***

“Punong babaylan,” tawag ni Handiran matapos ang pagdarasal namin kay Ikapati.

Narito kami ngayon sa Balay Langit kung saan isinasagawa lahat ng pagdarasal at orasyon para sa mga diyos, diyosa at anito. Ayon kay Handiran, isinasagawa ito tuwing kabilugan ng buwan ‘pagkat iyon ang hudyat na nakikinig si Apo Bulan at kanyang isinasalaysay sa iba pang diyos at diyosa ang dasal ng mga tao.

“May mga pangitain ka bang nakita, Apo Sayi?” tanong niya.

Umiling naman ako. “Wala.”

Sa nagdaang mga araw ay walang nagparamdam o nagpakitang diyos o diyosa sa akin. Apat na ang aking nakikilala simula nang mahirang ako bilang babaylan: sina Apo Init, Apo Bulan, Ikapati at Anagolay. Hindi ko alam kung ilan pa sila ngunit natitiyak kong hindi pa iyon ang huli.

Matapos kong magbihis ay tumungo ako sa labas at napabuntong-hininga ako nang makita ko ang paghahanda ng mga mandirigma at Kaboloan sakali mang may magtangkang sumakop sa aming nayon.

Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang makabalik kami mula sa Sambal.  Noon ko lang nakita kung gaanong nakakapanindig-balahibo sa oras na magalit sina Urduja, lalo na ang dalawa niyang pinuno—sina Bagim at Anam. Kinitil nila ang lahat ng mandirigmang humawak at hindi rumespeto sa kanilang prinsesa. Ang katapatan nila sa kanya ay kapuri-puri.

Naalala ko naman ang tinuran ni Urduja sa harap nina Datu Karugan at Lakan Tagkan. Dahil sa ginawa nilang kalapastanganan ay nangako siyang sila’y kanyang babalikan. Hindi man ako tiyak kung amin bang kakayanin ang kanilang hukbo ay alam ko namang buo na ang kanyang pasya at hindi niya kailanman tatalikuran ang mga salitang binitiwan niya.

Isa lamang ang nais ni Urduja ngayon—ang protektahan ang kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapalawak nito. Tinanong ko sa kanya noon kung bakit kailangan niya pang gawin iyon kung kaya niya namang ipagtanggol ang kanyang mga mamamayan kahit na ganito lamang kaliit ang kanyang lupain.

“Darating ang panahon na ang malalaki at malalakas na kaharian ang magnanais ng likas na yaman at lupain ng Kaboloan,” sambit niya. “Kailangan ng mas malaking hukbo at armas upang malupig ang ganoong uri ng mananakop. Kung gayon ay mas tataas rin ang pangangailangan sa lakas-tao, pagkain at lupain. Ang isang maliit na nayong tulad nito ay hindi makaliligtas sa kamay ng isang kaharian o imperyo.”

Lalo lamang akong namangha sa kanyang pag-iisip nang sabihin niya iyon sa akin. Kung nabubuhay ngayon ang kanyang ama at kapatid, tiyak na ipagmamalaki siya ng mga ito. Lumaki man siya bilang isang binukot, mayroon naman siyang puso at isip ng isang mandirigma.
“Punong babaylan.”

Napatalon ako at muntik nang mapasigaw nang may narinig akong boses mula sa aking likuran. Paglingon ko ay sumalubong agad ang pilyong ngiti ni Ridge. Napailing na lamang ako ‘pagkat alam kong wala akong laban sa kanya. Sinabayan naman niya ako sa paglalakad.

“Saan ka nanggaling?” tanong ko nang mapansin kong iba ang daang tinahak niya papunta rito mula sa kanyang tinutuluyang balay.

“Sa balay ni Ditan,” sagot naman niya.

“May pulong kayo?”

Tumango siya. “Ibinahagi ko ang mga napansin ko sa armas ng mga Sambal. Tiyak akong iba ang kanilang gamit sa atin. Marahil ay nakikipagkalakal sila sa mga karatig-bayan o bansa.”

Bumaling ang tingin ko sa kanya. Napansin niya pa ang mga iyon habang nakikipaglaban kami para sa aming mga buhay? Kakaiba talaga ang mga nakikita’t naiisip niya kaysa sa karaniwang tao.

“Ikaw? Saan ka patungo?” tanong niya naman sa akin.

“Sa balay ng Prinsesa.”

“Kung gayon ay sabay na tayong pumunta roon.”

Ako naman ang tumango sa kanya at naglakad kami papunta sa tinutuluyan ni Urduja. Habang naglalakad ay napansin ko naman ang hawak niyang papel. Nakatitiyak akong nakapaloob doon ang mapa o ‘di kaya nama’y plano para sa pagpapalawig na gagawin ng aming prinsesa.

Pagdating namin doon ay palabas naman si Urduja. Inihayag ng kanyang mga tagahintay at bumati naman kami sa kanya.

“Sayi. Magat. Naparito kayo,” turan niya.

Bakas sa kanyang mukha ang pagod ngunit hindi nawawala ang gilas sa kanyang tindig. Nakakapanibago rin ang kanyang kasuotan ‘pagkat sa halip na baro’t saya ay damit-kalasag na tulad sa mga Kalakian ang kanyang gamit. Ngunit nanatili pa rin ang mga palamuti sa kanyang katawan, mukha at buhok, hindi tulad ng mga Kalakian na putong lamang ang suot.

“Prinsesa,” tawag ni Ridge. “Narito na ang hinihingi mong banghay.”

“Salamat, Magat,” sabay kuha niya sa nakarolyong piraso ng papel.

Dumako naman ang kanyang tingin sa akin. “May nais ka bang ihayag, Sayi?”

Napuno ng agam-agam ang aking isipan nang tanungin niya iyon. Hindi ko alam kung ito ba ang tamang panahon upang sabihin ngunit nais kong malaman mula sa kanya.

“Maaari ba tayong mag-usap?”

Tiyak na napansin niya ang kahalagahan para sa akin nito kaya naman nagpaalam siya sa kanyang mga kasama pati na rin kay Ridge. Saglit na nagtama ang aming mga mata at sa kanyang mukha ay marahil may palagay na siya kung tungkol saan ang aking sadya.

Tumungo kami ni Urduja sa bahagi ng kagubatan kung saan kami unang nag-usap at tila ba kahapon lang ang araw na ‘yon.

“Ano ang bumabagabag sa iyo, Sayi?” tanong niya nang kami na lamang ang magkaharap.

“Makikipagdigma ka ba talaga sa mga Sambal sa lalong madaling panahon?” usisa ko ngunit hindi siya sumagot. “Alam ko ang iyong nais mangyari ngunit sa tingin ko ay hindi pa ito ang tamang panahon, Prinsesa.”

Muli kong naalala ang aking panaginip nang makabalik kami sa Kaboloan noong mga nakaraang gabi. Pulos bangkay ang aking nasaksihan. Umaagos ang dugo sa kalupaan. Sina Urduja at iilang mandirigma’t Kalakian lamang ang natira. Napagtagumpayan nilang supilin ang nayon ng Sambal ngunit mabigat ang naging kapalit.

Ayon kay Handiran, ang bawat pangitain ng isang babaylan ay maihahalintulad sa hiblang gawa ng isang gagamba. Maaaring iyon ang mangyari o ‘di kaya’y gumawa ng paraan upang hindi iyon maisakatuparan. Kaya’t maituturing rin na nasa kamay ng mga babaylan ang kaligtasan ng isang tao o buong nayon sapagkat sila ang may hawak ng hibla ng hinaharap.

Batid kong taliwas ang nais kong mangyari sa balak ni Urduja ngunit ayaw kong mangyari ang pangitain na iyon. Nakatitiyak na akong hindi iyon magugustuhan ni Urduja kaya’t nagulat ako nang sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.

“Kawangis ng iyong pahayag ang sinabi ng mga punong-gabay,” turan niya habang nakatingin sa kalangitan. “Ngayon ko lamang napagtanto na marahil ay wala nga akong tiyaga. Nagpadala ako sa bugso ng aking damdamin at hindi ko naisip ang kalagayan ng aking nayon.” Lumingon siyang muli sa akin. “Marahil ay hindi pa ako handa upang maging pinuno.”

“Prinsesa, hindi iyon ang ibig kong—”

“Batid ko ang iyong layunin, Sayi. Batid ko ring marami pa akong pagkukulang bilang datu ngunit ako ang inaasahan ng aking nasasakupan. Kaya naman lubos ang aking pasasalamat dahil nandiyan kayong lima upang umalalay sa akin.”

Sa banayad na pag-ihip ng hangin sa kanyang direksyon habang nakatingin sa kawalan ay nangibabaw ang kalungkutan sa kanyang anyo. Doon ko napagtanto kung gaano kabigat ang nakaatang na tungkulin at pananagutan sa kanyang mga balikat. Kung sa kasalukuyan siya namumuhay, tiyak na kasing-edad ko lamang siya. Marahil siya ay nag-aaral, nakikipag-usap sa mga kaibigan at minsa’y nagtatampo sa mga magulang. Ngunit sa panahong ito, namulat ang mga kabataan sa digmaan at laging nakataya ang kanilang kaligtasan. Sa murang edad ay kailangan niyang pamunuan ang isang nayon kahit na kapapanaw pa lamang ng kanyang kapatid at ama. Nakalulungkot isipin ngunit iyon ang buhay para sa kanya. Ang buhay na pinili niya.

Matapos no’n ay ipinatawag niya ang mga punong-gabay sa Balay Parsua kaya agad naman kaming tumungo roon. 

“Humihingi ako ng paumanhin sa aking mga pahayag,” aniya.

“Prinsesa, hindi mali ang iyong nais,” sagot naman ni Ditan, “ngunit mas makatitiyak tayo sa ating tagumpay kung pagpaplanuhan nating mabuti ang ating kilos.”

Tumango naman si Urduja. “Narito ang iminungkahi ng punong pantas,” sabi niya at saka niya inilatag ang ibinigay ni Ridge kanina.

Bumungad sa amin ang mapang ipinakita niya noong nakaraan at nakalagay roon ang mga balak niyang pagkilos.

“Punong pantas,” tawag ni Urduja kaya’t madaling tumayo si Ridge upang ipaliwanag ang nakasaad doon.

“Maaaring naging matagumpay ang ating ginawa sa Sambal noong nakaraan ngunit ayon sa karamihan, halos magkatulad ang lakas ng ating mga mandirigma. Kung tayo’y makikipaglaban sa kanila ay maaari tayong manalo ngunit marami ang masasawi,” aniya at naalala ko ang pangitain kong iyon.

“Kaya ba ito ang iyong nais gawin?” tanong ni Bagim habang nakaturo sa mapa.

“Iyon nga,” sagot naman niya. “At ayon sa aking saliksik ay maganda ang ugnayan sa pagitan nila at ng Kaboloan.”

Sumang-ayon naman si Anam. “Pagkat wala silang sistema sa pamumuno, lagi silang napagsasamantalahan ng mga Sambal,” sabi niya.

“Naging malapit si Ama sa kanilang nakatatanda at ilang pagkakataon niya ring iniligtas ang ilan sa kanila mula sa pagiging bihag ng mga Sambal,” dagdag naman ni Urduja.

“Kung gayon ay maaari natin silang suyuin upang maging kasama o ibilang sa Kaboloan,” ani Ridge at sandaling katahimikan ang bumalot sa pagitan naming anim.

Nakatuon ang aming pansin sa hilaga ng Kaboloan kung saan walang kahit anong kaharian ang namumuno sapagkat nananahan doon ang isang tribo ng mga dalubhasa sa pakikipaglaban mula sa matataas na lugar at malayong agwat.

“Kung gayon ay ito ang ating unang hakbang,” pahayag ni Urduja. “Sa pagsikat ng araw ay tutungo kami nina Bagim at Anam sa hilaga—sa tribo ng mga Agta.”



***