Purpleyhan Stories
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board

kabanata 5

1/7/2024

Comments

 

ang pagtatagpo
​

Tahimik lang kaming naglalakad habang dala ang ilang piraso ng nakakalasong parte ng Batano. Habang nakatingin ako sa likod ni Ridge ay muli kong naalala ang sinabi niya kanina.
 
"Ngayon, naniniwala ka na ba na ang lahat ng ito ay itinadhana?"
 
Hindi ko pa rin lubos maisip na galing siya sa angkan ni Bagim. Oo, may pagkakahawig sila pero ang hirap paniwalaan na nandito sila ngayon sa parehong lugar at parehong panahon. May dahilan kung bakit siya nandito pero hindi ko pa rin alam ang kinalaman nito sa akin. Wala akong koneksyon sa kahit isa man lang dito pero sa isang iglap ay naging punong babaylan ako ng nayon na ito.
 
Bigla namang humangin nang malakas at may kakaiba akong naramdaman. Napatingin ako sa marka sa kamay ko. Simula nang nagkaroon ako nito ay kung anu-ano na ang nakikita at nararamdaman ko. Sabi ni Urduja, ito ang simbolo na ako ang napili ng mga diyos at diyosa upang kanilang maging tulay sa mundong ito.
 
"Kailangan nating—"
 
Hindi na naituloy ni Ridge ang sasabihin niya dahil pareho kaming nagulat sa nangyari. Bigla na lang yumanig ang lupa ng ilang segundo, kasabay ng pag-igik na tila galing sa ilalim ng lupa. Matapos ang ilang segundo ay tumigil ang pagyanig ngunit nasundan naman agad iyon ng tunog ng tambuli mula sa nayon kaya't nagkatinginan kami at isa lang ang nasa isip namin: kailangan naming bumalik doon.
 
Napilitan kaming tumakbo para mabilis na makabalik sa mismong nayon pero halos matumba at mapasigaw ako nang bigla na lang may lumitaw na liwanag sa harapan ko kaya agad akong huminto at napapikit.
 
"Bakit?" rinig kong tanong ni Ridge. Pagdilat ko ay wala na ang nakakasilaw na hugis-bolang liwanag. Binigyan naman ako ni Ridge ng isang nagtatakang tingin at huminga na lang ako nang malalim upang kalmahin ang sarili ko.

"Wala," sagot ko at agad kaming tumungo sa nayon.

 
***
 
Pagdating namin doon ay abala ang lahat sa kanya-kanya nilang ginagawa. Ang mga lalaki ay may mga hawak na armas samantalang ang mga kababaihan ay tumutulong sa ppag-iimbak ng mga pagkain at ani. Kapansin-pansin din ang ilang lalaki na may itim na putong at ang mga burda sa kanilang katawan ay nasa braso at kamay lamang. May ilan ding babae na nakasuot ng tila-pandigmang gayak at maihahambing ang kanilang pangangatawan at presensiya sa mga lalaking mandirigma.
 
"Mga panday at ang Kalakian," sambit ni Ridge at bigla kong naalala ang kwento ni Mama noon.
 
Bukod sa pagiging pinuno ng nayon ay kilala rin si Urduja bilang pinuno ng Kalakian, mga babaeng mandirigma o sa kasalukuyang termino ay mga Amasona.
 
"Punong babaylan."
 
Napatingin naman ako sa pinanggalingan ng boses at nagulat ako nang makita kong naglalakad papunta sa direksyon ko ang mga babaylang kasama ko sa ritwal kanina. Dahil sa kanila ay napunta ang atensyon ng halos lahat sa aming dalawa ni Ridge.
 
"Mabalin ka nga makatungtong?" (Maaari ka bang makausap?) sabi ng isa at tumingin naman ako kay Ridge.

"Pwede ka raw ba nilang makausap," pagsasalin niya. "Mukhang tayo ang hindi makakapag-usap nang maayos sa ngayon. Pagkatapos nito, marami pa akong sasabihin pero kailangan muna natin silang tulungan," dagdag niya habang nakangiti. "Sige na."

 
Wala naman akong nagawa kundi sumama sa kanila at siya nama'y dumiretso sa direksyon ng mga panday. Sinundan ako ng tingin ng mga Kalakian at yumuko na lang ako dahil nakakatakot ang mga mata nila.
 
Nakarating kami sa lugar kung saan kami unang nagkita at pagpasok ko roon ay may naramdaman na naman akong kakaiba. Tila bumigat ang loob ko at nag-iinit ang kalamnan ko. Dinala naman nila ako sa isang kwarto at nagulat ako nang sinimulan nilang tanggalin ang damit ko.
 
"T-teka lang—!"
 
Hindi na ako muling nakapagsalita dahil nagtulung-tulong sila sa pagtanggal ng uniform ko hanggang sa tanging katawan ko na lamang ang nakikita nila. Halos umiyak at manlumo ako sa sobrang hiya dahil doon pero napalitan iyon ng gulat nang bigla nilang binuhusan ang katawan ko ng mainit na tubig. Hindi ko naman inasahan ang paggaan ng pakiramdam ko matapos nilang gawin iyon. Tila nawala ang init sa loob ko at napalitan iyon ng banayad na pakiramdam. 
 
Napansin ko naman ang gulat sa kanilang mga mukha at doon ko napagtanto na agad natuyo ang tubig sa aking katawan.
 
"Isuna." (Siya nga.)

"Agpayso." (Totoo nga.)


"Punong babaylan."

 
Nakaawang ang bibig ko habang nakatingin sa kanilang yumuko sa akin at pagkatapos no'n ay agad din naman nila akong binihisan. Doon ko napansin na ang ipinalit nila ay gaya ng kasuotan ng pumanaw na punong babaylan: puting saya at puting telang itinalop sa aking itaas. Pinatungan din nila ang aking ulo ng puting tela na umabot hanggang sa aking hita. Kasama no'n ay ang iba't ibang gintong palamuti at pagkatapos no'n ay muli silan yumuko sa akin.
 
"Punong babaylan, Apo Init at Apo Bulan," sambit ng babaylan na madalas kumausap sa akin at saka niya yumuko at lumuhod. Napukaw naman ang pakiramdam ko dahil sinubukan niyang ipaintindi sa akin ang nais niyang sabihin. Mukhang gusto niya akong magdasal para sa binanggit niyang mga diyos.
 
Napaisip naman ako sa winika ni Urduja sa akin noong tinanong niya ako kung sino ako.
 
"Maki am-am mo kayo," (Magpakilala kayo.) sabi ko at nagtinginan naman ang mga babaylan sa isa't isa. Hindi ko tuloy alam kung ano ang ibig sabihin ng mga tingin nilang 'yon.

"Handiran," pakilala niya at sumunod naman ang iba. Ang natandaan kong mga ngalan ay Iliway, Pin'nan, Amidal at Maliwak.

 
Tinanong ko naman ulit sila kung ano ang dapat kong gawin at ginabayan naman nila ako tungkol doon. Hindi man kami malinaw na magkaintindihan ay nakukuha ko kahit papaano ang nais nilang sabihin.
 
Gusto nila akong magdasal kina Apo Init, diyos ng araw; at Apo Bulan, ang diyosa ng buwan, dahil sila rin ang diyos at diyosa ng digmaan.
 
Tumungo kami sa isang liblib na parte ng nayon kung saan halos papunta na rin sa gubat at nandoon ang isang tila altar na gawa sa kahoy para sa pagdarasal at ritwal. Pumunta naman sa magkabilang gilid ang mga babaylan at tumayo ako sa gitna. Ngunit sa pagpunta ko roon ay bigla na lang nagkaroon ng apoy sa altar at agad na lumuhod ang mga babaylan. Nanatili akong nakatayo habang nakatingin sa altar dahil sa gulat at hindi ko rin alam ang gagawin.
 
Naramdaman ko naman bigla ang muling pag-init ng aking mga kamay at pagtingin ko ay nandoon na naman ang tila liwanag na bumabakas sa marka roon. Biglang may gumuhit na diwa sa aking isip, dahilan para ako'y mapapikit.
 
Taglay ang dakilang liwanag,
muling magkakaroon ng sinag;
Gabay ang araw at buwan,
lumayag at lumaban.
 
Napadilat ako at muntik pa akong mapasigaw dahil may biglang may dalawang tao na sa altar . . . hindi. Hindi sila tao.
 
Sina Apo Init at Apo Bulan.
 
"Tama," sambit ng babae habang nakangiti.
 
Tinignan ko ang kanilang kabuuan at hindi ko maiwasang hindi mamangha. Taglay ni Apo Bulan ang magandang mukha at pangangatawan. Ang kulay pilak niyang buhok at mga matang kasingdilim ng gabi ay sapat na upang mabaling ang atensyon mo sa kanya. Pinaghalong pilak at itim naman ang kulay ng kanyang kasuotan na umabot hanggang sa kanyang sakong. Sa kanyang pulsuhan at bukong-bukong ay may mga pilak at gintong palamuti. Matuturingan siyang isang prinsesa o binukot kung hindi lamang sa tungkod na may tila maliit na buwan sa dulo na hawak niya.
 
Sa kabilang banda, ang kanyang matipunong pangangatawan na tila napuno na ng burda ang unang mapapansin kay Apo Init. Ngunit sa halip na itim na tinta ay ginto ang kulay ng kanyang mga marka. Mala-ginto rin ang kulay ng kanyang mahabang buhok at sa ulo niya ay nakasuot ang pulang putong. Hawak niya naman sa magkabilang kamay ang dalawang espadang hugis sinag ng araw.
 
"Ano ang iyong ngalan, babaylan?" tanong ni Apo Init at agad akong napaluhod dahil sa lakas ng presensiya niya.

"C-Cyrene, Apo Init," nanginginig kong sagot.


"Kakaibang ngalan," puna niya at napaudlot ako nang naramdaman ko ang pag-indayon ng kanyang espada sa hangin.


"Kakaibang tunay," dagdag ni Apo Bulan. "Ngayon na lamang mayroong nakakita sa ating kaanyuhan makalipas ang maraming kabilugan ng buwan."


"Napagmasdan niya rin ang isa kong anyo kanina," dagdag ni Apo Init at doon ko napagtanto na ang liwanag na nakita ko kanina sa gubat ay . . . siya.

 
Lalo lang akong natakot nang marinig ko ang malakas na pagtawa ni Apo Init. Pagtingin ko ay para siyang makikipaglaban dahil sa tindig niya.
 
"Ang samyo ng dugo," sambit niya habang nakangiti at kinilabutan ako dahil doon.

"Muling dadanak ang dugo sa lupaing ito," dagdag pa ni Apo Bulan at nang nagtama ang paningin namin ay may imaheng pumasok sa isip ko—si Urduja na mas bata kaysa ngayon kasama ang dalawang matipunong lalaking halos wala nang buhay na nakahiga sa lupa.

 
Napailing naman ako at agad iyong nawala sa isip ko. Bago pa tuluyang supilin ng takot at alinlangan ang isip ko ay muli akong tumingin sa kanilang dalawa.
 
"N-nandito kami ngayon upang hingin ang inyong pagpapala at tulong sa parating na pagsugod ng mga taga-ibang lupain," sabi ko.
 
Tahimik lang nila akong pinagmasdan habang halos lumabas naman ang puso ko sa sobrang kaba at takot. Naging seryoso naman bigla ang kanilang itsura, dahilan para iwasan ko ang kanilang paningin.
 
"Ngunit humingi rin sila sa amin ng basbas," sagot ni Apo Bulan kaya muli akong napatingin sa kanila. Ibig sabihin, sa Katagalugan o 'di kaya sa Kabundukan galing ang mga kalaban?
"Nais kong makita ang inyong kakayahan," sambit pa ni Apo Init na para bang nasisiyahan pa siya dahil may magaganap na labanan.
 
Nanlaki naman ang mga mata ko nang makita kong unti-unting nawawala ang kanilang anyo kaya napatayo ako. Ni wala man lang akong nakuhang kahit anong kasiguraduhan tungkol sa labanan.
 
"S-sandali—!" Napatigil ako nang tumingin sa akin si Apo Bulan.

"Hindi namin kayo maaaring tulungan ngunit ito ang iyong tandaan," sabi niya habang seryosong nakatingin sa akin. "Ikaw at ang binukot ang magiging susi sa laban."

 
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tuluyan nang naglaho ang diyos at diyosa ng araw at buwan.
 
***
 
"Cyrene, huwag na huwag kang aakyat sa attic. Maliwanag ba?"
 
Nagising ako at bumungad sa akin ang mukha ni Ridge. Nagpakawala siya ng buntong-hininga at inilibot ko naman ang paningin ko sa lugar kung nasaan kami. Gaya ng balay ni Urduja, gawa rin ito sa pawid at kahoy ngunit walang kahit anong gamit ang narito bukod sa tabing na nasa gitna.
 
"Mabuti't gising ka na," ani niya at bumangon naman ako.
 
Doon ko napagtanto na gabi na pala at hindi ko matandaan kung bakit o paano ako napunta rito. Sa huling pagkakaalala ko, kausap ko sina Apo Init at Apo Bulan nang . . .
 
"Anong nangyari?" tanong ko kay Ridge.

"Nawalan ka ng malay at humingi ng tulong ang mga gabay."


"Gabay?"


"Iyong mga babaylang kasama mo."

 
Napaisip naman ako sa sinabi niya. Ibig sabihin ay ilang oras akong walang malay? Pero bakit? Dahil ba sa kanilang dalawa?
 
"Ano na pala ang nangyari? Paano ang mga kalaban?"

"Huwag kang mag-alala, hindi pa sila susugod sa oras na 'to," sagot niya kaya napakunot ang noo ko.


"Paano mo nasabi?"


"Hindi ba't nakita mo nang maayos ang mga susugod?" Tumango naman ako. "Ibig sabihin, hindi sila sa gabi pupunta. Marahil sa pagsikat ng araw kaya may ilang oras pa tayo para makapaghanda. Magagamit din natin ang natitirang oras na 'yon para linlangin sila."

 
Namangha naman ako sa mga sinabi niya. Para siyang taktiko kung mag-isip at makakatulong ang presensiya niya sa laban na ito.
 
"Nasaan pala tayo?" tanong ko naman dahil parang ang tahimik ng paligid.

​"Sa isang nakahiwalay na bahay mula sa nayon. Ang dating bahay ng punong babaylan."

 
Nagtaka naman ako sa sinabi niya. Kung bahay nga ito ng punong babaylan, hindi maaaring pumasok ang kahit na sino bukod sa kanya. Iyon ang sabi sa akin ni Urduja noong nakaraan.
 
"Kung ganoon, bakit ka nandito?" tanong ko at biglang naging seryoso ang itsura niya.
"Hindi ba't tinanong mo ako kanina? Ngayon, ako naman ang magtatanong."
 
Nabalot ang bahay ng katahimikan at hindi ko maalis ang tingin ko sa mga mata niyang tila nakikita ang aking kalooban. Sa lahat ng nangyari ngayong araw, ito ang sandaling natakot ako nang sukdulan dahil alam ko na ang itatanong niya . . .
 
"Cyrene, sino ka ba talaga?"
 
. . . at hindi ko rin alam ang isasagot sa kanya.

<< Kabanata 4
Kabanata 6 >>

Comments
comments powered by Disqus

    chapters


    Panimula
    Kabanata 1

    Kabanata 2
    Kabanata 3
    Kabanata 4
    Kabanata 5
    Kabanata 6
    Kabanata 7
    Kabanata 8
    Kabanata 9
    Kabanata 10
    ​Kabanata 11
    Kabanata 12
    Kabanata 13
    Kabanata 14
    Kabanata 15
    Kabanata 16
    Kabanata 17
    Kabanata 18
    Kabanata 19
    Kabanata 20
    Kabanata 21
    Kabanata 22
    Kabanata 23
    Kabanata 24
    Kabanata 25
    Kabanata 26
    Kabanata 27
    Kabanata 28
    Kabanata 29
    Kabanata 30
    Kabanata 31
    Kabanata 32
    Kabanata 33
    Kabanata 34
    Kabanata 35
    Kabanata 36
    Kabanata 37
    Kabanata 38
    Kabanata 39
    Kabanata 40
    Kabanata 41
    Kabanata 42
    Kabanata 43
    Kabanata 44
    Kabanata 45
    Katapusan
    ​
    back to story page
© 2015 Purpleyhan Stories
Proudly powered by Weebly
  • Home
  • About
  • Books
  • Stories
    • Standalone Novels >
      • 7th Unit
      • A Ride to Love
      • Guardians
      • Hidden
      • Babaylan
      • Challengers
      • Probably Serendipity
      • The Art of Murder
      • The Moon That Swallows the Sky
      • Golden Rookies
      • Sleep is Not Easy Here
    • Serialized Stories >
      • Kingdom University Series >
        • Campus Royalties
        • The Arrogant Prince
        • Crowned Princess
        • My Royal Lesson
        • Love Tutorial
      • Over Series >
        • Getting Over You
        • Still Not Over
        • Over This Haven
      • Trouble Series >
        • Engagement Trouble
        • Nothing but Trouble
        • Following Trouble
      • Erityian Tribes Series >
        • Tantei High
        • Seventh Sense
        • Oh My Ice Goddess
        • The Science of Spying
      • Erityian Tribes Novellas >
        • Truce
        • Rewind
        • Standstill
        • Winter
        • Keeper
        • Clandestine
        • Genesis
      • Masquerade Girls Series >
        • The Forgotten's Envy
        • The Abandoned's Mistrust
        • The Reined's Rebellion
      • Bloodline Series >
        • Awakened
        • Claimed
        • Enthroned
      • Deities in Town Series
    • Epistolary >
      • W. Duology >
        • Dear Almost
        • Hi, Coffee Guy
      • Hello Series >
        • Hello, Not Almost Lover
        • Hello, Co-Captain
        • Hello, Sunshine Boy
  • News
  • Message Board