“Alam mo ba, nag-usap daw sila ni Queenie.” “Ow? Baka inaway niya si Ms. Queenie!” “Sabi nga raw eh. Kasi ang lungkot ng mukha ni Queenie noong lumabas siya sa library last time.” “Kapal talaga ng mukha ng Chloe na ‘yan.” Nagpatuloy lang ako sa paglalakad kahit na rinig na rinig ko ang usapan ng dalawang bitchesa sa gilid ko. Alam ko namang nilalakasan talaga nila para marinig ko pero sorry sila, ‘di ako affected. Bahala silang mapagod sa pagpaparinig, wala na akong pakialam. Saglit naman akong napahinto no’ng nakita ko si Queenie sa dulo ng corridor, at tignan mo nga naman ang pagkakataon, magkakasalubong pa kaming maglakad. Peste naman talaga. Kinalma ko na lang ang sarili ko at tinuloy ang paglalakad. ‘Di ko na lang siya papansinin. Nasabi ko na ang dapat kong sabihin last time. “Chloe!” Nagulat naman ako nang biglang may nanghatak sa akin papunta sa kabilang hallway kaya naman hindi kami nagkasalubong ni Queenie. Pagtingin ko, itong Jazer pala na ‘to ang may gawa. “Ano?” iritadong tanong ko. “Bakit ba lagi ka na lang galit?” sabi niya sabay lagay niya ng daliri niya sa pagitan ng kilay ko at pinilit niyang iistraight ‘yon dahil kanina pa ako nakakunot. “Ayan, mas bagay.” Bumuntong-hininga ako para kalmahin ulit ang sarili ko dahil gusto ko namang simulan ang araw ko na hindi nababadtrip, though dahil sa mga chismosang ‘yon kanina ay unti-unti nang nasisira. “Ano nga?” tanong ko ulit. “Nauna ka na kasi kanina pero sabi ni Kuya Larry, hindi niya raw tayo masusundo mamaya dahil may pupuntahan siya.” “What?” Hindi ko naman ma-process ang sinabi niya. All my life, hatid-sundo ako lagi ni Kuya Larry kaya hindi ko pa nararanasang umuwing mag-isa o sumakay sa public vehicles. Oh God, paano ako mamaya? “Hanggang 4 PM lang ang klase ko kaya baka mauna na ako.” Tumalikod siya sa akin. “Sige—” Bigla kong hinawakan ang uniform niya kaya naman napatigil siya sa paglalakad. “Hintayin mo ako!” Nagulat din ako sa sinabi ko kaya naman napabitaw ako sa kanya. Lumingon naman siya sa akin at napaiwas ako ng tingin. Damn, why am I out of my usual character?! “Bakit?” Pagkatanong niya no’n ay sinamaan ko siya ng tingin pero ang loko, bigla namang tumawa. “Ano na naman?!” “’Yong kilay mo kasi, parang hindi matatapos ang araw na hindi ko sila nakikitang halos magkadikit na sa sobrang pagkunot ng noo mo.” Aba’t. Nang-aasar ba ang lalaking ‘to? Ano bang problema niya sa kilay ko? Kanina pa siya ha! “Eh ano nam—” “Anong oras ba tapos ng klase mo?” Napatigil naman ako sa pagrereklamo no’ng tinanong niya ‘yon. “5:30 pa.” “Okay. Hintayin na lang kita doon sa may bench area.” “Bakit doon pa? Itetext na lang kita kapag tapos na ang class ko.” “Wala akong cellphone.” Natahimik ako no’ng narinig ko ‘yon at tumitig ako sa kanya. Teka, tama ba ang rinig ko? Wala siyang cellphone? As in, cellphone? College student na walang cellphone? “Maniwala ka man o hindi, wala akong cellphone,” sabi niya na parang nabasa ang iniisip ko. “You’re weird.” Bigla naman siyang ngumiti. “Hindi lang talaga ako mahilig sa mga gano’ng bagay.” After ng usapan naming ‘yon ay dumiretso na kami sa kanya-kanya naming mga klase. As usual, nakatingin na naman sa akin ang mga bwisit na Queeñigos kaya todo irap ako sa kanilang lahat. Sumakit tuloy ang mga mata ko. Buti na lang at vacant period ko na kaya nakalayo na rin ako sa mga perwisyo. Pumunta ako sa cafeteria pero mukhang pinaglihi nga talaga ako sa malas dahil nakasalubong ko sa pintuan si Iñigo. “Chloe—” “Tabi,” mariin kong sabi habang nakatingin nang masama sa kanya pero hindi pa rin siya umalis doon. Gusto ko siyang murahin pero ayoko nang mag-eskandalo rito kaya kahit nagugutom na ako ay hindi na ako pumasok sa cafeteria at umalis na lang. Nagpunta na lang ako sa library. Pagdating ko roon ay pumwesto agad ako sa pinakadulo para walang makakita at makaistorbo sa akin. Binaba ko ang bag ko at matutulog na lang ako. *** “Psst. Oy.” Naalimpungatan ako no’ng biglang may malamig na dumampi sa pisngi ko. Pagtingin ko, nakaupo sa harapan ko si Jazer habang hawak ang isang bottled water. Pinunasan ko ang pisngi ko at medyo disoriented pa ako dahil kakagising ko lang. Saka lang nagsink-in sa akin na nasa school pa pala ako at . . . “Shit! Anong oras na?” “2 PM.” Oh great. Hindi ako nakapasok sa klase ko! Tatayo na sana ako pero medyo nahilo ako at naramdaman ko ang pagkulo ng tiyan ko. Takteng ‘yan, ‘di pa rin pala ako kumakain. “Kumain ka na ba?” Gusto ko siyang sungitan pero wala na akong energy kaya naman umiling na lang ako at humawak sa tiyan ko. Nalipasan na yata ako ng gutom. “Tara, sabay na tayo. Nagugutom na rin ako.” Tinignan ko naman siya dahil sa sinabi niya. “Hindi ka pa rin kumakain?” Pagkasabi ko no’n ay gulat ang expression niya. “Wow. Bakit baligtad ang epekto sa’yo ng gutom? Parang mas umamo ka.” Tinignan ko siya nang masama at tumawa naman siya nang mahina. Pasalamat siya gutom ako at wala na akong lakas para makipagbangayan kundi kanina pa siya nasabon sa akin. Tumayo ako at lumabas kami ng library. Sabi niya, katatapos lang ng klase niya na 3 hours kaya hindi pa siya nakakakain. Pagpunta namin sa pinakamalapit na canteen at buti na lang ay kaunti lang ang tao sa loob, umorder kami ng pagkain at tahimik na kumain. Hindi ko naman nakain ‘yong chocolate na binili ko na panghimagas ko sana dahil busog na ako kaya tinabi ko na lang sa bag ko. After that ay nauna na ako since may class ako ng 2:30 PM. Pagkarating ko sa room ay agad akong naupo sa tabi ng bintana. At least medyo okay na ang tiyan ko ngayon at buti na lang ay walang mga salot na fans dito sa klase kong ‘to. Nagpagawa lang ang prof ng essay kaya naman lahat ng natapos na ay pwede nang umalis. After that ay dumiretso na ako sa huli kong klase. Nagpapanic na ako no’ng 5:35 PM na ay hindi ko pa rin tapos ‘yong pesteng seatwork na pinagawa ng prof namin dahil binigay niya ‘yon ay five minutes before dismissal na lang. Halos 5:45 PM na ako natapos kaya naman tumakbo na ako pababa at palabas ng building. Nagmadali ako papunta sa bench area dahil baka iniwan na ako ng lalaking ‘yon. Pagdating ko ay napatigil ako sa pagtakbo at huminto ako sa tapat ng isang bench habang hinahabol ang hininga ko. Napabuntong-hininga ako no’ng nakita ko siyang natutulog habang may nakatakip na notebook sa mukha. He’s still here. Kinalma ko muna ang sarili ko dahil sa ginawa kong pagmamarathon mula third floor ng building hanggang dito. After that ay sinipa ko ang bench kaya naman nagising siya at nahulog ang notebook mula sa mukha niya. Nakita niya ako na nasa harapan niya kaya naman umayos siya ng upo. “Nakatulog pala ako. Anong oras na?” sabay tingin niya sa paligid. Doon ko lang narealize na wala siyang pantukoy ng oras dahil wala siyang phone at wala rin siyang relo. “5:50 PM na,” sabi ko. “Ahh. Sige, tara na.” Tumayo siya at susunod na sana ako pero may mga nakatingin sa amin at ‘di ko talaga gets kung bakit lumalapit pa sila sa tenga ng isa’t isa kung sobrang lakas naman ng pagsasalita nila. Ano pang sense ng bulungan kung parang naka-mic naman sila? Labo. “Uy, uy, tignan mo, may bagong kasama si Chloe.” “Baka bago niyang biktima, After niyang paghiwalayin ang Queenigo, may bago na naman siyang target?” “Wow, sobrang kapal niya. Wala man lang kahihiyan.” “Tsk. Kawawa naman ang girlfriend ng guy kung nagkataon.” “Landi kasi ng Chloe na ‘yan.” Kung kanina, badtrip lang ako dahil late nagpa-dismiss ang prof ko, ngayon gusto ko nang sumampal ng tao. Kaliwa’t kanan pa. “Teka.” Napatingin naman ako kay Jazer no’ng pinigilan niya ako dahil papunta na sana ako ro’n sa tatlong lintek na mga babaeng nakaupo sa bench. “Anong gagawin mo?” bulong niya pa. “Ano pa ba?” Nilakasan ko naman ang boses ko para marinig nung tatlong palaka. “Nangangati kasi ang kamay ko ngayon, parang gusto kong sumampal ng mga tsismosa sa tabi,” sabay tingin ko sa kanila at pinandilatan ko talaga sila. “Tamang-tama, wala akong mapaglabasan ng inis ko kanina. Ohh wait, parang mas maganda kung suntok na lang ang gawin ko.” Pagkasabi ko no’n ay nakita ko ang takot sa mukha ng tatlo at nagmadali sila sa pag-alis doon sa bench habang masamang nakatingin sa akin kaya naman medyo napangiti ako. Hah! Kita n’yo? Lakas makapagparinig, hindi naman kayang lumaban nang harapan. “Tara na, tara na. Mapaaway ka pa,” sabi niya at hinila niya ang pulsuhan ko. Ilang inhale-exhale na ang nagawa ko para lang kumalma habang naglalakad kami dahil feeling ko anytime ay sasabog na ako pero buti na lang ay nagsubside din. Sana talaga may mag-imbento ng pesticide na applicable sa mga tao para isang spray ko lang, mamatay na ang peste. Tahimik lang kaming naglakad hanggang sa makarating kami sa kanto kung nasaan ang terminal ng mga tricycle. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil mas comfortable ako sa tricycle kaysa sa jeep or bus na talagang ang daming tao. Sumakay naman agad ako sa loob habang siya ay doon sa may likuran ng driver. Narinig kong sinabi niya ang pangalan ng subdivision namin at umandar na ang tricycle. Habang nasa loob ako ay lumilipad ang isip ko sa mga nangyari. Naiinis pa rin ako dahil sa akin pa rin ang sisi sa paghihiwalay nina Queenie at Iñigo pero nasasanay na naman ako kahit papaano. Ang kinaiinisan ko talaga ay ‘yong supporters nila na kung makatingin at makasabi sa akin ng kung anu-ano ay kala mong mga santa. Kapag talaga hindi pa nila inayos ang relasyon nila bago maubos ang pasensya ko ay ako na mismo ang sasampal nang malutong sa mga mukha nila. Ilang minuto lang ay nasa bahay na kami kaya naman bumaba na ako at no’ng nakita ko siyang nagbabayad ay pinigilan ko kaagad siya dahil pagdating sa financial need, ako ang may karga ng sa kanya. After all, isa ako sa boss niya. “Manong, ito ang kunin mo,” sabi ko habang inaabot ang P100. “Eh Ma’am, sakto na pong 35 pesos itong binayad ng kasama niyo.” Sinamaan ko naman ng tingin si Jazer dahil nakuha niya pang ngumiti. Umalis ang tricycle driver na ang bayad niya ang kinuha. Sinabi ko na lang na kunin niya sa taas ng ref ang bayad ko dahil doon nakalagay ang mga barya namin pero ang loko, tinalikuran lang ako. Aba talaga naman! Pumasok na lang din ako sa gate at pagtingin ko sa front door ay nandoon na naman si Czanelle. No’ng nakita niya kami ay nagmadali siyang tumakbo papunta sa amin at binuhat naman siya ni Jazer. “Matagal ka bang naghintay?” maamong tanong ni Jazer sa kanya. “Mmm,” sagot naman niya at nakapout pa ang bubwit. Inirapan ko na lang sila. Napatigil naman ako no’ng narinig ko ang pagkulo ng sikmura at nang tumingin ako sa kanilang dalawa ay nagtawanan lang sila. “Gutom ka na ba?” “Yes, Kuya, but Nanay Meling . . .” sabay getsure niya na parang naghahalo. Mukhang nagluluto pa lang si Nanay Meling ng dinner. Bigla naman akong may naalala. Naglakad ako papasok sa pintuan pero tumigil ako sa gilid nila at nagkatinginan kami ni Czanelle. Kinuha ko sa bag ko ang chocolate na hindi ko nakain kanina at binigay ko sa kanya. Pareho pa sila ng expression no’ng ginawa ko ‘yon pero nagdire-diretso na ako sa paglalakad bago pa man sila may masabi. “Thank you, Ate!” rinig kong sigaw ni Czanelle habang umaakyat na ako ng hagdan pero hindi ko siya sinagot o nilingon. At least, something good happened today, I think.
Comments
|
chaptersPrologue Chapter 1 Chapter 2 Chapter 3 Chapter 4 Chapter 5 Chapter 6 Chapter 7 Chapter 8 Chapter 9 Chapter 10 Chapter 11 Chapter 12 Chapter 13 Chapter 14 Chapter 15 Chapter 16 Chapter 17 Chapter 18 Chapter 19 Chapter 20 Chapter 21 Chapter 22 Chapter 23 Chapter 24 Chapter 25 Chapter 26 Chapter 27 Chapter 28 Chapter 29 Chapter 30 Chapter 31 Chapter 32 Chapter 33 Chapter 34 Chapter 35 Chapter 36 Chapter 37 Chapter 38 Chapter 39 Chapter 40 Chapter 41 Chapter 42 Chapter 43 Chapter 44 Chapter 45 Chapter 46 Chapter 47 Chapter 48 Chapter 49 Chapter 50 Chapter 51 Chapter 52 Chapter 53 Chapter 54 Chapter 55 Chapter 56 Chapter 57 Chapter 58 Chapter 59 Epilogue Bonus Chapter |