.

.

Kabanata 2

Posted by purpleyhan on Sunday, August 30, 2015

***

Urduja.

Iyan ang isa sa mga pangalan na lagi kong naririnig o nababasa kapag tungkol sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas ang pinag-uusapan. Sa pagkakatanda ko, ayon sa mga libro, sa Pangasinan siya namuno. Pero maraming istoryador ang nagsasabing folklore o haka-haka lamang si Urduja at hindi totoo ang kanyang istorya.

Pero kung totoo nga siya . . . kung nabuhay talaga siya . . . ibig sabihin . . .

“Maki am-am mo ka.” (Magpakilala ka.)

Nagulat ako nang bigla siyang nagsalita. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil nakakatakot ang presensya niya. Pakiramdam ko, napakalakas niya. Hindi kaya siya talaga . . . si Urduja?

Huminga ako nang malalim at inipon ko ang natitira ko pang lakas ng loob para magsalita.

“Pasensya na pero hindi ko maintindihan ang sinasabi mo.” Iba ang wikang sinasalita nila. Kung siya nga talaga si Urduja, ibig sabihin ay Pangasinense o Ilokano ang salitang sinasabi nila.

Nagbago naman ang ekspresyon niya at napakunot ang noo niya. Pero paglipas ng ilang segundo ay ngumiti siya na para bang may naisip siyang nakakatuwa.

“Iyan ang wika na ginagamit ng isang tribong napuntahan ko noon.” Pagkatapos niyang sabihin iyon ay ako naman ang nagulat. Marunong siyang mag-Filipino? Mali. Kung bumalik nga ako sa panahon ni Urduja, ibig sabihin ay wala pang Filipino noon. Malamang ay wikang Tagalog ang tinutukoy niya. Pero nakakamangha na alam niyang salitain ang Tagalog gaya ng nakasulat sa ibang libro na marami siyang alam na wika.

Hindi ko naman alam ang sasabihin dahil baka isipin niyang isa akong espiya mula sa mga Katagalugan. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanyang hindi ito ang panahon kung saan ako namumuhay.

“Bakit ka narito sa aming pook? Ikaw ba’y inutusan ng inyong datu para magmanman dito?” Dahil Tagalog na ang sinasalita niya ay naintindihan ko kaagad ang sinabi niya.

“Hindi po. Hindi ako galing sa tribong tinutukoy mo.”

“Kung ganoon, saan ka nagmula? Ayon kay Bagim, nakita ka niya sa kagubatan. Kakaiba rin ang iyong kasuotan. Marahil ay galing ka sa malayong banwa?”

Huminga ako nang malalim dahil pakiramdam ko ay nauubusan ako ng hangin sa pagtatanong niya. Siguro nga ay kailangan kong sabihin sa kanya ang totoong nangyari. Baka matulungan niya akong bumalik sa amin.

“Ang totoo niyan ay hindi ako mula sa panahong ito,” panimula ko at bigla siyang natahimik. Nakita ko rin ang pagkalito sa kanyang mukha pero hinayaan niya akong magpatuloy. “S-sa tingin ko ay galing ako sa hinaharap at bumalik ako sa nakaraan.” Tumayo ako at yumuko sa harapan niya. “Kung may alam ka man kung paano ako makakabalik, parang awa mo na, tulungan mo ako.”

Ilang sandali pa ang lumipas at walang umimik sa amin. Itinaas ko ang ulo ko at pagtingin ko sa kanya ay hindi ko mabasa ang expresyon niya. Pero bigla siyang bumuntong-hininga at tumingin ulit siya sa akin.

“Kaya mo bang maglakad kahit na ganiyan ang kalagayan ng iyong paa?” tanong niya.

“S-sa tingin ko.”

“Kung ganoon ay sumama ka sa akin,” sabay hawak niya sa braso ko kaya nakaladkad ako.

“T-teka, saan tayo pupunta—”

“Sa punong babaylan.”

Napatigil ako noong narinig ko iyon. Punong babaylan?

“B-bakit? Anong meron sa kanya?”

Hindi naman niya ako sinagot at patuloy niya lang akong hinatak hanggang sa makalabas kami sa bahay na iyon. Noong nasa labas na kami ay napatingin sa amin halos lahat ng nandoon at sinundan nila kami ng tingin habang naglalakad. Napayuko na lang ako dahil nakaramdam ako ng hiya.

Kahit medyo masakit ang paa ko ay pinilit ko pa ring maglakad. Wala rin naman akong magagawa dahil hinahatak niya ako papunta sa kung saanman. Napataas naman ang ulo ko nang maramdaman kong tumigil siya sa paglalakad. Pagtingin ko ay nasa harapan na kami ng isang bahay na gawa rin sa katawan at dahon ng mga puno. Pumasok kami roon at sa loob ay halos sampung babae ang nakita ko na iba ang kasuotan kaysa sa mga tao sa labas. Nakasuot sila ng puting damit at nababalot nito ang buong katawan nila.

Noong nakita nila kami ay agad silang lumuhod at yumuko.

“Prinsesa,” sabay-sabay nilang sambit at tumango naman si . . . si . . . Urduja. Kakaiba pa rin sa pakiramdam na tawagin siyang Urduja at isiping siya ang nasa history books.

Patuloy niya akong hinatak hanggang sa makalapit kami sa kanila pero napahinto ako nang may nakita akong nakahiga sa gitna. Isang matandang babae na tulad nila ay nakadamit ng sobrang haba ngunit may iba’t ibang disenyo ang kanyang kasuotan. Mayroon din siyang suot na parang mga alahas sa kanyang leeg at ulo.

“Siya ang punong babaylan,” sabay lingon niya sa akin. “Ngunit dahil sa katandaan ay binawian na siya ng buhay.”

Mas lalo akong nagulat sa narinig ko at napatingin ulit ako sa matandang nakahiga sa parang kama na gawa sa kahoy. Hindi ko lubos-maisip na patay na siya at bigla akong kinilabutan.

“Sa tuwing namamatay ang punong babaylan ay mapupunta ang kanyang kapangyarihan sa nararapat na babaylan.” Bigla naman siyang tumingin sa sampung babae. “Sin-nu kanyayo ti adda kapangyarihan?” (Sino sa inyo ang nagtataglay na ng kapangyarihan?) tanong niya at umiling o ‘di kaya nama’y yumuko ang ilan.

Bigla naman niya akong hinatak para mapunta ako sa harapan niya at napatingin sa akin ang mga babae. Bumilis ang tibok ng puso ko sa sobrang kaba.

“Sambitin mo ang mga katagang ito: O, Parsua, Apo ta langit; awatək ti itid mong kapangyarihan.” Napalingon ako sa kanya dahil hindi ko alam ang dapat gawin. Pero dahil sa talim ng tingin niya ay mas lalo akong natakot. Ramdam na ramdam ko ang tensyon sa lugar na ‘to at sa pagitan naming lahat.

Huminga ako nang malalim. Wala naman sigurong mawawala kung susundin ko ang sinabi niya. Nilakasan ko ang loob ko at sinabi ko ang mga salitang sinabi niya kanina.

“O, Parsua, Apo ta langit; awatək ti itid mong kapangyarihan!” (O Parsua, diyos ng kalangitan; tinatanggap ko ang iyong kapangyarihan!)

Sa bawat pagbigkas ko ng salita ay parang nasusunog ang mga kalamnan ko. Mas lalo akong hindi nakahinga at parang may malakas na hangin na bumabalot sa buong katawan ko. Napatingin ako sa mga babae at kita sa mga mukha nila ang pinaghalong gulat at takot. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin pero sigurado akong sa akin sila nakatingin.

Pagkatapos ng ilang segundo ay bumalik sa dati ang pakiramdam ko. Nakakahinga na ako nang maayos pero nararamdaman ko pa rin ang init sa loob ng katawan ko. Napatingin din ako sa paa ko dahil biglang nawala ang sakit noon.

“Ikaw nga . . .” Napatingin ako sa likuran ko at nakita kong nakatingin sa akin si Urduja.

“Teka, anong—” Napahinto ako noong nakita ko ang kamay ko.

“Iyan ang patunay na ikaw ang napili ng Apo bilang susunod na punong babaylan.”

Sa magkabilang kamay ko ay may nakaukit na parang pinaghiwalay na bilog kaya nama’y parang hugis mata ang mga ito na kanina naman ay wala. Kahit parang tattoo lamang iyon, pakiramdam ko ay may kakaiba sa kanila.

“A-anong ibig sabihin . . .”

“Bago mamatay ang punong babaylan, may isang pangitain siyang sinabi sa akin.” 

Napatingin ako kay Urduja nang sinabi niya iyon. Sa pagkakaalam ko, ang babaylan ay may kakayahang manggamot, makakita ng mangyayari sa hinaharap at makipag-usap sa mga diyos, diyosa at anito. Sila ang napili ng mga diyos at diyosa na maghatid ng kanilang salita sa mga tao. Pero . . .

“Sa aking pagkahimlay, darating ang babaylan;
Na magtataglay ng lubos na kapangyarihan;
Galing sa panahong hindi pa nakakamtan;
Siya ay magbabalik sa nakaraan;
At ang kanyang pagdating ang magiging daan,
Upang muling magsama ang araw, tala at buwan.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay pare-pareho kaming natahimik at seryoso siyang nakatingin sa akin. Doon ko naisip na kaya pala ganoon ang reaksyon niya nang sinabi kong galing ako sa ibang panahon ay dahil sa mga salitang ‘to.

Iniisip niyang ako ang babaylan na tinutukoy doon.

“Iyan ang sinabi ng punong babaylan sa wikang sinasalita mo. Noong nasilayan kita ay ito ang agad kong naisip. Ngunit nang sinabi mong galing ka sa ibang panahon, naging tiyak ako na ikaw nga ang nakasaad sa pangitain ng punong babaylan.” Napatingin ulit siya sa kamay ko pagkatapos ay tumingin siya sa itaas. “At patunay ang mga simbolong iyan na ikaw ang napili ng Apo para maging lingkod niya. Ikaw ang napili ng mga diyos at diyosa upang maging punong babaylan.”

Pagkasabing-pagkasabi niya no’n, lumuhod ang mga babae sa likuran namin at nagsimula silang umawit na para bang tinatanggap nila ako bilang isa sa kanila.

Bilang isang babaylan.



***