***


Nakaawang lang bibig ko habang pinapanood ang palitan ng mga atake mula sa magkabilang panig. Ilang beses na akong nakakita ng ganitong eksena sa mga palabas ngunit malayong-malayo ang pakiramdam kapag nakita mo itong nangyayari sa harapan mo.

Nanghina ang mga binti ko nang isa-isang nagbagsakan ang katawan ng mga mandirigma. Hinanap ng mga mata ko si Urduja at nakita kong nagtama ang kanyang kampilan at ang espada ni Palab-an. Muli kong naalala ang pangitain na 'yon at nangilabot ako sa imahe ni Urduja sa isip ko. Hindi maaaring mangyari iyon.

Pinanood ko silang mabuti ngunit hindi ko maiwasang hindi mapatingin kay Bagim. Ilang metro mula kina Urduja, halos lahat ng kalaban ay sugatan na o 'di kaya'y wala nang buhay. Alam kong isa si Bagim sa mga pinakamalakas na mandirigma sa nayon ngunit hindi ko inasahang ganito ang masasaksihan ko. Hawak ang espada sa kanyang kanan at balisong sa kaliwang kamay, tila isang bagyo walang tigil ang kanilang kaharap.

Nagulat naman ako nang may ilang mamamana na nalaglag na lang bigla sa mga punong pinagtataguan nila. Halos mapasigaw pa ako nang may bumagsak sa tabi ko at nakita ko ang panang nakabaon sa kanyang dibdib. Nanlambot ang tuhod ko at napaupo sa tabi niya habang sinusubukang umatras dahil hindi ko maatim na makita ang wala nang buhay niyang katawan.

Naramdaman ko ang panginginig ng buong katawan ko habang nakatingin sa mga nakahandusay na katawan sa lupa. Totoo ang lahat ng ito. Totoong patay na ang mga taong kanina lang ay nakita ko pang naglalakad sa nayon. Narito na sa harapan ko ngunit ang hirap paniwalaan. Ang hirap tanggapin na sa isang iglap, hindi ko na sila muling makikita. Sa isang iglap, nawala ang buhay nila.

Kahit hindi nakikinig ang katawan ko sa akin ay sinubukan ko pa ring tumayo habang nakahawak sa katawan ng puno ngunit hindi ko inaasahan ang mga sunmunod na nangyari. Bigla na lang may espadang dumaan sa ulo ko at nanatiling nakakapit sa puno. Mabuti na lang at napaupo akong muli kung hindi ay matutulad ako sa lalaking nasa tabi namin ngayon.

Yumuko siya upang tingnan ako. Binigyan niya ako ng isang nakakakilabot na ngiti at lalo lang nawala ang lakas sa katawan ko. Hinigpitan ko ang hawak sa kahoy na iniwan ni Handiran sa akin kagabi kahit na alam kong agad iyong mapuputol sa talim ng espadang hawak niya. Muling umimbay ang armas niya at hindi ko alam kung sinong mga diyos at diyosa na ang hiningan ko ng tulong nang bigla ko na lang narinig ang pagsigaw niya.

Dumilat ako at ang una kong nakita ay ang likod ng isang tao habang may hawak na kahoy sa magkabilang-kamay. Arnis, sa isip ko.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya at kahit hindi siya humarap ay kilala ko kung sino ang nagligtas sa akin dahil ibang-iba ang kasuotan niya.

"R-Ridge . . ."

"Anong ginagawa mo rito?" Lumingon siya sa akin at pinaghalong pawis at dumi ang bumalot sa kanyang mukha at katawan.  Wala man lang bakas ng takot sa mukha niya, na tila ba matagal na siyang nakikipaglaban.

"S-si Urduja—!"

Hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil may tatlong mandirigmang sumugod sa direksyon namin. Agad namang hinila ni Ridge ang kamay ko at pinilit kong tumayo kahit na nanginginig pa rin ang katawan ko. Tumakbo kami patungo sa kakahuyan ngunit mas mabilis silang tatlo. Napalibutan nila kami at nakonsensiya ako dahil dalawa pa ang kailangang protektahan ni Ridge mula sa mga kalaban.

Hinawakan ko nang mahigpit ang hugis-panang kahoy at tumalikod kami ni Ridge sa isa't isa.

"Huwag kang lalayo sa akin dahil hindi kita mapoprotektahan," mahina niyang sabi.

Hindi na ako nakapagsalita dahil sabay-sabay na sumugod ang tatlo sa amin. Pumunta sa direksyon ko ang isa at ikinumpas niya ang kanyang espada. Iniharang ko ang kahoy sa harapan ko kahit na alam kong wala iyong saysay sa talim ng kanyang sandata ngunit hindi ko inaasahan ang sumunod na nangyari. Sa halip na maputol ang kahoy ay may kung anong pwersa ang bumalot doon na tila pinipigilang sumaling ang metal sa balat nito.

Nakuha naman no'n ang atensyon ng mandirigma at bakas sa mukha niya ang gulat. Ginamit ko ang maikling panahon na iyon upang umatake. Itinulak ko ang kahoy papunta sa kanya at maging ako ay nagulat sa resulta. Lumipad siya ng ilang metro at tumama ang kanyang likod sa katawan ng puno. Nanlaki ang mga mata ko habang nakatingin sa hawak kong piraso ng kahoy.

Anong klaseng kahoy ito? tanong ko sa isip ko at naalala ko ang sinabi ni Handiran noong ibinigay niya sa akin ito.

Napatingin naman ako kay Ridge at pinagtutulungan na siya ng dalawa pang mandirigma. Agad akong tumakbo sa direksyon niya at isinangga ko ang kahoy sa espada ng isa. Gaya ng nangyari kanina ay tumilapon din siya kaya't sabay na napatingin sa akin si Ridge at ang kalaban niya.

"P-paanong . . ." Hindi na niya naituloy ang dapat niyang sasabihin dahil napunta sa akin ang atensyon ng kalaban.

Napaatras ako dahil hindi espada ang hawak niya kundi palakol. Pumagitna naman agad sa amin si Ridge kahit na halata sa mukha niya na hindi pa rin siya makapaniwala sa ginawa ko.

Pareho naman kaming napaatras dahil isang dosenang palaso ang dumaluhong sa kanya. Dumiretso sa dibdib niya ang tatlo at nabitiwan niya ang palakol na hawak niya. Dumaloy ang dugo mula sa mga palaso ngunit nanatili siyang nakatayo.

Hindi ko alam kung dapat ba akong mamangha o matakot dahil nawalan siya ng buhay nang hindi tumutumba.

"Tara na," bulong niya at muli niya akong hinila palayo.

Tumungo kami sa dalampasigan kung nasaan ang gitna ng labanan. Hinanap ko agad kung nasaan si Urduja at nakita kong nakikipaglaban pa rin siya sa mandirigmang iyon.

Humarap ako kay Ridge. "Kailangan natin siyang tulungan," pakiusap ko.

"Bakit? Nagkaroon ka ba ng pangitain?"

Tumango naman ako. "Masamang pangitain."

"Anong nangyari?"

"Pwede siyang mamatay."

Naalala ko na naman ang imaheng nakita ko bago maganap ang labanang ito. Nakahiga sa lupa ang duguang katawan ni Urduja na tila ba wala na itong buhay. Agad ko iyong inalis sa isip ko at muling tumingin sa direksyon ni Urduja. Maglalakad na sana ako papunta roon ngunit pinigilan ako ni Ridge.

"Hindi pwede, Cyrene," sabi niya kaya napakunot ang noo ko.

"Bakit? Buhay niya ang nakasalalay rito."

"Pinuno laban sa pinuno. Iyon ang batas sa panahong 'to."

"Pero—"

"Tingnan mo siya," sabi niya sabay tingin sa direksyon nina Urduja at Palab-an. "Sa bawat kilos niya ay may gusto siyang patunayan."

Pinagmasdan ko naman ang paggalaw ni Urduja at napansin kong inilalagay niya ang lahat ng lakas niya. Saka ko napagtanto na mayroon nga siyang gustong patunayan lalo na't siya na ang pinuno ng nayong ito. Bukod sa biglaang pagkamatay ng datu, na kanyang ama, at kapatid na siyang dapat susunod na pinuno ay naharap din siya sa hamon bilang babaeng nagapamalakad.

Napatingin naman ako sa direksyon ni Bagim kung saan pula na ang hawak niyang espada dulot ng mga dugo ng kanyang mga napaslang at kinilabutan ako nang nakita kong sabay-sabay na bumagsak ang mga nagtangkang sumugod sa kanya.

Pilit niyang pinupuntahan si Urduja ngunit hinaharangan siya ng mga kawal ni Palab-an. Bigla naman akong nagtaka. Kung kaugalian nila ang pagtatapat ng bawat pinuno, bakit niya nais lapitan si . . .

Doon ko nakita kung ano ang problema. Kaliwang kamay ang gamit ni Urduja habang nakikipagpalitan ng atake kay Palab-an dahil nagdudugo at wala sa tamang posisyon ang kanan niyang kamay.

"Ridge!" sabay lingon ko sa kanya at alam kong napansin niya rin ang kalagayan ni Urduja.

Tumingin siya sa itaas ng mga puno at tumango sa isang lalaki. Nilipat niya ang kanyang tingin sa direksyon ni Urduja at ganoon din ang ginawa ng mamamana. Hindi ko alam kung paano nakuha ni Ridge ang tiwala niya at nagawa niyang pasunurin ang taong 'yon.

"Prinsesa!" sigaw ni Bagim habang pinipilit makalapit kay Urduja ngunit hindi siya pinapalagpas ng mga kasamahan ni Palab-an. Dinadaan nila si Bagim sa dami dahil alam nilang hindi sila mananaig laban sa kanya.

Ang mga Kalakian naman ay nakikipaglaban sa ilang pinakamainam na mandirigma ng mga Namayan. Ang mga putong na suot nila ay pula at may mga burda, ang sagisag ng mga mandirigmang marami nang naipanalong laban.

Napaluhod si Urduja sa lupa habang hinahabol ang hininga. Ang maganda niyang mukha ay nabahiran na ng kanyang dugo ngunit ang mga mata niya'y hindi nagbago. Nakatingin siya kay Palab-an nang buong tapang kahit na ganoon na ang kalagayan niya.

Itinaas ni Ridge ang kamay niya, hudyat upang umatake ang mga mamamana sa itaas namin ngunit nakarinig kami ng sunud-sunod na pagsigaw at pagbagsak mula roon. Hinatak ako ni Ridge papunta sa likod ng isang puno dahil nagpaulan ng mga palaso ang mga mamamana ng Namayan mula sa kanilang ikatlong bangka.

"Ikinararangal kong masubok ang iyong kakayahan, binukot," bigkas ni Palab-an habang nakatingin kay Urduja. "Natatangi ka sa lahat ng kababaihang nasilayan ko. Ngunit gaya ng iyong ama at kapatid, kamatayan ang naghihintay sa'yong kapalaran."

Itinaas ni Palab-an ang kanyang espada at itinutok ito sa ulo ni Urduja. Kasabay ng pagsigaw ni Bagim sa pangalan ni Urduja ay ang pagdilim ng paligid. Nakita ko ang unti-unting paglaho ng araw sa kalangitan.

"Para sa aming Lakan!" sigaw ni Palab-an at saka niya idinuyan ang kanyang espada sa direksyon ni Urduja.

Tila tumigil ang oras sa aking paligid nang masaksihan ko iyon. Hindi ko pa gaanong kakilala si Urduja maging ang mga mamamayan sa nayon na ito ngunit ayaw ko silang mapahamak. Ayaw ko nang may mawalan pa ng buhay.

"Kung gayon ay alam mo na ang dapat mong gawin."

Naramdaman ko ang pag-init ng aking kamay kasabay ng tinig sa isip ko. Itinuwid ko ang aking kaliwang braso habang mahigpit na hawak ang kahoy sa aking kamay. Gaya ng nangyari noong naitalaga ako bilang babaylan ay may kung anong tila hangin na bumalot sa aking kabuuan.

Tuluyang naglaho ang araw, dahilan upang magdilim ang buong dalampasigan, ngunit sa gitna ng kadiliman ay nangibabaw ang ningas ng liwanag mula sa aming direksyon.

Mula sa akin.

Hindi ko alam kung paano nangyari ngunit ang kahoy na hawak ko ay nagkaroon ng pisi na nagdugtong sa magkabilang dulo nito at naghugis pana. Naramdaman ko ang kakaibang kapangyarihan na dumadaloy rito na tila nais nang lumabas.

Tumingin ako sa kanilang direksyon at nakaawang ang bibig ni Palab-an habang pinagmamasdan ako. Inilagay ko ang aking kanang kamay malapit sa pisi at may hugis-palasong liwanag na kulay pilak ang lumitaw roon.

"Ang ngalan niya'y Urduja," sambit ko habang nakatingin kay Palab-an, "at hindi ko hahayaang mawala ang kanyang liwanag."

Pinakawalan ko ang palaso mula sa aking kamay at dumiretso iyon sa dibdib ni Palab-an. Agad na nawala ang anyo ng aking palaso ngunit kahit walang siyang pisikal na pinsalang natamo mula roon ay alam kong malaki ang naging epekto nito sa loob ng kanyang katawan.

Umangil si Palab-an habang pinipilit na panatilihin ang kanyang tindig at ginamit naman ni Urduja ang pagkakataong iyon upang tapusin ang laban.

"Para sa Kaboloan!" sigaw ni Urduja at marahas niyang ikinampay ang kanyang kampilan sa leeg ni Palab-an.

Bumugso ang dugo mula sa kanyang leeg habang gumulong naman ang kanyang ulo sa paanan ni Urduja. Hinawakan niya iyon at itinaas, kasabay ng isang malakas na pagsigaw. Tila alam naman ng kalangitan ang nararapat na mangyari dahil unti-unting nagpakita ang araw at ito ang naging hudyat ng pagtatapos ng labanan sa dalampasigan.

Naramdaman ko naman ang pagtabi ni Ridge sa akin at gaya ko ay nakatingin din siya kay Urduja habang palapit sa kanya sina Bagim at iba pang mga mandirigma.

"Nag-iba ang itsura mo, Cyrene," sabi niya. "Kung nakita mo lang ang sarili mo kanina, maging ikaw, mamamangha."

Kumunot ang noo ko noong narinig ko 'yon.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Naging puti ang mga mata at buhok mo."

Saglit akong natahimik habang nakatingin sa mga kamay ko at sa kahoy na ngayon ay bumalik na sa dati nitong anyo. Bigla namang pumasok sa isip ko ang narinig kong mga salita noong nakita ko sina Apo Init at Apo Bulan.

Taglay ang dakilang liwanag,
muling magkakaroon ng sinag;
Gabay ang araw at buwan,
lumayag at lumaban.

Napangiti ako. "Hindi puti kundi pilak," bulong ko.

Muli akong tumingin sa aming mga kasamahan at sa unang pagkakataon, buong puso kong tinanggap ang aking tungkulin at kapangyarihan—ang maging babaylan.



***