
 
Pagbukas ko ng aking mga mata ay agad kong nakita sina Iliway at Handiran sa aking tabi. Doon ko lamang napagtanto na nahimlay ako matapos mawala ni Apo Bulan sa aking balay kagabi.
 
Marahan akong itinayo ni Handiran habang nakaalalay naman si Iliway. Kahit matamlay pa ang aking katawan ay pinilit kong gisingin ang aking diwa sapagkat maglalakbay kaming muli patungo sa Samtoy upang ihain ang panukala kay Babacnang Darata.
 
Matapos kong maghanda ay lumabas ako sa aking balay at naabutan ko si Ridge habang siya ay naglalakad patungo sa Balay Parsua. Sapagkat sa kanya ang banghay na aming ihahandog ay nais ng Hara na siya ay sumama. Nang makarating kami roon ay nakasakay na sa kani-kanilang mga kabayo sina Urduja at Bagim.
 
“Tayo na, Sayi at Magat.”
 
Ako lamang ang hindi marunong mangabayo kaya’t kinailangan kong sumabay kay Ridge at nagsimula na kaming maglakbay.
 
“Paano ka natutong mangabayo?” pabulong kong tanong at naalala kong hindi ko iyon naihayag sa kanya noong nalaman kong marunong siya nito.
“Sinanay ako simula pa noong bata,” sagot niya habang nakangiti.
“Ng iyong ama?”
Tumango naman siya. “Ayon sa kanya, lahat ng kasapi sa aming angkan ay marunong sumakay at makipaglaban habang nasa kabayo kaya’t habang bata pa lamang ay tinuturuan na kami.”
 
Napagtanto kong hanggang sa kasalukuyan ay pinahahalagan ng kanyang angkan ang kanilang mga ninuno. Hindi na nakapagtataka kung bakit napakarami niyang kaalaman ukol sa panahong ito.
 
Tulad na lamang noong una kaming tumungo sa Samtoy ay namalagi kami sa matataas na puno sa tuwing kailangan naming magpalipas ng gabi. Sa ikalawang gabi naming paglalakbay ay gumawa si Bagim ng aming matutulugan gamit ang ilang sanga at malalaking dahon ngunit hindi ako dinalaw ng antok.
 
Bumaba ako mula sa aking hinihigaan at tanging si Ridge lamang ang natutulog ngunit wala sa paligid sina Bagim at Urduja. Marahan akong lumakad patungo sa kakahuyan at nakarinig ako ng pagtama ng mga metal. Agad akong sumilip sa kinaroroonan ng tunog at doon ko nakita ang dalawa.
 
Nagsasanay si Urduja gamit ang kanyang kampilan laban kay Bagim. Sa isang galaw lamang ng kamay ni Bagim ay nabitiwan na ni Urduja ang kanyang kampilan at nakatutok na ang sandata sa kanyang leeg.
 
“Hindi pa sapat ang iyong bilis, Hara,” matalim na saad ni Bagim. “Kung isa akong kalaban ay gumulong na ang iyong ulo sa lupa.”
 
Humahapo na si Urduja ngunit buhay pa ang kanyang mga mata. Ramdam ko ang pagnanais niyang maging malakas at karapat-dapat sa paningin ng pinakamalakas niyang mandirigma. Muli niyang pinulot ang kanyang kampilan ngunit nanginginig na ang kanyang mga kamay.
 
“Mapahinga ka na, Hara. Maaari natin itong ituloy sa muling paglubog ng araw.”
“Ngunit—”
“Hara.”
 
Walang nagawa si Urduja kundi ipasok ang kanyang kampilan sa sisidlan nito. Agad naman akong nagtago sa likod ng puno nang maglakad siya papunta sa aming tulugan. Ilang sandali akong namalagi roon at napagtanto kong hindi sumunod sa kanya si Bagim. Sa aking muling pagsilip ay nagpatuloy lamang siya sa pagsasanay. Pinanood ko lamang siya nang tahimik ngunit laking gulat ko nang bigla na lamang siyang napatingin sa aking direksyon.
 
“Apo Sayi,” tawag niya nang magtago ako.
 
Sapagkat wala nang saysay ang aking pagtatago ay nagpakita na rin ako sa kanya at lumapit sa kanyang kinatatayuan.
 
Muli kong naalala ang tinuran ni Urduja noong mayroong dumating na mga Intsik sa pampang ng Kaboloan. Tanging ang pinunong makakatalo lamang sa kanya ang kanyang nais na maging kabiyak.
 
“Lagi bang nagsasanay ang Hara?” tanong ko nang nakatayo na ako sa kanyang tabi.
Tumango naman si Bagim. “Nais niyang maging dalubhasa sa paggamit ng kampilan.”
“Sa lagay niya ay tila hindi na siya makakahanap ng kanyang kabiyak,” pagbibiro ko. “Lalo na at ikaw ang nagsasanay sa kanya.”
“Tungkulin kong maging mas malakas sa prinsesa,” tugon niya habang nakatingin sa kanyang kampilan. “Kung hindi ay mapapahamak ang kanyang buhay.”
 
Napatitig ako kay Bagim matapos niyang bitiwan ang mga salitang iyon. Nakamamangha ang kanyang katapatan kay Urduja. Naalala ko ang isinalaysay niya noon tungkol kay Urduja at kung paano siya tumatakas upang matutong humawak ng armas mula kay Bagim.
 
Agad na sumilay ang ngiti sa aking mga labi. Hindi man sabihin ni Urduja, batid kong nais niya ring lumakas upang maprotektahan si Bagim at ang kanyang nasasakupan.
 
“Maaari ba akong magsabi ng aking kahilingan?” tanong ko at agad siyang napatingin sa akin.
 
Bakas sa kanyang mukha ang pagkalito at pag-aagam-agam ngunit makalipas ang ilang sandali ay tumango rin siya.
 
“Ano iyon?”
“Maaari mo bang ipangako na mananatili ka sa kanyang tabi ano man ang mangyari?” sambit ko habang inaalala ang malagim na pangitaing aking nakita noong nakaraang gabi.
 
Bumalot ang katahimikan sa aming pagitan at ang paghampas ng hangin sa mga kapunuan ang aming narinig. Makalipas ang ilang sandali ay lumuhod siya sa aking harapan habang hawak ang kanyang kampilan.
 
“Hindi mo na kailangang ihayag ito, Apo. Tungkulin kong pangalagaan ang kanyang kaligtasan. Mananatili ako sa kanyang tabi ano man ang mangyari.”
 
Muli akong napangiti nang marinig ko iyon mula sa kanya at pagkatapos niyon ay bumalik kami sa aming pagpapahinga.
 
***
 
Makalipas ang ikatlong araw ay natanaw na rin namin ang tiging na buhanging bumabalot sa kabuuan ng Samtoy ngunit mayroong kakaibang nangyayari sa dalampasigan nito. Agad kaming tumungo roon at isang hindi inaasahang pangyayari ang aming nadatnan.
 
“Ni zen gan,” (Mapangahas ka,) sambit ng isang sugo mula sa Tsina habang nakatutok ang espada ng kanyang madirigma sa leeg ni Babacnang Darata.
 
Mabilis na tumungo sina Bagim at Urduja sa kanilang kinatatayuan habang takot na nakatingin lamang ang mga mamamayan ng Samtoy sa isang tabi.
 
“Shizhe!” (Sugo!) sigaw ni Urduja at nakuha niya ang atensyon ng Intsik at ng Babacnang.
 
Bigla na lamang silang tumalon mula sa kanilang mga kabayo kahit na hindi pa tuluyang nakahinto ang mga ito at hinarap ang mga tao mula sa Tsina.
 
Isang barko ang nasa pampang at naroon ang marka ng isang dinastiya. Napatingin ako kay Ridge at tiyak na magkatulad kami ng naisip. Kung tama ang aking pagkukuro, sa panahong ito, ang dinastiyang naghahari ngayon sa Tsina ay . . .
 
“Mula sa dinastiyang Ming?” bulong ko.
“Siya nga,” aniya. “Sa panahong ito ay kababagsak lamang ng dinastiyang Yuan sa pamumuno ni Zhu Yuanzhang kaya’t kabi-kabila ang digmaan sa Tsina. Tiyak na nais niya ng karagdagang likas yaman kaya’t narito siya sa timog silangang Asya.”
 
Bumaba na rin kami ni Ridge mula sa kanyang kabayo at lumapit kina Urduja at Bagim. Agad na humakbang si Ridge sa harapan ni Urduja habang nagmamasid si Bagim sa paggalaw ng mga mandirigmang Intsik.
 
“Wènhòu,” (Pagbati,) sabay yukod ni Ridge sa sugo ng dinastiyang Ming at saka siya tumingin kay Urduja.
“Ang ngalan ko’y Urduja, ang Hara ng Kadayangan ng Kaboloan. Nasa ilalim ng aking pangangalaga ang Samtoy kaya’t kung maaari ay pakawalan ninyo ang babacnang.”
 
Agad naman iyong isinalin ni Ridge sa kanilang wika. Dumako naman ang aking paningin sa babacnang na pilit nagpapakatatag sa harap ng kanyang nasasakupan kahit na nakaguhit sa kanyang mukha ang takot.
 
Mayroong ibinulong si Ridge kay Urduja at tiyak kong pinapayuhan niya ito ukol sa maaari niyang gawin lalo na at alam niya ang mga nangyayari sa kalupaan ng Tsina.
 
“Kapalit ng buhay ng babacnang ay magbibigay ako ng ginto at pananim na maaari ninyong itanim sa inyong lupain,” sambit ni Urduja. “Batid kong kayo ay nasa gitna ng isang digmaan laban sa dinastiyang Yuan at tiyak na hindi ninyo nais ng isa pang digmaan.”
 
Matapos isalin iyon ni Ridge ay inilabas ni Bagim ang kanyang kampilan at matalim na tumingin sa mga mandirigma ng Ming.
 
“Ngunit kung inyong pipilitin ay handa akong lumaban kasama ng aking mga mandirigma at Kalakian.”
 
Nasilayan kong muli ang marka ni Apo Init sa kanyang ulunan at nabalot ng liwanag ang kanyang anyo, dahilan upang umatras ang sugo at ang kanyang mga mandirigma.
 
Lumingon ako sa mga katalonan at tagapayo ng babacnang. Isinalaysay ko ang nararapat nilang gawin at sa loob ng ilang sandali ay mayroon na silang dalang sako ng ginto habang inilabas ko ang dala naming mga pananim mula sa mga Agta.
 
“Narito ang hain kong kapalit,” ani ni Urduja at inilapag niya sa kanilang harapan ang ginto at pananim. “Isa lamang ang hihilingin ko sa inyong pinuno. Sa halip na kami ay inyong sakupin, hindi ba’t mas mainam na magkaroon ng ugnayan ang kadayangan ng Kaboloan at dinastiyang Ming? Inyong ipagbigay-alam ang aking salita sa kanya.”
 
Tila napaisip ang sugo sa kanyang sinabi lalo nan ang ibigay ni Urduja ang mga ginto at pananim sa kanya. Tiyak na nais niya rin ang ganoong sistema sapagkat kailangan nila ang mga ito upang maging matagumpay ang pagbuo nila ng panibagong dinastiya.
 
“Wǒ huì bǎ nǐ dehuà fā gěi guó wáng,” (Ihahatid ko ang iyong salita sa hari,) tugon ng sugo at tahimik silang bumalik sa kanilang dalang bangka kasama ang mga ginto at pananim.
 
Nanatili kaming nakatayo roon habang pinapanood na lumisan ang mga Intsik sa pampang ng Samtoy hanggang sa sila ay tuluyan nang makalayo.
 
Dumako ang tingin ni Urduja sa babacnang na nanatiling nakaluhod.
 
“Utang mo sa amin ang iyong buhay at nayon, Babacnang Darata,” sambit niya.
“Hara . . .” mahinang tawag ng babacnang. “Tatanggapin ko ang anumang nais ninyo kapalit ng kaligtasan ng aking nasasakupan.”
“Kung gayon ay tumayo ka at ako ay iyong harapin,” taas-noo niyang sagot. “Nais kong ihayag sa iyo ang mungkahi ng aking punong pantas.”
 
Sa pagtatapos ng araw na iyon ay nabuo ang alyansa ng Kaboloan at Samtoy, at nagsimulang marinig mula sa Silangang Asya ang ngalan ni Urduja—ang mandirigmang prinsesang taglay ang basbas ng kataas-taasan.

<< Kabanata 22
Kabanata 24 >>

Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board