4am. Katatapos ko lang mag-impake at excited na akong umuwi. Simula na rin kasi ng sembreak kaya naman makakauwi na rin ako sa wakas. Nami-miss ko na rin ang bahay at si Kuya. Naglabas naman ako ng kumot at kinumutan ko si Dylan na nakatulog na sa lamesa. Tatlong bote ng alak ang nainom niya simula kagabi kaya paniguradong mamaya pa ‘to magigising. Nagluto na lang din ako ng sopas para naman may makain at mainitan ang tiyan niya. Pagkatapos no’n ay nag-iwan na lang ako ng note at saka tuluyang umalis. Ayaw ko na nang ganitong pakiramdam. Gusto kong ibalik ‘yong dating ako at mangyayari lang ‘yon kung aalis ako sa unit na ‘to . . . malayo sa kanya. Kahit isang sem lang kaming nagsama ay ang daming nangyari at hindi ko rin inasahan na magkakagusto ako sa kanya. Dapat kasi, simula pa lang, hindi ko na siya hinayaang makituloy rito. Eh ‘di sana, tahimik pa rin ang mundo ko ngayon. Sana, masaya ako ngayon. Bumalik naman ako sa pwesto ni Dylan at tinitigan siya habang tulog. Ilang beses ko nang nakita ang mukha niya kapag natutulog pero ngayon lang naging ganito kalungkot ang expression niya. “Last naman na ‘to, eh,” bulong ko habang nakangiti sa kanya. “Sorry. Sana maging masaya ka rin,” I said and I kissed his cheek. Nagmadali ako sa paglalakad dahil baka magbago pa ang isip ko. Pagdating ko sa labas ay agad akong sumakay ng jeep papunta sa terminal ng bus. Itutulog ko na lang ang lahat ng ‘to sa biyahe. *** “Kuya! Nandito na ako!” sigaw ko at niyakap ko naman siya nang mahigpit. Mukhang nagulat siya dahil hindi naman ako ganito ka-clingy sa kanya pero kailangan ko talaga ng mahigpit na yakap ngayon. Hindi naman siya umimik pero alam kong napansin niyang kakaiba ang kilos ko ngayon. “Nasaan na ang pasalubong?” tanong niya at thankful ako dahil hindi siya nagtanong kung anuman ang problema ko. “Oops. Nakalimutan ko,” sagot ko at tumakbo ako papuntang kwarto pero aba naabutan ako ng loko! “Kuya kasi, labas na!” “Pasalubong muna.” “Wala nga kasi! Nakalimutan ko!” “Sus, mga dahilan mo.” Dahil hindi ko na siya mapaalis sa kwarto ay umupo na lang kami pareho sa kama at bigla namang naging seryoso ang atmosphere sa pagitan namin. “Sabi ni James, nawala ka raw.” Nagulat naman ako sa sinabi niya dahil hindi ko alam na may contact sila ni James. “Teka, nag-uusap kayo ni James?!” “Ay, hindi. Kaya nga alam ko, eh,” sagot niya pa kaya sinamaan ko siya ng tingin. Jusko, may tigasumbong pala ako kay Kuya! Kainis na James ‘yon. “Bakit? Itatanong ko ba ang bigo mong love life kung hindi ko alam?” Bull’s eye. Badtrip. “Ewan ko sa’yo. Shoo!” sabay taboy ko sa kanya. “Labas na Adrian! Hindi kita kailangan dito.” “Kawawa naman ang batang ‘to, brokenhearted,” pang-aasar niya kaya tinulak ko siya nang malakas. “Gusto mong ma-arm throw?” pananakot ko dahil hindi siya marunong mag-judo at mas malakas ako pagdating sa techniques kaya para siyang nakakita ng multo sa sinabi ko. “Joke lang naman kasi. Kawawa naman ang baby, sino ba ‘yang hinayupak na lalaking ‘yan ha? Tara, resbakan natin. Magdadala ako ng walis tambo.” “Walis tingting para mas masakit,” sakay ko naman. “Anong gagawin ko ro’n? Sasakyan? Ano ako, si Harry Potter?” “Wow, ang layo ng Harry Potter, Kuya ha?” “Sabagay, mas gwapo ako ro’n,” sabay hawak niya pa sa mukha niya kaya napailing na lang ako at parang gusto kong masuka. “Yuck. Baka si Voldemort kamukha mo, walang ilong.” “Excuse me? Mas flat ang ilong mo kaysa sa akin.” Hindi ko na alam kung saan napunta ang usapan namin basta ang sumunod na nangyari ay nagbugbugan na kami sa kwarto ko. Kahit na hindi niya sabihin ay alam ko namang gusto lang akong patawanin ni Kuya at nagpapasalamat ako dahil nandyan siya para sa akin. Kahit lagi kaming nagbabangayan at nag-aaway, alam kong kakampi ko pa rin siya. *** Dylan’s POV Damn. Ang sakit ng ulo ko. Pagdilat ko ng mga mata ko ay saglit akong nahilo at pagtayo ko ay may nalaglag na kung ano sa likod ko. Kumot lang pala . . . huh. It must be her. Naghilamos muna ako dahil sobrang sakit ng mata at uli ko. Ni hindi ko nga maalala kung ano ang nangyari kagabi. Ang huling natatandaan ko ay dumating si Lyka sa unit at pagkatapos no’n, wala nang nagre-register sa utak ko. Pumunta ako sa kwarto para tanungin siya kung ano ang nangyari at kung saan ba siya pumunta kahapon pero napatigil ako dahil walang tao ro’n. Teka, ‘di ba umuwi siya kagabi? Nasaan siya? Pumunta ako sa side niya at wala na ang mga gamit niya ro’n. Mukhang umalis na siya. Hindi man lang ako ginising. Paalis na sana ako ro’n pero may nakita akong nakadikit sa pader kasama ang post-its niya dati. Binasa ko ulit ang mga ‘yon pero hindi ko naman masyadong maintindihan dahil puro phrases lang ang nakasulat. Kinuha ko ang bagong papel na nakadikit do’n at umupo sa kama niya. Paniguradong wala na ako kapag nabasa mo ‘to, panimula ng sulat. Tss. Talagang pinaghandaan niya ‘to ha? First of all, thank you sa lahat. Joke lang pala, naiinis pala ako sa’yo simula noong una kitang makita hanggang ngayon. Naalala mo pa ba ‘yon? ‘Yong nagtanong ako sa’yo kung nasaan ang Math Building? Ang sagot mo sa akin, “Bakit ko sasabihin? Makinig ka kasi.” Nainis talaga ako sa’yo no’n. Alam mo bang nag-ipon pa ako ng lakas ng loob para magtanong dahil hindi ko kayang makipag-usap sa ibang tao? At noong nakabasag ako ng alak? That was my worst nightmare! Dahil doon, nakasama kita sa iisang bubong. Sa loob ng four months na magkasama tayo sa iisang bahay, ang daming nangyari. ‘Di ba nga dapat one month lang ‘yon? Actually, nakalimutan ko talaga na one month lang dapat ‘yon at noong naalala ko ay hindi ko na rin pinansin. Nasanay na kasi ako sa presence mo. ‘Yong lagi kang nandiyan kapag umuuwi ako o kaya hihintayin kita kapag wala ka pa. Alam mo kasi ako, loner ako simula noong high school. Wala akong ibang kinakausap dahil sa pagkamatay ng parents ko at natuwa ako dahil kahit papaano, nagawa mo akong pagtiyagaan kahit sinusungitan kita lagi. Pero hindi ko akalain, na sa loob lang ng maiksing panahon, ay magbabago ang paningin ko sa’yo . . . na magkakagusto ako sa’yo. Siguro, magugulat ka kapag nabasa mo ‘to. Oo Dylan, totoo. Nasabi ko na nga ‘yon sayo kagabi, eh. Pero alam kong hindi mo ‘yon maaalala kasi kahit lasing ka ay si Mei pa rin ang laman ng utak at puso mo. Hindi ko nga rin alam kung bakit ako na-inlove sa’yo, eh. Ang sungit-sungit mo sa akin, lagi mo akong inaaway, at may mahal ka nang iba. Weird din dahil kahit anong sabi ko sa sarili ko na huwag, nahulog pa rin ako. Pero kasalanan ko rin naman dahil hindi ko pinigilan ang sarili ko. Pero ikaw, bakit kasi pa-fall ka? Bakit ang manhid mo? Umiiwas na nga ako sa’yo, lapit ka pa rin nang lapit. Umasa tuloy ako. Umasa na kahit papaano, pareho tayo ng nararamdaman. Alam mo ba noong nasa airport tayo, mas nasaktan ako kaysa sa’yo? Doon ko kasi nareaalize na ang tanga-tanga ko para gawin ‘yon. Halos ipagsigawan mo sa akin na mahal na mahal mo si Mei. Actually kagabi rin. Sabi ka nang sabi na mahal na mahal mo si Mei. Hindi mo ba alam kung gaano ‘yon kasakit habang sinasabi mo ang mga salitang ‘yon sa harapan ko? Hindi ko na alam kung paano ko ipapakita sa’yo na nasasaktan ako sa bawat kilos mo. Siguro nga nagkamali ako. Mali ang oras. Mali ang tao. Mali ang pakiramdam. Kaya heto, nasaktan ako. But it’s okay, at least I’ve learned a lesson from you. Goodbye, Dylan. Thank you for all the good memories. Kahit four months lang tayong nagkasama, naging masaya naman ako. Sana, maging masaya ka na rin. Lyka Pagkatapos kong basahin ‘yon, nagtuluy-tuloy ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ko.
Comments
|
chaptersPrologue Chapter 1 Chapter 2 Chapter 3 Chapter 4 Chapter 5 Chapter 6 Chapter 7 Chapter 8 Chapter 9 Chapter 10 Chapter 11 Chapter 12 Chapter 13 Chapter 14 Chapter 15 Chapter 16 Chapter 17 Chapter 18 Chapter 19 Chapter 20 Chapter 21 Chapter 22 Chapter 23 Chapter 24 Chapter 25 Chapter 26 Chapter 27 Chapter 28 Chapter 29 Chapter 30 Chapter 31 Chapter 32 Chapter 33 Chapter 34 Chapter 35 Chapter 36 Chapter 37 Chapter 38 Chapter 39 Epilogue |