***

Hindi ko maitatanggi na namangha ako nang makita namin ang puso ng kanilang Nayon. Tulad din ng Kaboloan ang ayos ng kanilang komunidad ngunit mas kapansin-pansin kung gaano kahalaga sa kanila ang pakikipaglaban.

Sa bawat balay ay mayroong lalagyan ng sibat, palaso at palakol sa labas. Halos lahat din ng kalalakihan ay may hawak na armas kaya’t nakakatakot tumingin sa kanila lalo na’t bakas sa kanilang mukha ang pagkasabik sa anumang uri ng laban.

Nakarating kami sa piitan na kanilang sinabi. Nasa harapan iyon ng pinakamalaking balay, na tiyak ay kay Datu Karugan, at gawa iyon sa malalaki at makakapal na kahoy. Itinulak kami ng kanyang mga mandirigma papasok doon habang ang mga dala naming bihag ay tumungo sa kakahuyan kasama ang kanilang mga bantay.

“Hindi ko inakalang ika’y tunay na makikipagkita, Prinsesa,” saad ni Datu Karugan habang nakangiti kay Urduja.

“At hindi ko rin inakalang ipagbibili mo ang iyong kaluluwa sa mga Namayan,” tugon naman ni Urduja habang mariing nakahawak sa kahoy na kulungan.

Bigla namang tumawa ang Datu at pinandilatan si Urduja. Inihampas niya ang kanyang kampilan sa harapan ni Urduja kaya’t nagmadali sina Anam at Bagim na pumunta sa kanyang harapan.

“Matagal ko nang nais sakupin ang inyong kalupaan, Prinsesa,” aniya. “Mula nang mamatay ang iyong ama at kapatid, maraming nayon ang nagnanais na mapasakanila ang likas na yaman ng Kaboloan. Tanging ang iyong mga mandirigma at Kalakian ang pumipigil dito.” Muling sumilay ang kahindik-hindik na ngiti sa kanyang mga labi. “Ngunit narito ngayon ang mga pinuno ng iyong lakas-tao kaya’t asahan mong sa pagsikat ng araw kinabukasan ay wala ka nang aabutan sa minamahal mong nayon.”

“Karugan! Huwag na huwag mong gagalawin ang aking mga nasasakupan.”

May pagbabanta sa tinig ni Urduja ngunit walang pinakitang takot si Datu Karugan. Umalis siya mula sa piitan habang tumatawa dahil sa kanyang nagawa sa amin. Ngunit bago pa man siya makalayo ay huminto siya at muling tumingin sa aming direksyon.

“Ihiwalay ang babaylan,” utos niya at lahat sila ay napatingin sa akin.

Pinalibutan ako ng mga punong gabay ngunit wala silang nagawa laban sa ilang mandirigmang may hawak na armas.

“Sayi!” sigaw ni Urduja at nabaling ang tingin ko kay Ridge.

Sa ilang segundong lumipas ay nagkaintindihan kaming dalawa. Sila ang sumugod sa aking balay kagabi at ang pagdakip sa akin ang totoo nilang pakay, hindi ang pagbili sa mga bihag. Tumango ako sa kanyang direksyon upang ipahayag na kahit anong mangyari ay kailangan nilang protektahan ang prinsesa.

Hinatak nila ako palayo sa aking mga kasama at napapikit na lang ako dahil sa higpit ng kanilang hawak sa aking pulsuhan. Doon ko napagtanto na nasa isang balay kami malayo sa nayon, gaya ng aking balay sa Kaboloan.

Tinulak nila ako papasok sa loob at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino ang mga naroon. Kinagat ko ang aking labi upang hindi ko maipakita ang aking kaba ngunit para nang sasabog ang dibdib ko sa lakas ng tibok ng aking puso.

“Narito na siya, Lakan Tagkan,” hayag ni Datu Karugan at iniharap nila ako sa lalaking nakaupo sa gitna.

Kahit hindi sabihin ang kanyang ngalan ay alam ko na kaagad na isa siyang pinuno ng isang makapangyarihan at mariwasang kaharian. Ang kanyang kasuotan ay halatang gawa sa mamahalin at mainam na tela. Nababalot din siya ng mga alahas at palamuti. Sa kanyang balat ay nakaukit ang iba’t ibang burda, tanda ng kagitingan at laban na ipinanalo niya. Maging ang kanyang tindig ay nagsusumigaw ng lakas at kapangyarihan.

Nanindig ang aking mga balahibo nang dumako ang kanyang mga mata sa akin ngunit hindi ko iniwas ang aking tingin.

“Lakan,” tawag ni Datu Karugan. “Kung hindi ninyo mamasamain, bakit nais ninyong dakipin ang babaylang ito?”

Binigyan naman siya ng isang mabilis na ngiti ng Lakan. “Hindi pa ba nakararating sa iyong nasasakupan ang balita, Datu?”

“Anong balita ang iyong tinutukoy?”

“Na mayroong babaylan sa hilagang taglay ang basbas ng mga diyos at diyosa.”

Lahat ng mga naroon ay binigyan ako ng nag-uusisang tingin, naghihintay sa kung anuman ang aking sasabihin at kung totoo ang binitiwang salita ng Lakan.

“A-ang ibig mong sabihin, ang babaylang ito . . .”

Hindi na naituloy ng Datu ang nais niyang sabihin habang pabalik-balik ang tingin sa akin at kay Lakan Tagkan. Hindi ko naman naitago ang ngiti sa mga labi ko. Tiyak na nagsisisi siya dahil sa kanyang nalaman. Sa halip na mapunta ako sa kanyang nayon ay iniharap niya ako sa Lakan ng Namayan.

“Ihayag mo ang iyong ngalan, babaylan,” utos ng Lakan.

“Sayi, kagalang-galang na Lakan Tagkan,” sagot ko naman ngunit hindi tulad ng mga taong naroon ay hindi ako nagbigay galang sa kanya. Nanatiling taas-noo ang aking tindig at sa tingin ko ay nakuha ko siyang yamutin dahil doon.

“Sayi, simula ngayon ay ako na ang iyong pagsisilbihan. Isa ka sa mga natatanging babaylan na tutulong sa aking kaharian na nakasaad sa salaysay ng aking mga ninuno kaya’t nararapat lamang na magamit ko ang iyong kapangyarihan.”

Hindi ko naman napigilan ang aking mabilis na pagtawa. Sa loob ko ay ramdam ko ang inis at galit sa lalaking ito dahil itinuturing niya ang lahat bilang bagay na maaari niyang ariin. Ngunit nakaramdam din ako ng awa dahil alam kong kahit anong gawin niya ay hindi niya makakamtan ang pinakanais niyang makuha.

“Ipagpaumanhin mo, Lakan,” sabay yuko ko sa kanya, “ngunit isa lamang ang maaari kong pagsilbihan.”

Rinig ko ang paghangos ng mga nakikinig, bakas ang gulat sa kanilang mga mukha dahil sa aking tinuran. Isang kasalanan ang pagsasalita nang walang galang sa isang pinuno ngunit nararapat lamang iyon sa kanya.

“At sino ang nararapat mong pagsilbihan?” tanong niya nang may pagbabanta sa kanyang tinig.

“Lakan, ibinigay ko na ang aking katapatan sa prinsesang nakatakas na ngayon mula sa piitan.”

Matapos ko iyong sabihin ay bakas ang pagkalito at gulat sa mga mandirigma ng Sambal at Namayan. Bigla namang dumagundong ang halakhak ng Datu at Lakan habang nakatingin sa akin.

“Hindi iyan maaaring mangya—”

Hindi na natapos ni Datu Karugan ang nais niyang sabihin dahil sa marahas na pagbukas ng pinto at pagkawasak ng dungawan. Hindi ko na kinakailangan pang tingnan kung sino ang mga nasa likuran ko ‘pagkat alam kong darating sila anuman ang mangyari.

“Sayi!”

“Cyrene!”

Gumuhit ang pagkagulat sa mukha nina Lakan Tagkan at Datu Karugan nang makita nila ang kanilang mga bihag na narito na ngayon sa kanilang harapan.

“P-paanong . . .” Tuluyang hindi nakapagsalita si Datu Karugan habang nakatingin sa amin.

“Prinsesa Urduja,” tawag ni Lakan Tagkan habang nakatingin kay Urduja.

Agad namang pumunta sa harapan namin sina Bagim at Anam na may kanya-kanya nang hawak na armas. Tumingin naman ako kay Ridge at binigyan niya ako ng isang kumpiyansang ngiti.

“Pagbati, punong babaylan,” panunukso niya.

“Nagbunga ang iyong paghahanda, punong pantas,” balik ko sa kanya.

Naalala ko naman ang mga sinabi niya bago kami umalis kanina. Naisip na niya na maaaring hindi tumupad sa usapan si Datu Karugan lalo na’t sumugod sila sa aking balay kagabi. Kung sakali mang magkaroon ng labanan ay mahihirapan kami. Tiyak niya ring maaari nila akong gamitin laban kina Urduja at gawing bihag kaya’t naghanda siya ng maliliit na palaso at lason na itinago niya sa kanyang katawan.

“Huwag ninyong—!”

Bago pa makapagbigay ng utos si Datu Karugan ay iwinasiwas na ni Anam ang kanyang sibat na may mas malaki at mahabang talas sa magkabilang dulo. Ilang mandirigmang Sambal at Namayan ang naabot nito at sa isang iglap ay dumanak ng dugo sa balay kung saan kami naroroon.

“Isang kalapastanganan ang iyong ginawa, Datu Karugan,” mariing sambit ni Anam.

Natahimik ang karamihan ngunit ang ilang mandirigma ay sumugod pa rin sa aming direksyon. Wala na kaming ibang maaaring gawin kundi ang lumaban ngunit wala pang ilang segundo ay sunud-sunod silang bumagsak at nawalan ng buhay dahil sa ginawang pag-atake ni Bagim gamit ang kanyang sandata.

Tikom lamang ang kanyang bibig at kalmado ang kanyang mukha ngunit bakas sa kanyang mga mata ang poot at pagnanais na paslangin ang dalawang pinuno sa kanyang harapan.

Agad namang nagpakawala si Urduja ng dalawang palaso na halos tumama sa mukha nina Datu Karugan at Lakan Tagkan habang nakasabit sa kanyang baywang ang paborito niyang kampilan.

“Ibinabad sa lason ang dulo ng mga palasong iyan,” pahayag ni Urduja habang hawak ang pana at nakahanda sa kanyang susunod na pagtira na siyang ikinatigil ng dalawang pinuno. Maging ang kanyang tinig ay tila ba nakamamatay na lason sa kanilang pandinig. “Hawakan ninyo pang muli ang isa sa amin, titiyakin kong sa inyong mga bungo maitatanim ang mga palasong ito.”

Isang malagim na katahimikan ang bumalot sa loob ng balay. Nagtatago sa ilang gilid ang mga tagapagsilbi at babaylan habang ang natitirang mandirigma ay tumungo sa harapan ng kani-kanilang pinuno.

“At ano naman ang magagawa ninyo laban sa dami ng mandirigma ng aming nayon?” tanong ni Datu Karugan.

Marahil ay hinihintay niya ang pagbabakasakali at takot sa mukha ni Urduja ngunit siya ang nagpakita ng agam-agam nang sinuklian siya ng ngiti ng prinsesa.

“Sa oras na ito ay tiyak na napaliligiran na ng aking mga mandirigma at Kalakian ang inyong hangganan. Nakapagpadala na ako ng mensahe bago pa man ninyo kami ikulong. Kung nais mong iligtas ang iyong nasasakupan, hahayaan mo kaming umalis mula sa pook na ito.”

Muling natahimik ang Datu ngunit nang marinig niya ang sigawan sa labas ng balay ay agad niyang ibinaba ang kanyang sandata habang nakatingin nang masama kay Urduja. Alam niyang hindi sila handa sa isang labanan, lalo na’t sila ay napaliligiran.

Tumungo naman sa Lakan ang tingin ni Urduja.

“Lakan Tagkan,” tawag niya. “Marahil ay nais mong maghiganti dahil sa pagpaslang ko sa isa sa iyong mga magigiting na mandirigma,” tukso niya na dahilan upang mamuti ang kamao ng Lakan sa higpit ng pagkakahawak niya sa kanyang tabak.

“Mag-ingat ka sa iyong pananalita, Prinsesa.”

“Ikaw ang mag-ingat, Lakan. Kahit anong mangyari ay hinding-hindi ko hahayaang mapunta sa’yo si Sayi. Kung nais ng Sambal at Namayan ng digmaan, malugod kong ibibigay ang inyong kahilingan. Sa oras na muli tayong magharap sa isang labanan, titiyakin kong magiging palamuti ang inyong mga ulo sa hangganan ng aking kalupaan.”

Sa pagtatapos ng pahayag ni Urduja ay nakita kong muli ang marka ng araw sa itaas ng kanyang ulo. Maging ang ilang babaylan na nasa balay ay napatingin sa kanya at tiyak kong iisa lamang ang aming nakikita—ang basbas ni Apo Araw, ang diyos ng digmaan.

“Tayo na,” utos ni Urduja at hindi nila kami pinigilan na lumabas ‘pagkat nakapalibot na sa balay ang mga Kalakian.

Bago kami tuluyang umalis ay hinagis nina Anam at Bagim sa loob ng balay ang pugot na ulo ng mga mandirigmang humawak sa prinsesa noong inilagay nila kami sa piitan at narinig ko ang pagsigaw ng mga tao roon.

“Halina’t bumalik sa Kaboloan,” sambit ni Urduja at saka kami sumakay muli sa mga kabayong nagdala sa amin dito.


***

Nagkakagulo ang mga tao sa pagbalik ng aming pangkat kaya’t agad na tiniyak nina Anam at Bagim na ayos lamang ang prinsesa at kinakailangan niyang magpahinga. Subalit sa halip na sa kanyang balay siya tumungo ay sabay-sabay kaming pumunta sa Balay Parsua kung saan naghihintay si Ditan.

“Prinsesa,” sabay luhod niya at puno ng pag-aalala ang kanyang tinig at mukha. “Patawarin mo ako at hindi kita nagawang ipagtanggol—”

“Ayos lamang ako, Ditan,” saka siya ngumiti sa kanya habang tinutulungan siyang tumayo mula sa kanyang pagkakaluhod. “Ikaw ang dahilan kung bakit kami nakabalik kaya’t hindi mo kailangang humingi ng kapatawaran.”

Isinalaysay ni Anam ang lahat ng nangyari at doon ko nalaman na tunay ngang napaghandaan ni Ridge ang lahat ng posibilidad. Sinabihan niya si Anam na magdala ng tuyong papel at kalapati na maaaring magbigay ng kaukulang sulat kay Ditan kung sakali mang kailanganin namin ang karagdagang lakas. Ginamit din ni Ridge ang palasong kanyang itinago upang putulin ang lubid ng kulungan at lason upang makatakas sa dami ng mga mandirigmang nakabantay sa kanila.

“Ano na ang iyong balak, Prinsesa?” tanong ni Ridge.

“Pagbabayarin ko ang mga Sambal sa ginawa nilang ito,” mariin niyang sagot. “Panahon na upang isakatuparan ang aking inaasam.” Tumingin siya sa amin at nanindig ang aking katawan nang muli kong makita ang itsura niya sa hinaharap. “Panahon na upang makilala nila ako, hindi lamang bilang isang prinsesa, kundi bilang isang mandirigma.”



***