Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

Kabanata 22

1/17/2024

Comments

 

kapantay
​

Tanging ang huni ng mga kuliglig at ang paghampas ng hangin sa mga puno ang nangingibabaw sa malamig at tahimik na gabi. Sumapit na ang hatinggabi ngunit nanatili akong nakadungaw sa aking bintana. Pinagmasdan ko ang buwan na tila nadaragdagan ang liwanag habang tumatagal.
 
“Ano ang nais mong iparating?” bulong ko habang nakatitig sa buwan at hindi mawala sa aking isip ang pangitaing aking nakita kanina.
 
Sa gitna ng aking pagmumuni-muni ay nakarinig ako ng kaluskos sa mga puno sa harapan ng aking balay. Agad kong hinawakan ang mahiwagang kahoy sa aking baywang habang nag-aabang sa kung anuman ang nasa aking harapan.
 
Ilang sandali ang lumipas at napabuntong-hininga na lamang ako nang makita ko si Ridge sa likuran ng puno. Nagtama ang aming mga mata at agad siyang lumapit sa aking balay.
 
“Anong ginagawa mo roon?” tanong ko nang nakatayo na siya sa harapan ng aking bintana.

“Hindi ako makatulog kaya’t naglakad-lakad muna,” sambit niya.

Napakunot naman ang aking noo. “Sa kagubatan? Hindi ka ba natatakot doon? Parang kailan lang ay hinabol ka ng baboy-ramo sa—”

“Maaari bang huwag mo na iyong ipaalala?”
 
Napangiti naman ako nang makita ko ang kanyang mukha na tila pinagsisisihan ang kanyang ikinilos noong araw na iyon.
 
“Kung isasalaysay mo sa akin ang iyong balak ukol sa Samtoy,” tugon ko.
 
Naging talamik ang kanyang mukha nang sambitin ko iyon kaya’t lalo akong nagkaroon ng agam-agam. Sa pagsikat ng araw ay sisimulan namin ang pagpupulong ukol dito at nais kong marinig ang kanyang plano bago niya ito ihain kay Urduja at sa mga punong gabay.
 
“Maaari ba akong pumasok?” mahina niyang tanong.
 
Agad naman akong tumango at pinagbuksan ko siya ng pinto. Umupo kami sa gitna ng aking balay at inilatag niya ang mapang iginuhit niya noong nakaraan.
 
“Sa nangyaring pulong sa Samtoy, mayroong tatlong puntong kailangang bigyang-pansin. Una, nais nila ng mapakikinabangan sa pang-araw-araw nilang pamumuhay kapalit ng paglalayag sa kanilang bahagi ng karagatan. Ikalawa, hindi mainam ang turing ng Samtoy sa mga Agta at iba pang tribong nakatira sa bulubundukin. Hindi rin nila batid na kasapi na ang Agta sa kadayangan ng Hara. Ikatlo, ayon sa inyong paglalarawan, isa siyang magaling ngunit tusong pinuno. Bagama’t siya ay nagpapakita ng paggalang sa Hara, tiyak na hindi niya tanggap na mapasailalim sa kadayangan.”
 
Muli akong napahanga sa kanyang kalinangan at galing sa pagsusuri. Tila naroon din siya sa Samtoy sapagkat payak niyang nailatag niya ang mga nangyari mula lamang sa aming kaunting pahayag.
 
“Kung gayon, ano ang maaari nating gawin?”

“Gamitin ang kasalukuyan,” aniya.

Napakunot ang aking noo sa aking narinig. “Ang kasalukuyan? Ano ang ibig mong sabihin?”

“Una, sa halip na pangalagaan ang kanilang kaligtasan, maaari natin silang bigyan ng ating ani kapalit ng paglalayag sa kanilang bahagi ng karagatan.”

“Sa tingin mo ay papayag ang Hara?”

“Hindi,” sagot niya. “Ngunit maaari tayong humingi ng kaunting kapalit mula sa kanila.”

“Tulad ng?”

“Ginto,” bulong niya habang nakangiti. “Kung tama ang aking naaalala mula sa mga aklat pangkasaysayan, bagama’t tiging ang lupain ng sinaunang nayon ng Samtoy ay sagana naman sila sa ginto.”
 
Napanganga ako nang marinig ko iyon at agad ko ring naalala ang ilang salaysay ng aking mga magulang.
 
“Siya nga,” pagsang-ayon ko. “Ngunit anong—”
 
Hindi ko naituloy ang nais kong itanong sapagkat biglang nanlabo ang aking paningin at naramdaman ko ang panghihina ng aking katawan. Agad namang umalalay si Ridge kaya’t hindi bumagsak ang aking katawan sa lapag at napahawak ako sa kanyang braso upang subuking umayos ngunit lumisan na ang aking lakas.
 
“Cyrene?” tawag niya.
 
Muling sumagi sa aking isipan ang mga nagdaang pangitain at napahawak ako sa aking ulo na tila binibiyak sa sakit.
 
“Cyrene? Anong nangyayari?” bulong niya habang nakasandal ang aking ulo sa kanyang kanang balikat.

“P-pintakasi . . . digmaan . . . ikatlo . . . buwan . . .”

“Cyrene? Cyrene!”
 
Unti-unting dumilim ang aking paningin at ang huling tinig na aking narinig ay ang pagtawag niya sa aking ngalan, hanggang sa tuluyan nang lumisan ang aking kamalayan.
 
***
 
“Apo Sayi . . .”
 
Tinig ni Handiran ang aking unang narinig at pinilit kong imulat ang aking mata upang siya ay masilayan. Nang bumalik ang aking kamalayan ay agad bumungad sa aking paningin sina Handiran at Iliway, at bakas sa kanilang mga mukha ang pag-aalala.
 
“Ano ang nangyari?” mahina kong tanong at tinulungan ako ni Iliway upang bumangon.
“Nawalan ka ng malay, Cy—punong babaylan.”
 
Dumako ang aking paningin sa gilid at nakaupo roon si Ridge. Dumaloy naman sa aking isipan ang mga nangyari bago nawala ang aking kamalayan. Ang huli ko lamang naaalala ay ang mga salitang nasa pangitain ko noong nakita ko sina Angalo at Anagolay.
 
“Pumarito kami nang kami’y tawagin ng punong pantas mula sa balay dasalan,” ani ni Iliway.

“Mayroon ka bang kakaibang nararamdaman, Apo Sayi?” tanong ni Handiran.
 
Nakatitig lamang silang tatlo sa akin habang naghihintay ng kasagutan. Marahan kong iginalaw ang aking kamay at muli kong nakita ang marka ng natatanging babaylan, ngunit sa halip na itim ay naging kulay pilak ito.
 
“Nalalapit na ang takdang panahon,” saad ko habang nakatingin sa buwan mula sa bukas na bintana. “Isang digmaan sa pagitan ng mga kaharian, natatanging babaylan, at pintakasi.” Dumako ang aking paningin sa kanilang tatlo. “Isang digmaang magtatakda ng kasaysayan.”
 
Maging ako ay kinilabutan sa mga binitiwan kong salita ngunit iyon ang katotohanan. Iyon ang ipinakita sa akin ng aking kapangyarihan. Hindi ko batid kung kailan ngunit nararamdaman ko ang pagkabalisa ng mga diyos at diyosa, at ng mga nayon.
 
“Kayo’y magpahinga na,” sambit ko kina Iliway at Handiran.

“Ngunit—”

Binigyan ko sila ng ngiti. “Mabuti na ang aking kalagayan. Isa pa, kailangan nating maghanda sa pulong sa pagsikat ng araw.”
 
Wala naman silang nagawa kundi sundin ang aking kahilingan. Sabay na lumabas sina Iliway at Handiran sa aking balay ngunit binigyan nila ng matalim na tingin si Ridge bago tuluyang mawala sa aming paningin. Nang kami na lamang ni Ridge ang narito ay agad siyang lumapit sa akin.
 
“Tiyak na napagsabihan ka nila,” saad ko at ngumiti siya habang nakahawak sa kanyang batok.

“Siya nga,” sagot niya. “Sapagkat isang kalapastanganan ang manatili sa balay ng isang babaylan.”

“Maaari mo nang ituloy ang—”

“Sa pulong ko na itutuloy ang aking mungkahi,” saad niya. “Kailangan mo nang magpahinga.”

“Ngunit—”

​“Cyrene.” Napatigil ako nang tawagin niya ang aking pangalan at napalitan ng ngiti ang kanyang talamik na mukha. “Mapangahas mang sabihin ngunit tiyak kong magtatagumpay ang aking imumungkahing plano sa pulong. Kaya’t huwag ka nang mag-alala.” Agad siyang tumayo at nagsimulang maglakad papunta sa pintuan. “Paalam, punong babaylan.”
 
Hindi ako gumalaw nang ilang sandali nang maiwan akong mag-isa sa aking balay. Hindi pa rin ako mapanatag sa mga pangitaing aking nakita ngunit may tiwala ako kay Ridge. Tiyak na may plano siya sa magiging ugnayan ng Kaboloan at Samtoy.
 
***
 
Pagsikat ng araw ay agad akong bumangon at tumungo sa balay Parsua. Pagdating ko ay naroon na ang lahat ng punong gabay at ang Hara na lamang ang aming hinihintay.
 
“Hara.”
 
Napatingin kami nang tumayo si Bagim at kasabay niyon ay ang pagpasok ni Urduja. Umupo siya sa harapan at agad din naming sinimulan ang pulong.
 
“Kung gayon, kapalit ng ating ani ay maaari nila tayong pahintulutan sa paglalayag?” tanong ni Urduja nang ilatag ni Ridge ang kanyang balak.

“Gayon nga, Hara. Tiging ang lupain ng Samtoy at hindi sapat ang kanilang pananim sa kanilang bilang,” saad ni Ridge. “Sa kanilang pakikipagkalakalan lamang sila umaasa ngunit hindi palagian ang mga ito kaya’t kailangan pa rin nilang magtanim at mag-ani.”


“Ngunit mabigat na kapalit ang ani kung ihahalintulad sa pahintulot sa paglalayag,” dagdag ni Ditan.


“Siya nga,” pagsang-ayon ni Anam.


“Maaari tayong magbigay lamang ng nararapat na kapalit,” sagot niya. “At kung sakali mang nais nila ng karagdagang ani ay maaari nilang ipalit ang kanilang ginto.”

 
Tahimik na umayon ang lahat sa kanyang sinambit ngunit nabalot ng pag-aagam-agam ang lahat dahil sa ibinatong katanungan ni Urduja.
 
“Ang pagbibigay natin sa kanila ng ani ay nangangahulugang tutulong ang mga Agta sa pagkuha ng ilan sa mga ito sa kanilang kagubatan. Tiyak kong batid mo na ang mababang pagtingin ng mga Samtoy sa mga taong naninirahan sa kabundukan. Ano ang iyong mungkahi rito?”
 
Nabaling ang aming paningin kay Ridge at tiyak kong ito ang kanyang tinutukoy kagabi.
 
“Siya nga, Hara,” sagot niya. “Hindi naging mabuti ang kanilang pagkakakilanlan sa isa’t isa at palagay ko ay magtatagal ito. Batid ko ring hindi magpapasailalim ang Samtoy sa iyong kadayangan.”

“Gayon nga. Nais kong makipagkalakalan ngunit hindi ko rin papayagan na maliitin nila ang mga Agta. Kung ako man ay papipiliin, mas magiging palagay ang aking loob sa ating ugnayan sa mga Agta. Ano ang iyong mungkahi ukol doon, Magat?”

 
Tila nabalot ng malagim na hangin ang paligid at lahat ay naghihintay sa kasagutan ni Ridge. Bigla ko na lamang naalala ang aming usapan kagabi at tiyak na ito na ang hinihintay niyang pagkakataon.
 
Saglit na sumilay ang ngiti sa mga labi ni Ridge at inilatag niya sa aming harapan ang iginuhit niyang mapa ng Lusong.
 
“Sa ngayon, tanging ang tribo ng Agta pa lamang ang nasa ilalim ng iyong Kadayangan, Hara,” sabay turo niya sa bulubundikin sa kanan ng Kaboloan. “Ngunit walang katiyakan kung magpapasailalim din ang Samtoy gaya nila. Mas makabubuti sa tatlong nayon kung maging kaanib lamang natin ang Samtoy sa halip na maging kasapi ng kadayangan.”
 
Napakunot ang noo ni Urduja sa itinuran ni Ridge habang napanganga na lamang ako sa nangyari. Kung iisipin, noong unang panahon, palaging napasaiilalim ng isang malakas na nayon ang mga nasupil nitong pook sapagkat iyon ang sukatan ng kanilang lakas at kapangyarihan. Nais nilang malamangan ang lahat. Nais nilang umupo sa rurok. Hindi nais ng mga nayong ito na maging pantay ang kanilang paningin sa isa’t isa.
 
“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Hindi makaaapekto ang iyong mga salita at kautusan sa kanilang pamayanan at pamumuhay sapagkat ang kanilang babacnang pa rin ang kanilang susundin. Ituturing natin ang Samtoy bilang isang nayong ating kapantay at kapalit niyon ay ang mga pakinabang na maaari nating makuha mula sa kanila.”

 
Isang konsepto mula sa kasalukuyan. Ito ang nais niyang iparating.

​Ang konsepto at pagtatalaga ng mga rehiyon sa hilaga.

<< Kabanata 21
Kabanata 23 >>

Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board