Lyka's POV Hindi naman ako makapaniwala sa nakikita ko. Ni hindi ko nga alam kung ano ba ang nangyayari pero kasalukuyan din akong umiiyak. Ang sarap sugurin ni James ngayon at kahit best friend ko siya ay gusto kong suntukin ang mukha niya. Sinundan ko kasi kanina si James nang umalis siya dahil parang may hindi tama. Ewan, pakiramdam ko kasi may mangyayaring hindi maganda. At tama nga ako. Nang tumakbo si Mei palabas sa coffee shop ay nagtago agad ako at nakita ko namang sumunod si James. Sinundan ko sila hanggang sa makarating kami sa campus. Mei yelled her frustrations and hearing those words as she cried her heart out was a painful sight. James followed her but he just looked at her from afar. Gustung-gusto ko na siyang puntahan para itulak papunta kay Mei pero ayaw ko namang makialam sa problema nilang dalawa. Dahil baka masira ko pa kung anuman ang gagawin ni James, o kung may gagawin man siya, umalis na lang ako. Tama. Dapat hindi ko sila pangunahan at pakialaman. Bahala siya d’yan. Bahala siyang magparaya o pagpakatorpe. Sinabi ko na sa kanya ang lahat ng pwede kong sabihin tungkol sa ginagawa niya kay Mei. Sana nga lang ay tama ang maging desisyon niya. Bumalik muna ako sa bahay ni James para ipagpatuloy ang pag-aaral. Hay. Finals na nga bukas pero ang dami pang kaganapan sa buhay. Kailangan ko na talagang mag-review. Binuksan ko na ang pinto para makapag-review na pero napatigil ako sa nakita ko. "Bakit ngayon ka lang?" Napasigaw ako nang makita ko si Dylan sa harapan ko at muntik pa akong matumba dahil sa gulat. Tinitigan ko siya at hindi ko alam kung nag-iilusyon lang ba ako o totoo talagang nandito siya. “Ingay,” reklamo niya naman habang nakatakip sa tenga niya at doon ko napatunayan na totoo nga siya. Huminga ako nang malalim para kalmahin ang sarili ko at tinignan ko siya. Kung may sakit ako sa puso ay kanina pa ako namatay dahil sa kanya. "A-ano ba kasing ginagawa..mo rito? Papatayin mo ba ako, ha?" "Bakit, bahay mo ba 'to?" tanong niya kaya napataas ang kilay ko. "Sinabi ko bang bahay ko 'to?" Ang lakas ng loob magtanong, eh siya nga ‘tong nasa loob ng bahay ni James. "May sinabi ba akong sinabi mo?" Huh? "Ewan ko sa'yo. Tabi nga d’yan, mag-aaral pa ako," sabi ko saka ko siya nilagpasan. "Umuwi na tayo." Napatigil naman ako nang marinig ko ‘yon at naramdaman ko ang pagkabog ng puso ko. Pakiramdam ko ay umakyat lahat ng dugo sa mukha ko at hindi rin ako nakagalaw agad sa kinatatayuan ko. "Hoy, anong nangyari sa’yo? Sabi ko uwi na tayo. Iuuwi na kita." Lalong bumilis at lumakas ang tibok ng puso ko nang marinig ko ‘yon. Wala bang filter ang bibig niya? Paano niya nasasabi ‘yan nang hindi man lang nagbabago ang expression? ‘Yong puso ko! "M-mag-re-review pa nga ako," I stammered. "Pwede ka namang magreview sa bahay, ah? Saka ano . . .” Napatingin naman ako nang tumigil siyang magsalita. He was looking at his right side as if he was embarrassed. “Turuan mo rin ako sa Psychology. Wala akong notes noong isang araw, eh." Pagkatapos no’n ay bigla siyang tumingin sa akin kaya ako naman ang nag-iwas ng tingin. Naalala ko kasi bigla ang ginawa niya kanina. "H-hinihintay ko pa si J-James," dahilan ko naman at nakita ko ang pagkunot ng noo niya. "Bakit ba lagi kang nandito? May bahay naman tayo? Doon ka na kasi." Tumigil ang mundo ko nang marinig ko ang sinabi niya. May bahay naman tayo. Tayo. Tayo. Ugh! Lyka, huwag kang magpadala! Nakakainis ‘tong lalaking ‘to. Mamaya lalo lang akong magkagusto sa kanya. Kailangan ko nang pigilan habang maaga pa. Pa-fall ang mokong. Badtrip. "Ano pang tinatayo-tayo mo d’yan? Tara na," bigla niyang sabi at ang alam ko na lang ay naglalakad na kami palayo sa bahay ni James. Hindi ko naman alam kung ano ang dapat kong gawin dahil wala na ako sa sarili. Nakatingin lang ako ro’n . . . . . . sa kamay niya habang hawak ang kamay ko.
Comments
|
chaptersPrologue Chapter 1 Chapter 2 Chapter 3 Chapter 4 Chapter 5 Chapter 6 Chapter 7 Chapter 8 Chapter 9 Chapter 10 Chapter 11 Chapter 12 Chapter 13 Chapter 14 Chapter 15 Chapter 16 Chapter 17 Chapter 18 Chapter 19 Chapter 20 Chapter 21 Chapter 22 Chapter 23 Chapter 24 Chapter 25 Chapter 26 Chapter 27 Chapter 28 Chapter 29 Chapter 30 Chapter 31 Chapter 32 Chapter 33 Chapter 34 Chapter 35 Chapter 36 Chapter 37 Chapter 38 Chapter 39 Epilogue |